2 : Punch

1347 Words
NANG makauwi si Cloudy ay nadatnan niya sa kusina ang dalawang kapatid na sina Summer at Winter habang ang kanilang ina ay abala sa paghahain ng meryenda sa harap ng mga ito. "Oh, and’yan ka na pala, bakit maaga ka ‘atang umuwi? Akala ko ba lalabas kayo ni Bryle?" kaagad na tanong ng kaniyang ina. Sinikap niyang ngumiti. "Happy Valentine's day sa inyo!" bati niya sa mga ito na hindi kaagad tinugon ang tanong ng ina. "Happy Valentine's day sa 'yo," halos kuros pa ng tatlo. "Hindi kami natuloy, Ma. Alam mo na may hinahabol iyong promotion sa firm nila," kapagkuwa'y tugon niya sa ina saka inilapag sa mesa ang dalang cake at tsokolate na binili pa niya bago dumiretso pauwi. "Wow! Sana all may nagbibigay ng flower bouquet," nakangiti naman na bulalas sa kaniya ni Summer habang nakatingin sa bungkos ng bulaklak na hawak niya. "Mukhang may presyo, ah," banat naman ni Winter. "Mukhang duda na ako talaga sa boyfriend mo, ate, hindi pa ‘ata iyon nag-abot sa iyo ng mahinang klase ng regalo. Hindi ka ba kinakabahan, ate? 'Yong totoo nga, saang law firm ba s'ya?" Napailing siya. "Winter, ano ka ba? Magtaka ka kapag binigyan na niya ako ng house and lot sa isang exclusive subdivision. Tsk! Dahil lang sa isang bungkos ng bulaklak kung anu-ano na iniisip mo roon sa tao," sabi niya bago tumingin sa ina. "Magbibihis lang po ako, Ma,” paalam niya rito. "Sige na, bilisan mo na r'yan para sabay-sabay na tayong kumain." "Opo, Ma." Binitbit niya sa kaniyang silid ang bungkos ng mga bulaklak at matamlay na inalis ang artificial flowers sa vase na nasa gilid ng study table niya upang doon iyon ilagay. Inalis niya iyon sa pagkaka-wrapped at natigilan nang makita ang personalized card message roon. “A flower blossoms with the sunshine, just as I thrive in your light—I can’t fully live without you.”—Alexander Chase. 'How sweet you are, Alexander Chase,’ wala sa loob na nasabi niya sa isip. Binasa ulit niya iyon at sa pagkakataong iyan ay wala sa loob na napangiti siya pero kaagad ding natigilan nang maalala na hindi naman iyon para sa kaniya. Bigla rin niyang naalala si Bryle. Saglit siyang naestatuwa pero kapagkuwan ay kumilos siya at inayos na ang mga rosas sa vase at nilagyan iyon ng tubig buhat sa bottled water na baon niya sa dalang bag. Dinampot niya ang kapirasong card kung saan nakasulat ang message na iyon at akmang ilalagay na sa rubbish bin nang magdalawang-isip siyang itapon iyon. Hanggang sa huli ay naisip niyang isingit na lang iyon sa kaniyang diary. Tumunog ang kaniyang cellphone. Kaagad niya itong dinampot at sinagot nang makita ang pangalan ng kaniyang bestfriend na si Bethany. "Happy Valentine's day, Beth!" nakangiting bati niya rito. "Oo, salamat. Pero hindi ko alam kung dapat bang batiin din kita sa paraang kagaya ng sinabi mo dahil sa ibabalita ko sa 'yo." Kaagad na nagsalubong ang mga kilay niya matapos ang sinabi nito. "Ano ba 'yon?" tanong niya kasabay ang pagbangon ng kaba sa dibdib. "Nakita ko si Bryle, may kasama s'yang sexy at magandang babae sa coffee shop," walang ligoy na sabi nito. Pagkarinig sa sinabi nito ay kaagad siyang napakuyom. Pakiwari niya ay umakyat lahat ng dugo sa ulo niya at nanlaki iyon. "Saang coffee shop!?" nanginginig ang boses na tanong niya. ••• NABILING ang mukha ni Brian Bryle dahil sa pagsuntok ni Cloudy sa mukha nito. Halos lahat ng tao sa coffee shop na iyon ay nalaglag ang panga dahil sa nakitang ginawa niya. "Bryle, w-what's going on!?" nagulat na react ng babaeng kaharap nito sa mesa. Bakas sa mukha nito ang pag-aalala. "Anong what?! Watwatin mo 'yang mukha mo!" galit na sabi niya rito. Napamata ito sa kaniya at nasapo ang dibdib. "Cloudy, pack it in!" saway ni Bryle sa kaniya sabay tayo at sinubukan pa siyang hawakan sa braso pero maagap niyang iwinaksi ang kamay nito. "Magsama kayo ng babaeng ito. Tapos na tayo, Bryle!" Ibinagsak niya sa mesa ang susi ng kotseng iniregalo nito sa kaniya. "Ayan, hindi ko kailangan 'yan. Kunin mo na 'yan, baka hindi ako makapagpigil buhatin ko ang kotse na iyon at ibagsak ko rito sa harapan mo mismo!" Tumalikod siya at siga na lumakad palabas ng coffee shop na iyon. Nag-atubili pa nang una si Bryle pero sa huli ay napilitan itong sundan siya dahil na rin sa labis na pagkapahiya. "Let's talk. Let me explain," mahinahong wika nito habang nakasunod sa kaniya. Hindi niya ito pinansin. "Cloudy, ano ba!? Mag-usap nga tayo!" medyo tumaas ang boses na sabi nito sa likuran niya. "Parang ikaw pa yata ang galit!" asik na sabi niya rito. "Of course not. Ang gusto ko lang pakinggan mo ako!" Hindi siya huminto para harapin ito bagkus ay binilisan pa ang paglakad. Nilakihan nito ang mga paghakbang upang masabayan siya at mahawakan pero hindi niya ito hinayaan. Humakbang siya sa kalsada upang tumawid nang hindi namamalayan ang parating na sasakyan. "Cloudy!" nag-aalala na sigaw ni Bryle. Nabingi siya sa ingay ng preno ng paparating na sasakyan. Natulala siya at walang nagawa kun'di titigan iyon. Mapalad na hindi siya inabot niyon at huminto hibla lang ang layo sa kaniya. Napapiksi siya nang lumapat ang kamay ni Bryle sa braso niya kasabay ang pagbukas ng pintuan ng sasakyan sa harap nila. "Magpapakamatay ka ba?!" galit na sita ni Bryle sa kaniya. Hinila niya ang braso buhat dito. "Wala kang pakialam!" galit na sabi rin niya rito. "Excuse me," untag sa kanila ng driver ng kotse. Napatingin silang dalawa sa matangkad na lalaking nasa harap nila. Napatitig dito si Bryle habang siya ay laglag ang panga na napatitig din sa lalaking ito. Hindi dahil sa guwapo ito kun'di dahil ito rin ang lalaki sa flower shop kanina. Napakabilis ng muli nilang pagkikita. 'Alexander Chase?' wala sa loob na natawag niya ang pangalan nito sa pamamagitan ng kaniyang isip. Tiningnan ng lalaking ito si Bryle mula ulo hanggang paa bago tumingin sa kaniya. Mukhang hindi siya nito natandaan. "If you want to commit suicide, don't involve me!" bakas ang matinding inis sa tinig na sabi nito sa kaniya. Naibaba niya ang tingin at inisip na iignora na lamang ito. Kumilos siya upang tumalikod pero maagap siyang nahawakan ni Bryle sa braso. "Cloudy!" pigil nito sa kaniya. Tumingin siya rito na puno ng pait sa mga mata. "You've ignored me so many times but I understand you, but after what I saw, I don't want to anymore. Uulitin ko, we're done, Bryle!” napaluha pang sabi niya dahil sa galit dito. "Anong nakita? Ano ba'ng pinagsasabi mo? We're not doing anything wrong, Cloudy!" maanghang na sabi nito. Ngunit imbes na makinig sa nobyo ay padaskol na binawi niya ang braso rito. Tinangka muli nitong hawakan siya ngunit maagap niyang nai-angat ang kamao at sinulungan ulit ito ng suntok sa mukha pero mabilis na itong nakaiwas sa pagkakataong iyan. Lumampas ang kamao niya at aksidenteng dumapo sa guwapong mukha ni Alexander Chase na noo'y nakadukwang pala upang awatin sana sila. Nagulat siya ganundin ito. Tila bumagal ang pag-inog ng mundo habang nakatitig siya sa brown nitong mga mata na noon ay nakatitig din sa kaniya, wari'y nagbabaga sa galit. Si Bryle naman ay laglag ang panga habang palipat-lipat ang tingin sa kanilang dalawa. "Cloudy?” untag nito sa kaniya kapagkuwan na siyang nagpanumbalik sa kaniya sa huwisyo. Tiningnan niya ito bago tumalikod at nagpatuloy sa pagtawid sa kalsada. "Hey! Seriously?" kaagad namang react ni Alexander Chase na napahabol pa ng tingin sa kaniya. "Thanks for hitting me, huh!" napatiim-bagang na sigaw nito habang inihahatid siya ng matalim na tanaw. Hindi naman siya lumingon bagkus ay nagmadaling sumakay sa dyip na mabilis na naipara. Si Bryle naman ay kaagad ding umalis. Inis na naiwan si Alexander Chase. Napakislot pa ito nang makarinig ng busina buhat sa likuran ng kotse nito. Pipihit na sana ito pabalik sa sasakyan pero nilapitan ito ng traffic police para ticket-an. Lalo itong nainis at nakamot ng hintuturo ang dulo ng kanang kilay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD