Ikapitong Basket

2487 คำ
NAKATULALA ang player na nagngangalang Larry Dizon nang tumama sa kanyang mukha ang bola matapos itong hampasin pauna ni Jin. Walang kaalam-alam ang 7-footer na try-outee na iyon sa kung paano gawin ang jump ball. “Okay ka lang ba Larry?” tanong kaagad ng isa nitong kakampi na mabilis na pinuntahan ang nakahigang manlalaro. Makikita pa ngang nakangiti ito na parang may pinapanood sa itaas. Parang sira-ulo na nakangiti. Si Coach Erik naman ay napasilbato at mabilis na pumunta kay Larry Dizon na biglaan na lamang bumangon nang mabilisan. Iiling-iling pa ang ulo nito at napatingin sa paligid. Nakita niya na sa kanya nakatingin ang lahat ng nasa basketball court. Para siyang sira na nagtataka sa kung ano ba ang nangyari. “Ano'ng nangyari?” winika nito at ang lahat ng malapit sa kanya ay napailing na lamang. “Tinamaan ka ng bola Larry!” bulalas naman ng kakampi niyang katapat ni Jin sa jumpball. Siya ay si Arnel Herrera, at kahit sa height nitong 6'5 ay mas gusto niya ang trabahong ilalim sa sandaling naglalaro na siya ng basketball. “H-huh?” napatanong si Larry at dito ay bigla siyang nag-angas. “S-sino ang bumato ng bola sa mukha ko!?” Makikitang inis na inis na ito matapos malaman ang nangyari at dito na nga nagsalita si Coach Erik. “Aksidente lang ang nangyari. Sige na, magsibalik na kayo sa pwesto ninyo. Uulitin natin ang jumpball,” sabi ni coach at dinampot na nga niya ang bola at pumunta muli sa gitna kung saan ay naroon ang dalawang tatalon para sa jump ball. “S-sorry coach,” pagalit na sinabi ni Jin na maging ang kanyang kaharap ay kinabahan. Ngunit para kay Jin ay malumanay lang siya at nahihiya sa kanyang ginawa. Napagdesisyunan na lamang nga niyang huwag nang tumalon dahil baka magkamali na naman siya. Muling ibinato paitaas ni Coach Erik ang bola at doon ay si Arnel ang nakatapik nito papunta sa kanyang likuran. Ang bola ay dumiretso sa pwesto ni Larry kung saan ay binabantayan ng isang 6'3 na try-outee. Isang ngiti ang sumilay kay Larry at marahan siyang umatras para pakagatin ang kanyang katapat. Sa pagkagat nito sa kanyang paggalaw ay isang biglaang paglampas dito ang ginawa niya. Mabilis niyang hinawakan ang bola at nang maramdaman niya ito sa kanyang kanang palad ay naalala niya sandali ang mga panahong nais na niyang sumali sa CISA team. “Winless pa rin sila.” “Si Macky Romero? Magaling siya pero alam ko, mas magaling ako.” “Kapag nakapanalo na sila, doon na ako sasali. Masyado na kasing nakukuha ni Romero ang mga chix na sa akin dapat tumitili at hindi sa kanya.” Malinaw ang goal ni Larry sa kanyang pagsali sa try-out na ito. Ang mapasama sa CISA varsity, at ang maging bagong Romero... Hindi! Ang maging kauna-unahang Dizon! Hindi sa ayaw niyang sumali dati sapagkat talunan ang koponan ng kanyang paaralan... Sadyang ayaw lang niyang pagtawanan at ngayong nagkaroon na ng reputasyon ang team nila ay oras na rin para ipakita ang galing ng isang tulad niya. “Kung naging magkakampi kaya tayo Romero? Magbabago kaya ang CISA bago mangyari ang break-out ninyo last year?” “Hindi ko rin masagot.” Isa sa mga kalaban ang sinubukan siyang depensahan nang makalampas siya sa half-court line kaso, nagawa lang niya itong linlangin sa kanyang pagbaling pakaliwa. Napasabay ang defender niya kaso, ang bola... Tumalbog na ito pauna sa kanila at isang biglaang paghakbang nang malaki ang ginawa ni Dizon. Ang bilis niya! Ang mga manonood nga ay napatingin sa kanya at habang papalapit siya sa basket ay nasa likuran na niya ang dalawa pang kalaban na susubukan naman siyang pigilan. Walang pakialam si Larry kung siya ay habulin o pigilan sapagkat alam niya na makakapuntos at makakapuntos siya. Habang papalapit siya sa basket ay dito na nga niya napagdesisyunang magpakilala sa mga taga-CISA. Bigla na lamang niyang ibinato ang bola papunta sa basket na ikinagulat ng dalawang humahabol sa kanya. Ang bola ay bumangga lamang sa itaas na board, sa tapat ng pinagkabitan ng basket at sa pagbalik nito ay dito na dumiin ang mga paa ni Dizon sa sahig ng court. Sa kanyang paglapit sa basket at dahil na rin sa maganda niyang buwelo ay tumalon na nga siya papunta sa ring. “Isang high-flyer si Larry,” sambit ni Arnel na nakangiting pinagmamasdan ang presko at mahangin niyang kaibigan... Pero kahit ganoon ay alam naman niyang isa itong magaling na basketbolistang hindi pa nadidiskubre sa CBL. Sinambot ni Larry ang bola sa ere at habang siya ay papalapit sa ibaba ay nagawa pa nga niya ang isang bagay na nais niyang ipamalas sa lahat. Isang dunk ang kanyang ginawa na nagpagulat sa mga manonood. Hindi nila akalaing may isang manlalaro ang magagawang dumakdak sa CISA court na napakabihira nilang makita sa sinumang manlalaro ng varsity noon pa man. Pumasok ang bola sa basket at bahagya pang naalog ang board dahil doon. Mabilis nga ring bumaba sa ibaba si Larry at pagkatapos ay sumayaw siya na parang sira matapos ang kagila-gilalas na kanyang ginawa. “Oh... Yeah!” sabi pa nito habang umiindayog at gumagalaw ang mga kamay sa ere. “Ayos ba?” tanong pa nito matapos ang parang sira-ulo na pagsayaw at kasunod noon ay ang pagkalampag ng ilang manonood dahil doon. Napa-cheer sila bigla sa kanya na tila naging musika kaagad sa pandinig niya. “Ang simula ni Larry Dizon... Humanda na ang mga pulpol na team sa CBL sa pagdating ko!” sigaw pa niya sa kanyang sarili at ang mga kalaban nila ay parang kinabahan sa kanyang ipinakita. Parang nagawa kaagad niyang sindakin ang mga ito matapos ang dunk na iyon. “Team! Depensa naman!” sigaw pa niya at ang mga kasamahan niyang hindi siya kilala ay parang lumakas ang loob nang marinig iyon. Alam na nilang malakas maglaro ang lalaking ito na may patilos na baba. “Ipakita na natin?” mahina pang sambit ni Arnel at nagkangitian ang dalawa. Nagtabi sila at inabangan ang pagdating ng mga kalaban sa side nila. ***** NANG makita ni Kier ang dunk na iyon ay hindi niya maiwasang mapabilib sa gumawa noon. Bibihira lamang ang mga players na gumagawa ng dunk at ang ipinakita nito ay sadyang kahanga-hanga. “Off-the-board dunk? Athletic ang isang ito,” sabi ni Kier sa sarili na pinagmasdan pa nga ang ginagawang pagsayaw ni Dizon. Doon naman siya napailing sapagkat kung mapapasama siya sa CISA Flamers ay parang isang may saltik naman ang makakasama niya. “Ang galing,” ito naman ang nasabi ni Ricky nang makita ang dunk na iyon. Ibinato muna sa board at pinabalik bago idakdak. Kung hindi siya nagkakamali ay napanood na niya ito sa Youtube, sa ilang NBA players... at ang makita niya ito sa personal ay talagang nagpasabik sa kanya na maging kakampi ito. Alam niyang malakas din ito at kung mapipili ito ay hindi na niya alam kung paano pa sila matatalo ng ibang koponan sa CBL. Pero kahit na ganoon ay hindi pa rin naman niya iniaalis ang posibilidad na baka pati ang mga makakalaban nila ay may mga upgrades ding ginawa para mas maging malakas din sila. Nagpatuloy nga ang laro at makikitang wala na nga talagang panama ang kalabang team sa grupo na pinapangunahan ni Dizon at ni Herrera na ninakawan lang ng rebound ang 7-footer na si Jin. Ang score ay 15-4 at nasa kamay pa ni Dizon ang bola nang mga oras na iyon. Napakalaki na lalo ng kanyang kompyansa na talunin ang kalaban dahil walang makapigil sa kanya. Inatake nga niya ang ilalim at naroon si Jin. Nginisian niya ito at mabilis na inatake. Gamit ang liksi niya ay pinasunod niya ito sa kanya. Si Jin naman ay napakalakas ng kabog ng dibdib kanina pa. Labis na kaba ang nararamdaman niya magmula sa pagkakamali niya kanina sa jump ball. Wala na nga siyang maisip na gawin at mas nagpahina pa ng kanyang kompyansa ay nang marinig niya ang usapan ng kanyang mga kasamahan tungkol sa kanya. “Walang-kwenta pala. Puro tangkad lang,” sabi ng isa. “Sayang lang ang pasa natin sa kanya. Huwag na nating pasahan iyan. Tutal, talo na tayo rito, mabuti pa yatang tayo-tayo na lang ang magpakitang-gilas para mapili.” Sumunod siya kay Dizon at nang makalabas na siya sa painted area ay dito na siya nilampasan ng kalabang may dalang bola. Sinubukan niyang harangan ito sa kaliwa niya kaso, bumigla ito ng lihis sa kanyang kanan. Napadiretso siya at sa bilis ng crossover na iyon ay bigla na lamang siyang nawalan ng balanse. Natumba siya na naging dahilan para ngisian ni Dizon. “Nakakahiya ang ginagawa ko,” sabi na lang ni Jin sa sarili. Wala talaga siyang alam sa basketball, at aminado siya. Matapos ang isang ankle-breaker na iyon mula kay Dizon ay nagawa pa nitong i-lay-up ang bola. Hindi lang iyon basta shoot dahil isa iyong reverse shot dahil sinubukan pa siyang pigilan ng isa pang manlalaro ng kalabang koponan. 17-4 ang score at may natitirang tatlong minuto na lamang sa larong iyon. Dito na nga tumawag ng time-out si Coach Erik para pagpahingahin muna ng isang minuto ang mga naglalarong try-outees. Pagod na pagod ang higanteng si Jin sa pagpunta niya sa tabi. Halos manginig na nga ang kanyang kamay sa paghawak sa tubig. Ang mga kasama nga niya ay napailing na lang sa ipinakitang laro ng binata sa loob ng court. “Bano naman pala,” sabi ng isa na napailing na lamang. “Hindi yata marunong mag-basketball.” Narinig iyon ni Jin at mas lalo siyang bumaba ang tingin sa kanyang sarili. Nagpatuloy ang pagpapahinga nila hanggang sa magsimula na muli ang laro. Naagaw na naman ni Herrera ang bola at mabilis itong ipinasa kay Dizon na kumakaripas na kaagad ng takbo papunta sa side nila. Isang malinis at simpleng lay-up nga ang kanyang ginawa na sinamahan pa niya ng ilang segundong pagsayaw na nagpa-hype sa mga manonood nang mga oras na iyon. 19-4 na ang score at makikitang tinatamad na ang mga kalaban sa ginagawa nila. Inuubos na lang nila ang oras. Isang minuto na lamang ang natitira at napatingin na lang si Jin sa basket dahil sa wakas ay matatapos na ang laro. 23-6 na ang score at sa siyam na minuto nilang paglalaro ay halatang pinaglaruan lamang sila ng kalaban. “Nakakapagod maglaro ng basketball...” sabi na lamang ni Jin sa sarili na nakitang papalapit sa kanya ang nakangising si Dizon. Huminto bigla si Dizon sa harapan ni Jin at dito ay nagsalita siya. “Hindi ba, si Jin ka? Iyong malaking tao na palaging nakikipag-away? Bakit nag-basketball ka? Hindi ka naman marunong? Baka nagkamali ka lang ng pagpunta dito sa try-out?” nakangiting tanong ni Larry sa malaking binata na nasa kanyang harapan. Kitang-kita niyang pagod na ito at kaunti na lamang ay babagsak na. “Bakit ba ako nag-try-out?” naitanong na lamang ni Jin sa sarili na gusto nang matapos ang laro dahil gusto na niyang humiga at magpahinga. Sa hindi inaasahang pagkakataon ay isang babae ang sumagi sa kanyang isipan. Ang dahilan kaya siya sumubok na mapili sa CISA varsity ay dahil sa babaeng iyon. “Posibleng nanonood siya ngayon...” “Depensa... Tayong mga baguhan ay ito ang pwedeng magamit para makatulong sa team.” Naalala rin niya ang sinabi sa kanya kahapon ni Ricky Mendez. Nawala sa isip niya ang dahilan kung bakit siya narito dahil sa kahihiyan na naranasan niya kanina. Naalala niya ang oras na natitira, isang minuto na lamang at hindi pa siguro huli ang lahat para ipakita niya na karapat-dapat pa rin siyang mapunta sa CISA varsity. Isang mabilis na paglampas ang ginawa ni Dizon at nakangiti siyang tumalon papunta sa basket para magpakitang-gilas na naman sa lahat. Isang dunk ang binabalak niya at kampante siyang magagawa niya ito. Tumalon na siya paitaas, palapit sa basket. Kaso ang hindi niya alam, hinabol pala siya ni Jin para siya ay pigilan. Ang mga manonood ay napatingin sa nangyari at nagulat sila nang tumalon na ang 7-footer na si Jin. Napanganga ang marami dahil ang taas noon. Bibihira sa isang ganito katangkad ang magkaroon ng mataas na pagtalon. Isa pa, ang speed nito, hindi rin iyon matatawaran. “Hindi pa ako pagod... Kinakabahan lang ako. Wala pa nga ito sa mga rambulang naranasan ko dati...” “Ikaw... Akala mo ba ay makakadakdak ka!” Nagulat na lamang si Dizon nang maramdaman niyang may sumabay sa kanya sa pagtalon. Ang bola nga ay mahigpit niyang kinapitan at kahit na may humabol sa kanya ay hindi siya magpapatalo rito. “Yahhh!” bulalas ni Dizon at isang malakas na dunk ang kanyang ginawa, subalit nagulat na lamang siya nang hindi niya ito nailagay sa loob ng basket. Isang malapad na kamay ang humadlang dito. Napatingin siya rito at nakita niya si Jin na nakangiti habang nasa ere. Ang lakas ng block na iyon at wala na siyang nagawa kundi ang hayaang mabitawan ang bolang kanyang inigatan. Umalingawngaw ang tunog sa paligid dahil sa malakas na block ni Jin. Tumalsik nga ang bola palayo at sa paglapag nilang dalawa sa ibaba ay parang mayayanig ang paligid nang sabay na umapak dito ang malaking mga paa ng 7-footer na player. Si Dizon ay nasagi pa ng binata kaya ito ay napaupo. Napatingin na nga lang si Larry kay Jin na mabilis na hinabol ang bola na tatalsik na palabas ng court. Isang malakas na pagtalon ang kanyang binitawan at hinabol niya ang bola. Agad niya itong dinakma at ibinato papasok sa loob ng court. Makikita sa labi ni Jin ang ngiti na hindi niya nagawa magmula kanina. Bumagsak siya sa labas ng guhit at dumausdos pa ang kanyang katawan sa sahig. Nagkaroon siya ng gasgas at kahit na ang isinalba niyang bola ay nakuha pa rin ng kalaban ay isang bagay lang ang tumatakbo sa kanyang isip nang mga sandaling iyon. “Magiging basketbolista ako!” Natapos ang laro sa score na 23-6. Wala ng naging kahit anong score ang kalaban sa natitirang minuto ng laro dahil sa ginawa ng 7-footer na si Jin. Pinigilan niya ang lahat ng nagtangka pang pumuntos at kahit na napakagaling na ball handler ni Dizon ay wala siyang nagawa sa isang inspiradong halimaw. Napanood ng lahat ang ginawa ni Jin at si Ricky ay hindi maalis ang ngiti sa kanyang napanood. Akala nga niya ay hindi magagawa ng malaking player ang kanyang sinabi kahapon, pero talagang desidido itong mapili kaya nailabas pa rin nito iyon. Sina Coach Erik at Kier naman ay hindi maiwasang matuwa sa mga nangyari. Hindi na nga talaga sila makapaghintay na magsimula na ang CBL sa taong ito. Sigurado sila na mas malakas na CISA lalo ang gugulat sa marami sa oras na magsimula na ang opisyal na laro ng bawat paaralan sa lungsod ng Calapan.
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม