Apoy 5

2367
NATULALA si Honoo nang mapatitig siya sa apoy na nagsisilbi nilang ilaw nang gabing iyon. Isang malabong alaala ang tila bumalik sa isip niya. Naroon ang isang nilalang na gumagamit ng apoy ang parang maaaninag pero malabo ang kabuuan nito. Mayroon din ngang gumagamit ng kapangyarihan na hangin, lupa at tubig. Napailing na lang siya nang mga sandaling iyon. Gulong-gulo tuloy siya sa kung ano at sino ang mga iyon.   Muli siyang napatitig sa apoy. Iniangat niya ang kanyang kanang kamay at tila nawala siya sa sarili nang sandaling iyon. Parang tinatawag siya nito. Idineretso na nga niya ang kanyang kamay sa mainit at maliwanag na bagay na iyon.   "Honoo!" Pero napaatras na lang ang binata na parang nagising sa katotohanan nang tawagin siya ni Erza. Napatingin siya sa apoy at napatingin sa dalaga.   "Ano'ng nangyayari sa 'yo? Balak mo bang hawakan ang apoy?" gulat na tanong ng dalaga. Napabaling na rin tuloy ang atensyon ni Ezel at ng matandang si Argus sa kanila na kasalukuyang kumakain ng bunga na nakuha nila sa kung saan.   "Ate, ano'ng nangyari?" may pagtatakang tanong ni Ezel sa ate niya matapos lunukin ang nasa bibig.   "Paano si Honoo, balak yatang ipasunog ang kamay niya. Naabutan ko siyang hinahawakan ang apoy."   Napatingin naman si Honoo sa kamay niya dahil hindi siya nasaktan. Wala siyang naramdamang init sa ginawa niya. Ni hindi rin namula ang balat niya. Iyon nga ang bagay na hindi niya maipaliwanag. Bakit ganoon?   "P-pasensya na... Ayos lang naman ako." Pilit na ngiti pa ang ibinigay ng binata pagkatapos sabihin iyon.   MATAPOS nilang kumain ay sinabi ni Argus na matulog na sila dahil maaga silang magsasanay kinabukasan. Nakatulog naman ang magkapatid pero si Honoo, hindi siya makatulog. Malalim pa rin ang iniisip niya nang oras na iyon. Napakarami niyang tanong at hindi niya alam kung paano masasagot.   Napatayo na lang siya. Napatingin din siya saglit sa mga kasama niya. Nakita niyang tulog na ang mga ito kaya naisipan niyang maglakad-lakad. Maliwanag ang buwan kaya mapapansin agad niya kapag may tao na aaligid sa kanila.   Napaupo siya sa lupa at napatingin sa kanyang mga palad. Hindi rin maalis sa isip niya ang apoy kanina. Napapaisip siya kung ano ba ang mayroon sa apoy. Napatayo na lang siya bigla at mabilis na hinugot ang kanyang espada mula sa lalagyan nito. Napalingon siya sa paligid. May ilang tuyong puno ang nakapaikot sa kanya at may mga tipak ng malalaking bato kaya mahirap makita kung may tao man na nakatago rito. Nasa isa kasi silang guho na may kalayuan mula sa Gomi.   "Lumabas ka sa pinagtataguan mo!" malakas na sabi ng binata habang alertong pinapakiramdaman ang paligid.   Mula nga sa likuran niya ay nakaramdam siya ng paggalaw. Mabilis siyang humarap at isang malakas na salpukan ng talim ang umalingawngaw sa paligid.   "K-ka Argus?" Ito ang salitang lumabas sa bibig ng binata bago siya mapaatras palayo at matumba dahil sa pwersang ibinigay sa kanya ng matanda.   Iniangat ng matanda sa tapat ng buwan ang espada niya. Kumislap ang talim ng sandata niya at pagkatapos ay ibinalik niya iyon sa kanyang tagiliran.   "Mukhang may bumabagabag sa 'yo iho? Tama ba ako?" tanong ni Argus at lumapit ito sa binata.   "Marami po... Lalo na't hanggang ngayon ay hindi ko pa rin alam kung sino ba talaga ako," seryosong tugon ng binata na ibinalik na rin sa lalagyanan ang kanyang espada.   "Hindi ka taga-rito iho, batid ko," ani Argus. Nakatayo na rin nga uli si Honoo matapos siyang matumba.   "P-paano n'yo po nasabi?"   "Dahil naiiba ang aura mo sa amin, sa mga taga-Ken."   Ilang malabong imahe ang biglang pumasok sa isipan ni Honoo nang marinig niya ang salitang aura. "A-aura? Parang narinig ko na ang bagay na iyon..." sabi pa niya sa sarili.   "Ang aura namin ay hugis bilog. Subalit ang aura mo ay kakaiba. Kumakalat. Lumalaki minsan at kulay pula," seryoso pang pinagmasdan ng matanda ang binata.   "Nakakakita po kayo ng a-aura?" tanong ng binata at tumango naman ang matanda.   "Sa Ken, tanging mga malalakas lamang ang may kakayahang makakita ng aura," dagdag pa ng matanda at napatingin siya sa malayo.   "I-ibig-sabihin... Isa po kayo sa mga malalakas na sinasabi n'yo?" medyo nagulat na tanong ni Honoo.   "Ayaw kong sabihing oo, pero mukhang gano'n na nga."   "Gusto mo bang subukan iho?" pahabol na tanong ni Argus na tila may laman. Tila nakaramdam naman si Honoo ng galak nang marinig iyon.   "S-sige po!" Agad kinuha ni Honoo ang nasa lupa niyang espada at umatras palayo mula kay Argus.   "Iho, alam mo ba kung bakit gusto ko kayong samahan?" Isang tanong muna ang lumabas mula sa dila ni Argus ang narinig ni Honoo bago nito muling hugutin ang sariling espada.   "Dahil sa kakaiba mong mga tingin. Para palaging may apoy... Apoy ng pag-asa. Apoy ng katapangan!"   Huminga nang malalim ang dalawa. Nagkatinginan at nagkangisian bago magsimula sa nais nilang gawin.   "Ituring mo ito bilang iyong pagsasanay. Paalala ko lang, seseryosohin ko ito," sabi ng matanda at isang mabilis na atake kaagad ang pinakawalan nito. Lumitaw ito bigla sa harapan ng binata. Inilagay nito ang bigat sa kanyang mga binti at isang malakas na hangin ang kumawala sa mga paa nito.   "Ipapakilala ko sa 'yo ang espada ko. Si Kani!" Nagkaroon ng dalawang direksyon ang wasiwas ng espada ng matanda pagkasabi noon. Isang imahe ng malaking alimango ang lumitaw rito at ang sipit nito ay sumanib sa espada ni Argus.   "A-ano 'to?" Naalarma si Honoo. Iniharang niya ang espada niya para sa pagdepensa.   "Hikin... Paano natin ito tatapatan?" nasabi na lang ng binata. Isang mabilis na pag-atras na lang ang ginawa niya para makaiwas, pero nakasunod pa rin si Argus sa kanya. Para siyang sasakmalin ng malaking sipit ng alimango nang mga oras na iyon.   "Mabilis ka iho, pero mabilis din ako," nakangisi namang paalala ni Argus.   "No choice! Sasabayan ko kayo!" Hinigpitan ni Honoo ang hawak sa espada niya. Ang kanyang kanang kamay ang humahawak sa espada niya. Iniatras niya ito at inihakbang pauna ang kaliwang paa. Inilagay niya ang p'wersa sa kanang binti at pagkatapos ay isinabay niya ang kanyang kamay, kasama ng kanyang espada. Tila susuntok siya sa pagkakaporma niya nang oras na iyon.   "Hikennn!" biglang nasabi ni Honoo. Kasunod nga noon ay ang pag-ilaw ng espada niya ng kulay ginto. Isang p'wersa ang biglang tumama kay Argus kaya nasira ang b'welo nito. Isang hindi malamang bagay rin ang tumama sa katawan nito. Kasunod din noon ay ang pagtilapon ng matanda palayo dahil sa pwersa noon.   "H-huh?" Maging si Honoo ay nagulat. Hindi niya rin alam kung saan nagmula ang Hiken na kanyang binigkas dahil kusa na lang niya iyong nasabi.   Samantala, gulat na gulat naman si Argus sa nangyari. Agad siyang tumayo at napangisi naman siya.   "Kakaiba talaga siya. Paano siya nakagawa ng gano'ng tira? Isa pa lamang siyang baguhan. Interisante..."   "Kung gano'n, susubukan ko kung masasangga mo ba ang tira kong ito. Kani, ipakita mo ang lakas mo!" Umilaw ang talim ng espada ng matanda. Isang imahe ng malaking alimango ang lumitaw sa likuran ni Argus dahil doon. Isang malakas na hampas nga ng espada sa kanyang harapan ang ginawa niya. Isang matalas na hangin ang nilikha noon at papunta iyon sa direksyon ni Honoo. Kasabay rin noon ay ang imahe ng higanteng alimango na kung saan ay ang malaking sipit nito ang nagsilibing tira ng matanda mula sa sandata nito.   "Malakas ang isang ito!" bulalas ni Honoo. Naisipan uli niyang gawin ang kanyang ginawa kanina pero nabigo siya sa pagkakataong ito.   Sinalo ni Honoo ang tirang iyon ni Argus. Tumalsik siya palayo at mabilis na nawalan ng malay. Mabuti na nga lang at naiharang niya ang kanyang espada, dahil kung hindi, baka sugatan na siya nang mga sandaling iyon.   "Mukhang ikaw na nga ang matagal kong hinihintay... Ang nilalang na may kakayahang tapatan ang labing-isang Zodiac at talunin ang mga Duragon!"   Nakangiting binuhat ni Argus si Honoo. Ngayon lang uli siya nakaramdam ng saya sa pakikipaglaban, at iyon ay dahil sa binatang buhat-buhat niya nang mga oras na ito.   *****   KINABUKASAN, nagsimula na ang pagsasanay ng tatlo sa ilalim ni Argus. Ipinasuot ng matanda kay Erza ang ipinahiram nitong mabigat na sapatos at ang dalawang itim na tela naman upang itali sa mga bisig nito. Ang tanging ipinagawa ng matanda sa dalaga ay ang pagtakbo at ang pagwasiwas ng espada nito. Hirap na hirap nga ang dalaga dahil sa bigat ng isinuot niya dahilan para mahirapan siyang gumalaw.   Seryoso namang sinanay ng matanda si Ezel at ang espada nitong si Gyaku. Binuo ring muli ni Argus ang espada ng sampung taon ng kapatid ni Erza. Habang si Honoo naman ay buong araw na nakinig at nanood sa itinuturo ng matanda kay nakakabatang kapatid ng dalaga.   "Nasa iyo na ang lakas at abilidad... Kaalaman na lang sa espada ang kailangan mo iho. Wala kang ibang gagawin kundi makinig at magmasid. Isa pa, huwag mo munang isipin kung sino ka. Ituon mo ang sarili mo sa iyong magagawa. Alam kong mas mabilis at mas malakas ka. Nakikita ko sa pangangatawan mo na batak ka sa pagsasanay. Kaso, marami kang iniisip at nakakasira iyan sa konsentrasyon mo," paliwanag ng matanda kay Honoo. Sa loob ng limang araw ay iyon ang ginawa nila.   Sa ika-anim na araw, doon na inalam ng matanda ang natatanging abilidad ng espada ng tatlo.   "Yahhh!" isang malakas na sigaw ang ginawa ni Erza. Seryoso niyang pinagmasdan ang kanyang target na isang makapal na troso. Suot pa rin niya ang mabigat na sapatos at tela. Medyo naging maayos na ang pagkilos niya pero hindi pa perpekto dahil sa bigat na taglay noon. Unti-unti, at masasanay rin siya sa ganito.   Isang hakbang pauna ang ginawa ni Erza. Inipon niya ang pwersa sa kabila niyang binti. Lumikha nga ng hangin ang mga paa niya at nagliwanag ang talim ng kanyang espada.   "Tawagin mo sa pangalan ang iyong espada. Pagkatapos ay umatake ka nang walang pag-aalinlangan!" sabi ni Argus habang pinagmamasdan ang porma ng dalaga habang hawak ang sandata.   Tumango naman si Erza bilang tugon. Malumanay niyang hinawakan ang kanyang espada at sa isang kisap-mata ay dumiretso siya papunta sa target. Mabilis din niyang iwanasiwas ang kanyang sandata sa ganoong estado.   "Ngayon na... Kori!" Lumitaw siya sa likuran ng matabang troso. Isang may medyo kalakasang hangin ang kumawala mula sa kinatatayuan niya matapos iyon. Malamig na hangin iyon at nabalot ng yelo ang troso. Kasunod noon ay pagkabasag nito. Ang espada naman ni Erza ay naging yelo rin.   Ang kakayahan ni Kori, ang pinatigas na tubig.   Napangiti si Erza habang pinagmasdan niya ang yelong talim ng kanyang espada. Kumikislap iyon at mukhang mas matibay kumpara sa natural nitong itsura.   "Magaling Erza. Ngayon, ikaw naman Ezel," wika naman ni Argus sa kapatid ni Erza.   Napalunok naman ng laway si Ezel matapos lumapit sa matanda. "Kaya ko ito!"   Katulad ng porma ni Erza, gano'n din ang ginawa nito. "Gyaku! Ipakita mo ang galing mo!"   Nilampasan din niya nang mabilis ang isa pang target na troso. Isang malakas na hangin din ang kumawala pagkatapos noon at nahati ang troso, subalit walang kakaibang pangyayari ang nakita roon kung ikukumpara sa ginawa ng kanyang ate. Pinanghinaan tuloy ng loob si Ezel dahil doon dahil inisip niyang kulang pa yata ang kanyang mga pagsasanay.   "Diyan ka lang iho! Hindi lahat ng espada ay lumalabas ang abilidad sa pag-atake." Dumampot ng may kalakihahang bato si Argus mula sa kanyang harapan.   "Susubukan natin ng isa pa ang espada mo." Malakas ngang ibinato ng matanda ang hawak nito papunta kay Ezel.   "Ang bilis..." sambit pa ng binata. Mabilis niyang iwinasiwas ang kanyang espada sa tapat noon at nilakasan ang kanyang loob muli. Baka nga raw iba ang kakayahan ng kanyang espada. Kaya walang pag-aalinlangan niya itong tinawag.   "Gyaku! Ngayon na!" Nagliwanag ang espada ni Ezel pagkasabi noon. Kumawala bigla mula sa kinatatayuan niya ang isang may kalakasang hangin. Huminto na lang ang bato sa mismong harapan niya at mabilis itong bumalik kay Argus. Nagawa nitong maibalik ang atakeng iyon nang hindi man lang lumalapat sa kanyang espada ang bagay na iyon.   Napangisi ang matanda sa nakita. Mabilis naman niyang hinugot si Kani at walang kahirap-hirap na hinati sa dalawa ang bato na papunta sa kanya. Umuusok pa nga ang nahating bahagi nito nang pumatak sa lupa.   "Ang galing!" nasambit na lang ni Ezel sa kanyang espada. Makikita sa labi nito ang kaunting saya dahil sa nangyari.   "Magaling Ezel... Maganda ang ipinakita mo. Ikaw naman Honoo," ani Argus na napatingin na nga sa huli niyang estudyante.   Ginawa nga rin ni Honoo ang ginawa ng magkapatid. Nahati rin sa dalawa ang target. Walang kakaibang epekto ang nangyaring iyon kaya nagbato rin si Argus ng may kalakihang bato papunta sa binata at hinati nga ito nang walang kahirap-hirap ng lalaki.   "Ano po ang abilidad ng espada ko?" tanong ni Honoo at napailing naman ang matanda.   "Wala pa akong ideya dahil napakamisteryoso ng kakayahan mo at ng espada mo. Ngunit, huwag kang mag-alala, sadyang may gan'yang klase ng espada. Lumalabas lang ito sa oras na kinakailangan nang magpakita. Kagaya nga ng ginawa mo kagabi..." Naalala ni Honoo ang naging laban nila ni Argus nang marinig iyon. Ang kakaibang p'wersa na nagpatalsik sa matanda, posibleng magawa niya uli iyon.   "Iyan na muna sa ngayon. Magpahinga na tayo ngayong araw. Maghahanap lang ako saglit ng pagkain para magkalakas tayo. Pagkatapos, bukas ay ipapakita ko sa inyo ang pinakamalakas na abilidad ng bawat espada sa Ken."   Umihip ang hangin sa kinatatayuan nila pagkatapos noon.   "Ang Ririsu Chikara... Na mas kilala sa tawag na Bankai!"   Nagulat sina Ezel at Erza nang marinig iyon. Iyon ay ang pagpapalabas ng pinakamalakas na abilidad ng isang espada. Sa pagkakaalam kasi nila ay tanging mga Zodiac lang at Duragon lang ang nakakagawa noon. Ibig-sabihin din, napakalakas talaga ng matandang nasa harapan nila para ituro sa kanila ang ganoong teknik.   "A-at kung matututunan namin iyon... Mas lalakas kami," nasabi na lang ni Erza na kinabahan dahil sa pagkagalak. Nang marinig naman iyon ni Honoo ay seryoso niyang pinagmasdan ang kanyang espada, kasunod din noon ay ang dahan-dahan nang paglubog ng araw sa kanluran. Nabalot ng kadiliman ang langit at ang gabi ay dinalaw na ang buong lugar kung nasaan sila.
신규 회원 꿀혜택 드림
스캔하여 APP 다운로드하기
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    작가
  • chap_list목록
  • like선호작