Kinabukasan ay para akong wala sa sarili. Tulala lang ako habang nakasakay sa elevator at naghihintay na makarating sa 7th floor ng building kung saan naandoon ang opisina namin. Kinakabahan ako dahil pakiramdam 'ko ay mayayari ako ng boss namin sa hindi ko pagsipot sa kliyente namin kahapon.
Bumukas ang elevator at kasabay nito ang katapat ding elevator. Nagulat pa ako nang makita ko si Eloise na nakasakay sa kabilang elevator.
“My god, Hyacinth! Alam mo bang nag-alala ako sa'yo kagabi? Hindi kita ma-contact. Tapos balita ko ay hindi ka raw sumipot doon sa kliyente. Girl, kahit naman nasabi ko sa'yo na naandoon si Paul ay sana pumunta ka pa rin ‘no,” iyon ang bati sa akin ni Eloise. Gusto ko siyang pasalamatan dahil ang ganda ng pagbati niya sa umaga ko.
“Good morning din, Eloise,” sarkastikong bati ko sa kanya. Hangga’t maaari ay ayoko talagang pag-usapan ang nangyari kahapon. Kung alam lang nila. Hindi nga ako pinatulog ng maayos kagabi dahil sa mga naganap kahapon.
“Balita ko ay galit daw si Sir. Kausap ni Paul kahapon, talak daw nang talak dahil hindi ka raw sumipot doon.” Nakita ko sa mukha niya ang pagbabago ng ekspresyon niya. Alam ko naman na nag-aalala na siya sa akin.
“Alam ko. Inihahanda ko na ngang mapagalitan mamaya.” Nakakatakot pa naman iyong boss namin kapag nagagalit. Akala mo ay magigiba iyong lamesa niya kakahampas niya kapag galit. Tapos nagliliparan ang mga gamit sa loob ng opisina niya. Sana lang talaga ay walang lumipad sa mukha ko mamaya.
“Hayaan mo na muna iyan. Mamaya pa naman ang pasok ni Sir. Iyong trabaho muna natin ang asikasuhin natin,” sabi niya sa akin at tinapik ang likod ko. Napairap ako sa hangin nang maalala kong datingan ng karamihan sa shipments ko ngayon at matataranta na naman ako dahil ang daming kailangang ipa-process sa Customs.
Nang makapasok ako sa opisina namin at naglalakad na patungo sa cubicle ng mga nagta-trabaho sa brokerage ay nakikita ko na agad ang mapanghusgang mga mata ng taga ibang department. Huwag nga nila akong tingnan ng ganyan. Hindi naman ako sa kanila nagkaroon ng kasalanan.
“Hyacinth, saan ka galing kahapon at bukod sa hindi ka namin ma-contact ay hindi ka nagpakita sa warehouse ng kliyente?” Kakaupo ko pa lang ay iyon na agad ang ibinungad sa akin ng supervisor ng aming team. Nahihiya akong ngumiti kay Ma’am Liz. Close naman kami rito sa brokerage at alam ko na nag-alala lang din sila sa akin kasi hindi nga nila ako ma-contact kahapon.
“Na-lowbat po kasi ang phone ko. Naligaw ako Ma’am, eh. Hindi ko makita iyong warehouse tapos ay pinagtripan pa ako ng isang tambay roon,” pagdadahilan ko. Hindi naman tunay iyong tungkol sa tambay pero ayokong sabihin sa kanila na may nakita akon ilegal kahapon kaya’t nagkanda-leche-leche ang araw ko.
“Galit na galit si Sir kahapon. Nagbubunganga kasi wala ka nga raw. Tawag pa naman daw nang tawag iyong kliyente,” saad naman ni Ate Nica, isa sa mga katrabaho ko.
“Ipaliwanag mo nalang mamaya, Hyacinth. Siguro naman ay maiintindihan ni Sir,” anas ni Ma’am Joy, supervisor ng team nina Eloise. Ngumiti na lang ako kina Ma’am kahit na nararamdaman ko na ang kaba sa dibdib ko.
Naupo na ako sa aking upuan at binuksan ang aking desktop para makapagsimula na sa trabaho. Wala pa naman iyong mga processor kaya’t wala pang maingay. Paniguradong dudumugin ako ng mga iyon kapag nakita nila ako para makichismis. Naririnig-rinig ko na rin ang mga pang-aasar nila.
Kagaya ng inaasahan ko ay tumambad sa akin ang maraming email na dumating na ang mga kargamento ng kliyenteng handle ko. Agad kong kinuha iyong mga envelope ng mga dokumento para ilagay doon ang status ng bawat shipments ko nang mapatulala ako dahil sa pagdaan ng sekretarya ni Sir sa aming cubicle at mukhang magtitimpla ng kape.
Napatingin ako kina Eloise at napatingin din sila sa akin, tanda na pare-pareho kami ng iniisip. Naandito na si Sir.
“Bakit ang aga?” kinakabahang tanong ko. Nakita ko rin naman ang pagkibit ng balikat nina Ma’am. Halatang hindi rin nila alam ang dahilan bakit maagang pumasok si Sir.
“Malamang kakausapin ka niya.” Napatingin ako sa dumaan at nakita ko si Ma’am Princess, iyong manager ng department namin. Tiningnan niya ako at tinaasan ng kilay bago umirap at muling magtungo sa kanyang cubicle. Nakakainis talaga iyon kahit kailan. Self-proclaimed manager naman.
Nakita ko ang pagtayo ni Ma’am Nora, iyong manager ng accounting, at pumunta sa opisina ni Sir dahil mukhang magre-report iyon tungkol sa sales ng kompanya at sa mga utang ng kliyente namin. Ako naman ay dahan-dahan nang kinakain ng kaba ko. Pakiramdam ko nga ay maagang pumasok si Sir para maaga niya rin akong magisa.
“Hyacinth.” Napakurap-kurap ako bago tumingin kay Ma’am Nora. Ngumiti ako kahit peke iyon. Itinuro ni Ma’am iyong opisina ni Sir. “Tawag ka ng lolo mo.”
Napapikit na ako at umaktong iiyak dahil sa narinig. Hindi ko naman talaga lolo si Sir. Hindi ko nga siya kamag-anak, pero iyon lang ang nakasanayang tawag ng ilan sa kanya para wala lang, kwela ang mga tao rito, eh.
Huminga ako ng malalim at inihanda na ang sarili. Sinusundan pa ako ng tingin nina Eloise na para bang naaawa sila at natatakot para sa akin dahil sa maaaring mangyari. Ipinikit ko na lang ang mga mata ko at nagtungo sa opisina ni Sir.
Kumatok muna ako at sumilip. Naabutan ko siyang pumipirma ng mga entry na sa tingin ko ay ipo-proseso sa Customs ngayong araw.
“Good morning, Sir—”
“Alam mo ba ang ginawa mo kahapon?” kalmado pa ang pagkakasabi niya nito pero alam ko na galit siya at nagpipigil lang. Hindi siya tumingin sa akin at nanatili ang titig niya sa mga dokumentong pinipirmahan niya.
Hindi ako nakapagsalita at napatungo na lang. Alam ko naman talaga ang kasalanan ko pero paano ko ba ipapaliwanag sa iba ang nangyari sa akin kaya’t hindi ako nakapunta? Kung sakali mang sabihin ko sa kanya, paniwalaan naman ba niya ako? Pakiramdam ko ay hindi.
Nagulat ako nang marahan niyang ibinaba ang ballpen na hawak niya sa lamesa at tumingin sa akin. Napalunok ako dahil sa takot na nararamdaman.
“Kung hindi mo kayang gawin ang isang bagay, sana ay hindi ka nagboluntaryong gawin iyon!” Napasinghap ako nang dahan-dahan nang tumataas ang kanyang boses. This is not good. Nararamdaman ko.
Hindi ko alam kung paano ako sasagot. Natatakot ako na baka ang lumabas lamang sa bibig ko ay mas magpalala ng sitwasyong mayroon ako ngayon.
“Sir, may nangyari po kasing hindi maganda sa akin kahapon kaya—”
“Excuses!” sigaw niya at inihampas ang kamay niya sa lamesa.
Muli akong nagulat dahil doon. Pakiramdam ko ay maiiyak ako sa sobrang kabang nararamdaman ko. Ganoon pa man ay alam ko na hindi kaiyak-iyak ang ganitong bagay. “Alam mo ba na muntikan mo nang masira ang magandang reputasyon ng kompanya ko sa kliyente kong iyon? Alam mo naman na inaalagaan nating mabuti ang mga kliyente natin dahil maraming brokerage na ang nagtatayo riyan at maaaring maagaw ang mga kliyenteng mayroon tayo tapos ikaw, negligence!”
Huminga na lang ako nang malalim. Handa akong marinig lahat ng sermon niya. Hindi ako magsasalita o magpapalusot dahil alam ko na may parte talaga na mali ako. Kung ano mang nangyari sa akin kahapon ay balewala iyon sa kanila dahil matatapos ang araw na iyon hindi ko pa rin nagawa ang trabahong mayroon ako.
“Pack your things.” Dahil sa sinabi niyang iyon ay agad akong napatingin sa kanya. Sa lahat ng sermon o mga salitang maaari niyang bitawan at sabihin sa akin ay ito ang ayokong marinig. “Pack your things and leave my office. You are fired!”
Para akong binagsakan ng langit at lupa dahil sa sinabi niyang iyon. Ang mga huling salita niya ang ayokong marinig. Kailangan ko ng trabaho at tatanggalin niya ako dahil sa isang pagkakamaling nagawa ko kahit na mas marami ang nagawa kong tama at naiambag ko sa kompanya niyang ito.
Hindi ako kumilos at nanatili lamang na nakatingin sa kanya. I don’t deserve this. Alam ko naman na may pagkukulang ako sa parte na hindi ako sumipot kahapon sa kliyente pero totoo naman talaga na may hindi inaasahang pangyayari kaya hindi ko nagawa ang trabahong iyon ng maayos.
“Hindi mo ba narinig ang sinabi ko? You are fired. Now get out!” Matapos niyang sabihin iyon ay muli na niyang kinuha ang kanyang ballpen at binalingan ang mga dokumento. Hindi pa rin ako kumilos at nanatiling nakatingin sa kanya. Napakuyom ang aking kamay dahil sa sama ng loob na nararamdaman ko ngayon. Naputol lamang ang paninitig ko sa boss ko nang may kumatok sa pintuan ng opisina niya.
Sumilip si Miss Millie, iyong HR ng kompanya. Para bang nahiya pa siya nang makita ako kaya pilit siyang ngumiti sa akin. “Sir, may mga interviewee na po tayo sa labas para sa…uhm…bakanteng posisyon ng declarant.”
Napapikit ang aking mga mata at napailing dahil sa narinig. Papalitan agad nila ako? Nakapagpost na agad sila na hiring ang kompanya kahit naandito pa ako? Ibang klase!
“Sige, papasukin niyo na.” Nang marinig ko iyon ay agad na akong nagmartsa palabas ng opisina ni Sir. Kahit gaano ko man kailangan ang trabaho na ito ay hindi ko na hahayaang tapakan niya ako ng ganoon.
Pabalik na ako sa cubicle namin nang makasalubong ko si Kuya Mike, iyong processor namin sa NAIA na lagi ko ring nakakausap dahil halos puro via air ang shipments na hawak ko.
“Oh, anong nangyari? Napagalitan ka ni Sir?” Alam ko na gusto niya lang akong biruin ngunit wala ako sa wisyong makipagbiruan sa kahit kanino.
“Wala ako sa mood makipagbiruan,” malamig na sabi ko sa kanya at nilagpasan na siya upang makapunta na sa cubicle ng brokerage department. Agad nila akong tiningnan nang makarating ako roon. Pumunta ako sa table ko at nag-ayos ng gamit.
“Hala, anong ginagawa mo?” tanong sa akin ni Eloise nang mapansin niya ang pag-aayos ko ng gamit.
“He fired me, just like that,” sabi ko at inilagay sa box iyong mga gamit na i-uuwi ko sa apartment. Alam ko na kaunting tulak na lang ay maaari na talaga akong maiyak pero hangga’t kaya ko ay pipigilan ko. Ayoko ngang umiyak sa harapan nila. Hindi naman sa pagtatawanan ako ng mga kasama ko sa brokerage pero paano iyong mga kontrabidang taga ibang department? Sobrang insecure pa naman nila sa amin.
“Grabe naman,” sabi ni Ate Nica habang pinagmamasdan akong mag-ayos ng gamit. Nagkibit balikat na lang ako at sarkastikong ngumiti habang patuloy sa pag-aayos ng gamit ko.
“Hindi niyo rin kasi masisisi si Sir bakit siya galit na galit.” Napatigil ako sa pag aayos ko nang magsalita si Paul. Nasa likod niya iyong ibang processor. “Kasi kahapon urgent iyong ipapagawa. Kailangan ng isang representative para sa counting, parang witness ba, kasi kulang nga ng isang package iyong na-release para sa kanila, hindi ba? Kailangan kasi bukod sa kanila ay may magsasabi rin sa kliyente nila na mula sa broker's side na may kulang na package, na short-landed iyong cargo. Schedule to deliver din nila iyon kahapon ngunit na-delay dahil nga hindi agad dumating ang representative natin. Tawag sila nang tawag kay Sir kasi kailangan na nila iyong representative kaya lang wala ka nga. Kaya kahit pagod ako at kakatapos ko lang sa trabaho mula sa South Harbor ay dumiretso na ako roon kasi putak nang putak nga si Sir. Muntikan na ngang mag-backout iyong kliyente ng kliyente natin dahil sa delay ng delivery, eh. Kaya galit si Sir kasi malaki ang naging impact sa atin at sa kliyente natin,” pagpapaliwanag ni Paul. Alam ko naman na malaki ang kasalanan ko pero ang marinig iyon sa kanya ay parang sampal sa akin.
Nang matapos akong makapaglinis ng gamit ko ay kinuha ko na ang bag ko, akmang paalis na.
“Paano ang mga shipments mo, Hyacinth?” tanong sa akin ni Ma’am Liz. Napatigil ako sa tapat niya at tumingin.
“Hindi ko alam, Ma’am. Gustuhin ko mang ayusin ang mga shipments na dumating ngayon ay tanggal na ako sa trabaho. Nalagyan ko na naman po ng status ang mga envelope kaya sa tingin ko kaya na iyan ng papalit sa akin.” Ngumiti ako sa kanya at nagpaalam na rin sa iba pang mga nasa brokerage at umalis na roon. Sumakay ako ng elevator at doon ko lang naramdaman ang panlulumo ng pagkakatanggal sa akin sa trabaho.
Nang makalabas ng building ay dumaan muna ako sa Mini Stop para bumili ng makakain. Hindi pa ako kumakain ng umagahan dahil iniisip ko na kailangan kong pumasok ng maaga kasi marami akong gagawin ngayong araw tapos patatalsikin lang pala ako. Hindi man lang makita iyong effort ko.
Matapos kong makabili ng pagkain ay naghintay na ako ng jeep na masasakyan pauwi. Hindi rin naman ako naghintay ng matagal at sumakay na. Makalipas ang ilang minutong byahe ay nakarating na ako sa apartment ko. Paakyat pa lang ako papunta sa pangalawang palapag nang may tumawag na agad sa pangalan ko.
“Hyacinth.”
Napalingon ako sa kanya habang kinakain iyong tinapay na binili ko sa Mini Stop. Nakita ko iyong landlady namin kaya agad kong tinanggal iyong tinapay sa bibig ko at ngumiti sa kanya.
“Ang aga mo ngayon? Anyway, may pambayad ka na ba sa upa na hindi mo nabayaran noong isang buwan?” pagtatanong niya sa akin. Agad nagbago ang ekspresyon ng mukha ko.
“Wala pa po. Wala pa po akong pera.” Wala man akong binubuhay na pamilya ngunit may mga binabayaran akong utang. Utang ko sa mga kamag-anak na tumulong sa aking mabayaran ang mga gastusin sa pagre-review ko, mga utang na naiwan ng aking ama at iba pang gastusin para sa araw-araw. Kaya wala ring natitira sa sweldo ko.
“Kailangan na rin kasi namin ng pera kaya naniningil na ako sayo. Sa katapusan, ha? Kung hindi ka pa makabayad ng upa mo noong nakaraang buwan at ngayong buwan ay wala na akong magagawa kung hindi ang paalisin ka at hayaang may ibang tumira riyan sa unit mo,” malungkot niyang balita sa akin. Mabait naman talaga ang may-ari ng apartment na ito ngunit naiintindihan ko rin na naghahanap buhay din sila kaya may mga pangangailangan sila.
“Sisikapin ko pong makabayad sa katapusan,” sabi ko sa kanya. Tumango siya at umalis na. Huminga naman ako ng malalim at nagpatuloy na sa paglalakad. Nang makarating sa tapat ng pintuan ng apartment ko ay binuksan ko na iyon. Madilim na kwarto ko ang sumalubong sa akin.
Ibinaba ko iyong kahon sa gilid at binuksan ang ilaw. Lumapit ako sa kama ko at nahiga roon. Ipinatong ko ang braso ko sa aking noo at sinundan ng sunod-sunod na pagbuga nang malalalim na hininga.
Magbabayad ako sa katapusan? Paano ako makakabayad sa katapusan wala nga akong trabaho? Hindi naman ako pwedeng mangutang sa mga kakilala ko dahil may mga utang pa ako sa kanila. Kailangan kong humanap ng ibang trabaho. As if ganoong kadaling makapaghanap.
Bumangon ako mula sa pagkakahiga at tumayo para makapagpalit ng damit. Pumunta ako sa cabinet ko at kumuha ng damit. Napansin ko na may nahulog na papel doon kaya agad ko iyong pinulot. Napasighap ako nang makita at makilala ang maliit na papel na nahulog.
It’s Mr. Silvanus Benavidez’s calling card.
Napalunok ako habang tinititigan iyong calling card niya. Naalala ko iyong iniaalok niya sa aking trabaho. Bumigat ang aking paghinga, tinititigan pa rin ang nasabing calling card. Should I consider his offer?
Inabot ko ang aking cellphone at agad na tinipa ang kanyang numero. Itinapat ko sa tainga ko iyong cellphone ko at hinintay lamang na may sumagot.
“Hello,” bati ng isang malalim na boses sa akin mula sa kabilang linya.
“Hello. This is Hyacinth Auset Morga. May I speak to Mr. Benavidez?” magalang na sagot ko sa kabilang linya.
“Mr. Silvanus Benavidez speaking,” nang marinig ko iyon ay agad akong humugot ng malalim na paghinga upang magkaroon ng lakas ng loob. Dahil alam ko, sa oras na kausapin ko siya ay magsisimula na rin akong maghukay ng sarili kong libingan.