Ang lakas ng kabog ng aking dibdib nang marinig ko ang sinabi ng driver. Hanggang sa muling nagsalita ang driver.
“Bilis-bilisan ninyong kumilos dahil nandiyan na ang dalawang barko ko. Doon tayo sasakay lahat. Sumunod kayo sa akin. Hindi ko kayo puwedeng pabayaan dahil pinagbilin kayo sa akin ni Tirso!” anas ng driver ng truck.
Mabilis akong lumingon kina tiyang Nenang at Carmela. Agad ko silang tinawag at dali-dali naman silang lumapit sa akin. Mabilis kong inalalayan si Tiyang Nenang lalo at may edad na rin ito.
“Humawak ka ng mabuti sa akin Carmela!” utos ko sa aking kapatid. Lalo at hanggang tuhod na namin ang tubig. Agad kaming umakyat sa hagdan. Narinig ko agad ang mga tao’ng nag-iiyakan kasama na ang mga bata at mga baby.
“Huwag po kayong magpanik dahil makakaligtas po kayong lahat!” narinig kong sigaw ng mga lalaki na tumutulong para mailipat ang lahat ng mga pasahero sa dalawang barko na dumating.
“Tiyang Nenang at Carmela. Kayo na muna ang mauna papunta sa kabilang barko. Mas magiging panatag ako kung nakikita kong nandoon na kayo sa kabilang barko at tuluyan nang nakaligtas…” bulong ko sa kanila.
“Ate Trish, paano ka?”
“Susunod ako Carmela. Huwag ninyo akong alalahanin. Sige na mauna na kayo…” bulong ko sa kanila.
“Basta susunod ka Trish. Ako ang malalagot sa Ama mo!” mariing bilin sa akin ni Tiyang Nenang.
“Opo. Huwag ninyo akong alalahanin.”
Nakita ko ang pag-aalala ang mga mukha nina Tiyang Nenang at Carmela sa akin. Marahan akong tumango upang ipaalam na ayos lamang ako. Sobrang lakas ng kaba ng aking dibdib habang tinitingnan ko sina Tiyang Nenang at Carmela habang tumatawid sa kabilang barko. Nakahinga lamang ako ng maluwag nang tuluyan silang makaapak sa kabilang barko.
“Sumunod ka na sa kanila, Ineng!” narinig kong anas ng Driver ng truck na sinakyan namin. Dali-dali naman akong inalalayan ng isang lalaki upang tuluyang makapunta sa kabilang barko.
“Ate Trish!” At mabilis akong niyakap ni Carmela nang tuluyan akong makatawid sa kabilang barko. Ilang sandali lang ay tuluyan na ngang nailipat ang lahat ng sakay ng barkong papalubog na.
Ang sabi ng mga tao ay malaki raw ang butas ng barko. Kaya mabilis ang pagpasok ng tubig. Ngunit hindi lang daw ‘yun ang dahilan dahil may narinig silang malakas na pagsabog sa loob ng barko. Ngunit laking pasasalamat ko na rin dahil hindi kami pinabayaan ng Diyos. Kawawa rin ang mga bata na sakay ng barko na ‘yun.
Hindi nagtagal ay nakarating kami sa daongan ng barko. Nang tuluyan kaming makababa ng barko ay roon lamang kaming nakahinga ng maluwag. Narinig ko rin ang mahinang pagdadasal ni Tiyang Nenang upang magpasalamat sa Diyos.
Muli kaming sumakay ng bus para makarating sa Sta. Barbaryo. May dalawang oras din ang naging biyahe namin nang tuluyan kaming makarating sa dating bahay ng pamilya nina Itay at tiyang Nenang. Nalaman ko na ang ama at ina pala ni Itay Tirso ang nag-aruga kay Tiyang Nenang noong bata pa ito. Kaya pala malapit sa isa’t isa ang dalawa kahit panay ang pag-aaway ng magpinsan.
Tumingin ako sa ‘di kalakihang bahay. Siguro kung bumagyo ng signal number two ay wasak na ang bahay na ito. Ngunit huwag naman sanang bumagyo. Umikot din ang mga mata ko sa buong paligid at doon ko nakitang nagtataasan na ang mga damo. Ang dami na rin ng mga tuyong dahon.
“Kailangan na nating pumasok sa loob ng bahay saka may oras pa tayo para maglinis ng sa loob at labas ng bahay,” anas ni Tiyang Nenang. Tuloy-tuloy na itong pumasok sa loob ng bahay. Agad kaming sumunod kay Tiyang Nenang. Nakita kong may kinuha itong susi upang buksan ang pinto. May nakita akong apat na kwarto. Ang sabi ni Tiyang ay pumili na lang daw kami ng magiging silid namin. Iyon daw muna ang linisan namin upang may matulugan kami mamayang gabi.
Agad naman kaming pumasok sa mga kwarto namin at sinimulan ang paglilinis. May lumang papag din ang nandito. Nang tuluyan kong malinis ang aking kwarto ay saka lamang ako lumabas. May binigay din sa akin si Tiyang na lumang banig upang ilagay sa maliit na papag. Nakita kong naglilinis pa rin sila rito sa maliit na sala.
Ako naman ay nagpaalam kay Tiyang na simulan ko na ang paglilinis sa labas ng bahay. Nang makita ko ang tambak na kalat sa buong paligid ay parang nanghihina ako. Ngunit kung titingnan ko lang ay hindi naman ako makakatapos. Isang malalim na buntonghininga ang aking pinakawalan. At agad na akong kumilos upang simulan ang paglilinis.
Mabuti na lang at may kalaykay kaya mas mapapabilis ang paglilinis ko. Halos may dalawang oras din akong naglilinis ngunit hindi pa rin ako natatapos.
“Dito muna kayo at bibili lang ako ng gas sa tindahan. Wala tayong kuryente rito at tanging gasira lang ang mayroon tayo tuwing gabi---”
Hindi na ako nakapagsalita nang tuloy-tuloy na umalis sa harapan ko si Tiyang Nenang. Muli kong pinagpatuloy ang aking ginawa. Umikot ako sa likod bahay. Napansin kong may lumang alambre ang nakarang. Ngunit kapag tumawid sa alambre ay mas malawak ang lupain doon. May mga tamin din sila ng mga mangga at iba pang mga prutas. May nakita rin akong mga kabayo. Kung tama ang aking hinala ay mayaman ang may-ari ng malaking lupa na ‘to.
Maingat pa akong lumapit sa alambre upang mas makita ang malawak na lupain. May malaking bahay rin pala. At kung tama ang aking hinala ay bagong gawa lamang ito? O baka bagong pintura lang ‘yun.
“Trish, sino bang tinitingnan mo riyan?” narinig kong tanong sa akin ni Tiyang Nenang.
“Ang walak po pala ng lupang iyan. Ang dami pang kabayo at mga tanim na mga prutas, Tiyang,” anas ko sa aking tiyahin. Nakarating na pala ito at hindi ko man lang naramdaman ang paglapit nito sa aking tabi.
“Ang sabi noong nakausap ko kanina lang nang bumili ako ng gas ay mayaman daw ang nakabili niyan. Halos mga isang taon na raw iyan mula ng may bumili. Ang dami raw mga tanim na gulay at mga prutas sa lupain na iyan. Ngunit bihira lang daw umuwi ang may-ari ng lupang iyan. Ngunit magandang balita dahil naghahanap daw ng dalawang labandera ang may-ari ng lupa. Kaya puwede kayong mag-apply riyan bukas. Kailangan ninyong pumunta riyan ni Carmela. Kapag walang pasok ang kapatid mo ay siya ang magiging kasama mo. Kailangan ninyong kumilos. Lalo ngayon at pariparihas tayong walang trabaho. Maganda sana roon sa pinag-alisan natin dahil magsugal lang ako ay magkakapera na ako kapag nanalo---” umiiling na sabi ni Tiyang Nenang.
Nasundan ko na lang ng tingin si Tiyang Nenang. Kailangan na raw nitong magluto ng haponan namin lalo ay malapit ng mag-alas-sais ng hapon. Kailangan naming magpahinga lalo at halos wala kaming tulog kagabi dahil sa muntik nang paglubog ng barko na sinasakyan namin. Ang haba rin ng naging biyahe namin. Kaya wala pa kaming tulog at kain.
Muli akong tumingin sa malawak ng lupain. Ngunit biglang nanlalaki ang mga mata ko nang makita ko ang mga gulay na mga nakatanim. Malapit lang ito sa lupain namin. Mga talbos ng kamote. Hindi naman siguro masama kung kumuha ako. Saka talbos lang naman ng kamote ‘yun.
Hindi naman siguro ako basta makikita dahil nag-aagaw na ang dilim ang linawag. Kaya naman agad akong sumuot sa alambre. Panay ang yuko ko at halos gumapang ako sa damuhan upang hindi ako makita.
Nang makalapit ako sa mga talbos ng kamote ay agad akong kumuha. Ngunit may nakita rin ako mga kalabasa. Kaya agad akong pumitas. Ngunit mabilis akong nagtago sa mga puno ng saging nang marinig ko ang mga yabag ng paa.
“Master, bukas na nating aanihin ang mga gulay. Dating gawi pa rin ba?” narinig kong anas ng isang lalaki.
“Yeah, tiyakin ninyong hindi nakikita!”
Bigla kong natakpan ang aking bibig nang marinig ko ang pamilyar na boses na ‘yun. Hindi ako puwedeng magkamali.
“Mukhang may nabawasa na isang kalabasa, ganoon din sa mga talbos ng kamote. Alam naman ninyo na ayaw kong pinagnanakawan ako, ‘di ba?!” galit na sabi lalaking humahanting sa amin.
Napatingin naman ako sa kalabasang hawak ko ganoon din sa mga talbos ng kamote. Diyos ko po! Bakit ang malas-malas ko yata ngayon.