Kabanata 15
Nakapang-indian lang ako ng upo, habang nakikinig kay Aztar sa kaniyang mga kwento.
“Ipinagtataka ko lang kung paano ako napunta sa lugar na ito. Kasi wala talaga akong kaide-ideya sa totoong dahilan kung anong ginagawa ko rito.” Tingin-tingin pa nito sa buong paligid, kasabay nang pagpuna niya rin sa suot niya ngayon.
“At ito pa, hindi ko alam kung paano naiba ang suot ko, ang naalala ko lang naman nang huling araw bago ako napunta rito, nasa bahay lang ako, nang hindi ko alam kung bakit kakaiba ang pakiramdam ko, may kakaibang init akong naramdaman. Kaya nag-text ako sa mga kaibigan ko na hindi muna papasok.”
“Tapos?” gusto ko kasing malaman kaagad ang nangyari o ginawa niya bago siya napunta sa lugar na ito. Baka kasi magkatulad na naman kami.
“Ayon, sinabihan ako ng kaibigan ko na mag-online sa social media account groupchat namin, dahil may ipapasa raw silang balita na nangyayari sa buong El Federico Academy.” Pinutol ko ang kanyang sasabihin.
“Ito ba iyong mga nagkalat na mga posters sa buong paaralan? Iyong balitang nawawala ang mga iilang estudyante na hindi alam kung ano ang dahilan at kung saan sila nagpunta?” paninigurado ko, kahit na alam ko na naman talaga ang ibig niyang sabihin.
“Bakit alam mo?” salubong niyang kilay.
“Alangan namang hindi, kasasabi ko lang nga kanina nang nagpakilala ako sa iyo na sa El Federico rin ako nag-aaral.” Ngumisi ako. Magaan ang loob ko kay Aztar, hindi ako nakararamdam ng kahit na anong takot. Saka simula rin nang napunta ako rito, may pinagkaiba na talaga sa katawan ko, feeling ko ang lakas-lakas ko, at wala akong kinatatakutan. O baka naman, isa na naman ito sa imahinasyon ko. Pasimple kong kurot sa aking tagiliran.
“Oo nga pala, pasensiya ka na, Deeve. Nakalimutan ko. Ang haba na kasi ng napag-usapan natin, simula nang napunta ako rito.” Kamot niya ng kanyang batok.
“So, ano nga ang nangyari pagkatapos? Ano ang nalaman mo bukod roon sa mga nawawalang mga estudyante?” tumikhim siya.
“May pinasa ulit silang mga larawan sa groupchat namin, nang nanlaki ang mata ko sa gulat, dahil ang dalawang bully na sina Drake at Kin, ay iilan lang din sa mga nawawala.” Naubo ako sa kanyang pasaring. Ibig sabihin ba---.
“Sigurado ka ba riyan?”
“Oo naman, bakit? Parang namumutla ka riyan, may masakit ba sa iyo?” itinaas ko ang aking kamay, sabay wagayway ko nito.
“May naalala lang din kasi ako, katulad na katulad sa nangyari sa mga nam-bully sa iyo.”
“Anong ibig mong sabihin, Deeve?”
“Bago kasi ako napunta rito, nalaman ko rin na kasama ang mga bully na laging nagpapahamak sa akin sa mga nawawalang mga estudyante. At ngayon naman, ang mga nam-bully naman sa iyo ay nawawala rin, hindi kaya?” naisip ko lang naman kung ganoon nga.
“Ang ibig mo bang sabihin, ang mga katulad natin na na-bu-bully ay nilalagak dito at sinusuotan ng ganito? At kailangan nating malaman kung nasaan ang mga nam-bully sa atin? Ganoon ba?” nagyuko ako ng ulo, kasi naman, may mga sinabi siya na kahawig din sa iniisip ko. Pero hindi naman talaga ganoon ang ibig kong sabihin.
“Hindi naman sa ganoon, ‘di bale na nga, kapag may nagsidatingan pang mga ibang estudyante na katulad natin dito, at kapag nagbukas ulit ang portal. Kailangan nating malaman agad kung binu-bully rin ba siya sa mundo ng mga tao.” Paliwanag ko. Bahala na kung ano ang isipin ni Aztar.
“Tatanungin lang muna natin, kagaya ng pagtatanong mo sa akin. Baka kasi hindi pareho an gating mga buhay sa El Federico.”
“May punto ka, hmm…teka, kumain ka na ba?” naubos na namin ang oras sa pag-uusap. Kaya ngayon naman, ay magdadapit-hapon na. Ang bilis naman yata ng oras dito sa mundo ng mga engkanto.
“Saan ka naman kukuha ng makakain natin, Deeve? Wala naman akong nakikitang mapagkukuhanan natin.” Lingon-lingon pa niya sa paligid.
“Basta, hintayin lang natin na dumilim na ang paligid, may makikita kang mahika sa lugar na kinatatayuan natin ngayon. Mapapanganga ka na lang sa makikita mo mamaya.”
“Talaga lang, huh,” hamon niya sa akin.
Ako naman ngayon ang tinitigan niya, mula ulo hanggang paa.
“Oh? Ang lagkit mo naman makatingin, Aztar.” Biro ko pa.
“Hindi ako bakla.”
“Wala naman akong sinabi na ganoon.” Ngisi-ngisi kong sabi.
“Ewan ko sa iyo.” Tumayo naman siya, saka naglalakad-lakad sa buong paligid. Napansin din niya ang nag-iisang daan papasok sa kagubatan.
“Sinubukan mo na bang pumasok sa kagubatan?” nawala ang kaninang ngisi sa aking labi.
“Hindi.” Maikli kong sagot.
“Wala ka bang balak na maglakbay?”
“Ewan, ang likot kasi ng utak ko, iniisip ko pa nga lang na papasukin ang kakahoyan, nakikita ko na sa aking isipan ang mga ligaw na hayop, saka mga punong gumagalaw, o baka naman mga itim na mga engkanto.” Umiling-iling naman siya, sabay pakawala ng mapanuksong tawa.
“Para ka namang manunulat, ang likot ng imahinasyon mo.”
“Tama ka, isa nga akong manunulat.” Napatingin siya sa akin.
“Sigurado ka?”
“Oo naman, sa maniwala ka man, sa hindi, ang sinusulat kong mundo o pangyayari ay ang kinatatayuan mo ngayon. Bago ako napunta rito, ang bilis ng kamay kong nagtipa sa laptop ko sa kasunod na mangyayari sa kwento. Hanggang sa napunta ako rito. Siyanga pala, hindi kita natanong, paano ka pala napunta rito? Anong kasunod na nangyari nang nalaman mong nawawala rin ang mga bully mong kaklase?” nilagay naman niya ang kanyang kamay sa ilalim ng kanyang baba, inaalala ang mga pangyayari.
“Ang huli ko lang naman na naalala, ay ang pag-ilaw rin ng malakas ng aking laptop. Nang i-zoom in ko ang picture ng isa sa mga nawawala kong kaklase. At doon na may kung anong portal ang nagbukas. Ang huli ko lang na narinig bago ako napunta rito ay mga halinghing na hindi ko alam kung saan nanggaling.
“Mga halinghing bang humihingi ng tulong sa iyo?”
“Ganoon nga.”
“Kung ganoon, pareho pala tayo. Paano kung may misyon tayong iligtas nga ang mga iilang nawawalang estudyante? Tutulongan ba natin ang mga nam-bully sa atin?”
Pati ako, napapaisip sa naging tanong ko. Wala pa sa amin ang nagsalita, hanggang sa gumabi na at nagpakita na nga ang mga bunga, literal na napanganga si Aztar sa nakita.