Kabanata 5

1044
Kabanata 5 Sinalubong ako ng haring-araw, presko at payapa ang pakiramdam ko sa buhay---pero rito nga lang sa bahay. Ewan ko na lang ulit pagdating ko sa paaralan. Baka tambangan na naman ako ni Mikel, kasama ang mga kasama niyang mahilig din makipagbasag-ulo. Tanaw ko sa banda rito si Manang Eve, ang caretaker ng apartamento na nirerentahan ko, manghang-mangha ako sa kanyang taglay na kasipagan. Kahit na palaging nakatalukbong ng isang manipis na tela sa kanyang mukha, hindi maitatagong may kaedaran na rin ang matanda. Halata na rin ang kulubot sa kanyang mga kamay. May sarili naman akong lutuan sa loob ng aking silid, kaya hindi na ako lumalabas pa at nakikiluto sa kusina. Nakahihiya naman kung ganoon, ako na nga itong nangungupahan, ako pa itong nakikigamit sa mga gamit dito sa apartamento. Pinadalhan din naman ako ni mama ng mga gamit, kaya walang problema. Buwan-buwan akong binibisita ni mama, minsan nga napapansin niyang may mga pasa ako’t galos sa katawan, panay ang pasikot-sikot niyang tanong sa akin, laging tugon ko lang ay kagata lang ng mga langgam at lamok iyon. Kaya bawat may ginagawang kalabisan sa akin si Mikel, ginagamot ko kaagad, para naman hindi magsugat. “Mikel, nandiyan na pala ang paborito mong classmate, oh.” Rinig na rinig ko ang kanilang mga mapanganib na halinghing. Sa tono pa nga lang ng kanilang mga tawanan, at hagikhikan alam na alam ko nang may kailangan sila. “Ang tagal mo namang dumating, Deeve, wala tuloy kaming mautusang bumili ng papel sa canteen. Pero nandito ka na naman, saka mukhang may isang pad ka ng papel. Baka naman paambonan ng grasya, ‘di ba mga classmates?” tinataas-taas pa niya ang kanyang mga kamay, para makuha ang atensiyon ng karamihan.             May iba nakikisali, may iba naman tahimik lang, ayaw makisali sa gulo. Umuusok na ang aking ilong, at gusto na ngang sumabog ang utak ko sa inis. Pero ayaw kumawala ng mga salita sa aking bibig. Napipipi ako kapag kaharap ko na sila.             “Oh? Ang angas makatitig ni Deeve, Mikel, mukhang ilang ulit ka na niyang pinatataga sa kanyang imahinasyon.” Malalakas na naman na tawa ang kanilang pinakawalan, naikuyom ko ang aking kamay, sabay ayos ng upo sa aking upuan, gusto kong manlaban, pero ayaw talaga ng aking katawan. Ganoon ba ako kahina? Kahit isang suntok man lang ayaw dumapo sa malapad na mukha nitong bully na Mikel na ito?             “Hayaan niyo na ang duwag na iyan, kunin niyo na lang ang kalahati ng papel niya, saka umupo na tayo, baka maabutan na naman tayo ng guro.” Walang paligoy-ligoy nilang hinila ang buong pad ng papel na mayroon ako, saka hinati ito, nanunubig na nga ang gilid ng aking mga mata, nanlalambot ang mga kalamnan ko, gusto kong sumigaw hanggang sa maubosan ng boses.             “Salamat dito, Deeve, you’re the best!” tinapik pa ako sa aking balikat, bago sila nagsiupuan sa kanilang kanya-kanyang upuan.             May araw rin kayo sa akin lahat. Hindi ako gaganti sa inyo, pero gagantihan ko kayo sa ibang bagay. Masuwerte kayo at hindi ako basagulero kagaya niyo.             …             Wala na naman akong ibang gagawin sa library, kaya imbes na magtambay roon, umuwi na lang ako, baka kasi mapagtripan na naman ako ng Mikel na iyon, pagod ako sa buong araw ko dahil sa PE. Kaya wala akong lakas.             Payapa akong sumakay ng tricycle, hanggang sa nakarating na rin ng apartamento. Hindi ko man lang agad napansin si manang.             “Hijo, mukhang matamlay ka yata ngayon, may problema ba? Ano na namang ginawa ni---.”             “Po?”             “Wala, pumasok ka na, saka kung gusto mong uminom ng tsokolate na gawa ko, nasa mesa lang. Masarap iyan, bagong pitas.” Pag-iiba nito ng usapin, napaisip ako, kasi nga parang may gusto siyang sabihin sa akin, pero hindi niya kaagad dinugtungan ang kanyang salita kanina. Ano kaya ang ibig niyang sabihin?             May natanaw nga ako sa mesa na masasabi kong mainit-init pa na tsokolate, dahil sa umuusok-usok pa ito. Kahit na nasa malayo pa ako’y naamoy ko na ang bango nito. Walang preno akong sumimsim ng maiinom na ito, nang napalaki ko ang aking mata dahil sa pagtataka, umuusok ito sa init, saka ramdam ko rin ang alinsangan nito sa baso, pero nang inumin ko’y hindi man lang ako nakaramdam ng init.             Muli akong sumimsim, hanggang sa hindi ko man lang napansing naubos ko na pala ang isang baso ng tsokolate.             “Masarap ba, Hijo?” bahagya akong napatalon sa gulat nang nagsalita sa likod ko si manang.             “Ah, opo, Manang. Ang sarap-sarap po ng tsokolate, pero ang ipinagtataka ko lang po, hindi man lang ako napaso nang inumin ko ang mainit na inumin. Parang may mahika pong gamit, naalala ko tuloy ang mga lagi kong isinusulat na mga nobela, mahilig po kasi ako sa mga kwentong pantasya. Mas gusto ko kasing fantasy ang isinusulat ko, dahil sa gusto kong makatakas muna sa reyalidad ng mundo.” Abot-tainga ang ngiti ko sa bawat pagbigkas ko ng mga salitang hindi ko namamalayang naikuwento ko na pala kay manang.             Nakatingin lang sa akin si manang na may ngiti sa labi.             “Naku, po. Pasensiya na po kayo, napakatabil po ng aking dila.” Tinakpan ko ang bibig para hindi na makapagsalita.             “Pasok lang po ako sa silid ko po, maraming salamat po ulit sa masarap at walang katulad na tsokolate.” Huling naisambit ko kay manang.             Nang nagbalik sa isipan ko ang mainit na baso ng tsokolate, pero hindi man lang ako napapaso. Kaya kaagad akong nagtungo sa laptop ko at may naisip na scenario sa gagawing kabanata ng aking kwento.             “Tama, ang titulo ng kabanata na ito ay baso ng tsokolate, nakamamangha lang kasi talaga, sana magustuhan ng magbabasa nito ang aking kwento.” Masigla na akong nagtitipa ngayon, ito na lang ang natatanging sandata na mayroon ako. Ang pagsusulat ng nobela na malayo sa totoong buhay. … Inunat ko ang aking likod saka ang aking mga kamay, sa isang oras kong pagtitipa, tinamaan na naman ako ng antok, nang bigla na naman akong napunta sa isang lugar na hindi ko alam kung nasaan ako. Masukal na kagubatan. Parang pamilyar, pero hindi ko alam kung saan. 
신규 회원 꿀혜택 드림
스캔하여 APP 다운로드하기
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    작가
  • chap_list목록
  • like선호작