Kagaya ng plano ko ay nag-monitor at nag-compute lang ako ng mga shipments. May dadating akong isang shipment bukas. Inasikaso ko na rin iyong kakailanganing mga dokumento para sa pagkuha ng permit. Magpapapunta na lang siguro ako ng messenger sa Quezon City.
“Hindi ka pa uuwi?” tanong ni Venice sa akin. Napatingin akong muli sa aking orasan at napagtantong ala-cinco na pala ng hapon. Tiningnan kong mabuti kung may kailangan pa ba akong gawin o kinakailangan ko bang mag-overtime. Hindi na naman kaya’t sumabay na ako kina Chad at Venice na umuwi.
Hindi ako makasagot. Iniisip kung paano ba makikipag-usap sa dalawa. How should I address them?
Napansin ata iyon ni Chad kaya’t agad siyang nagsalita.
“Hay nako sis, cut the formality. Friends tayong lahat dito. Halos magkakasing-edad lang naman tayo, eh,” saad ni Chad. Nagulat man sa kanyang sinabi at sa pananalita niya ay natuwa na lang din ako. So, he’s a homosexual? I see. He’s still great.
“Gulat ka ba? Ganyan talaga iyang si Chad. Minsan ay natatakot bumunyag. Kasi rati si Sir Rico, iyong pinalitan mo, homophobic. Kaya nahirapan si Chad no’n. Buti nga wala na siya rito, eh. Minsan akala mo kung sino, daig pa si Sir Silas kung mag-utos. Feeling siya ang may-ari ng kompanya,” natatawang sambit ni Venice. Naghihintay kasi kami ngayon ng elevator kaya’t nagke-kwentuhan muna kami para malibang.
“Lagi ka niyang iniinsulto, Chad? Iyong Sir Rico niyo?” pagtatanong ko. Kung hindi ako nagkakamali ay iyon ‘yung binaril ni Silas.
“Madalas. Hindi ko na lang pinapansin. Ang hirap makipagtalo sa sarado ang isip.”
Napakunot ang noo ko. I have relatives na kagaya ni Chad and they are good people. Hindi ko magets iyong mga taong nilalait ang mga kagaya nila.
“I believe that being homosexual or bisexual will not make you less of a person. That’s why, I don’t get those people who try to degrade them or downplay them,” sabi ko sa kanila. Pumalakpak naman si Chad dahil sa sinabi ko.
“I know sis—ay nako, bestie na kita ngayon!” Natawa naman ako sa sinabi niya. Nakakatuwang mabubuting tao ang kasama ko sa trabaho.
Bumukas ang pinto ng elevator kaya papasok na sana kami nang makita namin muli si Silas na may kausap sa telepono sa dulo ng elevator. Nakahawak ang isang kamay niya sa handrail ng elevator. Napatingin siya sa amin saglit bago kausapin muli iyong nasa kabilang linya.
Pumasok naman kami at tumahimik dahil nga may kausap si Silas. Nasa unahan ko sina Chad at Venice habang ako naman ay nasa bandang likod kapantay ang pwesto ni Silas. Tahimik lang din ako. Hindi kami makagawa ng kahit anong ingay dahil sa presensyang dala ni Silas.
Napasilip ako sa kanya, napansin ko ang seryosong ekspresyon ng mukha nito habang kunot ang noo. Parang ngayon ko lang siya nakitang ganito. Nakakapanibago sa mayabang at presko niyang presensya sa tuwing kausap at kaharap ako.
Natapos ang pakikipag-usap niya. Ganoon pa man ay hindi pa rin kami gumawa ng kahit anong ingay. Bumubukas ang elevator sa iba’t ibang floor dahil na rin siguro uwian ngayon.
“By the way, Hyacinth.” Nilingon ako nina Chad. “Saan ka nga pala nakatira? Sa Buendia kami.”
“Vito Cruz,” matipid na sagot ko. Pumalakpak sila at sinabing sabay-sabay na kaming umuwi. Alam ko na may tumingin sa akin ngunit hindi ko na iyon pinansin pa. Bakit ba natingin si Silas sa akin? Isa pa, bakit biglang nasa tabi ko siya? Kanina lang ay nasa kabilang dulo siya ng elevator, ah?
Siksikan na sa loob ng elevator kaya’t may mga oras na napapadikit ako kay Silas. Naiirita ako dahil ang tagal namin bago makarating sa ground floor. Kada-floor ata kasi ay tinitigilan ng elevator.
“You know, my condo is also in Vito Cruz,” bulong niya. Napatingin ako sa kaya ngunit hindi sumagot. Hindi naman kasi ako sigurado kung ako ba ang kinakausap niya. Tumingin din si Silas sa akin. “Near La Salle.” Nanlaki ang aking mga mata dahil napatunayan kong ako nga ang kinakausap niya.
Holy s**t! Malapit lang din sa La Salle ang apartment ko!
“If you want, I can give you a ride—” Marahas akong umiling kaya’t hindi na niya iyon natapos pa. Napatingin ako sa mga kasama namin sa elevator at napansing may kanya-kanya silang mga mundo. Nakahinga ako nang maluwag nang mapansin na hindi naman nila kami naririnig.
“H-Hindi na. Kasabay ko sila,” bulong ko pabalik sa kanya sabay turo kina Chad. Napatingin naman siya kina Chad na nag-uusap din bago muling tumingin sa akin. Pilit akong ngumiti at nag-iwas na ng tingin.
Hindi ko alam pero pakiramdam ko ay may malaki akong sekreto na itinatago sa lahat sa tuwing nag-uusap o sa tuwing may interactions kami ni Silas kahit alam ko namang walang ibig sabihin iyon. Kailangan ko nang itigil ito. Pakiramdam ko rin kasi ay kahit wala naman at hindi naman talaga, nagkakasala ako kay Owen.
Nang dumating kami sa ground floor ay agad akong sumunod kina Chad at Venice. Nagpaalam kami kay Silas at umalis na.
Sa byahe papauwi ay tawa kami nang tawag dahil sa biro ni Chad at Venice. Ako naman ay hindi makapagsabi ng biro dahil alam ko na hindi ako nakakatawang tao. Iyong mga barkada ko lang sa probinsya ang natatawa sa akin talaga. Siguro ganoon nila ako kamahal.
“Ilang taon na kayo riyan sa Benavidez Corp?” pagtatanong kong muli. Napaisip silang dalawa at nagbilang pa si Chad kaya bahagya akong natawa. Hindi ko alam kung nagbibiro ba siya o talagang nagbibilang siya.
“Two years na. Hindi kasi kami makaalis diyan. Ang ganda kasi ng benefits at mataas din ang sweldo kaya buhay ka na talaga,” natatawang sabi ni Chad.
“Tapos ang gwapo pa ng boss mo. Char!” Natawa ako sa sinabi ni Venice. She didn’t lie, though. Pero wala akong oras maglaway sa ibang lalaki, may Owen ako.
“So true! Intimidating nga lang si Sir most of the time pero mabait naman iyon. Pero alam mo ‘yon, parang kapag kaharap mo siya bawal magsalita ng walang kwenta or else magagalit siya sa’yo. Sobrang professional kasi ni Sir. Parang nakakatakot biruin. Pero base sa mga naririnig ko sa iba, mabait naman daw talaga si Sir,” sabi ni Chad. Hindi ko naman maitatanggi iyon. He offered me a job, at kaya may pambayad ako sa utang ko ay dahil din sa kanya. Kahit na may pagkasarkastiko siya.
“Galante pa. Ang laking magpa-bonus ni Sir! Lalo na kapag maganda talaga iyong performance mo,” wika ni Venice na para bang kinikilig pa. Pilit naman akong ngumiti. Ayokong mahalata nila na hindi ganoon ang tingin ko sa boss namin.
“Tapos nakita mo na ba ang ibang mga Benavidez? Jusko bestie, iba talaga. Parang mga diyos at diyosa na mula sa Greek mythology at bumaba mula Olympus,” halos tumiling saad ni Chad. Hinampas siya ni Venice at sabay pa silang kinilig.
“I saw one. If I’m not mistake his name is Gio.” Naalala ko na may nakilala ako noong pipirma ako ng kontrata.
“Holy cow! Si Sir Gio? Grabe sis! Crush ko siya!” sabi ni Venice at tinulak tulak pa si Chad. Napapa-aray naman si Chad pero pareho silang natatawa. “I mean, in terms of look, pareho naman silang gwapo talaga ni Sir Silvanus pero iba kasi iyong ugali ni Sir Gio. Mapagbiro ba. Tapos ano, gentleman na babaero.” Natawa kaming tatlo dahil sa mga sunod na komento ni Venice tungkol sa pinsan ni Silas.
Sa sobrang dami naming pinag-usapan ay hindi na namin namalayan na nasa Gil Puyat na pala kami. Bumaba na kami at nagpaalam sa isa’t isa.
“Dito kami sa way na ito. Ikaw ba?” tanong nina Chad at Venice sa akin.
“Sasakay pa ako ng isang jeep.” Tumango sila at naghiwalay na kami ng daan. Naghintay lang ako ng sasakyan na jeep papuntang Vito Cruz.
Nahiga na muna ako sa kama ko nang makarating sa apartment. Gusto ko munang magpahinga bago magbihis. Nakabili na rin ako ng hapunan ko bago ako pumasok ng apartment kaya’t hindi ko na kailangan pang lumabas muli.
Ipipikit ko pa lang sana ang aking mga mata nang tumunog ang cellphone ko. Agad akong napabangon at kinuha iyong cellphone ko sa bag. Nakita ko ang pangalan ni Owen kaya’t walang pagdadalawang-isip ko iyong sinagot.
“Hi, boo,” bati sa akin ni Owen sa kabilang linya. Muli akong nahiga sa kama ko at nakipag-usap muna sa kanya.
“Hi!” Masayang bati ko naman sa kanya. Simula nang mapag-usapan namin iyong tungkol sa kasal at hindi kami nagkasundo ay hindi na muli namin iyon pinag-usapan dahil alam namin, sa oras na mapag-usapan na naman namin iyon ay magtatalo na naman kaming dalawa.
“I’m in Cavite right now. I can’t visit you. I miss you so much,” sabi ni Owen sa akin. Napangiti naman ako sa sinabi niya.
“I miss you, too. Ano pa lang ginagawa mo sa Cavite?” tanong ko sa kanya. May naririnig din akong ingay sa likod, halatang abala ang lugar kung nasaan siya ngayon.
“Seminar. Ipinadala iyong team namin sa isang subsidiary company ng kompanya namin. Baka bukas pa kami makabalik ng Manila.” Napanguso naman ako sa sinabi niya. Gusto ko pa naman siyang makita.
“I see, ingat ka riyan, okay?” iyon nalang ang sinabi ko. Ano pa nga bang magagawa ko. Pareho kaming may trabaho. Ang huling pagkikita pa ata namin ay noong isang buwan. Sadyang busy kasi siya sa trabaho at madalas ay ipinapadala sa ibang lugar.
“You, too. So, how was your first day in your new job?” Naalala kong sinabi ko na nga pala sa kanya na nakakuha na ako ng bagong trabaho. Hindi ko pa lang talaga sinasabi kung ano at kung saan.
“Good. Wala pa naman akong masyadong ginagawa kaya hindi na muna ako nag-overtime,” sagot ko sa kanya. Tumayo ako at lumapit sa aparador ko upang kumuha ng pamalit na damit.
“I’m glad to hear that. Ano pa lang ginagawa mo roon? Mabigat din ba ang trabaho kagaya sa rati mong pinagtatrabahuhan?” nag-aalalang tanong niya sa akin. Naalala ko kasi na madalas akong umiyak sa kanya at magreklamo sa tuwing ang dami kong ginagawa at nagkakamali ako sa declaration ng entry.
“Hindi naman. Ganoon pa rin pero hindi marami ang dokumento. Malalaki nga lang iyonng bawat shipment pero sa tingin ko ay mas magaan ngayon ang trabaho ko.” Nang makakuha ako ng pamalit na damit ay muli muna akong nagtungo sa kama ko upang maupo roon.
“How about the salary? Okay naman ba?”
Come to think of it, wala akong masyadong nasabi sa kanya. Basta sinabi ko na lang na nakahanap na ako ng bagong trabaho at iyon na ‘yon. Wala na akong ibang sinabi pa.
“Mas mataas sa rati kong sweldo.” Ayokong sabihin sa kanya kung magkano ba talaga ang sweldo ko. Baka hindi siya makapaniwala at isipin pa na gumagawa ako ng ilegal—na totoo naman.
“Okay. That’s good to hear. Anyway, nakita ko si Eloise kanina. Bago kami umalis ng Manila ay nakita ko siya sa may Malate. Mukhang papasok pa lang ng trabaho. Hindi niya pala alam na may bago kang trabaho?” aniya. Bukod kay Owen ay wala pa nga pala akong nasasabihin. I find it unnecessary, kaya’t hindi ko na pinagsabi pa.
“Oo, hindi ko pa nga nasasabi sa kanya. Hindi pa rin kasi kami nakakapag-usap ni Eloise,” sagot ko sa kanya.
May ilan pa kaming pinag-usapan ni Owen. Inabot din siguro kami ng kalahating oras sa pag-uusap. Naputol lamang iyon nang kailangan na naming kumain ng hapunan pareho.
Pumasok na ako sa banyo upang makapagpalit ng damit. Naghanda na rin ako ng pagkain para makakain na ng hapunan.
Wala naman na akong ginawa sa gabing iyon. Dinalaw ko lang ang social media accounts ko at nanuod ng mga babaeng nagmu-mukbang hanggang sa maramdaman ko ang antok.
Kinabukasan ay maaga ulit akong pumasok. Kailangan kong i-check iyong mga via air dahil baka dumating na. Hindi nga ako nagkamali kaya naman agad ko na iyong inasikaso. Naalala ko na may messenger nga pala akong pag-aasikasuhin ng permit sa Quezon City.
Lumabas ako ng opisina namin at nilapitan iyong isang cubicle ng mga messenger. Nag-aayos na sila at naghahanda na rin para sa pag-alis nila mamaya.
“Kuya, sinong pwedeng pumunta po sa Quezon City?” pagtatanong ko sa head ng mga messenger. Napatingin sa akin si Kuya Edward kung hindi ako nagkakamli sa kanyang pangalan.
“Si Kevin, Ma’am. May ipapaasikaso ka ba?” tanong niya sa akin. Tumango ako at ibinigay iyong folder na naglalaman ng mga dokumentong kakailanganin sa pagkuha ng permit. Kinuha iyon ni Kuya Edward nang maalala ko na wala pa pa lang pirma iyon ni Silas.
“Ay, Kuya sandali lang po pala. May papapirmahan pa ako kay Sir.” Natawa si Kuya sa akin at ibinalik muli ang folder na binigay ko. Nagtungo ako ng elevator para pumunta sa 25th floor kung saan naandoon ang opisina ni Silas. Naandoon na kaya siya o iiwan ko na lang ito sa sekretarya niya?
“Rebecca,” pagtawag ko roon sa sekretarya niya. Tumingin ito sa akin at ngumiti. “Naandiyan na ba si Sir? May papapirmahan sana ako. Kailangan lang para sa permit. Iwan ko na lang sayo? Pero kailangan na kasi iyan bago umalis iyong mga messenger sa baba.” Ipinakita ko sa kanya iyon. Nagsenyas naman siya sa akin ng “sandali lang” gamit ang kanang kamay niya bago kunin ang telepono at may tawagan.
“Good morning, Sir. Naandito po si Miss Morga. May papapirmahan daw po siya. Papaiwanan ko na lang po ba iyong dokumento?” tanong ni Rebecca. Ako naman ay sumandal muna habang hinihintay ang sagot ni Silas.
“Okay, Sir. Noted,” sabi niya bago ibaba ang telepono at tumingin sa akin. “You may enter the office. Ikaw na raw ang magpapirma sa kanya.”
Tumango ako at matipid na ngumiti sa kanya. Naglakad na naman ako at dumiretso sa opisina ni Silas. Kumatok ako roon at hinintay na sumagot siya. Nang payagan niya na akong pumasok ay doon ko lamang binuksan ang pinto ng opisina niya. Hindi ko akalain na ang aga niyang pumasok ng opisina.
“Good morning, Sir,” bati ko sa kanya at lumapit na sa kanyang lamesa. “May papipirmahan lang po ako. Magpapaasikaso na po ako ng permit para sa shipment nating iyon. Hard disc po kasi ang napili nilang ipa-declare at kakailanganin po natin ng permit doon.”
Inilahad niya ang kamay niya kaya ibinigay ko naman sa kanya iyong folder na puno ng dokumento. Binuksan niya iyon at pinag-aralan ang mga nakalagay doon.
“Okay. This is for what shipment?” tanong niya sa akin. Huminga ako ng malalim bago sumagot. Bakit ba parang nahihirapan akong makipag-usap sa kanya palagi? Grr.
“The ammunitions, Sir,” hininaan ko ang boses ko. Napangisi naman siya sa ginawa ko. Hindi ko alam kung may nakakatawa ba roon. Nag-iingat lang naman ako dahil baka may makarinig sa amin.
“I see. I’ll trust you on this.” Kinuha niya iyong ballpen niya at pinirmahan iyong dokumentong kailangan niyang pirmahan habang nakatingin sa akin, may ngisi pa rin sa kanyang labi. Hindi ko alam kun anong purpose ng pagtitig niya sa akin habang pumipirma. Nagmamayabang ba siya na kaya niyang gawin iyon? Wala akong pake.
Muli niyang iniabot sa akin ang folder kaya agad naman akong nagpasalamat sa kanya. Magalang akong tumango sa kanya at nagpaalam. Palabas na ako ng opisina niya nang tawagin niya akong muli.
“Hyacinth,” napalingon ako sa kanya. “You don’t have to be formal. I thought I already told you to just call me Silas?” Hindi ko alam pero may kakaiba akong naramdaman sa sinabi niya. Ito ba talaga ang dahilan bakit niya ako tinawag?
“You’re my boss,” sabi ko sa kanya. Parang hindi tamang tawagin ko siya sa palayaw niya o mag-first name basis kami.
I saw him biting his lower lip before chuckling. Hindi ko maintindihan bakit niya iyon ginagawa. I don’t remember saying a joke?
“If it’s just the two of us, you don’t really need to be formal. It’s fine.” I slightly tilted my head, still confuse about what he’s saying. Ganoon pa man ay hindi na ako nagsalita pa o umangal pa. Bahala na. Sa tingin ko naman ay tatawagin ko pa rin siyang Sir kahit anong pilit niya.
“And…” hindi ako muling nakaalis nang muli siyang magsalita. Naiinis akong lumingon muli sa kanya ngunit hindi ko ipinahalata iyon. Tiningnan niya lang ako habang nilalaro ang labi niya, para bang nagdadalawang-isip kung sasabihin niya ba iyong binabalak niyang sabihin o hindi. Ugh, hindi ba siya aware na kailangan kong magtrabaho ngayon? Inuubos niya oras ko.
Bumuntong hininga si Silas bago umiling. “Never mind.”
Bahagyang kumunot ang noo ko roon. Pinatigil niya ako sa pag-alis para talaga hindi niya sabihin iyon? Wow, amazing!
Nagpaalam na ako sa kanya na aalis na ako. Mabilis akong naglakad dahil baka tawagin na naman niya ako o pigilan sa pag-alis tapos ay masasayang lamang ang oras ko dahil wala naman pala siyang sasabihin.