Kabanata 16
“Grabe, ito ba iyong sinasabi mo kanina?” laglag panga pa rin niyang taas ng kanyang ulo.
“Oo, at tuwing gabi lang iyan namumunga.”
“Kaya pala kanina, wala akong makitang kahit na anong pupuwedeng makain. Saka saan ka naman kukuha ng maiinom mo?” dagdag katanungan naman niya.
“Basta, watch and learn.” Humakbang ako ng ilang baitang palapit sa puno ng buhay.
“Kaibigan, gising ka na ba? Maaari na ba kaming mamitas ng iyong mga bunga.” Malapad ang ngiti kong baling sa kasama kong si Aztar. Salubong ang kilay niyang may pagtataka sa kung sino ang kinakausap ko. Pero wala naman siyang ibang ginawa kung ‘di ang mag-obserba.
Ilang saglit lang ay nagsimula na ngang gumalaw ang mga sanga ng puno. Tinignan ko ulit ang reaksiyon ni Aztar. Katulad nang una kong nakita ang puno na gumalaw, ganoon din ang reaksiyon niya.
Napakapit siya sa laylayan ng aking damit. Kahit naman ako, makararamdam din ng takot sa unang beses na makakakita ng ganitong klase ng nilalang. Hindi naman kasi ordinaryong mangyari ito sa mundo ng mga tao. Dahil ang mga puno roon ay gumagalaw lang kapag may malakas na hangin na dala ng bagyo. Malaki ang kaibahan dito sa mundo ng mga engkanto.
“Magandang gabi, kaibigan. Pasensiya ka na at ngayon lang ako nagising. Nagugutom ka na ba?” natural lang na malakas ang boses ng puno, dahil may kalakihan ito, ikukumpara ko ang laki nito sa isang puno ng mangga. Malapad ang kanyang katawan, at may masanga.
“Walang anuman iyon, kaibigan. May bago pala akong kasamahan ngayon, isa rin siyang estudyante kagaya ko na nagmula sa ibang mundo.” Dahandahan namang lumabas sa likuran ko si Aztar. Napagtanto niya sigurong hindi masamang puno ang kaharap namin ngayon.
“Ikinagagalak kong makilala ka, kaibigan.” Marahang inilalapit nito ang kanyang sanga na nagsilbing kamay nito.
Tinignan muna ako ni Aztar, tinanguan ko lang siya para ipakitang mabait ang puno ng buhay.
“Ako ri’y nagagalak.” Tinanggap naman nito ang sanga ng puno nang bigla siyang hilahin nito at pinasakay sa kanyang sanga na malapit sa mga bunga.
“Woah! Tama na! Tama na! H-Hindi ako lalaban.” Natatawa ako rito sa ibaba sa pagsisisigaw ni Aztar doon sa itaas. Nakapikit siguro ito roon dahil sa hindi niya napansin kaagad na kaharap na niya ang mga bunga.
“Kaibigan, huwag kang matakot. Hindi naman kita ilalaglag. Kumuha ka na ng makakain ninyong dalawa, para makapaghapunan na kayo.” Patuloy na pagsasalita ng puno.
Hindi pa rin siya umiimik, nang unti-unti na nitong ginagalaw ang mga kamay at kinakapa-kapa ang puno. Nang maamoy rin siguro niya ang matamis na halimuyak ng bunga ng puno ng buhay.
“Ang bango.” Tanging sambit niya sa mahinang boses. Pero narinig ko pa rin naman kahit papaano.
“Talagang mabango iyan, Aztar, kaya manguha ka na, at ako’y gutom na gutom na.” aliw na aliw naman ito sa pangunguha ng bunga. Pati ang kaibigan naming puno ay nasiyahan din sa ginagawang pangunguha ni Aztar.
Nang marami na kaming nakuha para bukas na rin, ibinaba na siya.
“Maraming salamat, kaibigang puno. Pwede ka ba naming mabigyan ng pangalan? Para naman madali ka naming matawag.” Ani Aztar. Ngayon ko lang din naisip ang pagbibigay ng pangalan sa puno. Magandang ideya nga iyon.
“Pangalan? Anong pangalan?” nalilito pa nitong usal.
“Ang pangalan ay parang titulo na para sa sarili mo. Kung may tumawag man sa iyo, gamit ang pangalan na binigay sa iyo. Madali na lang para sa iyong lumingon kapag tinatawag ka.” Paliwanag ko sa kaibigan naming puno.
“Nakuha mo ba ang nais naming ipaalam, kaibigan?”
Ginalaw-galaw naman nito ang kanyang ulo, nasabi kong ulo niya iyon, dahil doon naman ang dalawang butas na parang mga mata niya, saka maliit na sanga na nagsilbing ilong, at ang butas na pahaba na para talagang bibig.
“Aztar, may naisip ka na bang maaaring ipangalan?” itinaas-baba naman nito ang kanyang ulo na parang naghahanap sa paligid ng kung ano-ano.
“May naisip ako, pero gusto kong malaman din ang pangalan na naisip mo, para i-combine nating dalawa. Ayos ba?” nag-approve sign naman siya.
Naghintay lang ako ng ilang minuto, nang nakaisip na nga siya nang maaari niyang ipangalan sa aming kaibigan.
“Pinno.” Inisip ko naman kung saan niya nakuha ang ganoong pangalan.
“Sa akin naman ay Treo.” Iyon talaga ang unang pumasok sa isipan ko, nahiya tuloy ako dahil mas magandang pakinggan ang naisip niya, kumpara sa naisip kong parang hindi man lang pinag-isipan.
“Combine na natin?”
“Parang mas gusto ko ang pangalang Pinno. Teka, saan mo ba nakuha ang pangalang iyon?” ngumisi naman siya.
“Ang slow mo naman, akala ko talaga na-gets mo kaagad kung saan ko nakuha ang pangalang iyon.” Kunot-noo kong baling sa kanya.
“Saan nga?” pangungulit ko sa kanya, ang hirap kasi manghula.
“Sa palabas iyon, pambata nga iyan, eh. Hindi ka ba nakapanood niyan?” nakahawak ako ngayon sa aking baba, habang nakakagat-labi. Nang may pumasok na palabas sa aking isipan.
“Aha! Alam ko na.”
“Oo na, alam mo na. So, sa naisip mong pangalan, saan mo naman nakuha iyon?” balik tanong ko naman sa kanya, pero hindi ko pa rin siya nilulubayan sa kanyang naisip na pangalan.
“Kaya pala ang pamilyar ng tono ng pangalan ng naisip mo, sa palabas pala na iyon mo siya naisip. Bakit kaya hindi iyon sumagi sa utak ko. Ang galing mo, Aztar.” Mahina kong hinampas sa balikat ang kasama.
“Ang slow mo kasi, ang Treo nga, saan mo nakuha iyon?”
Nag-isip ako ng maaari kong ipaliwanag sa kanya na dahilan, nang wala naman talaga akong pinagkukunan na basehan sa naisip kong pangalan. Kusa lang namang pumasok iyong ideya.
“Sa totoo niyan, wala naman akong pinagbasehan ng pangalan na iyon, Aztar. Kusa ko lang talagang naisipan iyon, kaya nga nahihiya ako sa naisip kong pangalan, kasi hindi ko man lang pinag-isipan.” Nahihiya kong pag-amin sa kanya.
Tinapik naman niya ako sa aking likuran.
“Ano ka ba. Ikaw na nga ang may sabi na i-combine natin ang naisip nating pangalan. Kahit na anong rason pa iyan, ang importante nakapagbigay tayo ng pangalan sa kaibigan natin, ‘di ba kaibigang puno?” Nakangiting tinapunan ng tingin ni Aztar ang kaibigan namin.
“May punto ka, sige, hmm…ano ba ang magandang ayos ng pangalan?”
“Trepi? Treoni? Pineo? Reonni? Eon?”
“Iyan! Maganda ang Eon. Simple, maikli, saka madaling kabisaduhin.” Masaya naming tinignan ang kaibigan namin, na ngayon ay naghihintay sa pagbibigay namin sa kanya ng pangalan.
“Kaibigan, may naisip na kaming pangalan para sa iyo. Sana magustuhan mo.” Lumapit kami sa kanyang puno, saka niyakap ang malapad na puno.
“Simula ngayon, tatawagin ka na naming Eon. Ikaw na si Eon. Ang puno ng buhay na kaibigan namin ni Aztar, at sa mga dadating pa.” tinignan naman ako ng masama ni Aztar.
“Malay natin ‘di ba?” iniling-iling naman nito ang kanyang ulo.
Ngumisi lang ako saka patuloy na niyayakap si Eon.
Pero sa utak ko, hindi na magkamayaw ang isipan sa kaiisip sa kung paano nga kung may dadating pang katulad namin ni Aztar? Sana kung mayroon man, kagaya rin namin na madaling magkasundo.
Sa ngayon, hindi na muna namin iisipin iyon, kakain na muna kami, at matutulog pagkatapos. Ayon nga’t nasarapan si Aztar sa bunga ni Eon. Hindi niya lubusang maisip na ang isang bunga ay may ganitong hatid na tamis. At nakapagpapalakas ng katawan, nakapapawi ng uhaw, at gutom.
Natapos ang gabi namin na may ngiti sa aming mga labi.