Kabanata 14
Aztar’s POV
“Aztar! Aztar! Nandito ka pa pala, kadarating mo lang din ba?” turan ng aking kaibigang si Melly.
“Kanina lang,” may umakbay naman sa akin sa bandang kanan.
“Mukhang seryoso ang usapan, ah. Pasingit naman.” Ani Dina.
Tahimik lang ulit ako, iniisip ko na naman kasi ang kaninang paglapit ni dad sa likuran ko, nang lapitan ako ng dalawa sa palaging nam-bu-bully sa akin.
“Ganiyang mukha mo, Aztar, parang alam na namin kung ano ang nangyari.” Napatingin naman ako sa gawi ni Melly.
“Same as well,” sang-ayon pa ni Dina.
Talagang alam na alam na nila ang mga kababalaghang nangyayari sa akin sa classroom namin, kaya nga nagpapasalamat din ako dahil nandiyan silang dalawa, hindi nila hinahayaang guluhin ako nina Drake at Kin.
“Let’s just not talk about that, girls.” Baritono kong boses.
“Okay, sabi mo, eh. Pero kapag pagdating natin may inihanda na naman ang dalawang iyon na mga kung ano-ano para sa iyo. Naku! Ako na talaga ang magsusumbong niyan sa head office. Oh, ‘di kaya ay sa daddy mong sundalo. Tignan natin kung hindi manlambot mga buto nila!” gigil na kuyom pa ni Dina sa kanyang kamay. Pero kaagad naman niyang inaayos ang sarili at hinawi ang tumakas na buhok sa kanyang tainga.
Ilang lakad pa namin nang nakaabot na rin kami sa wakas sa loob ng aming classroom. Mabuti na lang at walang kung anong mga hinanda silang mga kakaiba. Para lang masira ang araw ko.
“Nandito ka na pala, Ruiz. Ngayon ko lang nalaman na daddy’s boy ka pala.” Nag-apir pa ang dalawa.
Susugod sana si Melly nang pigilan ko siya.
“Bakit, Drake? Mama’s boy ka?” balik panunukso pa ni Dina kay Drake na ngayon ay nag-uusok na ang kanyang ilong.
“Anong masama sa pagiging mama’s boy?” sabad naman ni Kin.
“Oh, ayon naman pala, eh. Anong masama rin sa pagiging daddy’s boy? Kung tutuosin nga mas magandang pakinggan kung daddy’s boy ang isang anak na lalaki. Hindi katulad ninyo, mga---.”
“Tama na, Melly. Umupo na lang tayo.” Pigil ko sa kaibigan, at baka kung saan pa mapunta ang usapan.
“Iyang kaibigan niyo nga, eh. Daddy’s boy, pero mga kaibigan puro babae. Baka bakla.” Tawa naman nang tawa ang iilan sa mga kaklase namin. Wala na bang bago?
Nauumay na ako sa kanilang mga tukso. Hindi naman talaga ako duwag, sadyang nagpipigil lang ako ng aking sarili na makasapak ng mga gagong katulad nila. Mukhang kinulang sa aruga ng kanilang mga magulang.
“Hindi bakla si Aztar, saka baka kayo ang bakla! Ang hilig niyo kasing mam-bully. Idinadaan niyo lang sa bully, pero baka may gusto kayo kay Aztar.” Walang prenong turan ni Melly. Kapag si Melly na talaga ang nagbukas ng kanyang bibig. Wala na talagang preno ito. Mabuti na lang at nandiyan si Dina para pakalmahin si Melly.
“Ulol! Saka, tignan niyo! Kayo lang ang dada nang dada riyan! Pero ang kaibigan niyong bakla, ayaw makipagbardagulan. Ibig sabihin lang niyan, certified bakla talaga siya! Akala mo naman kung sinong nakabibilib, dahil nga sa sundalo ang daddy niya. Pero siya, kulang na lang magtago sa isang bodega. Dahil sa kaduwagan.” Iling-iling nilang sambit. Kanina ko pa pinipigilan ang mga kamao ko, kinukurot ko ang sariling kamay para hindi ako makagawa ng bagay na pagsisisihan ko sa huli.
“Hindi pa ba kayo tapos?” tanging nasambit ko, nang may dumapong kamao sa aking pisngi.
“Bastos ka, ah!” Hindi ko namalayang sumugod pala si Drake sa akin. Naibaling ko sa kanan ang aking ulo, dahil sa lakas ng suntok nito. Gusto kong bumawi, at lumaban ng suntok. Pero hindi ako nagpadala sa gigil.
Dinilaan ko ang parte kung saan ako natamaan, nalasahan ko ang dugo na lumabas sa pumutok kong labi.
“Drake! Tama na!” sabay harang ng dalawang babae sa akin, tapos hinila rin siya ni Kin pabalik ng kanyang upuan.
Wala man lang isa sa mga kaklase namin ang naglakas loob na awatin si Drake, ayaw lang siguro nilang madamay. Ngayon lang ako nakatanggap ng suntok kay Drake. Kadalasan kasi niyang ginagawa sa akin ay ang paglalagay ng mga kung ano-ano sa ibabaw ng pinto ng silid namin, tapos may lamang tubig, at cornstarch.
“Tara na sa clinic, Aztar. Gamutin natin iyan.” Aligaga ang mukha ni Melly. Saka hindi nila alam kung saan nila ako pwedeng hawakan.
Itinaas ko ang aking kamay sabay harap sa kanila ng aking palad.
“Huwag na, galos lang naman ito, sa bahay ko na lang ito gagamutin.” Ayaw kong may makaalam sa nangyari, mas mainam na sa bahay namin ko ito gagamutin, kukuha na lang ako ng first aid kit sa kusina namin.
“Baka ma-infection iyan,” ani Dina.
“I have an alcohol here, pupunasan ko na lang for the meantime.” Kahit mahapdi gagawin ko, para mawala ang dugo.
“Sige, gamitin mo na rin itong wipes ko.”
“Thanks,”
Pasimple kong tinignan si Drake na sa hindi kalayuang upuan, mataman pa rin itong nakatingin sa akin, masama ang titig na wari’y maraming beses na niya akong pinagsusuntok sa kanyang isipan. Hindi ko naman siya pwedeng kalabanin. Saka hindi ako ganoong tao. Gusto ko lang na matiwasay ang buhay estudyante ko rito sa El Federico Academy, iyon at iyon lang talaga ang gusto ko. Sana naman makisama ang mga estudyanteng nandito.
“Paano kong makita iyan ng dad mo, Aztar?” kausap ni Dina sa akin nang kasalukuyan kami ngayong naglalakad papuntang library. May kailangan kasi kaming araling lesson para sa afternoon class namin.
“Hindi ito makikita ni dad.”
“Paano?”
“Basta, ako na ang bahala, saka kung makita niya man ito. Mag-a-alibi na lang ako na namudmod ako sa upuan nang biglaan akong yumuko sa ilalim para kunin ang nahulog na ballpen.” Iniisip ko rin kanina pa kung paano ko ng aba idadahilan ang pumutok kong labi.
“Are you sure, tatanggapin ng dad mo ang alibi mong iyan? Baka pag-isipan ka niya ng kung ano-ano nang dahil diyan, baka magtatanong-tanong siya kung ano nga ba ang nangyari.
“Sana hindi.” Tanging nasambit ko.
Kaya nga ayaw kong makisali sa mga gulo, saka hindi ako lumalaban kapag binu-bully ako ng dalawa, kasi may iniingatang image si daddy. Saka ayaw kong ako ang maging dahilan na mamantsahan ang pagkakilala ng lahat sa kanya.
Higit pa roon, ayaw kong maging pabigat kay dad, ayaw kong magpunta lang siya rito at malamang sinasabihan ang anak niyang bakla, kahit na hindi naman talaga totoo. Ayaw kong mapahiya si dad nang dahil lang sa akin.