“GUSTO kong makilala ako ni Ricky Mendez!”
Ito ang bagay na nasa isip ni Rich nang mapagdesisyunan niyang kailangan na siyang makilala ng lalaking player ng CISA. Alam niyang taga kabilang barangay lang ang binata, at kung hindi lang sana siya naputulan ng isang paa, ay baka makakasalubong niya ito tuwing umaga. Kagaya rin kasi ni Mendez, araw-araw rin siyang tumatakbo sa umaga para lumakas.
Walang pasok sa eskwela at wala siyang maisip na pagkakataon upang mapuntahan ang binata. Isa pa, hindi siya nito kilala na talagang mahirap para sa kanya. Isa siyang babae, at parang kinakabahan din siyang gawin ito.
Napatakip na nga lang siya ng kumot habang iniisip kung paano siya makikilala ng lalaking iyon. Sasalubungin ba niya ito sa umaga habang tumatakbo?
“Hi! I’m Rich! Basketball player ka ‘di ba? Ikaw si Ricky Mendez ng CISA?” Nasa imaginations ni Rich ito habang nakasuot daw siya ng pantulog niya. Lalabas siya ng bahay nila’tt pupunta sa may kalsada para sabihin ito sa binata.
Hindi! Nakakahiya iyon!
Muling nag-isip ang dalaga ng ibang paraan upang mapatigil sa kanya si Mendez kung ito ay dadaan na sa tapat ng kanilang bahay sa umagang nagja-joggoing ito.
Tama! I’ll get Witty!
Hawak ni Rich ang aso niyang si Witty habang inaabangan ang pagdaan ni Mendez, at sa oras na malapit na ang binata ay tiyak niyang tatahol ito. Nasa imaginations niyang hihinto ang binata at mapapatingin sa kanyang alagang aso.
“Ito iyong asong palaging humahabol sa akin kapag umaga. Ikaw pala ang may-ari nito,” wika ni Ricky na natatawa habang pinagmamasdan ang cute na aso ni Rich.
“Yap. By the way I’m Rich. You’re Ricky Mendez, right?” nakangiti naman niyang itatanong sa binata. Hindi siya nakasuot ng pantulog sa sandaling iyon at gigising siya ng mga alas tres ng umaga para maligo kaagad at mag-ayos ng sarili. Gusto niyang mabango siya sa paglapit nito sa kanila ni Witty.
Nalungkot na lang si Rich nang maisip ang bagay na iyon. Parang masyado na raw siyang OA kapag ganoon ang kanyang ginawa.
“Ano’ng gagawin ko?” tanong ni Rich sa kanyang sarili. Ibinaba na niya ang kumot na tumatabon sa kanyang ulo’t kinuha ang kanyang phone na nasa tabi lang niya. Binuksan niya nga ang kanyang f*******:.
“I-chat ko kaya siya?”
Nag-type siya sa search box ng Ricky Mendez at sa pag-enter niya ay nakita niya ang profile picture nitong nakatalikod. Makikita roon ang numero nito’t apelyido. Napalunok pa siya ng laway bago tingnan ang profile ng binata.
Naka-private, kaya walang ibang post siyang nakita roon. Naisipan na lang nga niyang i-add ito pero hindi niya alam kung ia-accept siya nito. Naisipan niyang icha-chat niya ito kapag naging friends na sila sa f*******:.
Napangiti si Rich na parang nasisiraan matapos iyon.
Gusto ko siyang makitang naglalaro! Paano kung puntahan ko siya sa court ng Canubing? Dahan-dahan siyang bumangon at lumabas ng kwarto niya. Hinanap niya ang kanyang papa’tt nakangiting kinausap ito. Alam ni Rich na malapit lang sa court sa kabilang barangay ang bahay ng binata dahil may isa siyang kaibigan na nakatira rin doon. Dito nga niya iyon nakumpirma dati.
“Imposibleng hindi ka dadaan doon after mong mag-jogging!” May dala palaging bola si Ricky at malakas ang kutob niyang doon ang diretso nito tuwing madaling-araw matapos ang mahabang pagtakbo.
*****
SA TULONG ng papa ni Rich na may motor, inihatid siya nito sa basketball court ng Canubing 1. May isang shading area naman sa kabilang kalsada ng lugar at doon muna ipinarada ng papa niya ang kanilang sinakyan. Dito na rin ito tumambay para bantayan ang anak niya.
Hindi lang din matanggihan ng ama ni Rich ang hiling nito lalo’t nakikita niya at ng kanyang asawa ang unti-unting pagsigla ng kanilang anak nitong mga nakalipas na buwan. Dahan-dahan na nilang napapansin ang pagkakaroon nito ng paunti-unting pagngiti. Gusto rin nilang bumawi rito. Gusto nilang sa pagkakataong ito ay masiguro na nila ang buong pagsuporta sa kahit anong gusto nitong gawin.
Kung ito ang ikakasaya ng kanilang nag-iisang anak, hindi na nila ito ipagkakait pang muli.
“Relax...” mahinang winika ni Rich nang magsimula nang maglakad patungo sa binatang kasalukuyang tumatakbo patungo sa basket habang pinapatalbog ang bola. Napanood niya ang ginawa nito kanina at napansin niya ang porma ng tira nito. Hindi na ito tulad ng mga napanood niya sa mga highlights nito.
Mula sa madilim na bahagi sa gilid ng court ay lumabas siya roon, kaya hindi rin siya napansin ni Ricky sa pagpasok niya rito.
Gamit ang umaalay niyang saklay sa kanan niyang binti, kalmado niyang sinundan ang binata na tumalon na patungo sa basket. Nakita niya ang magandang paglalagay nito ng bola sa basket. Isa iyong lay-up, at sa paglapag ni Mendez sa sahig ay ang pagtatagpo ng kanilang mga mata.
Nang lumingon si Ricky sa likuran niya upang kuhanin sana ang bola ay nagulat siya nang may isang babaeng nakasuot ng jogging pants at tshirt na green na nasa gitna ng court ang kanyang nakita. Napansin kaagad niya ang saklay nito at ang putol nitong kabilang paa.
Ang bola naman ay tumalbog at gumulong patungo sa gilid court. Hindi niya kilala kung sino ito, at wala siyang ideya kung ano ang ginagawa nito rito. Madilim pa sa labas at para sa isang babaeng tulad nito ay masyado pang maaga para tumungo ito rito lalo na kung mag-isa lang itong pumunta rito.
Hindi rin naiwasan ni Ricky na mapansin ang pagtitig nito sa kanya. Isa pa, napansin din niya ang maliit na ngiti nito. Dito na rin nga nagsimulang maglakad patungo sa kanya ang dalaga. Nang maglapit silang dalawa ay siya ring pagsasalita nito.
“Ricky Mendez...” pambungad na salita ni Rich. Kasabay nito ay ang pagngiti nito habang nakatingin sa lalaking bigla niyang hinangaan dahil sa paglalaro ng basketball matapos mapanood ito sa CBL Final 4. Ito ay ang player na hindi niya napansing bigla na lamang pinabalik ang kanyang interes sa sports na nilalaro nito.
“Hi! Hello! Naaalala mo pa ba ako?” nakangiting tanong ng may katangkarang si Rich. Sa loob-loob ng dalaga ay parang nahihiya siya at parang gusto na lang niyang umuwi.
Nang marinig naman ni Ricky ang tanong ng dalaga ay napatitig siya rito. Inisip niya kung saan ba niya ito nakita. Pamilyar ito ngunit wala siyang matandaan. Isang maliit na alaala nga ang biglang pumasok sa kanyang isip nang makarinig siya ng tahol ng aso sa kabilang bahagi ng court.
Dahan-dahang napatingin si Ricky sa babaeng nasa kanya nang harapan. Ito ay ang babaeng may-ari ng asong humahabol sa kanya kapag dumaraan siya sa tapat ng bahay nito. Natandaan niya ito, ito ay ang sumaway sa aso noong una siyang hinabol nito. Ito rin ang babaeng nakangiti sa kanya noong isang araw nang mapadaan siya rito.
“Oo! Ikaw iyong may-ari ng asong humahabol sa akin? Hindi ba?” tanong naman ni Ricky at si Rich ay hindi maiwasang mapatawa nang mahina nang marinig iyon.
“Yap, that’s me!” nakangiting sagot ng dalaga at pagkatapos ay nagpatuloy ito sa pagsasalita.
“Gusto kong makilala mo ako. I’m your fan! And, basketball was my favorite sports, at mukhang ikaw rin? Am I right? Mendez?” Kung pagbabasehan ang tono ng pananalita ni Rich ay mararamdaman ang kompyansa nitong kausapin ang binata, subalit sa kanyang loob-loob ay iniisip niya kung tama ba ang kanyang sinabi o baka rin daw hindi.
“S-salamat... Bakit naman kita naging fan. Miss?” ani Ricky na nagpabigla nang bahagya sa dalaga dahil hindi pa pala siya nakakapagpakilala rito.
“I-i’m Rich! Rich Melendrez!” Nangingiting winika ng dalaga na parang gusto na lang kainin ng court na kinatatayuan niya. Ang dami niyang sinabi na parang ang yabang-yabang niya, pero nakalimutan daw pala niyang magpakilala sa binata.
Iniangat din ni Rich ang kanyang kaliwang kamay para makipagkamay kay Ricky.
Nakangiti namang kinamayan ni Ricky ang dalaga. Pansin na pansin ang tangkad nito na nagpangiti nang bahagya sa kanya. Nagdaop ang kanilang mga palad at pagkatapos ay nagpalitan sila ng mga ngiti sa isa’t isa.
Sa gitna ng madilim pang umagang iyon, sa loob ng court... sina Ricky at Rich ay nagkakilala na.
*****
HINDI maisip ni Ricky na sa ganitong oras ay may makikilala siyang fan daw niya. Natatawa na nga lang siya dahil hindi niya akalain na pagkatapos ng CBL ay marami nang mga taga-Calapan ang makakakilala sa kanya, lalo na nga ang mga estudyante.
“H-hindi ba? Taga-Sta. Isabel ka? P-paano ka nakapunta rito?” tanong ni Ricky dahil naalala niyang hindi ito taga-Canubing. Isa pa, pansin kaagad niya ang saklay nito. Nang una niyang makita ang dalaga, ay hindi ito nakasaklay kaya hindi niya alam na may kapansanan ito.
“I’m with my Papa. Nandiyan siya sa shade sa pagtawid,” ani Rich at napatingin siya sandali sa paligid, sa buong court. Sandaling bumalik sa alaala niya ang pakiramdam na maraming manonood sa gilid habang siya ay naglalaro ng basketball.
“A-ah. M-maraming salamat R-rich at nag-effort ka pa para pumunta rito,” ani Ricky na mabilis na kinuha ang bola at bumalik sa harapan ng dalaga.
“Gusto kasi kitang makilala. And gusto ko ring makilala mo ako...” winika ni Rich na ikinakabog ng kanyang dibdib. Parang gusto niyang bawiin iyon ngunit nakita na niya ang bahagyang pagkagulat ng mga mata ng binata na sinundan ng isang mahinang pagtawa.
“Gusto mo akong maging kaibigan? Iyon ba?” tanong ni Ricky na pinatalbog ang bola sandali. Isang pagtango naman ang itinugon ni Rich at isang ngiti ang ipinakita ng binata.
“Iyon ay kung okay lang sa ‘yo... Mendez?” ani Rich na napalunok pa ng laway.
“Walang problema. Wala rin naman akong kaibigang babae, kaya wala namang masama ‘di ba?”
Lumundag ang puso ni Rich nang marinig niya iyon mula sa binata. Pagkatapos ay humarap si Mendez sa basket at pagkatapos ay tumakbo ito habang pinapatalbog ang bola.
“Fan din ako ng basketball... at masaya akong laruin ito!” Pagkasabi noon ni Ricky ay kumaripas na ito ng takbo at nakangiting pinakawalan ang isang jumpshot sa may free throw line.
Naiwan naman si Rich na nakatulala dahil sa sinabing iyon ng binata. Tama si Ricky, masayang maglaro ng basketball. Napangiti siya roon, pero nakaramdam din siya ng lungkot dahil hindi na siya muling makakapaglaro nito. Hinayaan muna niya si Ricky na mag-practice at pumunta na siya sa tabi at pinanood ito.
Ramdam ng dalaga ang sigla ng binata habang naglalaro mag-isa sa loob ng court. Maya-maya pa ay pumunta na ito palapit sa kanya.
“Nakakapagod,” wika ni Ricky na umupo sandali. Basang-basa ng pawis ang kanyang mukha at leeg, na agad din niyang pinunasan gamit ang dalang towel.
“Nakakapagod talagang maglaro ng basketball,” winika naman ni Rich habang nakatingin sa malayo.
“Naglalaro ka rin ba nito?” tanong naman ni Ricky na napapaisip sandali. Ngayon lang niya nakilala ang dalaga pero, nakaramdam na siya ng bahagyang kakomportablehan dito. Siguro’y dahil tungkol sa basketball ang kanilang pinag-uusapan.
Sandaling natahimik ang paligid. Hindi agad sumagot ang dalaga dahil bumalik ang alaala ng masasaya niyang paglalaro ng basketball noong hindi pa siya naaaksidente.
“Dati... pero nang...” Napahawak si Rich sa kanan niyang binti.
“Nang maaksidente ako at naputol ang isa kong paa. Hindi na muli ako nakapaglaro... at baka hindi na ako makapaglaro pa dahil dito,” seryosong winika ni Rich habang nakatingin sa ibaba.
“Nilayuan ko na ang basketball dahil dito. Pero hindi ko in-expect na babalik muli ako rito...” Pasimpleng tiningnan ni Rich si Ricky. Natutuwa siya sa kanyang sarili dahil nawala kaagad ang hiya niya rito. Siguro’y dahil sa basketball ito, na kung saan ay kanilang pinag-uusapan.
“Dahil sa ‘yo... nagkainteres uli ako. When I watched you on TV, Final 4 iyon ng CBL at your team were against my school, DWCC.”
“Nakita ko kung paano ka maglaro. Iyong hustles mo. Iyong puso mo sa laro... Nakita ko iyon sa iyo. Isa pa, nakita kong masaya ka sa ginagawa mo. Even though, natalo kayo... But from what I saw on you ngayon, you are still enjoying playing this game...”
“And that was like me... no’ng hindi pa putol ang paa ko. Pero okay na ako ngayon. Nakabalik na uli ako. Bilang fan ng game, bilang fan mo. Gusto kitang mapanood maglaro, if okay lang sa ‘yo?” nakangiting tanong ni Rich sa binata.
“Hindi na ako muling makakapaglaro, pero pwede pa naman akong manood!”
Si Ricky naman ay tumayo at pasimpleng nag-dribble matapos ang mga sinabing iyon ni Rich. Hindi maintindihan ng binata ang mga sinasabi ng dalaga, lalo na sa parteng sinasabi nitong hindi na raw ito makakapaglaro.
“Kasali ako ngayon sa barangay team... Manood ka sa next game namin. Kapag natalo pa kami, ay sure nang laglag na kami,” ani Ricky na nagpatuloy sa ginagawang pagpapatalbog ng bola.
“Tsaka, ano ba ang sinasabi mong hindi ka na makakapaglaro pa?” Dito na nga sumeryoso si Ricky habang nakatingin sa nakaupong dalaga.
“Hindi naman porke’t nawala ang isa mong paa ay iisipin mo nang hindi ka na pwedeng maglaro.”
“Kung gusto mo talaga ang larong ito... Kahit ano’ng mangyari, hinding-hindi mo mapipigilan ang maglaro nito...”
“Hindi ba? Rich Melendrez?”
Isang ngiti pa ang ibinigay ni Ricky rito. Gusto niyang sabihin sa dalaga na pwede pa rin itong maglaro. Hindi lamang kasi sa mga liga at kompetisyon iikot ang paglalaro nito. Dahil habang may ring na papa-shoot-an at bola sa isang lugar, ang basketball ay narito para laruin ng sinuman!
*****
MARAMING taga-Canubing 1 ang nagulat nang ang team nilang susuportahan ay kasama si Baron na nakasuot ng itim nilang jersey. Akala nila ay hindi pumayag si Kap na sumali ito dahil baka magkaproblema lang sila kapag nagsimula itong maglaro sa loob ng court. Bukod din doon ay napansin din nila ang isa pang player na wala noong una nilang laro, si Ricky Mendez.
Pagkapasok nila sa loob ng Calapan Coliseum kung saan ginaganap ito ay napansin ni Ricky ang bilang ng mga manonood sa paligid. Hindi ito kagaya noong nasa CBL na punong-puno. Pero kung pagmamasdan ay marami pa rin ang bilang ng mga narito.
Sa lugar na ito ginaganap ang taunang Inter-Barangay sa Calapan at mapapanood din ito sa TV dahil naka-live broadcast din ito para sa mga may kakayahang manood sa local channel ng lungsod.
Sa bahay nina Rich, naroon ang dalaga na nakaupo kaagad sa tapat ng kanilang telebisyon. Kasama niya ang mama at papa niya na masaya sa nakikita sa kanilang anak. Parang nakabalik na ito at natutuwa sila sa progreso nito. Isa pa, gusto nilang makilala ang binatang ikinikwento nito... si Ricky Mendez na papanoorin nilang tatlong maglaro.
“Galingan mo Mendez!” ani Rich sa kanyang isipan habang pinagmamasdan ang pagpila ng dalawang maglalabang koponan sa gitna ng court nang matapos ang ilang minutong pre-game warm ng mga ito.
Ang Palhi Realtors ang makakalaban ng Canubing 1 Panthers, at sa paghaharap nga nila ay nabigla si Vallada nang makita si Baron sa kabilang team. Akala niya’y hindi ito kasali dahil sa sinabi nito sa kanila, pero naisip niyang baka nagsinungaling lang din ito sa kanya... at magkaganoon man, ay ayos na rin daw ito, dahil gusto rin naman niyang ito ang mangyari... ang muli itong makaharap sa loob ng court.
Nang oras ding iyon ay kasalukuyang kaharap naman ni Mendez ang isang player na kilala niya at kilala rin siya.
“Kumusta ka na Mendez? Mukhang maganda ang magiging katapat ko ngayon,” nakangising winika ng naka-berde ng jersey at may number 1 sa likod.
“Ayos lang naman. Kasali ka pala rito,” nakangiting sagot naman ni Ricky sa Rookie of the Season ng nakaraang CBL. Isa sa malakas na player ng CU, si Ken Mendoza. Napakuyom na lang nga siya ng kamao dahil isang magaling na kalaban kaagad ang susubok sa kanyang mga natutunan mula kay Macky.
“Hindi ko rin akalaing makakaharap kita rito Mendez. Sayang at hindi ko nasabi kay Idol,” dagdag pa ni Ken na ang tinutukoy na idol ay si Karlo Ibañez na kakampi niya sa CU.
“Ito na rin pala ang magiging last game ng team ninyo Mendez,” pahabol pa ni Ken at isang makahulugang ngiti naman ang isinagot ni Ricky.
Nagsimula na ngang mag-ingay ang mga supporters ng magkabilang barangay. Ang bawat isa sa koponan ay pinagkamay ng referee at sinabihang maging malinis sa paglalaro. Pagkatapos magbalikan sa bench ng dalawang team ay siya na ring pagpili ng mga tumatayo nilang coaches sa unang limang maglalaro sa court.
“Maglalaro lang ako, kung kasama ko sa line-up si Mendez.” Ito kaagad ang pambungad na winika ni Baron. Mabilis din namang sumeryoso ang mga kasamahan niyang ayaw siyang makasama sa koponang ito.
Samantala, sa isang bahagi sa mga manonood, isang naka-jacket ng black na babae naman ang kasalukuyang nagta-type sa kanyang cellphone. Naka-suot pa ito ng face mask at pasimpleng napatingin sa bench ng Canubing 1 na medyo malapit din naman mula sa pwesto niya. Sinabi niya sa kanyang kapatid na kaunin siya mamaya kapag nag-chat siya.
“ate, sv na nga bat pa2noorin mo pa rin siya.”
Pinatay na lang ng dalaga ang kanyang messenger nang mabasa ang chat na iyon ng kanyang kapatid. Pagkatapos ay seryoso niyang tinanaw ang binatang naka-itim ng jersey at may numero ng tres sa likod nito.
“Kagaya ng ipinangako ko, papanoorin kita sa bawat laro mo...”
“Kahit wala na tayong dalawa... kahit naiinis ako sa ‘yo!”