NAGING isang masayang relaxation sa Jollywaves ang ginawa nina Ricky. Naligo sila sa malawak na pool na tila nasa dagat dahil umaalon ito. Nag-slide din sila sa mataas na slide na nasa unahan nito. Sa pagragasa nila pababa kasama ng tubig ay ang pagsabay ng masasaya nilang sigaw.
Si Andrea, tahimik lang na pinapanood ang apat habang siya ay nasa gilid na kasalukuyang umiinom ng isang can beer. Nakaupo lang siya habang tinatampisaw ang kanyang mga paa sa tubig.
Ibinaba ni Andrea ang kanyang shades at tumayo na rin para bumalik sa cottage. Sapat na sa kanya ang iniinom niya. Ayaw naman niyang malasing kasi baka pag-trip-an siya ni Andrei.
Umupo na lang ang dalaga sa loob ng cottage at kumain ng mga dala nila. Binanatan niya ang ilang tsitsirya roon. Mamaya na lang daw siya magsi-swimming kapag natapos na ang apat sa paglalaro roon.
Kinuha niya ang kanyang phone mula sa kanyang bag at nagbukas siya ng music para hindi siya mainip. Uminom muli siya ng beer at pagkatapos ay tumingin sa malayo. May bigla siyang naalala habang naririnig niya ang musika ng pag-ibig mula roon.
Napailing na lang si Andrea, pinilit niyang maalis sa kanyang isip iyon.
"Okay na ang lahat..." sabi niya sa sarili.
Maya-maya pa'y dumating si Ricky sa cottage na humahangos at tila tumakbo sa pagpunta roon.
Muntik pang maibuga ni Andrea ang kanyang iniinom dahil hindi niya inaasahang makikita niya na naka-shorts lang ang binata. Nakita rin niya ang katawan nito na nananatiling may laman at hubog.
"K-kunin ko lang iyong goggles ko," paalam ni Ricky na mabilis na pumasok sa loob para kalkalin ang kanyang bag.
Hindi naman nagsalita si Andrea na mabilis na sumubo ng pagkaing kanyang nilalantakan.
Pasimple niyang sinulyapan si Ricky na tila nahukay na ang kaloob-looban ng bag pero hindi makita ang hinahanap.
"Naiwanan pa yata..." ani Ricky na napakamot na lang sa ulo.
Napaismid na lang si Andrea at inabot gamit ang isang kamay ang kanyang bag. May kinuha siya mula sa loob noon.
"Mendez, ito muna ang gamitin mo," wika ni Andrea sa binata na iniabot ang isang pink na goggles.
Nang makita naman iyon ni Ricky ay napatawa na lang ito nang bahagya.
"You don't like kasi pink?" pasupladang tanong ni Andrea na mapula na ang pisngi.
"H-hindi. O-okay lang sa 'yo na gamitin ko?" tanong ni Ricky.
Si Andrea, inubos na ang laman ng iniinom at tumingin sa binata.
"Hindi ko ito ipapahiram sa iyo kung hindi sa akin okay," wika ni Andrea habang nakatingin sa mga mata ni Ricky.
"T-thanks..." sambit ni Ricky at kinuha niya ang pinahiram ni Andrea sa kanya.
"B-baka gusto mong mag-swimmimg?" tanong ng binata bago siya tuluyang lumabas ng cottage.
Tumayo si Andrea matapos ang tanong na iyon ng binata. Ibinalik niya sa kanyang bag ang kanyang phone at pinatay ang tugtog noon.
"Okay, lets go!" ani Andrea na matapang na tumayo at lumapit kay Ricky. Pero sa paghakbang niya ay dumulas ang isa niyang paa. Dahil iyon sa tubig na tumulo sa semento na dinala ni Ricky.
Napatili pa si Andrea dahil hindi niya iyon inaasahan, pero maswerte siya at naroon si Ricky. Sinalo ng binata ang kanyang katawan.
"Lasing ka na yata. Ilang beer na ba ininom mo?" tanong ni Ricky na napansing mapula ang pisngi ni Andrea. Naalala niya ang mga nakita niyang beer in can sa cooler kanina. Sabi ni Andrei ay sa ate raw niya iyon.
"Isang can lang," nakangiting wika ni Andrea na inalalayan ni Ricky para makatayo nang maayos.
Isang can daw, kahit ang totoo ay nakadalawa na ito. Hindi naman siya malakas uminom pero hindi niya alam kung bakit nakadalawa na agad siya.
Lumayo agad si Andrea kay Ricky at tumingin sa ibang direksyon.
Napansin naman ni Ricky na parang nahiya ang dalaga sa kanya.
"Lets go swimming!" ani Andrea na bigla na lang lumabas mula sa cottage.
Pasimple namang napangiti si Ricky.
"G-ganyan na ang suot mo?" tanong ni Ricky dahil suot pa ni Andrea ang itim nitong cotton na pants. Pagkarinig nga noon ng dalaga ay agad itong pumasok sa loob ng cottage.
Hindi naman na lumingon si Ricky dahil parang may ideya na siya sa gagawin ng dalaga. Maya-maya pa ay may tumapik sa kanyang braso. Nilampasan siya ni Andrea na suot pa rin ang white shirt nitong nakatali sa likuran ang laylayan at nang mga oras na iyon, nakasuot na lang nga ang dalaga ng pulang maikling shorts.
Pasimpleng pinagmasdan ni Ricky ang lakad ni Andrea. Gustuhin man niyang mahiya sa dalaga, ay hindi niya magawa dahil pansin niyang parang may amats na ito.
"Pumunta ka na kina Andriano. I'll gonna swim sa malayong part mula sa inyo," ani Andrea na pangiti-ngiti pa habang naglalakad palayo.
Bumuntong-hininga naman si Ricky. Hinabol niya si Andrea at sinundan ito sa pupuntahan nito.
Walang pag-aalinlangan nga si Andrea na lumusong sa tubig. Lumangoy ito at pagkatapos ay bumalik sa pinanggalingan nito. Paglitaw nga niya sa tubig ay nakita niya si Ricky na nakaupo sa gilid ng malaking pool.
"Ba't nandito ka pa?" tanong ni Andrea na kasalukuyang nakalubog ang katawan sa tubig.
"Dito muna ako," sagot naman ni Ricky habang nakatingin sa malayo.
"Umalis ka na. Hinahanap ka na nina Andriano, I'm sure," wika ni Andrea na sumadal sandali sa sementong nasa gilid ng pool.
Hindi naman nagsalita si Ricky dahilan para tumingin nang masama ang dalaga rito.
"Ano ba? Iwanan mo na ako!" sabi ni Andrea na napataas na ang boses. Gusto niyang paalisin si Ricky dahil nakakaramdam na siya ng irritation dito. Isama pa ang nararamdaman niyang bahagyang pagkalasing.
Kagaya ng ginawa mo noon... iniwanan mo ako.
"Dito lang ako. May amats ka. Mamaya kung mapaano ka?" sabi naman ni Ricky.
Pagkarinig ni Andrea sa mga salitang iyon ay bigla siyang natahimik. Hindi na siya nakapagsalita pa at tumingin na lang sa malayo.
Sandali niyang inilubog ang kanyang sarili sa ilalim ng tubig. Ayaw niya nang ganito. Ayaw niyang maging ganito si Ricky sa kanya.
Umangat mula sa tubig si Andrea at umupo sa tabi ni Ricky.
"Hindi ako lasing Mendez! Ako? Malalasing?" pagmamalaki ni Andrea sa binata.
"Basta, dito lang ako. Sige na... Lumangoy ka na. Basta babantayan kita," wika uli ni Ricky habang nakatingin sa malayo.
Napatayo na lang si Andrea at pagkatapos, pumunta ito sa likuran ni Ricky.
Napapitlag nga bigla si Ricky nang maramdamang ang malambot na kamay ng dalaga ay nakadampi sa kanyang likod. Subalit hindi iyon ang kanyang inaasahan. May pwersa iyon at ang pagkakaupo niya ay nauwi sa biglaang pagkahulog sa tubig.
Itinulak siya ni Andrea.
Nang umangat nga si Ricky mula sa tubig ay umuubo pa ito dahil hindi niya iyon napaghandaan. Nakainom tuloy siya ng tubig.
Napatingin na nga lang siya kay Andrea. Tumatawa ito. Tinatawanan siya nito.
Imbis na ang binata ay mainis, hindi na niya naiwasang mapangiti.
Matagal na nang huli niyang nakita ito. Napakatagal na para sa kanya. Ang natural na tawa ni Andrea ay muli niyang nakita.
Inilubog niya ang kanyang kamay sa tubig at pagkatapos ay buong-lakas na ibinato kay Andrea ang tubig na kanyang nasalok gamit iyon. Direktang tinamaan sa mukha ang dalaga at nakainom din ito ng tubig dahil doon.
Umubo muna si Andrea at iniluwa ang tubig na pumasok sa kanyang bibig. Pagkatapos noon ay sinamaan niya si Ricky ng tingin.
"I hate you! Lagot ka sa akin Mendez!" bulalas ni Andrea na biglang bumaba sa tubig at pinagbabato si Ricky ng tubig.
Hindi namamalayan ng dalawa, nang mga sandaling iyon ay tumawa lang sila nang tumawa na parang mga batang naglalaro sa tubig.
*****
KINABUKASAN, ginawa lang ni Ricky ang madalas niyang exercise sa umaga. Pagkatapos noon ay diretso rin agad siya sa basketball court upang maglaro.
Wala ng pasok kaya nakapaglinis siya ng kanyang kwarto. Nakagawa rin siya ng mga gawaing bahay.
Pagkatapos niyang magmeryenda ay nanood siya ng TV. Parang ito na yata ang magiging normal na gawain niya sa bakasyong iyon. Pero nagkakamali siya kasi, kinahapunan ay bigla silang kinatok ng kanilang kapitan.
"Ano'ng kailangan nila Kap?" tanong ng nanay ni Ricky sa kapitan ng Canubing 1. Nasa edad kuwarenta na ito at marami ng mapuputing buhok sa ulo.
"Nandiyan ba ang anak mong si Ricky?" tanong nito at narinig nga iyon ng binata na kasalukuyang nanonood ng TV.
Napatayo si Ricky at pumunta na rin doon.
"Bakit po Kap?" tanong ni Ricky.
Napangiti ang kapitan nang makita siya.
"Ricky, baka gusto mong sumali sa line-up ng Barangay Team. Kasali kasi tayo sa Inter-barangay... Napanood kita sa CBL at nakita kong magaling ka..." wika ni Kap habang nakangiti sa kanya.
Basketball! Ito ang larong hindi matatanggihan ni Ricky. Kahit pag-isipan niya ito ay siguradong tatanggapin niya ito.
Ang inakala nga niyang isang tipikal na bakasyon ay hindi pala mangyayari. Sapagkat sa bakasyon ito, isang liga ang kanyang papasukin.
Si Mendez ay sasabak sa Inter-Barangay para sa kanyang sinilangang lugar, ang Canubing 1.