Ikawalong Basket

1961 คำ
NAKANGITING umalis ng paaralan si Ricky matapos ang try-out para sa kanilang koponan. Sa kanyang paglabas sa gate ng CISA ay makikitang isang estudyante ng CU ang tila hinihintay ang kanyang paglabas. Pagkakita nga niya sa dalaga ay hindi kaagad maalis ang ngiti ni Mendez. Wala na siyang ibang nakita sa paligid kundi ang maamo at cute na mukha ng kanyang girlfriend na si Andrea. Madali niya itong nilapitan at nang mapansin na rin siya ng dalaga ay agad siya nitong sinamaan ng tingin. “Bakit ang tagal mo?” Ito ang unang tanong ni Andrea na napatitig sa binatang abot-tainga ang ngiti na lumalapit sa kanya. “Ngiting-ngiti na naman ang mokong. Gandang-ganda sa akin,” sabi pa ng dalaga sa sarili habang pinagmamasdan si Ricky. “S-sorry. Nagka-try-out kami. Nasabi ko naman sa iyo iyon kanina? Dalawang 10 minutes game ang pinagawa ni Coach sa kanila. Nasa bente nga ang sumali at nakakagulat.” “Gusto ko nang maglaro sa CBL. I'm sure, mas lalakas kami base sa mga nakita kong posibleng mapipili sa mga naglaro.” “Si Rommel Alfante, nasa team na namin. Tapos, may isang dunker, ilang malakas na first years at isang 7-footer. Hindi ko nga alam kung mapapasama pa ako sa starting-five dahil parang masyadong malakas ang koponan namin kapag napili sila.” “Pero okay lang naman ako kahit galing sa bench. Tutal, second year ko pa lang bilang player.” “Excited na ako Andrea. Lumakas ba ang CU? Ano kayang team ang magpapahirap sa amin? Baka mahirapan kaming manalo ngayon?” Ang pagkukwento ni Ricky tungkol sa basketball ay labis na ikinangiti ni Andrea. Nakikita niya sa mga mata ng binata ang saya at kagalakang makapaglaro na. Sadyang nasa binata na nga talaga ang sports na ito at sa tingin niya ay hindi na ito matatanggal sa sarili nito kahit pa ano ang mangyari. “Lumakas din ang aming team kahit nawala si Alfante... Pero hindi ko sasabihin sa iyo. Masyado ka kasing madaldal kaya iyong mga sinabi mo ay sasabihin ko sa CU. Good luck. Pwede naman siguro kayong maging first-runner up. Palagay mo Mendez?” ani naman ni Andrea na humawak na sa bisig ng binata at nagsimula na silang maglakad. Pasimple pa nga niyang inamoy ang bisig nito at pagkatapos ay tumingin sa paligid dahil baka raw pinagtitinginan sila ng mga nakakasalubong nila. “Okay lang kung hindi mo sabihin. Mas gusto ko nga iyon. Wala akong alam sa kalaban... Mas challenging iyon. Doon ko nga malalaman kung nag-improve ba ako o hindi.” “Hindi pa ako magaling sa ball handling at dribbling. Ganoon din sa shooting. Hindi pa rin ako ang pinakamagaling kaya hindi ako titigil mag-practice.” Ngiting-ngiti na nga si Andrea sa daldal ng kanyang kasama. Hindi niya lubos maisip na ang tahimik na lalaking kaibigan ni Andrei dati ay ngayon ay boyfriend na nga niya. Nagpatuloy sila sa paglalakad at patuloy rin ang dalaga sa pakikinig sa mga sinasabi ng kanyang kasama. Hindi siya naririndi rito. Lalong hindi rin siya magsasawang pakinggan ito. “May isang buwan pa bago magsimula ang CBL. Mas gagaling ka pa, alam ko,” sabi ni Andrea at napangiti siya dahil napaka-humble ng binata gayong nakikita na ng marami kung gaano kalaki ang kanyang na-improve sa paglalaro. Sa Inter-Barangay pa nga lang ay kitang-kita na iyon. Ilang sandali pa ay narating na nga nila ang plaza matapos nilang daanan ang isang malaking supermarket at kumaliwa sa may Mercury Store. Bago umuwi ay balak muna nilang mag-date sa park. Sa tabi ng parke ay makikita ang isang nagtitinda ng mga fishball at kwek-kwek gamit ang kanyang motor na may payong ng mag-a-ice cream. Kilala sa Calapan ang magtitindang ito na madalas ay nasa labas ng mga schools at kung ano pang mga matataong lugar sa lungsod. May tinda rin itong ice crumble, mais con yelo at palamig. Bago nga umupo sina Ricky at Andrea sa loob ng parke ay bumili muna sila ng kanilang makakain. “Ako na ang babayad,” paunang winika kaagad ni Andrea at nagkasamaan sila ni Ricky. “Isa? Ikaw nagbayad noong nakaraan,” sabi pa ng dalaga at nagpatuloy na nga ang binata sa pagkuha ng ilang piraso ng fishballs at kwek-kwek gamit ang stick papunta sa kanyang baso na gawa sa plastic. Bumili pa silang dalawa ng mais con yelo at pagkatapos ay dumiretso na sila sa loob ng parke kung saan, tulad nila ay maraming nagde-date na mga estudyanteng kakalabas lang mula sa kanilang mga paaralan. Pagkaupo ng dalawa ay doon na nila kinain ang kanilang binili. “Buti nandiyan si Manong Kwek-kwek. Timing,” ani Andrea na unang tinuhog ang fishball na pinaliguan niya ng sweet sauce. “Oo nga, saan tayo pupunta pagkatapos nito?” tanong naman ni Ricky matapos malunok ang nginuya niyang kwek-kwek. Bago naman sumagot ay uminom muna si Andrea ng mais con yelo na nasa kabila niyang tabi. “Saan ba? Maaga pa naman. Baka gusto mong sumama muna sa akin?” “Sumama saan?” Napaisip naman si Ricky sa sinabi ni Andrea. “Birthday ni Bakla now. Remember? Iyong pinagselosan mo noong birthday ko?” Nang marinig ni Ricky iyon ay parang napatawa siya na ewan sa sinabi ng kanyang kasama. Kumain muna siya ng fishball bago magsalita. “A-anong pinagselosan? Wala ah?” pagtanggi niya at kunyari ay hindi niya naaalala si Francis. Iyong gwapings na bading na kasama ni Andrea sa bahay ng dalaga. “Sus. I know, nag-jealous ka. Huwag ako Mendez,” natatawang sagot ni Andrea matapos lumunok ng kinakain niya. Malapit na ngang maubos ang laman ng kanyang baso dahil hindi naman kadamihan ang kanyang kinuha kanina. “Saan ang venue? Baka gabihin tayo?” ani Ricky. “Okay lang naman, holiday bukas. Independence day. Hindi mo ba alam?” sagot naman ni Andrea at pagkatapos ay kinain na niya ang natitirang fishball sa kanyang lalagyanan. Inubos na rin niya ang mais con yelo at hindi na nga rin niya napigilang mapadighay matapos iyon. Pinamulahan tuloy siya at si Ricky ay napangiti sa itsura niya dahil doon. “Don't tawa! Huwag mo akong tawanan Mendez... Excuse me.” “By the way, sa Mahalta raw ang venue. Pero uuwi muna tayo. Sa bahay ka na magbihis. Akin na nga ang phone mo, ako magpapaalam kay Tita,” sabi ni Andrea at si Ricky ay natatawa na lang sa dalaga na nakapagdesisyon kaagad sa kanyang gagawin. Holiday nga pala bukas, na nakalimutan na niya dahil sa try-out kanina. “Sa Mahalta pala, may liguan yata kayo doon? Baka ma-OP ako doon?” sabi ni Ricky at may munting alaala pa nga ang sumagi sa kanyang isip tungkol sa lugar na iyon nitong nakaraang taon. “Depende. I chatted Andriano. Sabi ko umuwi na at ipaghanda ka ng damit,” sabi ng dalaga at nagulat naman si Ricky. “Uy! Nakakahiya na kay Andrei. Baka isipin ay noong naging gf kita ay palagi na lang siya ang nahihiraman ko ng damit.” “Sus! Huwag ka ngang maarte Mendez. Ubusin mo na iyan, pupunta na tayo sa bahay at nag-chat na si Beshy. Kakaunin tayo. Gamit niya ang car ng kanyang papa,” sabi ni Andrea at parang ayaw sanang sumama ni Ricky, kaso, may magagawa ba siya? “Baka marami kayo dun?” tanong pa ng binata matapos inumin ang natitirang mais con yelo sa kanyang baso. “Mga friends lang sa CU. Hindi naman ganoon karami. Basta sumama, period,” ani Andrea at napa-oo na nga lang si Ricky. Ilang sandali pa ay pumara na sila ng tricycle para umuwi sa bahay ni Andrea. Ilang minuto lang iyon at maya-maya ay bumaba na agad sila sa tapat ng isang magandang bahay. Sinalubong nga sila ng kanilang kasambahay at tinanong naman ni Andrea kung nakauwi na raw si Andriano. “Nakauwi na ako ate! Naka-ready na rin iyong pinapahanda mo. Para kang mayora dito ah. Kapatid mo ako. Hindi trabahador. Matuto kang makiusap!” pasaring ni Andrei sa kanyang ate na sinamahan pa niya ng mahinang bulong kay Ricky. “Ikaw na bahala diyan kay ate. Baka mag-inom, alam mong mahina sa alak iyan,” sabi ni Andrei at napahagikhik pa ito nang mahina. “Hoy! Mendez, magpalit ka na. Nag-chat na si Francis. On-the-way na raw siya.” Nang marinig nga iyon ni Ricky ay agad nga siyang nagtanong kay Andrei sa kung ano ang ipapahiram nito. Inabutan siya nito ng shorts at polo na manipis. Kasama rin nito ang isang bag na may bihisan. “Baka mapaligo ka p're,” sabi ni Andrei sa kaibigan. “Salamat pre,” sabi naman ni Ricky at maya-maya pa ay may bumusina na nga na sasakyan sa tapat ng bahay nina Andrei. Si Francis na iyon sigurado. Mabilisan siyang nagpalit at iniwanan na niya muna sa bahay ng kanyang kaibigan ang kanyang bag na may lamang gamit sa school. Pera at cellphone lamang ang kanyang kinuha. Sinuot na rin nga niya ang tsinelas na havaianas ng kaibigan at pagkatapos noon ay lumabas na rin si Andrea na naka-shorts na white at black shirt. May dala rin itong bag na may dalang pamalit in case na mapaligo sa resort. “Hoy! Andriano, aalis ako. Ikaw na muna bahala rito,” sabi pa ni Andrea na nagpaalam din sa kanilang kasambahay. “Ingat kayo ate. Ricky, pre, bantayan mo ang ate. Mahina iyang mag-inom!” banat pa ni Andrei. “Tsee! Tara na Mendez. Nandiyan na si Bading!” sabi ng dalaga at hinila na nga niya ang boyfriend palabas ng bahay. Nang makita nga sila ni Francis ay napangiti kaagad ito nang makita ang dalawa. “Ay bongga. Kasama ang jowawers,” sabi ni Francis na siyang driver ng gray na kotse nitong minaneho. Sa loob ay may dalawa pang kasama at mga cousins daw ito ng bading. Nagbatian pa sila sa loob at pagkatapos noon ay umandar na nga ang sasakyan papuntang Mahalta Resort. Habang umaandar ang kotse ay napatingin naman si Ricky sa labas. Parang ganito rin ang nangyari sa kanya dati, parang kinidnap. Pagdating sa resort ay makikitang hindi naman ganoon karami ang tao, at sa may bahaging kaliwa ay makikitang may isang lamesa na may cake at lobo. Naroon ang ilang mga kaibigan ni Francis at ilan din naman dito ay kilala ni Andrea. May ilan pa nga sa mga babae roon ang may kasama pang mga boyfriend. Sa kanya nga napatingin ang mga ito at kaagad nilang nakilala si Ricky Mendez. Nagchikahan nga kaagad ang mga kaibigan ni Francis sa venue at si Ricky naman ay nagpaalam na iihi raw muna. Inilapag ni Ricky ang kanyang bag sa may lapagan sa tabi ni Andrea at pagkatapos ay dumiretso na siya sa comfort room ng resort na nasa kabilang side ng lugar. Makikita pa nga sa paligid na may ilan din namang mga guests sa lugar at may naliligo na rin sa swimming pool. Sa pagdating niya sa harapan ng comfort room ay may isang dalaga naman ang biglang lumabas mula sa ladies side. Nakasuot lang ito ng floral na bra at nakamaikli na white shorts. Nang makita nga siya nito ay napatigil ito at nabigla. Mula sa pagkagulat ay napalitan ng ngiti ang labi ng sexy na babaeng iyon na nakasalubong ni Ricky. “Ricky Mendez... How are you? Why are you here?” tanong ng babaeng iyon na makikitang bilog na bilog ang dibdib sa pantaas nitong suot. “Naaalala mo pa ba ako?” Nginitian na nga siya ng dalaga habang nakatitig ito sa kanya. “Hindi ba ikaw ang pinsan ni Andrea? Chloe Cervantes? Tama?” tanong ni Ricky na mas piniling sa mukha na lang ng dalaga tumingin kaysa sa kung saan.
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม