Boris’ POV
Nakaupo ako sa labas ng bahay ko nang bumungad si Tita Tarsy. Sa malayo pa lang, kita ko na ang pag-aalala sa mukha niya, habang dala-dala siyang pagkain. Hindi ako agad nakapagsalita. Ramdam ko pa rin ang hapdi sa sugat sa labi ko at ang kirot ng namamagang pisngi.
“Boris, ano ‘yang nangyari sa mukha mo?” Lumuhod siya sa harapan ko at hinawakan ang baba ko habang pinipilit tingnan nang mas mabuti ang mukha ko.
“Wala ‘to, Tita Tarsy,” nagawa ko pang ngumiti kahit masakit. “Naaksidente lang.”
Pero alam ko, hindi basta papayag si Tita Tarsy sa ganoong sagot. Tinignan niya ako nang matalim, parang ini-scan ang bawat galos at bawat pasa sa mukha ko. “Hindi ‘yan aksidente, Boris. Huwag mo kong lokohin,” sabi niya na may bahid ng galit sa boses niya.
Bumuntong-hininga ako. Hindi ko na kasi kayang magsinungaling. “May nangyaring gulo lang sa trabaho, Tita,” pag-aamin ko. Alam ko, hindi ko siya maloloko. Parang nanay ko na rin siya kaya hindi ko rin kayang magsinungaling. Matagal na niya akong kilala, mula nung nandito pa si Grigori at Ate Tati ay alam niya kapag hindi ako nagsasabi ng totoo.
“Kaninong trabaho ‘yan?” tanong niya ngunit halata na alam na niya ang sagot. “’Yung bago mo kay Tanya?”
Tumango ako. “Opo.”
Nag-angat siya ng kilay. “Ano’ng ginawa nila sa ‘yo? Sabihin mo na, huwag mo nang pahirapan ang sarili mo sa pagtatago ng totoo.”
Napahinga ako nang malalim bago nagsalita. “Tita, hindi si Tanya ‘yung may kasalanan, ha? Mga kaibigan niya. Lasing sila kagabi. Niloko-loko lang ako, pero hindi naman seryoso—”
“Hindi seryoso? Eh ano ‘tong mukha mo?” Malakas ang tono nang pananalita ni Tita. Kinuha niya ang braso ko at hinila ako papasok ng bahay. “Halika, gagamutin kita. Ano ka ba namang bata ka kasi!”
Pagkapasok namin sa loob ng bahay ko ay agad siyang kumuha ng bulak at alcohol mula sa kabinet. Hindi ko na siya napigilan nang simulan niyang linisin ang mga sugat sa mukha ko. Habang pinipiga niya ang bulak sa sugat ko, ramdam ko ang kirot, pero mas malakas ang pakiramdam ng hiya. Matanda na ako, pero heto’t ginagamot pa rin ako ni Tita Tarsy na parang bata.
“Paano ka napasama sa ganiyang trabaho?” galit niyang tanong habang banayad na nililinis ang sugat ko. “Bakit hindi mo na lang iwanan ‘yang Tanya na ‘yan? Hindi ka pinoprotektahan!”
“Hindi naman po, Tita,” sagot ko. “Nag-sorry naman si Tanya sa akin nung nalaman niya. Saka… kailangan ko po talaga ‘tong trabaho.”
Tumigil siya saglit sa paglinis ng sugat ko at tumingin nang diretso sa akin. “Trabaho? Eh kung patayin ka ng mga ‘yan, trabaho pa rin ba?”
Napalunok ako. “Hindi naman po mauulit ‘yon. Nag-sorry na po talaga si Tanya. Saka, kailangan ko po talagang magtrabaho. Ang dami ko pong bayarin. Hindi ko puwedeng basta-basta iwan ang trabahong ‘to.”
Huminga siya nang malalim at muling binalikan ang sugat ko. “Boris, bata ka pa. Huwag mong hayaang tapakan ka ng mga mayayamang ‘yan. Magtrabaho ka sa tama, hindi ‘yung parang alila ka lang nila. Hindi sa lahat ng pagkakataon, makukuha mo ang respeto ng tao kung patuloy kang magpapaka-api.”
Hindi ako makapagsalita. Naiintindihan ko si Tita, alam kong tama siya, pero sa isang banda, kailangan ko talagang ituloy ang trabaho na ‘to. May mga pangarap ako at hindi ko kayang bitawan basta-basta ang pagkakataong ito. Oo, may mga hindi magagandang nangyayari, pero naayos naman lahat, hindi ba?
“Tsaka, Boris, ano’ng klaseng mga kaibigan ‘yan?” patuloy niya. “Sabi mo, kaibigan ni Tanya, pero ni hindi ka man lang kinilala bago ka nila binastos. Kung ako sayo, iwanan mo na ‘yan.”
“Napag-usapan na po namin ni Tanya. Ayos na po ‘yon,” sabi ko habang pilit na ipinagtatanggol ang amo ko. “Hindi niya rin po gusto ‘yung nangyari, kaya siya rin ang nagsabi na hindi na mauulit.”
Tumayo si Tita at ibinalik ang mga gamit sa kabinet. “Eh ‘yung mga kaibigan niya? Nag-sorry rin ba?”
Tumitig ako sa sahig. “Hindi po, pero… wala na rin po ‘yon. Tapos na.”
“’Yon nga ang problema, Boris. Hindi ka nila nirerespeto. Hindi dapat ganyan ang pagtrato sayo, lalo na’t nagtatrabaho ka ng maayos.” Tumaas ang boses ni Tita, hindi para sa akin, kundi para sa galit na nararamdaman niya para sa mga taong nanakit sa akin.
“Alam ko po, Tita. Pero… wala na po sa akin ‘yon. Tapos na,” ulit ko habang sinusubukang itigil ang usapan.
Umupo si Tita Tarsy sa tabi ko at napabuntong-hininga. Nakatingin lang siya sa malayo, habang ako naman, tahimik lang na hinihintay siyang magsalita ulit. Sa totoo lang, naawa ako sa kanya. Siya ang laging nag-aalala para sa akin at parang hindi ko kayang ipakita sa kanya na kaya ko nang alagaan ang sarili ko.
“Boris,” sabi niya sa mas mahinang boses, “huwag kang masyadong magtiwala sa mga mayayaman na ‘yan. Ang dali nilang makalimot kapag hindi ka na nila kailangan.”
Hindi ako makasagot. Gusto kong sabihin sa kanya na iba si Tanya, pero natatakot din akong baka nga tama siya. Matagal ko nang alam na iba ang mundo ni Tanya at ng mga kaibigan niya, at ako? Isa lang akong tauhan sa buhay nila.
Tumayo si Tita mula sa pagkakaupo at muling tumingin sa akin. “Kung sa tingin mo, ayos na ang lahat, hindi na kita pipilitin. Pero sana, pag-isipan mong mabuti ang mga desisyon mo.”
Tumango ako, pero sa loob ko, may bumibigat tuloy. Hindi ko alam kung hanggang kailan ko kayang ipagtanggol ang sarili ko sa mga ganitong sitwasyon. Pero sa ngayon, kailangan kong magpatuloy. Kailangan ko ang trabahong ito.
“Mag-ingat ka, Boris. Ayoko nang makita kang sugatan ulit,” sabi ni Tita habang papalabas siya ng pinto. “Kung kailangan mo ng tulong, nandito lang ako.”
Hindi ko napigilan ang sarili ko. Tumayo ako at niyakap siya nang mahigpit. “Salamat po, Tita.”
Nang bumitaw kami sa pagkakayakap, nginitian niya ako. “Alagaan mo ang sarili mo. Hindi kita mapipilit, pero sana, alalahanin mo ang sinabi ko.”
Tumango ako muli. “Opo.”
Pag-alis ni Tita Tarsy, natagpuan ko ang sarili kong nakaupo muli sa upuan. Muling bumalik sa isip ko ang mga nangyari sa trabaho. ‘Yung mga ngiti ng mga kaibigan ni Tanya habang tinutulak-tulak ako. Wala akong magawa kundi manahimik, sapagkat alam kong wala akong laban.
Pero sa kabila ng lahat, iba ang pakiramdam ko kay Tanya. Totoo ang paghingi niya ng tawad at nakita ko sa mga mata niya na hindi siya tulad ng mga kaibigan niya. May respeto siya sa akin. At sa ngayon, iyon ang pinanghahawakan ko.
Muli kong ipinikit ang mga mata. Alam kong hindi pa tapos ang mga pagsubok, pero handa akong harapin ang mga ito para sa kinabukasan ko. Puro pagsubok man ang dumaraan sa buhay ko, pero alam kong darating din ang mga araw na magiging kagaya ko na si Grigori. Mayaman at may sarili ng pamilya. Iyon talaga ang pinaka-goal ko ngayon sa buhay ko.