Apoy 4

1708
PAKIRAMDAM ni Honoo ay marami siyang bagay na kailangang gawin sa Gomi at sa Ken. Hindi niya maintindihan pero iyon ang kanyang naiisip. Lalabanan niya ang isang kaharian dahil sa hindi niya gusto ang pamamalakad ng mga ito. Napaisip tuloy siya, bakit daw gusto niya iyong gawin? Bakit daw pakiramdam niya ay gustong-gusto niyang makipaglaban? Parang gusto ng katawan niya na gawin ito.   Napahigpit na lang ang kapit niya sa kanyang espada. Dumating na nga ang mga kawal at nasa labing-lima ang bilang ng mga iyon. Nakasuot ang bawat isa ng makapal na baluti at may mga dalang magagandang uri ng espada. Kung ikukumpara sa espadang mayroon siya, hamak na mas mukhang malakas ang sa mga iyon.   "Ikaw! Nasaan ang nakatira sa bahay na iyan?" tanong ng isa kay Honoo gamit ang isang malakas na boses. Napatingin naman ang binata sa anim na kasama ng mga iyon na may mga kadena sa leeg. Dalawa roon ay mga bata na umiiyak.   "Hindi ko alam," munting sagot ng binata.   "Mukhang tatakasan tayo ng magkapatid. Mga kawal! Hanapin n'yo sila at dalhin sa akin! Gagawin natin silang alipin!" malakas na sabi uli ng isa sa mga kawal. Sabay-sabay naman sumagot ang karamihan at sinkronisadong lumakad pauna. Ngunit agad namang humarang si Honoo sa daraanan ng mga kawal. Itinarak nito sa mga basura ang kanyang espada at seryosong tiningnan ang lahat.   Ginulat nito ang mga kawal at ganoon din ang mga patagong nakakubli sa lugar na iyon na pinapanood ang mga pwedeng mangyari.   "Hoy! Anong ibig-sabihin nito?" tanong sa kanya ng tumatayong lider ng mga kawal na hindi maganda ang tingin sa binata. Nakaambang na rin nga ang espada nito.   Isang pagngisi naman ang ginawa ng binata. "Talunin n'yo muna ako bago kayo dumaan."   Isang malakas na tawanan ang biglang itinugon ng mga kawal. "Ikaw bata, pinapatawa mo kami. Ikaw na hamak na taga-Gomi? Hahamunin mo kaming mga kawal ng Ken?" natatawang tanong ng lider ng mga kawal na nilapitan ang binata para sindakin. Pero hindi iyon nangyari dahil isang masamang titig ang binigay ni Honoo sa mga iyon.   "Bakit? Natatakot ba kayo?" Sa tanong na iyon ni Honoo ay napabunot ng espada ang lahat ng mga kawal.   "Hindi ko gusto ang tabas ng dila mo! Sige mga kawal, patayin ang lapastangang iyan. Ipakita natin sa mga walang k'wentang taga-Gomi ang mangyayari kapag kinalaban ninyo kami!" Napaikot pa ng tingin ang kawal na nagsalita. Napansin niya kasi ang ilang taga-Gomi na nagtatago, nanonood ang mga ito sa tensyon na nagaganap. Sa kanyang hudyat ay sabay-sabay na sinugod ng limang kawal si Honoo. Naalala naman ng binata ang ginawa ni Erza kanina.   Isang hakbang pauna.   Isang mabilis na pag-abante ang ginawa niya.   Malumanay niya rin niyang hinawakan ang kanyang espada. Iwinasiwas niya iyon sa mga kalaban na tila wala lang. Naiwasan nga rin niya ang lahat ng mga iyon at lumitaw siya sa likuran ng lima matapos ang isang kisap-mata.   Nagulat ang lahat ng nakakita sa pangyayaring iyon. Isa-isang bumagsak ang limang kawal. Nabasag din ang suot na baluti ng bawat isa at umaagos mula sa dibdib nila ang maraming dugo. Kasunod niyon ay ang mahinang pagkawala ng hangin mula sa kinatatayuan ni Honoo.   "Lapastangan! S-sinisiguro ko sa 'yo na hindi ka makakatakas sa batas ng mga Duragon! At kayong mga taga-Gomi! Habambuhay kayong magdurusa! Mga wa---" Hindi na rin nga naituloy ng kawal ang sinasabi niya nang lumitaw si Honoo sa kanyang harapan.   "Isa pang kayabangan mo, puputulin ko na ang dila mo!" seryosong sinabi ng binata. Kinilabutan naman ang kawal dahil nakatutok sa kanya ang dulong talim ng espada ng binata, pati na rin nga ang mga natitirang kasama nito ay natakot.   "Akin na ang mga buwis na nakolekta ninyo! Kapag hindi mo ibinigay, sapilitan kong kukunin iyan," sabi pa ng binata at isang nakakatakot na ngiti pa ang ibinigay nito.   Dali-dali ngang kinuha ng kawal sa tagiliran niya ang malaking supot na puno ng pera. Nangangatal pa nitong iniabot iyon sa binata. Ngumiti naman si Honoo at naramdaman niyang mabigat na rin iyon.   "Isa pa! Pakawalan n'yo sila!" pahabol pa ng binata. Napatingin kasi siya sa mga naka-kadenang kasama ng mga ito. Nakakaawa ang itsura ng mga ito at parang wala ng pag-asang pinaniniwalaan. Pero nang marinig nito ang sinabi niya ay biglang nabuhayan ng loob ang ilan dito.   Tatakbo na sana palayo ang mga kawal matapos pakawalan ang mga bihag pero pinigilan sila sandali ng binata.   "May nakalimutan kayo! Dalhin na rin ninyo ang mga kasama n'yong ito..." Sabay turo niya sa mga nakabulagtang kawal. Agad naman nila itong kinuha at pagkatapos ay dali-daling umalis. Pero bago pa man sila makalayo ay nilingunan pa ng lider ng mga kawal ang binata, pati na rin ang mga taga-Gomi. Dito na muling umangas ang itsura nito.   "Humanda kayong lahat! Mararamdaman ninyo ang bagsik ng mga Duragon! Tinitiyak kong magpapadala sila ng Zodiac sa walang k'wentang lugar na ito..." pananakot nito at kasunod noon ay ang mabilis nilang pagtakbo papasok sa Ken. Isinara na rin nila ang malaking pinto pagkatapos umalis.   Nakahinga nang maluwag si Honoo matapos iyon. Pero ang inaasahan niyang pasasalamat ay iba ang nangyari.   "Ikaw dayo! Wala kang k'wenta!" Narinig iyon ng binata mula sa kaliwang bahagi ng lugar. May mga taga-Gomi ang lumitaw mula roon. Masama lahat ang tingin nila sa kanya at pinagbabato pa nga siya ng mga ito.   "Inilagay mo lalo sa kapahamakan kaming lahat! Hindi namin kailangan ang kagaya mo! Umalis ka rito!" sabi pa nila at pinaulanan din nila ng mga basura ang binata.   Napailing na lang si Honoo sa mga reaksyong iyon. Napatingin din siya sa mga pinakawalang aliping nasa harapan niya. Nakayuko lang sila at pagkatapos ay umalis.   "Kuya... Maraming salamat!" Pero nagulat siya nang magsalita ang dalawang batang kasama ng mga ito. Nakangiti ang mga ito sa kanya kaya gumaan nang bahagya ang loob ni Honoo. Pagkatapos noon ay nagtatakbo na nga palayo ang mga bata para sa kalayaang nakuha nila, pansamantala.   Tinanggap pa ng binata ang mga basurang ibinabato sa kanya ng mga taga-Gomi. Marami ang hindi natuwa sa kanyang ginawa pero, ayos lang iyon sa kanya. Naglakad na lang nga siya palayo, papunta ito sa direksyon na pinuntahan nina Erza.   *****   SA LOOB ng kaharian ng Ken, kumalat kaagad ang balita na isang taga-Gomi ang naglakas-loob na kalabanin ang mga taga-singil ng buwis. Dumating nga kaagad ang balitang iyon sa kaalaman ng mga Zodiac. Hindi naman sila nangamba roon, bagkus ay nagpalabas agad sila ng kautusang hulihin ang binatang kumalaban sa mga kawal nila. Hindi sila makakapayag na gawin iyon ng sinumang tagalabas sa mga kasamahan nila.   Samantala, nang makita naman ni Honoo ang magkapatid ay napangiti na lang siya.   "M-maraming salamat Honoo. P-pero paano ang mga taga-Gomi?" ani Erza na natuwa na maayos ang binta.   Tumingin naman sa malayo ang binata, sa pader na nakapalibot sa lugar sa loob. "Isang linggo... Kailangan ko ng isang linggong pagsasanay, at pagkatapos... Papasukin ko ang Ken," seryosong wika ng binata na ikinagulat ng dalawa.   "N-nasisiraan ka na ba? Hindi porke natalo mo ang mga kawal na iyon ay kaya mo nang labanan ang p'wersa ng Ken. Mag-isip ka nga!" seryosong sabi ni Erza na napahawak sa espada niya. Napakadelikado ng balak ng binata at kamatayan lang ang sasalubong dito kapag hindi ito tumigil.   "P-pero... Kapag hindi ako kumilos, sino pa’ng gagawa ng paraan para labanan sila?" ani Honoo na naglakad-lakad.   "Isa pa, ako lang naman. Hindi ko naman kayo idadamay,” dagdag pa ng binata na ikinakuyom ng kamao ni Erza.   "Iyang pag-iisip mong iyan... Iyan ang papatay sa 'yo. Hindi mo pa nga alam kung sino ka, tapos ngayon... Gusto mong kalabanin ang Ken? Dapat pala, nagpa-alipin na lang kami kanina, imbis na tumakas!" wika ni Erza na napataas ang boses.   "Bahala ka kung ano ang isipin mo. Pakiramdam ko kasi, kailangan kong lumaban. Baka kasi sa paraang iyon ay maalala ko kung sino ako. Ang lakas ko, at bilis. Pambihira iyon, hindi ko alam kung paano ako nagkaroon noon. Pero siguro, makabubuting gamitin ko rin ito para sa alam kong tama," seryosong sagot ni Honoo at napailing na lang si Erza. "A-ah... Oo na! Nakikita ko rin namang wala nang makakapigil sa 'yo. Kaya sasama ako sa 'yo. Wala na rin naman akong mapupuntahan, kami ni Ezel," seryoso namang tugon ng dalaga na wala na rin naman pamimilian dahil tiyak na tutugisin din sila sapagkat hindi sila nagbayad ng buwis kanina.   "Sasama rin ako ate," nakangiting sabi naman ni Ezel. Napabuntong-hininga na lang si Erza pero ano pa nga ba ang magagawa niya?   "Pero sino ang magtuturo sa atin sa loob ng pitong araw? Kailangan din na makalayo muna tayo sa Gomi dahil siguradong huhulihin tayo ng mga kawal," ani Erza na napaisip sa kanilang binabalak. Kakaunti rin lang naman ang kaalaman niya sa paggamit ng espada, kaya sino nga kaya ang magtuturo sa kanila?   "Oo nga... Sino ang magtuturo sa atin?" Napaisip din si Honoo. Naglakad na rin silang tatlo para makahanap ng ligtas na lugar na malayo sa Gomi.   "Ako na ang magtuturo sa inyo." Mula sa kung saan ay bigla na lang nilang narinig ang boses na ito.   Biglang napalingon ang tatlo sa likuran nila. Isang matandang may suot ng maruming kasuotan ang bumungad sa kanila. Maputi na ang buhok at may makapal na balbas. May espada rin na nakasukbit sa likod nito. Nakangiti rin sa kanila ang matanda pagkakita nila.   "K-ka Argus?" sabay ngang nasambit ng magkapatid.   "Ako nga," ani Argus at napatingin siya kay Honoo. Binigyan niya ito ng malalim na ngiti.   "Iho, nakita ko ang ginawa mo. Mukhang nakahanap na ang Ken ng katapat." Isang mahinang pagtawa pa ang ginawa ng matanda.   "A-ano po'ng ibig n'yong sabihin?" pagtatakang tanong ng binata.   "Wala naman. Siguro'y lumayo na muna tayo sa Gomi. May alam akong lugar para magsanay..."   Napangiti naman ang tatlo dahil sinagot na ang problema nila sa magtuturo sa kanila.   "Mahaba na ang isang linggo mga bata para sa gagawin nating pagsasanay... Pagkatapos noon, sama-sama tayong papasok sa Ken para harapin sila. Para labanan ang mali nilang pamamalakad..." seryosong sabi ni Argus at nagkatinginan silang apat. Habang naglalakad sila palayo mula sa Gomi ay umihip naman ang malakas na hangin. Isang hangin na tila sinasamahan sila sa kanilang paglalakbay palayo.
신규 회원 꿀혜택 드림
스캔하여 APP 다운로드하기
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    작가
  • chap_list목록
  • like선호작