Alyas Pogi
AiTenshi
May 21, 2017
Part 4
Dumating ang araw ng Biyernes, katulad ng napag usapan ay gaganapin mamayang gabi ang aming double date. Alam ko naman na ang layon lang ng date na iyon ay pikunin ako at patunayan na imbento lang ang tungkol sa pag kakaroon ko ng gwapong manliligaw, bagamat ang totoo noon ay imbento nga lang naman at wala itong katotohanan. Sumang-ayon lang naman kami ni Yani sa hamon na iyon upang ipakita na hindi ako bitter at wala akong hinanakit sa pang aagaw ni Andy sa aking kasintahan na si Vince.
Noong araw na iyon ay mag hapon akong tulala at wala sa sarili. Madalas tuloy akong napapagalitan ng aming guro dahil ang aking isipan ay lumilipad sa kawalan. Paano ba naman kasi ay nangangamba ako na baka pumalpak ang plano at ang lahat ng effort namin ni Yani ay mauwi sa wala. At saka baka iscamin pa ako ni Bogs sayang lang ang pera ko pag nag kataon.
"Chillax ka lang frend. Naka usap ko na si Papa Bogs, ibinigay ko na rin yung polong gagamitin niya mamaya." ang wika ni Yani.
"Oh ano naman sabi niya?" tanong ko.
"Eh wala, tiningnan yung tag price ng damit at pag katapos ay isinampay ito sa kanyang balikat." ang kwento ni Yani.
"Tapos?"
"Yun lang, nang hingi pa nga sakin ng pambili ng softdrinks eh."
"Binigyan mo naman?"
"Oo, gwapo eh. Kahit hindi siya mang hingi ay mag bibigay ako noh. Yung titig niya ay nakaka lusaw talaga. Kahit nga katawan ko ay ibibigay ko kung kanyang hihilingin." wika ni Yani.
"Gago, malandi ka rin eh. Basta siguraduhin mo lang na pupunta siya ha. Baka maya maya ay hindi siya sumipot at mapahiya ako." ang paalala ko.
"Sisipot iyon, umorder na rin ako ng isang kumpol na red roses na ibibigay nya sa iyo. At syempre lahat ng iyon ay gastos mo, so eto ang bill. Need mong mag bayad bukas dahil pondo ng P.E club ang ginamit ko." wika niya sabay abot ng dalawang resibo para sa damit na gagamitin ni Bogs at sa bulalak.
"Yung damit na binili mo kay Bogs ay nag kakahalaga ng 1,200 pesos? At yung bulaklak ay 1,960 pesos? Tang ina, anong akala niyo sa akin nag tatae ng pera? Bawiin mo yung polo pag katapos niyang gamitin mamaya." galit kong salita.
"Ayy wititit na frend, ang sabi ko kasi ay sa kanya na iyon. Pinabibigay mo, oh diba naka credit pa rin talaga sa iyo. Saka sa gwapo ni Papa Bogs ay deserve na deserve niya iyon." kinikilig na wika nito.
"Sa gwapo niyang iyon kahit pag suotin siya ng tig 50 pesos na tshirt ay babagay kung marunong siyang mag dala. Lalo lang sumakit ang ulo ko, basta bahala kana mamaya. Kapalan nalang ng mukha ito." ang wika ko sabay sakay sa jeep. "Goodluck sa iyo frend." pahabol nito habang kumakaway.
Kinagabihan..
Alas 7 ng gabi noong mag tungo ako sa usapang kainan upang umatend ng double date. Pag dating ko doon ay naabutan ko nga sina Andy at Vince na mag katabi sa silya. Naka couple shirt pa ang dalawa na tipong pinag kakalandakan sa buong mundo na mag shota sila. Noong makita ko ang mukha ni Vince ay talagang nais ko na siyang sampalin ng padakot hanggang sa mabura ang kanyang mukha. Isama mo itong si Andy na parang sawa kung lumingkis. Nakaka gigil man ay mas pinilit kong mag relax.
"Hi, teka. Nasaan yung date mo?" ang tanong agad ni Andy.
"Ah papunta na siya. Hanggang alas 7 kasi ang klase nila kaya't hindi ko na siya hinintay." ang naka ngiti kong sagot bagamat binabalot ng kaba ang aking dibdib dahil baka hindi dumating ang mokong sa usapan.
"Ganoon ba, ayos lang iyon. Ang akala nga namin ni Love ay hindi kami aabot dito ng 7pm. Alam mo na nag love making pa kami kanina." ang malanding tugon ni Andy sabay akbay kay Vince.
"Ahh love making. Unang naging akin iyang jowa mo kaya madalas rin kaming mag love making. Pero lahat ng iyon ay bangungot nalang lalo't sumasagi sa aking isipan na noong nag tataksil siya sa akin at nag pupunta sa iyo para makipag s*x at pag katapos ay uuwi siya sa akin para makipag s*x din, kadiri lang na parang nakikipag love making din ako sayo. Yuck noh?" ang pang aasar ko.
"Yuck nga kung naiisip kong makikipag s*x ako sayo. Baka pareho lang tayo tumuwad at walang mangyari sa atin. Saka alam ko naman na mas mahusay ako dahil ako ang pinili niya sa huli. True love wins." tugon ni Andy.
"Hindi ka daw kasi choosy. Kahit na ang butong nilawayan na ng iba ay kinakagat mo pa. Ang tapang din talaga ng sikmura mo no? Pang world record." pang aasar ko dahilan para mamula ito.
"Atleast hindi ako loser. Ako pa rin ang nag wagi. Kaya tingnan mo ako ngayon, fresh, blooming at hindi haggard." sagot ni Andy.
Natawa si Vince ngunit pinag papawisan na ito. "Cheer tayo guys!" ang naka ngiti niyang hirit.
At habang nasa ganoong posisyon kami ay siya namang pag dating Bogs. Suot ang itim na polo at hawak ang isang kumpol na pulang rosas. Parang nag slow motion ang pang yayari sa kanyang pag lalakad. Nabitiwan pa ni Andy ang tinidor niyang hawak at si Vince naman ay napanganga nalang dahil kapwa sila hindi makapaniwala. "Ano kayo ngayon?" ang bulong ko sa aking sarili na wari'y nabuhayan ng loob.
Sa gilid naman ay nakita ko si Yani na naka thumbs up at tawa ng tawa habang naka tabing ang mukha sa menu.
Lumapit sa akin si Bogs at ngumiti. Iniabot niya ang bulaklak at nag wika. "Sorry late ako. Kanina pa kayo?" tanong niya.
"Ayos lang. Nga pala, mga kaibigan ko. Si Andy ang ahas kong frend at si Vince naman ang ex kong sunga." ang pakilala ko.
Natawa si Bogs at kumamay sa dalawa. "Kamusta mga pare. Pasensya na nalate ako." ang wika niya.
Naka tulala pa rin ang dalawa at parang hindi makapaniwala sa kanilang nakikita. Siguro ay nag tataka sila kung saan ko nabingwit ang lalaking ito na parang isang santong modelo na bumaba sa lupa at nag sabog ng nakaka demonyong kagwapuhan.
"Paano naman kayo nag kakilala nitong si Jom? Im sure may money na involve dito." ang tanong ni Vince.
"Wala pare. Seryoso ako dito kay Jom. Buti nga niloko mo siya. Masaya tuloy ako dahil nasa akin na siya." ang naka ngiting wika ni Bogs. Dahilan para mapatingin ako sa kanya. "Tangina, napaka sweet ng mokong parang totoo." ang sigaw ko sa aking sarili.
"May mga bagay lang talaga na hindi meant to be pare. Paano nga ba kayo nag ka kilala?" ang tanong ni Vince.
Napaubo si Bogs at napatingin sa akin. Para bang sinasabi niya na wala siyang alam. "Ah lumapit siya sa akin at doon kami nag simulang mag kakilala." sagot ni Bogs.
“Oh at si Jom ang lumapit sayo? Parang desperado ganoon ba? Poor Jom." sabad ni Andy.
Natawa ako ng malakas at tinapik ang balikat ni Bogs. "Lumapit ako sa kanya dahil nais ko siya alukin na sumali sa math club. diba?" ang naka ngiti kong salita.
"Ah oo, tapos ay hindi na niya ako tinigilan." dugtong ni Bogs.
"Ang ibig niyang sabihin ay hindi ko talaga siya tinitigilan hanggang hindi siya nagiging member. Haha diba?" pag lilinaw ko habang pinag papawisan ng malamig.
Natawa rin si Bogs at umakbay sa akin. "At hindi ko rin siya tinigilan, nanligaw ako sa kanya at sinagot nga nya ako. Dun nag simula ang lahat. Diba tol?" ang salaysay ni Bogs.
"Ang sweet naman pala. Pero bakit "Tol" ang tawagan niyo? Parang kaswal lang at walang sweetness hano?" pag tataka ni Andy. "Kami kasi ni Vince ay “Love” ang tawagan namin. Kayo ba? "tol" lang talaga? Ganoon?"
Natawa ako ulit at napatingin kay Bogs. "Hahaha. Nasanay kasi siya na "Tol" ang tawag sa akin pag nasa labas kami. Alam mo na parang mag kapatid lang. Ang tawagan talaga namin ay ano.. ayy.." ang wika ko habang nag iisip at doon ay nga may nakita akong kalabasang disenyo sa gilid ng kainan na animo karwahe ni Cinderella."PUMPKIN! pumpkin ang tawagan namin." dagdag ko.
Natawa rin si Bogs. "Oo nga pala, pumpkin, ang sweet diba. Pumpkin? I love you Pumpkin.." ang wika nito habang nakatawa bagamat nangingiwi na ng palihim.
“I love you, too.. Pumpkin ko.” ang wika ko sabay palupot sa kanyang bilugang braso.
"Wow, sweet nga talaga. Kung kayo talaga ay mag halikan nga kayo. Yung parang ganito." wika ni Vince na parang nakaka halata na sa aming pag papanggap.
Maya maya nag lapit ang mukha nila ni Andy at walang kiyemeng nag halikan sa aming harapan. Talagang torrid kiss at may dila pang kasama ang kanilang halik na parang nasa p**n.
"Dila sa dila at laway sa laway talaga? Saka bakit dito?" tanong ko naman habang kinakabahan.
"Anong problema? Wala namang tao dito sa paligid. Kung talagang mag kasintahan kayo ay mag hahalikan kayong dalawa katulad ng ginawa namin. Pwera nalang kung talagang niloloko nyo kami at palabas nyo lang ang lahat ng ito." wika ni Andy.
Naubo nalang ako habang naka tingin kay Bogs, lalo lamang lumala ang sitwasyon. "Halik lang ba? Walang problema." ang naka ngising tugon ni Bogs sabay hawak sa aking baba at doon ay mabilis nya akong sinunggaban ng halik sa labi.
Napa pikit nalang ako sa lambot ng kanyang labi at init ng kanyang hininga. Noong mga sandaling iyon ay parang huminto ang mundo sa aming dalawa. Ang lahat ay naging suspended animation habang patuloy na mag kasugpong ang aming mga nguso.
Hindi ko alam kung ilang sandali kami sa ganoong halikan basta't parang nadala ako na hindi ko mawari dahil biglang lumakas ang t***k ng aking puso na para bang lalabas ito sa aking dibdib. At noong mga sandali din iyon ay inamin ko sa aking sarili na ang halik ni Bogs ang pinaka masarap na halik na natikman ko sa aking buhay.
itutuloy..