Bola 2

2471 คำ
BUMALIK si Ricky sa bahay nila nang umagang iyon na naliligo sa pawis. Pagdating niya ay naabutan niya ang kanyang nanay na naghahain ng agahan habang ang kanyang tatay naman ay kasalukuyang nanonood ng balita sa maliit nilang telebisyon.   "Anak, kumain ka na rito pagkapalit mo riyan," ani ng kanyang nanay na naglagay na ng plato at baso sa pupwestuhan ni Ricky.   "Opo nay. May pupuntahan rin po kasi kami nina Andrei mamaya," ani Ricky na nagmadaling pumasok ng CR para hubarin ang pawisan niyang damit.   Kumain na si Ricky habang nakatingin sa orasan. Nasa tapat din niya ang kanyang cellphone kung saan ay naroon ang chat ng kanyang mga kaibigan.   "Kkaunin k nmin." Ito ang chat ni Andrei sa kanya. Napagdesisyunan kasi nilang mag-outing sapagkat natapos na sila sa kanilang mga clearances sa CISA. Kumbaga, gusto nilang mag-relax matapos ang isang taong pag-aaral... at siya, kasama na rin ang pahinga pansamantala sa pag-iisip kung paano lalakas pang maglaro ng basketball.   Mabilis ngang naghanda si Ricky ng kanyang mga dadalhin. Gustuhin man niyang gumastos, ngunit sagot ni Andrei ang lahat ng kanilang kakainin at babayaran.   Normal na ito para kay Andrei, sa kaibigan niya na madalas na ring ginagawa ito noon pa.   "Alas-otso na pala," ani Ricky na napatingin sa orasan sa kanyang phone. Nakasuot na siya ng plain black shirt na hindi kakapalan at shorts na may disenyo ng mga puno ng niyog. Kinuha na rin niya ang medyo maayos niyang tsinelas na nakatago sa ilalim ng kanyang higaan.   Maya-maya pa ay may narinig siyang sasakyan na huminto sa tapat ng kanilang bahay. Narinig din niya ang pagbusina noon. Kaya naman, agad na siyang lumabas.   "Nandiyan na sina Andrei," ani ng nanay niya na kasalukuyang nagwawalis ng kanilang sahig.   Nagpaalam si Ricky rito at pagkatapos ay dali-dali itong lumabas. Nakita niya ang sasakyan nina Andrei. Nasa unahan nga si Mike na naka-shades pa nga.   "Ready ka na pre? Maghapon tayo roon?" tanong ni Mike sa kanya.   "Oo pre. First time kong makakarating doon. Nakikita ko lang sa sss ang lugar na iyon. Napanood ko pa nga dati sa Rated-K," nangingiting winika naman ni Ricky na agad binuksan ang pinto ng sasakyan sa ikalawang bahagi nito.   Nasa loob nga si Roland na kasalukuyang busy sa pagsi-cellphone. Tila may nilalaro ito at mukhang ayaw magambala.   Malakas na isinara ni Ricky ang pinto ng sasakyan at mabilis siyang umupo. Naramdaman nga niya kaagad ang malamig na aircon sa loob.   "Okay, lets go," ani Andrei na pinatakbo na muli ang kanyang sasakyan.   Nang mga sandaling iyon, napatingin si Ricky sa salamin sa unahan kung saan ay makikita ang nasa likuran niya. Doon nga ay may isa pa siyang nakita roon. Hindi lang silang apat ang nasa loob ng sasakyan.   Kasama rin nila si Andrea na kasalukuyang may nakasalpak na earphones na puti sa magkabilang tainga. Nakasuot ito ng shades habang tahimik na nakikinig ng music mula sa phone nito.   "Isinama ko si nga pala si ate," biglang winika ni Andrei habang kasalukuyang iniliko ang sinasakyan nila sa isang gasolinahan.   "Baka mabaliw iyan sa bahay. Mukha nang zombie kakapanood ng K-drama," pabirong winika ni Andrei at napatawa sina Roland at Mike matapos iyon.   "Hoy! Andriano! Narinig ko iyon! Umayos ka!" wika bigla ni Andrea mula sa likuran. Tinawanan nga lang siya ng kanyang kapatid.   Si Ricky ay pasimple na lamang napangiti.   Matagal na rin nang makausap niya si Andrea, iyon ay noong natalo pa sila sa DWCC sa game 2 ng semis. Pagkatapos nga noon, wala na. Kahit may pagkakataon ay hindi na niya ito sinubukang lapitan o kausapin.   Kumusta ka na?   Isang tanong na gustong itanong ni Ricky ngunit pinapangunahan siya ng hiya na gawin ito. Bumabalik sa alaala niya ang mga nangyari sa kanila. Naaalala niya ang ginawa niya rito. Naaalala niya kapag nakikita niya ito.   Muli ngang umandar ang kanilang sinasakyan at pumasok na sila sa medyo pabukid na paligid sa Calapan City. Isa pang diretsong daan hanggang sa bumagal na nga ang pagpapatakbo ni Andrei dahil natatanaw na nila ang kanilang pupuntahan.   Napabukas nga si Mike sa wind shield ng sasakyan nila para matanaw ang itsura ng maganda at malaking Jolly Waves Waterpark and Resort.   Ito ang pinakamalaking Waterpark sa Mimaropa Region at sa Calapan City ito itinayo. Ilang buwan pa lamang itong nag-o-operate at marami ang nagsasabing maganda rito at sulit na sulit ang bayad ng sinumang papasok dito.   Ipinark na ni Andrei ang sasakyan nila sa parking area sa labas ng resort. Makikita rin hindi pa ganoon karami ang sasakyan doon, ibig-sabihin kakaunti pa ang tao sa loob.   Dali-daling lumabas sina Mike at Roland para pagmasdan ang lugar mula sa labas. Natatanaw nga nila ang mataas at makukulay na slide sa kabilang bahagi ng lugar. Naroon din ang zipline na tumatawid sa gitna ng buong waterpark.   Kanya-kanya sila ng labas ng kanilang mga cellphone.   Kinuhanan kaagad nila ang nakikita nila sa labas. Sina Mike at Roland, pumunta nga kaagad sa malaking mga letrang kung babasahin ay Jollywaves para kuhanan ang isa't isa ng litrato.   Si Andrei, binuksan naman ang likod ng kanilang sasakyan para i-check ang kanilang mga dalang pagkain at inumin.   Si Andrea naman ay naglakad rin para kumuha ng mga litrato sa labas ng lugar. Nakasuot ang dalaga ng puting shirt na nakatali ang laylayan sa kanyang likod dahilan para makita ang pusod nito. Tinernohan niya iyon ng itim na maluwag at medyo manipis na pants na may garter ang dulo. Nakatsinelas siya at ang shades niya ay nakataas na sa kanyang buhok.   "Andrei, kuhanan mo nga ako," wika ni Andrea sa kanyang kapatid na kasalukuyang iniisa-isa ang mga dala nila at inilalabas mula sa loob.   "Busy ako ate... Sa kanila ka magpa-picture," ani naman ni Andrei sa ate niya.   "Busy rin ang mga mokong na iyon. Nagkukuhanan din," wika ng dalaga na nakita sina Roland at Mike na panay tawa habang kinukuhanan ng litrato ang isa't isa.   Napatingin nga si Andrei sa dalawa at natawa na lang. Pagkatapos noon ay nakita niya si Ricky sa hindi kalayuan sa kanila.   "Kay Ricky ka ate magpa-picture," natatawang sinabi ni Andrei dahilan para samaan siya ng tingin ng kanyang ate.   Doon ay napaaray na lang si Andrei nang kurutin siya nang madiin ng ate niya sa kanyang tagiliran.   "Para kang sira Andriano. Hindi nga ako pinapansin noon, matagal na," ani Andrea na binatukan pa ang kapatid.   "Hanep ka ate! Ano? Gusto mo patulan na kita?" kunwari'y naiinis namang sinabi ni Andrei.   Tinawanan siya ng kanyang ate nang makita iyon.   "Bakit ate? Gusto mo bang pansinin ka na ni Ricky?" tanong ni Andrei sa kanyang kapatid. Napangiti na lang nga ang binata. Magmula nang mangyari iyon sa kanyang ate at kay Ricky... Napansin na ni Andrei na tila nagbago ang kanyang kaibigan.   Kahit ilang beses na nilang niretuhan ito ng babae, ni minsan ay hindi na niya nakitang naging interesado ito. Tila nawalan na ng pakialam si Ricky sa mga babae matapos ang mga nangyari noon. Ilang buwan na rin ang nakakaraan matapos iyon, at alam ni Andrei na nag-pokus na sa pag-aaral at basketball ang kaibigan niyang ito.   Alam din niya na okay na ang kanyang ate sapagkat nakita na muli niya itong ngumingiti at madalas na rin siyang asarin nito. Akala nga niya ay hindi ito sasama sa kanila, pero mali siya.   "Huwag ka ngang ano Andriano. Gusto ko rin namang pansinin ako ng kaibigan mo. Ayaw ko lang na parang wala ako sa mga nakakakilala sa akin," ani Andrea na pasimpleng napatingin kay Ricky na kasulukuyang kumukuha ng mga litrato sa paligid.   "Change topic nga! Kuhanan mo na nga ako sa Jollywaves letters doon. Dali na!" wika ni Andrea na hinila na nga ang kapatid papunta roon.   Nanlaban naman si Andrei at mabilis na tinakbuhan ang kapatid na babae.   "Sira-ulo ka Andriano! Lagot ka sa akin mamaya pag-uwi!" inis na sinabi ni Andrea sa kanyang tumatawang kapatid.   "Ricky!" tawag nga ni Andrei sa kanyang kaibigan. Napatingin nga agad sa kanya ito.   "Ano pre? Papasok na tayo sa loob?" tanong naman ni Ricky na agad itong nilapitan.   "Pre, favor naman. Picture-an mo nga si ate dun," sabi ni Andrei kay Ricky habang itinuturo ang Jollywaves na letters sa harapan ng lugar.   Narinig nga iyon ni Andrea at nilapitan kaagad ang dalawa. Sasabihin niya sanang huwag na kaso biglang nagsalita si Ricky.   "Sige..." sambit nito habang nakatingin kay Andrea.   "Nope! Okay na Mendez," ani Andrea na naging suplada ang dating.   "Akin na ang phone mo. Kukuhanan na kita," sabi ni Ricky sa dalaga.   Si Andrei, tinawanan na lang ang kanyang kapatid.   "Sige na ate. Huwag ka nang mahiya," ani Andrei habang nakangiti na tila inaasar ang kanyang kapatid.   Nilakihan naman ito ng mata ni Andrea na tila sinasabing, "Mamaya ka sa akin Andriano!"   Doon na nga iniaabot ni Andrea ang kanyang cellphone kay Ricky at pagkatapos ay nagmadali itong naglakad papunta sa gusto nitong pwestuhan para sa kanyang pictures.   Sumunod naman si Ricky rito na sinulyapan pa si Andrei.   "Ikaw na pre bahala kay ate," natatawang wika ni Andrei na hindi naman pinansin ng kaibigan.   Seryosong tumayo si Andrea sa harapan ng mga malaking letra na kapag binasa ay Jollywaves. Napatingin pa siya kay Ricky na pumunta na rin sa tapat niya.   "Game na?" tanong ni Ricky sa dalaga.   "Wait! Hindi ka makapaghintay?" ani naman ni Andrea. Si Ricky, seryoso lang na pinakinggan iyon. Hindi na lang nga ito nagsalita.   "Game na!" ani Andrea na nakapwesto na nga. Aayos na sana siya ng pose kaso nakita niyang si Ricky ang kukuha ng pictures niya.   Parang naiilang siya na hindi. Hindi niya alam kung aayusin ba niya o hindi ang kanyang pwesto.   "Bahala na nga," sabi ni Andrea sa sarili. Pagkatapos noon ay ginawa niya ang kanyang gustong pose. Naalala niya ang mga ginagawang pose ng pinsan niyang si Clowie sa i********: nito.   Kunyari, fierce.   Inayos na ni Ricky ang pagkakakuha ng camera sa dalaga. Medyo iginalaw niya iyon para hanapin ang magandang anggulo na magandang kuhanan ito.   "Okay! Ready... 1, 2..." sambit ni Ricky na nang pipindutin na ang screen ay bigla niyang nadiinan ng kamay ang power-off button. Nang buhayin niya iyon ay nakita niyang kailangan na ng password.   Napatingin na nga lang siya kay Andrea na parang nangangawit na sa pag-pose.   "Ano? Okay na? Ngalay na ako," ani Andrea at biglang natawa si Ricky. Napakamot pa nga ito sa ulo nito.   "S-sorry... Napindot ko ang off-screen," ani Ricky at si Andrea ay napalumbay na lang kasi sayang ang effort niya sa pagpo-pose.   Nilapitan kaagad niya si Ricky.   "Akin na nga," ani Andrea at biglang nagdikit ang dalawa nang hindi inaasahan. Nagdikit ang mga braso niya, dahilan iyon upang mapaatras si Ricky.   Napansin din iyon ni Andrea kaya napalayo rin siya. Tila wala lang iyon sa dalawa at parang walang nangyari.   "Ayan, okay na. Ayusin mo kasi ng hawak," dagdag pa ni Andrea na mabilis na bumalik sa pwesto. Tumayo na nga lang siya at nag-peace sign. Ito na lang simpleng pose ang gagawin niya. Pagkatapos noon ay sinundan niya ito ng ngiti.   "1, 2, 3..." sabi ni Ricky at kinuhanan na niya si Andrea ng picture. Pagkatapos noon ay napatakbo sa kanya ang dalaga.   "Patingin!"   Ibinigay agad ni Ricky ang cellphone nito rito. Pagkatapos ay napangiti siya nang makita ang magandang kuha sa kanya ng binata.   Si Ricky, nakita ang pagngiti ni Andrea at napatingin siya rito nang sandali.   "Okay. Thanks," ani Andrea na iniwanan na rin kaagad si Ricky nang walang lingunan.   *****   PUMASOK na nga sila sa loob. Nagbayad na si Andrei ng entrance at kumuha na rin sila ng cottage na malapit sa malaking pool na tila dagat dahil may galaw ang tubig rito at ang tabi ay tila isang pampang kung titingnan.   Iniayos kaagad nila ang mga dala nila. Inayos na rin nila ang kanilang mga kakainin at inilabas na rin ang ihawan. May dala rin silang maliit na cooler na may lamang tatlong bote ng redhorse at mayroon ding nasa lata.   Si Andrea naman ay namasyal muna sa paligid. Iniwanan na niya muna ang apat sa cottage. Napangiti siya habang kinukuhanan ang bawat lugar dito. Nakikita niya ang mataas na slide. Sa taas nga ay may nagsi-zipline at nagba-bike sa kable. Nakikita rin niya ang tubig na talagang gumagalaw na tila umaalon. Kinuhanan din niya ang mga cottages sa palibot ng lugar. Pati na rin ang maliit na park na may mga cute na estatwa. Kumuha rin siya ng pictures sa mga mascots na naabutan niyang nagsasayaw sa tabi.   Naisipan nga niyang bumalik na hanggang sa aksidente niyang nakita si Ricky na may dalawang babae na kausap.   "You're Ricky Mendez 'di ba?" tanong ng isa na naka-shorts at nakasando ng manipis. Blonde ang buhok nitong hanggang balikat at mukhang nakilala si Ricky dahil sa CBL.   "O-oo, ako nga," ani naman ni Ricky na naisipang kuhanan ng mga litrato ang mga nasa loob ng lugar.   "I'm your fan. Nice meeting you here," ngiting-ngiting wika nito na nakatingin lang sa binata nang mga sandaling iyon.   "S-salamat," wika naman ni Ricky.   "Sis, kuhanan mo nga kami ng picture," ani ng babae sa kasama nito.   Pumayag naman si Ricky at doon na nga tumabi sa kanya ang dalaga. Nakapwesto na rin ang kukuha sa dalawa sa harapan nila.   Si Andrea, nakita ang paghawak ng dalaga sa bisig ng binata. Nakita rin nito ang pagdikit sa sarili ng babae kay Mendez.   Naglakad na lang si Andrea na tila walang nakita. Normal na raw iyon sa mga magagaling na basketball player. Ang lapitan ng mga babae.   Kahit sino ay pwedeng humawak sa kanila. Natural na iyon sa mga lalaki.   Muling sumulyap si Andrea kay Ricky at sa babae.   Doon ay nakita niya ang marahang pagtanggal ni Ricky sa kamay ng babae sa bisig nito. Kasunod noon ay ang paglayo ng binata rito.   "Sorry miss. Pero picture lang talaga," ani Ricky sa babaeng blonde na bahagyang nahiya sa kanya.   "S-sorry," ani ng babae na tila napahiya. Pagkatapos noon ay kinuhanan na sila ng kanyang kaibigan.   Nakatayo lang sila ni Ricky Mendez na tila hindi talaga magkakakilala.   "P-pwede ba kitang i-add sa f*******:?" nangingiti pang tanong ng dalagang blonde.   Tumango naman si Ricky at kulang na nga lang ay tumili ang dalawang babae dahil doon.   "Sige, aalis na ako," sabi ni Ricky at naglakad na siya palayo. Nakita niya ang friend request sa kanyang sss ng blonde na babaeng nagpa-picture sa kanya.   Tiningnan lang niya iyon at pagkatapos, naglakad na siya para kumuha pa ng ibang pictures sa paligid. Seryoso si Ricky na tila may iniisip nang mga oras na iyon.   "Hindi ko kailangan ng lovelife. Hindi ako interesado sa mga babae... Basketball at pag-aaral lang ang focus mo Ricky Mendez!" sabi niya sa sarili.   Nang mga oras na iyon, naglakad na rin si Andrea papunta sa kanilang cottage. Habang papalayo siya, pasimple rin nga niyang sinulyapan si Ricky.   "Mendez..."
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม