Chapter 6

3647
SA PAGLALAKAD ni Laxus at ni Lisa sa malawak na kapatagang iyon ay napansin ng binata na maamo ang mga AIs na narito. May nilampasan nga silang ilan at nakatingin lang ito sa kanilang dalawa. Kahit nga ganoon ay naroon pa rin ang pagiging alerto niya lalo’t hindi siya sigurado kung ang mga ito ba ay walang gagawin o naghihintay lang ng pagkakataon na silang dalawa ay atakehin. Umihip ang hangin at nakaramdam silang dalawa ng kapreskohan sa kanilang sarili dahil doon. Habang naglalakad sila ay naisipan na nga ni Lisa na magsalita. Kanina pang walang imik ang dalaga dahil alam niyang ayaw ni Laxus ng maingay. Pero may mga tanong din kasi siya sa kanyang isip na baka masasagot din ng binata. “A-ano ba ang mga laman ng pouch mo?” sabi ng dalaga habang nakatingin sa lalagyanan ng binata na nasa baywang nito, na narinig naman ni Laxus kaso hindi siya nito inimikan. “Itong sa akin ay may patpat, tapos may dalawang botelya na hindi ko naman alam kung ano. Baka lason,” medyo nangingiting wika pa ni Lisa at nakikinig din naman ang binata rito. Bumuntong-hininga sandali si Laxus. Magkaiba pala ang laman ng pouch nilang dalawa. Ibig-sabihin lang nito ay iba ang gamit ng mga items na iyon kumpara sa kanya. “Hindi mo ba nabasa sa vision mo?” maikling tanong ni Laxus na patuloy lang sa paglalakad at wari niya ay ang dulo ng lugar na ito ay hindi pa nila kaagad mararating dahil may kalawakan ang kabuuan ng area na kanilang lalampasan. “V-vision? P-paano?” tanong naman ng dalaga na pasimpleng bumilis ang lakad para makasabay sa binata. “Automatic mo dapat mababasa iyan kapag tiningnan mo.” “T-titingnan ko nga,” ani ng dalaga at kinuha niya ang laman ng kanyang pouch at pinagmasdan ito. Titig na titig siya sa mga ito. Ang dalawang maliit na bote ay naglalaman ng dalawang magkaibang kulay ng likido. Isang kulay green at isang kulay red. “W-wala naman… Pinaglololoko mo ba ak--“ Naputol ang sasabihin ng dalaga nang bumangga siya sa likod ng huminto palang si Laxus. Napa-iling ang binata at hinarap ang babae. “Napaka-easy lang na tingnan iyan,” ani Laxus at nang tumama sa mga mata niya ang mga hawak ni Lisa ay may nabasa siya sa kanyang vision. “Healing Wand. Upgradeable Item.” “Power-up Water. Can increase the stat of an item by 50%. Effectivity was one minute.” Ito ang lumabas nang makita niya ang bote na may red liquid. “Healing Water. Full Health Recovery.” Ito naman ang sa kulay green na liquid. “Healer type yata ang babaeng ito? May ganoon ba sa game na ito?” seryosong napa-isip si Laxus dahil may mga games siyang nalalaro lalo na ang mga team games na may mga characters na may mga roles. Kung ganoon ang larong ito ay mukhang magandang isama nga niya ang babaeng ito. Kaso, isa lang talaga sa ayaw niya ay ang magkaroon siya ng kaagaw sa experience points. “Pero sa napansin ko ay Items lang ang nagkakaroon ng EXP. Hindi, kailangan ko pa sigurong mapalaban sa ilang AIs para malaman ito.” “Ang mahirap nga lang ay baka mapatapat ako sa isang aggressive na kalaban na may malaking damage. Hindi ko rin alam kung ano ba ang stats ng katawan kong ito. Talaga ngang paghuhulain ako ng game na ito…” “Healing Wand iyan, at iyang dalawa ay Magic Bottles na kayang mag-restore ng HP at ang isa ay magpalakas ng item,” ani Laxus sa dalaga. “P-paano mo nalaman iyon? Mayroon ba talagang nalabas na pangalan? B-bakit wala akong makita?” tanong naman ni Lisa na seryoso pang tinitigan ang kanyang mga hawak na items. Dito na nga napaseryoso ng tingin si Laxus sa kanya. “Siguro, ganoon talaga kapag mga weaklings,” sabi na lang ng binata. “Huwag mo nang pilitin dahil hindi ko rin alam kung paano mo iyan mababasa.” Tumalikod na si Laxus at wala naman talaga siyang alam na paraan kung paano ito malalaman ng babaeng ito. Isa pa, hindi rin niya alam kung bakit nagagawa niya itong palabasin sa kanyang vision. Kung hindi ito malaman ng babae, wala pa rin pala itong kwenta kasi hindi siya nito pwedeng i-heal. “Pero sabi mo, Healing Wand ito? A-ano ba ang nagagawa noon?” Naglakad na nga muli si Laxus at doon na naman niya narinig ang boses ng babae dahil panay ang tanong nito. Paano ba niya ito pagpapaliwanagan kung hindi naman ito gamer? Alam niyang hindi siya nito maiintindihan dahil wala rin naman itong ideya sa mga ganitong bagay. “Sumagot ka sa mga tanong ko! Saint!” bulalas ni Lisa at nang marinig na naman ng binata ang pangalan niya ay hindi siya natuwa rito. “Isa pang rinig ko sa pangalang iyan, iiwanan kita rito,” seryosong winika ng binata at si Lisa ay sumama ang tingin dito. Naglakad nga ito papunta sa unahan ng binata. “E paano? Hindi mo ako tinuturuan? Kaya nga ako nagtatanong ay dahil hindi naman ako gamer. Handa naman akong matuto. Mahirap ba iyong gawin?” pasungit na wika ni Lisa sa harapan ni Laxus. Nabibingi na naman si Laxus sa boses ng babaeng ito at akala nga niya ay tatahimik na ito. Mukha raw yatang nagkamali siya ng pagtingin sa mga items nito. Dapat daw yata ay hindi na siya na-curious sa kung ano ang mga iyon. “Alam mo, ayaw ko ng maingay. Basta sumabay ka na lang,” sabi ni Laxus at nilampasan niya ang babae na nakatayo sa kanyang harapan. Napakuyom naman ng kamao si Lisa dahil sa ugali ni Laxus. Kaso, bago pa man siya makapagsalita ay nakarinig nga silang dalawa ng sigaw ng kung anong hayop sa hindi kalayuan. Nang marinig ito ng binata ay kaagad niyang hinanap ang pinagmulan noon at may natanaw siyang isang nilalang na kasalukuyang kinakain ang isa pang AI. Napaseryoso si Laxus dahil ang itsura ng isang iyon ay parang isang delikadong AI. Ilang metro na lang ang layo nito sa kanila at hindi niya ito napansin kanina. Iniisip niya kung bigla ba itong lumitaw o hindi? Pero wala na siyang oras para alamin pa iyon. Isa na namang AI ang dinambahan nito at kinain. “Isang Kobold ba ito?” tanong ni Laxus sa sarili. Sa mga games ay ang Kobold ay ang mga monsters na tumatayo sa dalawang paa na tila mga halimaw na butiki na may matitilos na ngipin. May pagkakahawig ito sa dragon, pero para sa kanya ay mga butiki ang kamukha nito kasi kadalasan sa mga ganitong creatures sa games ay mahihina rin lamang. Kulay pula ang balat nito at may hawak itong kahoy na may matilos na metal sa dulo. Isang Spear iyon sa pagkakaalam ni Laxus at patuloy ito sa pag-atake sa mga kalmadong AI na nasa paligid. Sinasaksak nito ang mga iyon at pagkatapos ay kakagatin para kainin ang laman. Kung sa tangkad naman ang pagbabasehan ay halos kasing laki rin nila ang isang ito. Nang mga oras na iyon ay nag-iisip si Laxus kung dapat ba niya itong labanan. Subalit dahil sa lugar kung nasaan sila ay tiyak na makikita at makikita sila ng halimaw na ito. “Kung mataas ang level ng isang ito, delikado ako. Ano ang magagawa ng knife ko sa kalabang ito?” Habang seryoso siyang nag-iisip ng mga bagay-bagay ay may isa namang babae ang nakahawak na pala sa kanya at nagtatago mula sa direksyon ng halimaw na iyon. “L-laxus, h-huwag mo akong iiwan… M-mukhang mas nakakatakot ang isang iyan,” ani ng dalaga at si Laxus ay dito na natuon ang atensyon sa kanya. “Wala kang choice kundi labanan ito… Wala tayo sa gubat, wala tayong tataguan,” seryosong winika ni Laxus at lalong kinabahan ang dalaga nang marinig iyon. “Humanda ka, tatakbo tayo…” mahina pang winika ni Laxus at parang maiiyak na naman ang dalaga. Habang kinakain naman ng Kobold ang isa sa nabiktima nito ay umihip ang isang hindi kalakasang hangin sa paligid. Kasunod noon ay ang pagtama ng mata niya sa dalawang nilalang na tila ngayon lang nakita ng kanyang paningin. Nilunok niya ang laman ng isa sa AI na kinain niya at pagkatapos ay ibinagsak na lang nito basta ang wasak na katawan nito. Makikita ang paglalaho ng mga natirang katawan ng AI na inatake nito dahil sa pagkaubos ng HP. Humigpit naman nga ang hawak nito sa sandatang nasa kanang kamay at dito na nga gumalaw-galaw ang buntot nito na parang natutuwa. Ang kulay pula nitong mata ay gumalaw ang guhit sa gitna na seryosong pinagmasdan ang dalawang nilalang na ngayon ay mabilis na tumatakbo. Isang pagtunog mula sa bibig nito ang mahinang maririnig nang bumukas ito at paalunin ang dila gamit ang hininga. Umangat ang kamay nitong may hawak sa kanyang sandata at pagkatapos noon ay bigla na lang nitong ibinato ang hawak na Spear papunta sa direksyon ng dalawang nilalang na ngayon lang niya nakita. Bumulusok nang mabilis ang bagay na iyon at si Laxus ay naalarma nang makita iyon. Ang bilis ng pagdating noon sa kanya at tila ba asintado ang pagbatong iyon sa kilos nila. “H-hindi ito maganda…” bulalas ni Laxus at ang kasunod niyang si Lisa ay mabilis niyang itinulak para madapa. Sabay silang bumagsak at ang spear ay lumampas sa kanila, at bumaon ang talim nito sa lupa na napakalapit lang din sa pwesto nila. Makikita sa mata ni Lisa ang takot at nang makita ito ni Laxus ay napa-iling na naman ang binata. “Itigil mo nga ang pagiging matatakutin mo! Masanay ka na sa ganitong pangyayari sa game na ito. Kung gusto mong hindi na matakot, magpapatay ka na lang sa AI na iyan. Iyon na ba ang gusto mo?” bulalas ng binata at nang mapatingin siya sa tabi nila ay naroon na ang Kobold na kanina lang ay medyo nasa malayo pa. Nakakatakot ang itsura nito dahil totoong-totoo talaga ito. Lumalabas pa ang mahabang dila nito at nang makita ito ni Lisa ay nanginig na lang ang labi nito dahil sa takot. “S-saint! N-nakakatakot!” bulalas ng dalaga at napagapang na lamang siya para makalayo at si Laxus naman ay napaseryoso dahil nakita niyang kinuha na ng AI ang Spear nito. Mabilis nga siyang gumulong at bumangon. Hinawakan na nga ng binata ang kanyang patalim at seryosong pinagmasdan ang halimaw. “Kobold: Level 1.” Nakakatakot nga talaga ang itsura nito, pero nang makita ito ni Laxus ay nalaman niyang mababa lang pala ang level nito. Kaso, ang mga ganitong itsura ng AI ay tiyak na may malalaking damage at isa pa, hindi pa rin naman siya ganoon kalakas. Napa-atras nga siya nang bumulusok ang spear ng Kobold papunta sa kanyang katawan. Ang bilis noon at kahit na nakagalaw para umiwas si Laxus ay tinamaan pa rin siya ng talim nito sa braso. Isang guhit na may pulang marka ang lumitaw sa bahaging iyon at isang berdeng bar ang bigla niyang nakita. “Ito ba ang HP ko?” Nakita niya na nabawasan iyon at doon na siya napaseryoso. Mukhang ito na nga iyon. Dito ay pasimpleng napangiti si Laxus. Hindi man panandalian, pero alam niyang madidiskubre rin niya nang tuluyan ang game na ito. Huminga siya nang malalim at tumingin sa Kobold na ngayon ay mabilis na lumalapit sa kanya. “Hindi ko alam na active ang mga Kobold sa araw, sa pagkakaalam ko kasi ay sa gabi kayo lumalabas… Pero ano ba ang malay ko? Hindi ko alam kung maii-apply ba iyon sa game na ito… Pero…” Muli siyang inatake ng Kobold at ngayon ay nakita niya ang muling pagtama ng sandata nito sa kabila naman niyang braso. Mabilis ang atake nito at mahirap makipagsabayan dito dahil ang liit ng kanyang sandata. Mabilis siyang umatras para makalayo. Kalmado pa rin naman siya habang lumalayo. Nag-iisip siya ng paraan para maisahan ang isang ito at habang lumalayo siya ay nagagawa na rin niyang ilayo ang kalaban mula kay Lisa na ngayon ay sa pakiwari niya ay umiiyak. Ano ba naman daw ang magiging pakinabang nito sa kanya? Mukhang wala rin pala. Healer ito at kung malalaman lang ng dalaga kung paano ito gamitin ay posibleng maging malaking tulong ito sa kanya. “Pero wala akong dapat asahan sa isang ito…” sabi ni Laxus sa sarili at sa muling pagbulusok ng spear ng Kobold ay siya namang mabilis niyang pag-ikot palapit dito. Tinamaan siya at inaasahan na niya ito. “Forward Point.” Ito ang skill na ginawa ng Kobold na kaharap niya at kung mas mabilis lang sana na naiikilos ni Laxus ang kanyang sarili ay baka walang kahirap-hirap niya itong maiiwasan. “Kaso, parang normal speed pa rin ang kaya ko… Paano kaya ako bibilis?” Mahigpit ang naging paghawak ng kaliwa niyang kamay sa kanyang patalim at ginuhitan niya sa leeg ang Kobold nang lampasan niya ito matapos ang pag-ikot ng katawan niya rito. Napangisi si Laxus nang lampasan ang kalaban at doon ay isang pulang guhit ang nagmarka sa leeg ng kalaban. “Kainis, ang liit ng damage,” aniya at nang lingunin niya ang kalaban ay agad siyang tumalon paitaas. Nakita niya na nabawasan ang HP ng Kobold pero hindi ito ganoon kasolido. Ang weakness ng kalaban niya ay nakita rin niya at ito ay iisang direksyon lang ang kaya nitong gawing atake gamit ang skill na iyon. Natatamaan pa rin siya at napansin niya na malapit nang mag-50% ang kanyang HP sa bawat paghagip ng talim ng sandata nito sa kanya. Wala nga siyang nagawa kundi ang umatras muna. “Kailangan kong mag-heal,” aniya at hinawakan niya ang kanyang pouch kaso, bago pa niya ito mabuksan ay nanlaki ang mata niya nang bumulusok ang Spear ng Kobold papunta sa kanyang mukha. “Throw. A highly damaging attack.” Nahagip ang pisngi ni Laxus sa atakeng iyon at ang Spear ay lumampas sa kanya matapos iyon. Nagawa pa rin niyang umiwas kaso, natamaan pa rin siya at isang malaking pulang guhit ang nagliwanag sa pisngi niya nang oras na iyon. Bumaon ang Spear sa lupa at si Laxus ay napaseryoso nang makita na naging pula ang kulay ng kanyang HP. Kung hindi siya nakaiwas at direktang tumama sa kanya ang tirang iyon ay tiyak niyang patay na sana siya. “Hindi ito maganda,” bulalas niya at umayos siya ng tayo habang pinagmamasdan ang Kobold na ngayon ay papalapit sa kanya. Dahan-dahan ngang sumilay sa labi niya ang pagngisi at pagkatapos nito ay isang malakas na sigaw ang kanyang ginawa. “Babae! Ibato mo sa akin ang dalawang botelya na nasa pouch mo!” Ang nanginginig sa takot na si Lisa ay napalingon sa direksyon ng pinaglalabanan ni Laxus at ng halimaw. “Bilisan mo! Kapag tinalo ko ito… Pangako ko sa iyo, ako ang poprotekta sa iyo sa game na ito kung gusto mo talagang makita ang kabuuan ng larong ito,” seryosong winika ni Laxus. Hindi siya aasa sa ability ng Wand ng dalaga, pero ang dalawang potions nito, baka nandoon ang pag-asa niya. Pampataas ng stats ang mga bagay na iyon at baka mas may pakinabang ito kumpara sa nagmamay-ari nito. Mabilis na lumayo si Laxus sa papalapit na Kobold. Susubukan sana niyang hawakan ang Spear nito kaso, hindi ito tinanggap ng kanyang kamay. Parang may barrier ito at sa pakiwari niya ay dahil hindi niya ito weapon. Kailangan niya ngang lumayo kasi isang sapak na lang siya at matatalo na siya. Hindi siya pwedeng magyosi kasi ubos sa oras iyon at pwedeng maulit ang nangyari sa pagbato ng Spear nito sa kanya. “Level 1 lang ito at kung madaragdagan ang aking damage, kayang-kaya ko ito.” Paglingon nga niya kay Lisa ay nakita niya ang paparating na dalawang bote sa kanya. Sinambot niya ito nang sabay gamit ang kanyang kanang kamay. Ininom niya ang berdeng likido at ang isa naman ay ibinuhos niya sa kanyang patalim. Nagliwanag ang HP bar niya at nakita niya ang mabilis na pagkapuno nito. Naging berde ito at nang mapatingin siya sa kanyang hawak na patalim ay dito na siya napangisi. Nagliwanag nang bahagya ang talim noon. Tumaas nga ang stats nito at muli siyang tumakbo palayo sa Kobold. Isang atake ang inaasahan niyang gagawin nito at sa oras na mangyari iyon ay doon na niya ito tatapusin. “Ang weakness ng skill mong iyon… Hindi ka makakaatake dahil hindi mo hawak ang Spear mo,” sabi ni Laxus sa sarili at bumulusok nga muli sa kanya ang sandatang iyon. Tinamaan siya pero dahil puno na muli ang kanyang HP Bar ay wala itong problema sa kanya. Sa paglampas ng Spear at sa pagbaon nito sa lupa ay doon na siya humarap sa papalapit na Kobold. Hinigpitan niya ang hawak sa kanyang patalim at sinugod niya ito at sinaksak nang sinaksak. Walang nagawa ang AI kundi tanggapin ang atake niyang iyon at dahil hindi nito nakuha ang sandatang Spear ay wala itong nagawa laban kay Laxus kundi tanggapin ang ginagawa nito. Nakangising tinapos ni Laxus ang buhay ng Kobold at sa huli niyang saksak ay doon na nga tuluyang naubos ang HP nito. Hinugot niya ang talim ng kanyang kutsilyo sa katawan nito. Sumabog nga at naging alikabok ang bagay na iyon at doon na sumilay ang ngiti sa labi ng binata. Si Lisa naman nang makita ang ginawa ng binata ay doon na nga unti-unting nawala ang kaba sa dibdib niya. “Ang galing ni Saint!” naibulalas niya, dala ng pagkamangha. “Mukhang level 1 pa lang na AI ay pahirapan nang pumatay… Pero…” sambit naman ng binata at hindi niya akalaing mararamdaman niya ito nang oras na iyon. Napangiti siya ng pagkapanalong iyon at pakiramdam niya ay may mga ganitong laban pa siyang mararanasan kapag nagpatuloy siya sa paglalaro nito. “Mukhang nagugustuhan ko na talaga ang game na ito ah!” Napatingin siya sa kanyang patalim at nakita niya na Level 2 na pala ito. Nadagdagan din ang damage stat nito at pati ang glove na suot niya ay nakakuha rin ng experience points. Naglaho na nga ang Kobold pero, nang mapatingin siya sa Spear na nakabaon sa lupa ay doon na nga muling may lumitaw sa vision niya. “Item Drop: Common Spear Level 2.” “So, parang normal RPG game pala ito… Pwedeng magkaroon ng item drop ang mga AIs,” natatawang winika niya at kinuha niya ang sandatang iyon at pasimpleng pinagmasdan habang naka-angat sa kanyang harapan. Ang skill ng Spear ay nakita rin niya, ang Throw at Forward Point. “Item talaga ang may skills at hindi ang characters? Hmmm… Kung ganoon, posibleng sa items ang magiging pamantayan ng lakas sa game na ito… Items…” Habang tahimik siyang nakatingin sa Spear ay may kamay namang dumampi sa kanyang likod nang sandaling iyon. “Ang galing mo Saint! Hindi na siguro ako dapat matakot mula ngayon, kasi ang sabi mo ay ako ay poprotektahan mo,” nakangiting wika ni Lisa at dito na nga napa-iling ang binata. Ang totoo kasi ay wala lang siyang maisip na sabihin kanina kaya naisipan niyang magsinungaling. Iyon na lang ang naisip niyang paraan para manalo, ang gamitin ang items ng dalaga. “Laxus ang itawag mo sa akin…” sabi na lang ng binata at dito na nga niya kinuha ang kanyang sigarilyo mula sa kanyang pouch. Nanigarilyo siya para ma-regen ang kanyang HP. Binugahan niya rin ng usok si Lisa na ikinainis naman ng dalaga. Mula naman sa isang lugar sa mundo, isang malaking screen ang makikita kung saan ay ang daming mga nanonood na tao. Marami sa mga ito ay pormado at halatang mayayamang indibidwal. Lahat sila ay kasalukuyang pinapanood ang nagaganap sa iba’t ibang area sa isang game. Ito nga ay ang laro na kakasimula lang ng Beta Testing sa Pilipinas. “I will put my bet on this yellow-haired guy…” nakangising winika ng isang singkit ang matang lalaki. Napanood niya kung paano nito tinalo ang mahinang Kobold. Ang galawan nito ay hindi isang non-gamer at isa itong interesanteng bagay sapagkat walang kaalam-alam ang mga naglalaro sa loob na ang game na ito ay upang malaman kung anong region ba ang mamayani sa loob ng virtual reality na ito. Ang Heaven ba o ang Earth? Ang mga humans o ang mga Gods? Mula naman sa isa pang unknown facility sa Pilipinas ay isang malaking silid na maraming nakahigang mga indibidwal ang siya ring makikita. Isang nakaitim at pormadong lalaki rin ang pasimpleng pinagmasdan ang bawat isa na may suot na mga gaming head gear. Isa rin ito sa mga sets ng larong APWHAEM. Sa utos ng lalaking iyon ay sabay-sabay na nag-login din sa laro ang mga ito na may kalakihan din ang bilang. Ngumisi ang lalaki at napatingin sa isang malaking monitor sa itaas ng lugar na iyon. “Here comes… the human AIs inside the game.” Ang mga monsters na nakaharap nina Laxus ay mga common AI sa laro at ang malalakas na AI na posibleng pumatay sa kanila ay ngayon pa lamang papasok sa loob ng game. Mula sa iba’t ibang area sa Terra Region ay nagsilitawan na ang malalakas at high levelled monsters na maghahasik ng lagim at kaguluhan sa rehiyong iyon. Habang naglalakad sina Laxus at Lisa ay bigla na lamang nagdilim nang isang makapal na ulap ang sandaling bumalot sa kaliwanagan ng araw nang oras na iyon. Umihip ang malakas na hangin at isang malakas na kulog ang kumawala mula sa kaulapang iyon na sinundan ng isang kidlat na tumama sa hindi kalayuan. “Uulan yata,” ani Laxus at si Lisa naman ay napalunok na lamang ng laway nang mga oras na iyon.
신규 회원 꿀혜택 드림
스캔하여 APP 다운로드하기
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    작가
  • chap_list목록
  • like선호작