Kabanata 2
Gabi na nang nagising ako, hindi ko namalayan ang oras. Laking gulat ko na lang sa pagbukas ng aking silid, imbes na ang salas ang una kong makikita, isang matarik na bangin ang bumungad sa akin, dahil sa kaba, agaran kong naisara ang pinto, napahawak sa may puso at dinadama ang lakas ng t***k nito. Tanging pagkabog ng puso ko ang sumakop sa buong pandinig ko, napaupo na lang ako at napasandal sa likod nitong pintuan. Bakit ganoon ang nasa labas? Baka namamalikmata lang ako dahil sa kagigising ko nga lang.
Marahan akong tumayo at kinusot-kusot muna ang aking mga mata, hawak ko na ang siradora nito, pero kasabay ng pagpihit ko’y ang pagpikit ko naman ng mahigpit sa aking dalawang mata. Ewan ko ba kung bakit ko naman ginawa iyon.
Biglaan kong binuksan ang pinto, mas lalo akong inatake ng takot nang sa pagdilat at pag bukas ko ng pinto, isang baboy ramo na itim ang sumalubong at nakatingin sa akin, nanlilisik ang mga mata nito at nakahanda nang umamba sa akin, nang itinutok ko ang aking dalawang kamay sa baboy ramo nang dahil sa sobrang takot.
Hindi ako makapaniwala sa kasunod na nangyari, isang maliwanag na bagay ang biglang lumabas sa aking mga kamay, iyon ang naging rason kung bakit nawala ang baboy ramo na kaninang naghahamok. Nanghihina ang buong katawan ko habang nakaupo pa rin sa sahig, marahang tinignan at sinuri ang aking mga kamay, pinalakpak pa ito’t pinaglapat dahil sa bilis ng pangyayari.
Kailan lang ako nagkaroon ng ganito? Imposible!
Habang abala ako sa pagsusuri ng kamay ko, nag-iba na naman ang tanawin sa labas, nasa isang mayabong na kagubatan ako, sobrang kapal ng hamog na nakapalibot sa paligid. Dahandahan naman akong tumayo, hindi ko alam kung bakit ako lumabas ng silid. At kanina pa ako nagtatanong kung nasaan ako.
Sa pag-apak ko pa lang sa labas ay nag-iba na naman ang paligid. Laking-gulat ko na naman ulit nang pamilyar ang lugar kung ano itong bumungad sa akin, wala akong pagdadalawang-isip na lumabas, dahil nga nandito ako sa aming paaralan, ang pangalan nitong academy ang una kong nabasa sa labas ng gate, El Federico Academy. Ano baa ng nangyayari?
Napapalayo na ako ng ilang metro sa pintuan ng aking nilabasang silid kanina ng aking apartment, panay lamang ang tingin ko sa paligid, wala pang gaanong estudyante, sa puntong ito, umaga pala rito, hindi ko alam kung bakit ako dinadala ng aking mga paa sa silid namin, may nakasalubong na akong mga guro sa hallway, habang nagsidatingan na nga ang ibang estudyante, sa pagkakakaalam ko ay mga late comers.
Kaya pala wala akong nakikitang mga estudyante dahil sa nagsisimula na pala ang klase. Pumasok ako ng silid namin, nagtataka ako dahil wala man lang niisa sa kanila ang nakapansin sa pagpasok ko.
“Hello, ma’am? Hello, classmate.” Bati ko sa kanila, pero walang sumagot sa mismong pagbati ko, panay lang sila yuko at nagsusulat, nang napako ang mga mata ko sa pinakadulong parte ng aking inuupuan, literal na bagsak ang bagang ko sa nakitang mistulang kakambal. Bakit ako nakaupo roon? Kung nandito nga naman ako? Nakakalito na talaga.
“Deeve, pakopya naman ng number three.”
“Baka mahuli tayo ni ma’am.”
“Ang sabihin mo, ang damot mo. Akin na nga iyang papel mo!”
“Ibalik mo sa akin iyan, isusumbong talaga kita kay ma’am.”
“Ano ka bata? Magsusumbong pa sa guro, e ‘di magsumbong ka! Kung kaya mo!” kinutusan nito ang kamukha ko, wala namang nagawa ang kamukha ko at napayuko na lang. Imbes na ibalik nito ng maayos ang papel. Nilukot pa nito at itinapon sa mukha niya. Naiinis ako, ngayon ko lang naintindihan kung bakit ako nandito kahit na nakikita ko naman ang sarili ko na nakaupo sa banda roon.
Itinutok ko sa kanya ang aking palad, ginaya ko ang ginawa ko kanina sa baboy ramo, pero sa pagkakataong ito, kinabahan ako bigla nang lahat sila ay nakatingin sa akin saka nag-iba lahat ang kanilang mga hitsura, para silang mga sinapian ng itim na hangin at ginaya nila kung ano ang ginagawa ko ngayon, nagliwanag na lang ang buong paligid nang dahil sa may nabubuong liwanag sa kanilang mga kamay, magkahalintulad sa kaninang lumabas sa aking kamay.
Gusto ko sanang gawin iyon, pero walang lumalabas sa aking kamay, bakit ngayon pa? Bakit ngayon pang kailangan ko ay hindi ko alam kung paano ilalabas ang lintik na liwanag na iyon.
Hulin na nang gustuhin kong lumabas ng silid, dahil nabitiwan na nila lahat ang kanilang kapangyarihan papunta sa akin, pinag-ekis ko ang aking dalawang braso kahit na imposibleng hindi ako matamaan, hinintay kong dumapo sa akin ang lahat ng mga pinukol nilang mahika sabay pikit, ilang minutong pag-ekis ko ng braso, pero wala akong naramdaman na sakit, pero ang bigat-bigat ng pakiramdam ko sa mismong braso ng aking kamay.
Naihagis ko ang aking mga natipong mahika nila dahil sa gulat nang may pananggalang pala sa mga braso ko, saan galing ang shield na ito?
Nagiba ang ibang parte ng paaralan nang sa iba’t ibang bahagi ng silid dumapo ang mga kapangyarihan nila. Tumatakbo na ako palabas ng silid, dahil nga hindi ko na naiintindihan ang mga pangyayari. Gusto ko lang naman sanang bigyan ng leksyon ang mga nam-bully sa akin.
Takbo pa rin ako nang takbo, pero kahit anong gawin kong pagtakbo, parang mas lumalayo nang lumalayo ang bukana ng silid ng aking kwarto. Sh*t!
Hindi ko ugaling magmura, pero sa oras na ito, nalilito na ako sa mga nangyayari. Anong klaseng lugar ba itong napuntahan ko at bakit ako may ganitong kakayahan? Bakit mas lalo pang lumalayo ang pintuan.
“Deeve! Hindi ka na makakatakas sa amin, bumalik ka na rito. Tama lang sa iyo ang ma-bully dahil mahina kang klase ng nilalang, ang dapat sa iyo, binubura sa mundo!” naglikom na naman ito ng asul na liwanag sa kanyang kamay. Naalala ko sa kapangyarihang ito ang palabas na Dragon Ball Z, pero hindi ako dapat na mag-isip ng mga ganoong bagay ngayon, dapat hindi ako magpaapi, tama na ang pang-aapi nila.
“Hindi na ako natatakot sa inyo! Kung gusto niyo akong kalabanin, pwes! Ibibigay ko sa inyo ang gusto niyo.” Hamon ko sa kanila pabalik.
Naninibago ako sa sarili dahil sa hindi ako nakaramdam ngayon ng panghihina ng loob, may lakas akong lumaban, sana hindi na ako maging mahina.
Ayaw ko ng maging mahina!
“Deeve!”
“Deeve!”
“Dee---.”
Marahan kong naimulat ang mga mata ko, tumambad sa akin ang mukha ni mama na nasa aking harapan ngayon, nakahiga ako kanina nang napabangon na lang ako dahil nga san a-realize kong panaginip na naman pala iyon.
Pero nagtaka ako nang nasa kandungan ko ngayon ang aking laptop, saka naka-open na naman sa MS Word.
“Ma, ikaw ba ang naglagay nitong laptop sa aking kandungan?”
“Ha? Hindi, kararating ko nga lang, e. Kamusta ka naman dito?”
“Talaga po, hmm….okay, I mean okay lang ako, ma.”
Ang weird, panaginip na naman pala iyon. Ano ba itong nangyayari sa akin ngayon, kailangan ko na atang magpahinga muna kahit isang araw sa pagsusulat nitong Fantasy novel ko, nadadala kasi ako ng mga sinusulat ko, pero wala talaga akong maaalalang nagsulat ako kanina. Nakakunot pa rin hanggang ngayon ang aking noo sa lalim ng aking iniisip. Shocks!