CHAPTER 18
Lumikha ng ingay ang nabasag na bote ng serbesa. Dahilan para lumapit sana sa kanila ang mga barkada o mas mainam na sabihing tauhan ni Daniel at mga kaibigan nila ni Alyana ngunit pinigilan sila ni Alyana. Napakiusapan niyang ituloy lang nila ang pagkanta. Nang mga oras na iyon, nasa loob ang mga magulang ni Alyana.
Lumapit ang ninenerbiyos at namumulang si Alyana. Agad na niyang nilapitan si Gelo at tinignan kung okey lang ang binata.
“Gelo, please. Huwag kang gumawa ng gulo. Mabuti wala pa sina Nanay at Tatay na pumunta sa bahay nina Kapitan. Sa tingin mo, matutuwa sila kapag makita niyang nagkakaganito ka? Tama na. Para hindi ka na lalong masaktan, lalayo ako. Makakalimutan mo rin ang kagaya kong walang kwentang babae. Tanggap ko na, hindi ako bagay sa’yo. Hindi ako babaeng para sa’yo.” Bulong niya na parang ayaw niyang iparinig kay Daniel na may dalawang dipa lang ang layo sa kanila ni Gelo.
“Sa tingin mo ha, Alyana? Gusto kong maging ganito? Gusto kong masaktan nang ganito?” malakas niyang sinabi iyon. Gustong iparinig ni Gelo kay Daniel na may karapatan siya sa babaeng inaangkin niya.
“Anong pinagsasabi nito? Alyana? Anong nangyayari?” hinawakan ni Daniel ang braso ni Alyana. Nasasaktan si Alyana ngunit hindi siya tutulungan ng binata.
“Daniel, bitiwan mo nga ako! Please. Mag-usap tayong tatlo. Hindi ninyo kailangang magbasag ng bote, magsuntukan o gumawa ng eksena. Hindi natin kailangang ipangalandakan ito sa lahat. Baka naman mapag-usapan natin ito nang maayos.”
Huminga nang malalim si Alyana.
“Please?” nakiusap siya kay Daniel.
Itinaas ni Daniel ang kanyang kamay na parang sumusuko.
“Okey, okey. Pag-usapan ito nang maayos. Para sa’yo, pagbibigyan ko ang tang-inang kupal na‘yan na pag-usapan natin ito nang maayos.” Ngumingisi-ngisi pa ang gago.
Nagpalipat-lipat ang tingin ni Alyana kina Daniel at Gelo hanggang sa kay Gelo na nakatuon ang tingin ni Alyana.
“Gelo, please. Hindi nakabubuti sa’yo ito. Hindi nakatutulong sa imahe mo sa mga tao rito sa atin. Kilala kang mabait at responsable at mali ang ginagawa mong ito. Ako na lang, kami na lang ang mapasama huwag lang ikaw. Huwag mong isama ang sarili mo sa gulo, huwag kang sumabak sa makasalanang buhay namin ni Daniel.”
“Tingin mo hindi pa ako apektado? Hindi Alyana. Gusto ko na pag-usapan natin lahat ito ngayon. Ngayong magkakaharap tayong tato, sabihin mo sa akin, sabihin ninyo sa akin kung totoo ba? Sasama ka kay Daniel? Magsasama kayo sa Manila?”
“Bakit ba masyado kang apektado ha? Sino ka para mangialam? Ano ka ni Alyana para magkaganito ka!”
“Girlfriend ko lang naman ang babaeng gusto mong dalhin sa Manila. Girlfriend ko ang binili mo ang serbisyo niya kagabi.”
“Talaga? Sandali nga. Akala ko ba bestfriend lang kayo? Totoo ba ang sinasabi ng gagong ito, Alyana?”
Huminga nang malalim si Alyana. “Nag-uusap kami ni Gelo, Daniel. Makinig ka habang nag-uusap muna kami at bibigyan kita ng pagkakataong kausapin ako pagkatapos naming mag-usap. Pwede?”
Umiling si Daniel. Inayos-ayos niya ang kanyang bigote. “Sure. Sure. Sige. Sige lang. Mag-usap muna kayo dahil nakakahiya naman.”
“Ano yung tanong mo, Gelo?”
“Sasama ka ba sa kanya?”
“Hindi.” Tumingin siya kay Daniel. Sinimangutan niya ang nakangising si Daniel. Alam niyang kung anu-ano na ang sinabi ng binata sa kanya. “Hindi pa ako pumayag. Iyon ang balak niya pero hindi namin iyon balak na dalawa. Hindi ko pa napagdedesisyunan, Gelo. Siya lang ang nagsasabi no’n sa akin. Pupunta ako sa Manila kung saan siya nakatira ngunit gusto kong ako lang ang lalayo kasi gusto kong makatapos. Gusto kong makapag-aral. Gusto kong mabago ang buhay ko pero wala sa usapan na magsasama kami roon.” Nilingon niya si Daniel na nakangisi. Ngising demonyo. “Daniel, ano ‘to? Anong ginagawa mo? Anong sinasabi mong kasinungalingan kay Gelo?” namumula ang kanyang mga mata. Mukhang iiyak na naman.
“Bakit? Totoo naman hindi ba? Doon rin naman tayo magtatapos ah! Maayos na ang usapan namin ng mga magulang mo. Sinabi ko na sa’yo ‘yon kagabi. Sinabi na ng tatay at nanay mo iyon sa akin kagabi at kaharap ka pa. Kaya kong panindigan ang lahat ng sinabi ko sa’yo. Kaya kong ibigay ang lahat sa’yo. Lahat lahat ng nanaisin mo. Kaya na kitang buhayin. Malakas ang negosyo ko. Makakapag-aral ka kahit saang school mo gusto sa Manila at pwede pa kitang bigyan ng sarili mong negosyo, bahay kotse, kahit ano!.”
“Kayo ang nag-usap nina Nanay at Tatay. Malinaw ang sagot ko kagabi. Hindi na kita mahal. Nagpagamit ako sa’yo kagabi dahil lang sa tawag ng pangangailangan. Ginamit mo ako, humingi ako ng bayad kasi ayaw mong tumulong bilang kaibigan. Ayaw mong magbigay sa akin ng walang kapalit. Pero tapos na ‘yon. Ayaw ko ng pag-usapan pa. Nangyari na kahit nasaktan ko pa si Gelo.. Huli na ‘yon pero at kahit pa nangyari na, hindi ibig sabihin na porke nagpagamit ako sa’yo ay tayo na at payag na ako sa kagustuhan mong magsasama na tayo sa Manila. Hindi iyon mangyayari.”
“Parang may choice ka pa? Sandali...” hinawakan niya ang baba niya. Ngumiti. “Kaya ka ba nagkunwaring birhen pa? Tinanong kita kagabi kung bakit hindi ka dinugo. Kung bakit hindi ka na parang nasaktan. Hindi mo ako sinagot. Itong kupal na ‘to ba ang ipinalit mo sa akin? Sa patay-gutom na ito?” Galit ang mga mata ni Daniel habang nagtatanong.
“Oo Daniel. Siya ang nakauna sa akin. Siya ang mahal ko kaya nararapat lang na sa kanya ko unang ibigay ang aking p********e. Gusto ko naman kahit papaano, ibigay ko ang virginity ko sa pakiramdam ko, deserving. Ngayon, kung hindi mo nagustuhan ang ginawa ko, wala na kong pakialam pa. Ibinigay ko rin naman ang sarili ko sa’yo ah. Nakatatlo ka ngang putok eh! Sapat na kapabayaran ng ibinigay mo sa akin kagabi. Kung tutuusin nga kulang pa kasi walang katapat sanang halaga ang aking pagkatao!”
“Pero ang usapan natin ng mga magulang mo ang masusunod at hindi ikaw. Lalo pa’t niloko mo ako. Dapat birhen ka ngunit tang-ina! Anong panloloko ito? Tapos sa kanya? Sa kanya mo lang pala ako ipagpapalit? Ano kayang ibigay niya’n sa’yo? Mahirap pa sa daga ‘yan eh!”
“Oo maaring mas mahirap sa’yo si Gelo at wala sa kalingkingan mo ang yaman mo sa kung anong material na bagay na meron siya pero mas mabuti siyang tao kaysa sa’yo. Mas nakita ko sa kanya na kaya niya akong ipaglaban. Mas marunong siyang magmahal kaysa sa’yo.”
“Ikinukumpara mo ako sa gagong ‘yan? Sinasabi mo bang wala akong paninindigan? Na hindi ako marunong magmahal? Tang-ina. Nandito ako oh? Sinuway ko na ang mga magulang ko. Iniwan ko si ko ang mayaman at makapangyarihang girlfriend ko dahil sa’yo.. Isinantabi ko ang negosyo ko mapuntahan lang kita rito sa inyo.. Gusto kong tulungan kita sa iyong pag-aaral. Kasi iyon ang gusto mo. Gusto mong yumaman, pwes ibibigay ko tapos sasabihin mo sa akin na hindi kita mahal at wala akong paninindigan? Ginawa ko ang lahat para lalo pa akong yumaman kahit pa ikasasama ko na.”
“Hindi ko hiniling iyon sa’yo, Daniel. Ang sinabi ko lang sa’yo, dahil na rin sa pangungulit mo, ibibigay ko ang p********e ko sa’yo kapalit ng 100,000 pesos. Kasi ayaw mo akong pahiramin. Kailangan lagi sa’yong may kapalit. Kasi wala na akong matakbuhan. Ni pamasahe at pang-enrol wala ako kasi ginigipit ako ng mga magulang ko para sa’yo ako lalapit. May usapan kayo ng mga magulang na hindi ako bibigyan para mapilitan ako sa’yong magpasaklolo. At kung hindi ako aalis ditto. kung hinid ko gagawan ng paraan ang buhay ko, mabuburo lang ako rito. Maging ganito na lang ako habangbuhay. At paano ako? Hanggang dito na lang ba ako kasi mahirap lang ako? Kasi walang gustong tumulong sa akin? Walang gustong sugalan ako? Kasi ang hirap talaga ng mahirap?” Humihikbi na naman si Alyana at nagsisimula ng maawa si Gelo sa kanya. “Pero Daniel, kahit gano’n na ako ngayon. Kahit sa tingin ninyong dalawa, malandi na ako at bayaran, concern pa rin ako sa’yo. Anong pinasok mo? Anong kasamaan ang sinasabi mong pinasok mo, Daniel?”
“Nagbebenta siya ng droga. Pusher ang sasamahan mo sa Manila, Alyana!” malakas na sinabi iyonni Gelo.
Napalunok si Alyana. Mukhang hindi niya iyon alam.
“Totoo ba?”
“Tsismoso ka rin talaga ano? Kung hindi ako makapagpigil baka malagyan kita ng gripo sa tagiliran mo.”
“Hindi tsismis. Galing mismo iyan sa’yo kanina. Binebentahan mo pa nga ako eh. Gusto mo pa nga, maging pusher mo ako, hindi ba?”
“Akala ko ba pinagpaguran mo ang pera mo at legit ang mga negosyo mo, Daniel? Akala ko totoo na may negosyo kang maaayos at hindi gumagawa ng labag sa batas at hindi sa ganitong paraan mo nakukuha ang iyong pera? Bakit parang hindi na kita kilala? Bakit parang ibang tao ka talaga?”
“Kasi napakatayog ng pangarap mo kaya kailangan kong magpakayaman pa lalo para sa’yo! Alyana, paano ba ako magiging mayaman nang mabilisan kung hindi ko papasukin ang lahat? Paano ba ako makapgbibigay ng malaking halaga sa mga magulang mo nang pinalayas ako ng mga magulang ko kasi iniwan ko ang girlfriend kong mayaman dahil sa’yo. Paano kita mabigyan ng maalwang pamumuhay kung hindi ko gagamitin ang karisma ko at hindi ako ro’n sa mabilisang pagyaman?”
“Wala akong karapatang husgahan ka kasi hindi naman ako malinis na babae pero ito? Ibang klase. Lalo mong inilublob ang sarili mo sa putikan. Yung putikan na hindi mo na kaya pang umahon. Yung tuluy-tuloy ka nang malunod pa riyan. At gusto mo akong isama? Gusto mo akong samahan ka riyan sa kasamaan mo? Sana hindi na lang ako humingi ng tulong pala sa’yo. Kasi baka iyon ang nagtulak pa sa’yo para gumawa nang ganyan. Akala ko kasi mayaman ka talaga. Na sarili mong pera ang ginagamit mo. Na wala kang iniiwang ibang babae dahil sa akin. Alam mo Daniel? Baka dahil sa kagustuhan mong mabuo ang 100,000 kaya pinasok mo ang masamang pagkakakitaan na ‘yan. Daniel, sinabi ko, kung wala at hindi kaya, huwag pilitin. Saka utang ito. Babayaran ko kahit may tubo kapag nakatapos na ako. Kapag may mahanap na akong trabaho sa Manila. Ngunit ang sabi mo, pagkakababae ko, kapalit ng 100,000. Sinabi ko, magkaibigan naman tayo, hindi ba pwedeng utang na lang? Kaso, pinilit mo ako. Kinagat ko kasi wala na akong ibang pamimilian pa. Kaya huwag mong sabihing itinulak kita para gawin mo ito. Na dahil sa akin kaya ka napasama. Ginawa mo ito dahil gusto mo, iyon ang totoong dahilan.”
“Ginawa ko ito para sa matayog na pangarap mo at para makuntento at manatili ka sa akin. Ginawa ko ito para patunayan ko sa’yo na may paninindigan din naman ako. Na kaya kong iwanan ang mayaman kong girlfriend at magkaroon ng sarili kong pera para sa atin. Alyana, ano ba? Anong nangyari sa mga plano natin noong dalawa?”
“Sinira mo noon pa Daniel. Kaya huwag mo akong idamay. Para sa’yo lang ito, Daniel. Para sa sarili mo. Ngayon, na nagpakalublob ka na sa putik, pakiusap. Huwag mo akong isama. Payo bilang kaibigan at bilang nagmahal sa’yo noon, kung kaya mo pang umatras at iwan ‘yan, gawin mo na ngayon pa lang. Kaibigan kita at ayaw kong makitang makulong ka o mapatay ng mga pulis. Balikan mo ang mayaman mong girlfriend kasi hindi naman talaga maging tayo talaga.”
“Ngayon pa? Okey ka lang? Saka anong sinasabi mong hindi naman talaga tayo pwede talaga?” tumawa si Daniel. “Patitigilin mo ako ngayong nasa taas na ako? Ngayong may mga protectors na ako? Buo na ang desisyon ko. Sumama ka sa akin. Kakalimutan kong ang putang inang kupal na ito ang nakaunan sa’yo. Mamumuhay kang prinsesa sa piling ko. Mag-aral ka hanggang gusto mo.”
“Hindi ako sasama sa’yo Daniel. Ikaw ang kailangang tumigil diyan sa pinagkakakitaan mong masama. Please lang.”
“Hindi ka sasama sa akin?” nanginginig na siya sa galit. Hindi niya siguro inakala na hihindian siya ni Alyana kahit mapera na siya.
“Hindi. Hindi kahit kailan.”
“Please! Ikaw lang ang mahal ko. Ikaw lang, Alyana ang nagpapaligaya sa akin. Ikaw ang dahilan ng lahat ng ginagaw akong ito!” hinawakan niya ang braso ni Alyana.
“Huwag mo akong gawing dahilan. Wala akong hinihiling sa’yo. Bitiwan mo ako!”
“Bakit kita bibitiwan? Pag-aari kita. Binili na nga kita eh. Kaya kitang bilhin.”
Malakas na sinampal ni Alyana si Daniel.
Nagulat si Gelo nang biglang sinampal din ni Daniel si Alyana.
Tumigil ang mga nagkakantahan.
Nakatingin na lahat sila sa kanila.
Nanigas ang kamao ni Gelo.
Hindi niya mapapalampas pa ito.