Kabanata 6
Nasaan na naman ba ako? Bakit ako nandito sa gitna ng masukal na kagubatan? Wala akong natatanaw na mga kabahayan man lang.
“Tao po, may mga tao po ba rito?” umalingawngaw sa buong paligid ang aking malakas na sigaw. Dagdagan pa ng mabatong daan, ang kaninang suot ko’y iyon lang din ang suot ko ngayon.
Isa na naman ba ‘tong parte ng panaginip ko? Baka dala na naman ito ng imahinasyon ko sa aking isinusulat na nobela.
Walang nisinuman ang nakaririnig sa akin sa buong kagubatan. Kaya panay lang ang lingon-lingon ko, nang may gumagalaw na mga ligaw na damo sa bandang kanan ko. May namumuo na ngang malalaking butil ng pawis sa aking noo, na nagsisimula na ring naglalagalagan. Pati mga tuhod ko’y animo’y naging halaya sa lambot.
“Naku po, ano na naman bang pagsubok ang nararanasan ko sa puntong ito, halos wala na akong lakas ng loob. Sa pagkakataong ito, gusto ko nang tawagin ang lahat ng santo.” Mahinang bulong ko sa sarili. Kinakausap ko na ang sarili ko na mistulang baliw sa kalagitnaan ng kagubatan.
Patuloy pa rin ang kaluskos sa banda kung saan ako nakarinig ng kahinahinalang tunog. Mataman kong pinikit ang dalawang mata, saka pinagdaop ang aking dalawang palad. Itinaas ang ulo, saka nagsimula na ngang magdasal.
“Kung anong klaseng ligaw na hayop ka man, please naman, oh. Huwag ka nang manakot. Lumabas ka na riyan at magpakita, saka umalis. Hindi naman ako nang-aano.” Uutal-utal kong pasaring.
Tuluyan nang nakabaluktot ang dalawa kung tuhod.
Ilang sandali lang ay wala na akong narinig na kaluskos. Pinakiramdaman ko pa rin ang aking paligid para makasigurado. Nang wala na naman akong marinig, iyon na ang senyales ko na pwede na akong dumilat.
Una kong minulat ang isa kong mata, kasunod ang isa. Wala namang nakaharap sa akin kaya kaagad akong tumayo, sabay pagpag ng aking tuhod na ngayon ko lang naramdaman ang hapdi. Matagal-tagal din pala akong nakaluhod.
Bumalik ang lakas ng loob ko, nagpasya akong bumalik na lang sa kaninang dinaanan ko. Pasipol-sipol pa akong inikot ang buong katawan, nang natigilan ako sa panlalamig, na nanigas ang aking buong kalamnan, halos humiwalay na ang aking kaluluwa sa malaking baboy ramo na itim, katulad ng nakita ko noong una akong nanaginip ng ganito.
Inisip ko lang na isa na naman itong parte ng aking panaginip.
“Dapat hindi ako matakot sa isang baboy ramong katulad mo, kasi nasa panaginip lang kita.” Unti-unti kong inihakbang ang aking mga paa palapit sa nag-uusok na ilong ng ligaw na hayop na nasa aking harapan.
Kung gusto kong mawala ang aking kaduwagan, dapat kahit sa panaginip ko’y marunong akong lumaban. Tama, gagamitin ko ang bawat panaginip ko, para naman kahit papaano ay hindi na ako maging duwag.
Ilang dangkal na lang ang layo ko sa baboy ramo. Inunat ko ang aking isang kamay, sabay pikit ng mata, at kagat-kagat ang aking labi. Para kung sakali mang kagatin ako at susugurin, nakahanda na ako sa dalang kirot na aking mararamdaman.
Mag-iisang minuto na ang lumipas nang wala namang umamba sa akin, ramdam ko na rin ang manipis nitong balahibo na tila ay maninipis na hibla ng buhok na bagong tubo.
Muli kong binuksan ang dalawang mata ko nang nagpahipo naman ang ligaw na hayop na ito sa akin. Pero sa pagdilat ng mata ko. Imbes na ang baboy ramo ang makikita ko. Ang walis tambo pala na muntikan na ngang maidapo sa aking bibig.
Inihagis ko ang walis, umahon ako sa kama, at nagtungo sa banyo para makapaghugas ng kamay.
Ano kaya ang ibig sabihin ng panaginip na iyon? Gusto ko pa sanang maramdaman kung paano magpaamo ng baboy ramo. Pero wala na akong magagawa, alam ko naman na parte ulit iyon ng panaginip ko. ‘Di bale, kapag naulit ang pagkakataong mananaginip ako, susubukan ko nang magpakatapang. Sa panaginip ako magsasanay na mapalakas ang loob ko, kahit papaano. Sa panaginip man lang, nagagawa ko ang mga bagay na hindi ko nagagawa sa totoong mundo.
…
“Mr. Armania, pakikuha nga ang aking bag sa aking mesa roon sa opisina.” Utos ng aking guro sa Filipino. Matanda na ang guro namin sa paksa na ito, kaya hindi ako humihindi sa bawat iniutos nito sa akin. Pero kahit naman hindi siya ang nag-utos sa akin, sumusunod pa rin naman ako sa mga ipinag-uutos sa akin.
Ganoon ako masunuring estudyante, kaya nga sina Mikel at mga kasamahan nito. Namimihasa na sa aking inutus-utusan akong bumili ng mga snacks nila sa tuwing break time namin.
“Oh, Deeve, nagawi ka na naman sa opisina, may kukunin ka ba?” tumango lang ako, wala rin kasi sa ugali kong makipag-usap sa kahit sino mang mga guro.
May isang araw kasi na sinasabihan ako ni Mikel na sipsip daw ako sa mga guro, kaya may naisasagot ako sa mga exam. Kasalanan ko bang nag-aaral ako sa gabi, para naman makakuha ng score na masasabi kong pinaghirapan ko.
Sila nga nabubuhay lang sa kopya, may kuda ba ako? Hindi ko na talaga maatim ang mga ganoong ugali na mayroon sila. Parang mga bata, kung tutuusin nga, malapit nang matapos ang mga taon namin dito sa El Federico Academy, kaya dapat sanang hindi nila sinasayang ang mga araw nila sa pam-bu-bully ng mga kagaya kong mahihina. Dahil hindi nila alam kung ano ang maaaring kahihinatnan ng isang tao sa mga mahihinang klase ng nilalang.
“Hoy! Deeve, bilhan mo nga kami ng pagkain sa canteen, tinatamad kaming lumakad. Saka bibigyan ka naman ni Mikel ng limang piso.” Nag-approve sign pa ito gamit ang kanyang daliri, saka labas dila. Akala naman nitong hindi ko nakikita.
“Nag-aaral pa ako. May exam pa sa susunod na subject.”
“Mikel, matibay na ang buto ni Deeve.” Hinilot-hilot ng isa sa kanyang kasama ang balikat ni Mikel.
“Okay lang.” tanging sambit nito na ikinagulat ko rin.
Iyon lang? Mukhang may hindi na naman itong magandang binabalak.
“Siya naman ang magpapakopya sa atin ng answer ngayon sa exam. Kaya mas okay iyon, kaysa magpabili ng pagkain.” Salitan pa silang tumatango, naririnig ko rin ang mga palakpakan nila na animo’y nanalo sa lotto.
Sinasabi ko na nga ba, hindi basta-basta titigil ang Mikel na ito kung hindi niya makikitang magagamit niya ako sa kanyang pansariling gusto. ‘Di bale, kung gusto niyong mangopya sa akin, pakokopyahin ko kayo. Tsk!