“A-ARAY... Nabalian yata ako,” sabi ng lalaking nadaganan niya.
Nakadapa siya habang nakapaimbabaw sa nakahigang lalaki at kung sino man ang tumingin sa kanila ay tiyak mag-iisip ng malisyoso lalo na nang maramdaman niyang nasa pang-upo niya nakahawak ang kamay nito.
Hindi agad nakagalaw si Jowey at pinakiramdaman ang kamay nitong pumipisil-pisil sa kanyang pang-upo. Akala ba nito ay bulak ang pinipisil nito?
Mabilis niyang iniangat ang sarili at agad itong sinampal.
“What’s that for?”
“Napakabastos kasi ng kamay mo, manong!” Nagmamadali pa siyang umahon. Nang makatayo ay agad niyang hinubad ang jacket para ibalot sa kanyang baywang at nang matakpan ang tagiliran niyang kita na ang hem ng kanyang puting underwear na suot.
Nakatayo na rin ito na pinagpapagpagan ang sarili. “Excuse me, Miss, hindi pa ako manong. At ikaw nga itong nagpaka-darna riyan. Hindi ka na lang mag-thank you at nasalo kita. Kung hindi kita sinalo baka bali-bali na ang boto mo.”
Napa-cross arms si Jowey. “Thank you your face! Kung hindi mo lang sana ako binobosohan kanina ay baka maayos akong nakababa. Narinig mo naman sigurong nagsisisigaw na ako na tumalikod ka. But you just enjoying the view kasi. Nagpapalusot ka lang.”
Nagulat siya nang malutong itong nagmura at nang sundan ni Jowey ang tinitingnan nito. Basag ang cellphone nito na mukhang nadaganan nilang pareho.
“Ikaw ang may kasalanan nito,” sabi pa nitong may bahid ng paninisi saka dinampot ang phone. “Mahahalagang files pa naman ang laman nito.”
Jowey is not convinced at all, she made a face. “If I know, baka porn video lang ang iniingatan mo riyan.” Saka umirap.
“Anong sabi mo?”
Bigla siyang nataranta nang lumapit ito sa kanya. Dahil matangkad ay nakayuko ito sa kanya. Medyo may kalakihan din ang katawan nito na tiyak niyang ma-muscle. Ngunit mas angat pa rin ang kulay niya sa lalaki.
“Alam mo bang mahalaga sa akin ang phone ko.”
Sinimangutan muna niya ito saka tinaasan ng kilay. “Hindi ko kasi alam kung bingi ka dahil hindi ka marunong tumabi. You deserve that anyway.”
Mas lalong lumapit sa kanya si manong este ang lalaki na kulang na lang ay pisain siya dahil nagmukha na siyang bansot.
“Maganda ka sana ngunit napakasama naman ng ugali mo.”
Tiningala na ito ni Jowey. “W-What did you say!” iritang tanong niya rito.
Tinalikuran na siya nito.
“Hoy manong! Kinakausap pa kita.”
Huminto ito sa paglakad palayo sa kanya.
“Wala akong kailangan sa iyo at wala akong atraso sa iyo.”
Nagdire-diretso ito sa paglalakad at siya naman ay nananatiling nakatayo na parang gusto ng batuhin ng suot na sapatos ang lapastangang lalaki.
Nangati na ang mga kamay niyang hindi makaganti. Hinubad ni Jowey ang suot na sapatos at nagmamadaling batuhin ito bago mawala sa paningin niya o makailag.
Napahinto naman ito nang masapul niya ng sapatos ang balikat nito.
“Hoy, lalaki, hindi pa tayo tapos! Hindi mo yata ako kilala para bastusin mo ako ng ganyan!” nanggagalaiting sigaw niya rito.
Madilim ang mukhang dahan-dahan itong tumungo at dinampot ang sapatos na ibinato niya. Nag-angat ito ng tingin at tinitingnan na siya ng pailalim na kulang na lang ay siya na mismo ang ibato at hindi ang sapatos na hawak nito.
“Obligasyon ko bang kilalanin kita?”
“I-Ibalik mo ang sapatos ko!” Bahagyang kinabahan din si Jowey sa hitsura ng lalaki. Singkit ito ngunit parang nawalan ito ng mga mata nang masama na ang tingin sa kanya.
Pinakatatagan ni Jowey ang tinig. “Dapat mo yata akong makilala nang malaman mo kung sinong binabangga mo! I will make sure na mahahanap kita at magkikita pa tayo,” matabil na dilang sabi pa niya rito na parang naghahamon ng gulo..
Kayang-kaya niyang ipabugbog ito sa nobyo niyang gang leader para tuluyan itong maturuan ng leksyon.
“Miss, I don't have a time with your freaking things.” Pagkasabi ay tumalikod na ito at nagmamadaling makalayo sa paningin niya.
“S-Sandali! Hoy, sapatos ko! Manong!” Paangat-angat pa ang mga paang humahabol siya sa lalaki.
Ngunit ang bastos na manong ay nakasakay na sa sasakyan habang bitbit ang sapatos niya. Iniisip ba nitong kulamin siya gamit ang sapatos? Or gawing remembrance ang sapatos niya?
“I will assure, you will suffer more! Agh! Bastos! Hambog!” pagbabanta niya sa lalaking sa tingin niya ay hindi na naririnig ang mga himutok niya. “Agh! Nakaiinis ka! D*mn you! Mabangga ka sanang hambog ka!”
Hindi lang siya nito nasilipan at nabastos. Ninakaw pa nito ang sapatos niya. Kung binato lang sana nito pabalik ay wala sanang problema. Hindi na sana niya ito hahabulin at sasabihan ng kung anu-ano mang pagbabanta.
Binastos na siya ninakawan pa ng sapatos. Kapag talagang nakita niya ang lalaking iyon na umaali-aligid sa school ay titiyakin niyang mata lang nito ang walang latay. Hindi siya titigil na hindi makaganti rito.
Para siyang nahubaran nang grabe kung makatingin ito sa kanya kanina nang nasa taas siya ng pader. Alam niyang masama na ang tumatakbo sa isipan nito, kaya nga nawalan siya ng balanse sa pagtalon at sa hambog na lalaki nag-landing ang katawan niya. Ito ang literal na lintik lang ang walang ganti. Pagdudusahan nito ang ginawa sa kanya. Gagawin niyang impyerno ang buhay nito dahil sa kahihiyang inabot niya.
Paika-ikang binalikan ni Jowey ang bag niya para hagilapin ang phone. May mangilan-ngilan na ring mga tao roon ang napapatingin sa kanya. Sobrang nakahihiya. She never felt humiliated than this before. Sisiguraduhin din niyang mapapahiya ng higit sa ginawa nito ang lalaking iyon.
MASAMA ang gising ni Jowey lalo na tuwing maalala na umuwi siya nang wala ang isa sa kapares niyang sapatos. Kahapon pa nga nanungulit si Lester sa kanya na hindi rin niya pinansin. Masama ang mood niya. Lalo ngayong Lunes na Lunes.
Hindi lang sa ayaw na niyang pumasok sa klase. Ayaw na rin niyang pumasok sa campus dahil ang lalaking iyon ang palagi niyang naaalala.
“Jowey, nakita mo na ba iyong bago nating professor?” Parang bulating hindi mapakali pa si Nancylyn habang kinikilig sa pagtatanong.
“Wala akong pakialam! Nanggigigil talaga ako. Gusto kong hunting-in ang lalaking iyon.”
“Sino na naman bang kaaway mo?” tanong ni Nancylyn sa kanya na dumikit sa tabi niya at sinabayan siya sa paglakad.
Naupo sila sa bench banda sa garden ng school. Mayroon pa silang kalahating oras bago magsimula ang klase nila sa history.
“Someone who took my ego and humiliated me,” mariing sabi ni Jowey habang nakakuyom pa ang mga kamay.
“May inaway ka na naman ba?”
“Hindi ako ang nang-away. Siya ang umaway sa akin. Once we cross paths, hindi ko rin siya titigilan. Hindi ko patatahimikin kahit ang kuko niya sa daliri. Kung puwede ko lang siyang isako ngayon, ginawa ko na.”
“Halata ngang galit ka.”
Ilang sandali rin ay dumating si Jessica. “Hi, girls!” Mabilis na naglakad at umupo sa tabi ni Jowey.
May pabilog roong mesang semento at sa tapat ay upuan. Katapat ni Jowey si Nancylyn at katabi ang bagong dating na si Jessica sa upuan.
“Hot-headed na naman iyang si Jowey,” sabi pa ni Nancylyn na ibinabalita kay Jessica.
“Why? What happened? Mayroon ba akong hindi knows?”
“Ewan ko. Saka ko na lang iku-kwento kapag malamig na ang ulo ko.” Tumayo na si Jowey sukbit ang shoulder bag.
“Oy, teka lang. How about our class?” tanong ni Jessica sa kanya para habulin sana siya.
“Pag-iisipan ko kung a-attend ako.” Dumiretso na ng lakad si Jowey.
Sa gilid ng school ang target niyang puntahan na kung minsan ay madalas meeting place nila ni Lester.
Hindi nga siya nagkamali nang makarating doon. Naroon ito at humihithit-buga ng sigarilyo.
Binitiwan kaagad nito ang sigarilyo nang makita siyang naglalakad saka tinapakan iyon nang mariin.
“Baby!” Patakbo siya nitong nilapitan. “Bakit nakasimangot ang baby ko? Pa-kiss nga.”
Ngunit agad siyang nag-iwas ng mukha nang maamoy niya ang sigarilyo sa bibig nito.
“What’s wrong, baby?”
“Mag-toothbrush ka. Alam mo namang ayaw kong naninigarilyo ka.”
“Pangtanggal lang naman ng stress. Believe me, matatanggal ang worries at stress mo kapag sinubukan mo,” alok pa nito sa kanya.
Sinubukan na niya iyon noon. At hindi niya nagustuhan matapos ihitin ng ubo. Nakasasama na nga sa kalusugan, ang baho pa ng amoy.
“Labas tayo ng campus. Punta tayo sa bar ni Colt,” tukoy ni Lester sa kabarkada nito.
“Ayaw kong lumabas.” Pumihit para tumalikod si Jowey. Gusto sana niyang doon magpalipas ng oras ngunit nang maamoy ang sigarilyo ay nagbago na ang isip niya. “Library lang ako.”
Hindi na siya nito pinigilan o sinundan. Alam niyang ayaw nito sa allergy, baka nga masunog pa ito kapag nakapasok roon.
Maglalakad na sana siya patungo sa library nang may pumigil sa braso niya.
“It’s time for class. Go back to your class, Daniels.” Binawi rin nito matapos magsalita.
“Yes, sir,” walang gana niyang sagot. Nagtuloy-tuloy siya sa paglalakad.
Bumalik yata sa lupa ang katawan ni Jowey nang mapagtantong pamilyar sa kanya ang boses na iyon. Parang iyon ang tinig ng lalaking kinaaasaran niya.
Nang balikan niya ang pinanggalingan ay wala namang bakas ng lalaki roon. Hindi tuloy niya alam kung namamalikmata ba siya o nagkakaroon na ng inhibisyon dahil sa nangyari noong nakaraang araw.
Hindi nga siya lumabas ng bahay buong weekend. Dahil naaalala niya ang mukha ng lalaking iyon. Parang nagpa-flash back pa sa isipan niya ang lahat ng mga nangyari sa pagitan nila ng hambog na lalaking iyon.
Kung hindi siya nasalo nito ay mas makabubuti at nang hindi siya magkaroon ng utang na loob dito. Naiinis talaga siya tuwing sumasagi sa isipan niya kung gaanong nagdidiwang ang lalaking iyon sa nangyari at sa pambabastos sa kanya.
Napilitang naglakad na si Jowey patungo sa room nang mapansin ang lalaking sigurado niyang pamilyar sa kanya at hinding-hindi niya malilimutan ang imahe at tindig ng arogante, bastos at hambog na lalaking iyon. Naka-black trouser at nakasuot ng checkered polo. Nang maka-side view ito ay nakumpirma nga ni Jowey na iyon ang lalaking nakabangga niya noong nakaraang araw.
Nakita niyang naglilinis ang kanilang janitor sa may pasilio. Nagpaalam siyang hihiramin ang balde nitong may tubig.
Dahil nakatalikod ang lalaki ay hindi nito napansin ang paglalakad niya patungo sa direksyon nito, Walang kaabog-abog na initsa niya ang lamang tubig ng balde na medyo nangingitim na.
Malakas na hiyaw ang narinig nito. Hindi na niya sinilip pa ang reaksyon nito dahil agad siyang kumaripas ng takbo para makapagtago at nang hindi nito malaman na siya ang may gawa niyon.
Sigurado siyang hindi lang ito magtatanda kung hindi ma-phobia na rin sana. Habang naroon siya ay hindi niya patatahimikin ang mundo nito matapos ang inabot niyang kahihiyan sa lalaki.
Siguro nga ay sinadya nitong sundan siya sa school para ipahiya na naman siya. Ngunit sa pagkakataong iyon ay ito na ang mapapahiya. Mababawi na rin ni Jowey ang pagkapahiya sa kamay ng hambog at bastos na manong na iyon.