Bola 14

2345 คำ
NAKAKARAMDAM si Ricky ng magkahalong kaba at excitement nang makapasok muli siya sa coliseum ng Calapan. Malinaw pa rin sa isip niya ang unang beses na pumasok siya sa loob nito noong ang CISA ay nakapasok sa Final 4 ng CBL. Parang naririnig pa nga niya ang sigaw ng crowd para sa kanila at pakiramdam niya ay lalabanan muli nila ang DWCC.   Umupo na siya sa bench at katabi niya si Baron na hindi man lang iniimikan ang ni isa sa kanilang mga kakampi. Tanging siya lang ang kinakausap nito magmula nang bumyahe silang sakay ng jeep kanina. Narinig din nito ang sinabi nitong maglalaro lang ito kapag kasama siya sa loob ng court.   Napapailing na lang naman si Kap sa inaasal ni Baron. Kaninang umaga nga ay kinausap na siya ng ilang mga kasama niya sa kanilang koponan na baka hindi maging maganda ang mangyari kapag pinaglaro niya ito sa loob. Naaalala pa rin kasi nila ang ginawa nito noon sa isang player na nakalaban nila sa una nilang game dati. Sinuntok ito ni Baron dahil nainis ito sa ginawa nito rito.   Natalo sila sa larong iyon at ang mga nasa koponan niya ay nagalit sa kanya dahil ipinasok pa raw niya ito sa barangay team kahit alam na niya ang ugali nito. Ngayon, narito muli ito at ang ipinagdarasal na lang ni Kap ay huwag nang maulit ang nangyaring iyon dati.   “Kap, kung ako sa iyo, huwag mo nang ipasok itong si Baron,” wika ni Manong Eddie na nagsisimula nang ayusin ang pagkakapasok ng kanyang jersey sa loob ng kanyang shorts.   Napangisi naman si Baron nang marinig iyon mula rito. “Wala sa aking problema, huwag na huwag lang kayong hihingi ng back-up sa akin kapag humina na ang mga tuhod ninyo.”   Napakuyom naman ng kamao si Manong Eddie nang marinig iyon. Ganoon din ang ilan sa mga kasamahan nila sa bench. Si Kap ay napatingin din kay Baron at dito na ito biglang nagsalita.   “Baron, isinali kita rito hindi dahil hiningi ko sa iyo. Hindi mo ba naaalala na ikaw mismo ang lumapit sa akin para isali kita?” seryosong winika ni Kap na bahagyang nagtanggal ng angas na ipinapakita ni Baron sa mga ito.   Natauhan nang bahagya si Baron dahil tama nga ito. Siya ang lumapit sa Kapitan para mapasama siya rito.   “Kalma ka lang kuya Baron. Team tayo rito...” mahina namang winika ni Ricky na nakaupo sa kanyang tabi na kasalukuyang inaayos ang sintas ng kanyang pulang sapatos.   “Ipasok mo kami Kap ni Mendez sa first five at papakitaan ko ang mga gurang na ito ng totoong galawan sa loob ng court...” wika naman ni Baron na pinasaringan pa ang iba nilang mga kasama sa bench ng Canubing. Hindi pa man nga nagsisimula ang laro ay hindi na agad maganda ang mood dito.   Dito na nga tiningnan ni Kap ang mga players niya at gusto nga niyang ipasok sa starting players si Baron, at isasama niya rito si Mendez dahil unang-una, ito ang gustong kasama nito. Kung mapapabuti nito ang attitude at laro nito sa loob ng court ay gagawin niya ito. Dahil gusto niyang manalo!   Canubing 1 Panthers’ Starting Line-up:   Florante Karim #21 (6’6): Center. Sa mga players ni Kap ay ang dalawang Karim ang pinakamatangkad. Isa pa, malapad ang katawan ng dalawa at magandang mapatao ito sa ilalim. Alam din naman niya na ang magkapatid ay pang-painted area ang galawan. Ang kapatid naman nitong sa Adolfo ay ang gagawin niyang back-up center para maganda ang maging rotations niya mamaya.   Eddie Dinglasan #5 (6’3): Power Forward. Kilala na ni Kap si Manong Eddie at kahit na ito ang pinakamatanda sa team ay maaasahan pa rin ito sa laro. May kakayahan itong kumuha ng rebound at minsan ay tumitira rin ito sa labas.   Bartholome Semeron #24 (6’4): Small Forward. Alam ni Kap na matangkad si Baron, at alam din niya ang style ng laro nito kaya mas mabuting sa posisyong ito niya ito ilagay. May taglay itong bilis at alam niyang ito ang magmamando ng opensa sa oras na maglaro ito nang maayos sa loob ng court.   Martin Suarez #30 (5’7): Shooting Guard. Kilala ni Kap si Martin at kahit tahimik ito ay may itinatago itong galing sa paglalaro. Scorer ang galawan nito at mapapakinabangan niya ito pagdating sa opensa.   Ricky Mendez #3 (5’7): Point Guard. Si Alfredo sana ang starting point guard niya sa team, pero dahil gusto niyang ayusin ni Baron ang laro nito, ay ang binatang ito ang kanyang ipinasok. Alam naman niyang magaling ito pero gusto sana niyang sa second unit ito ilagay lalo’t ito ay ang unang beses na makakasali si Ricky sa inter-barangay.   Tumayo na nga ang limang players ng Panthers. Kasabay nito ay ang paghiyaw ng mga ka-barangay nila na nasa likuran ng kanilang bench. Nasa tatlong jeep ang mga ito nang bumyahe kanina. Hindi pa rito kasama ang mga may kanya-kanyang sasakyan na nasa loob na rin ng venue nang mga oras na iyon.   “Galingan ninyo Team Canubing 1!” sigaw naman ng isang cute na babae sa tabi ng bench. Ang anak ito ni konsehal Wilbert na si Mei. Nasa likuran din nito ang mga kasamahan nito sa SK at lahat sila ay nakauniporme ng barangay.   “Ricky! Galingan mo!” pahabol pa ng dalaga at kinantyawan ito ng mga kasamahan nito. Ganoon din ang ilang mga nakakakilala rito sa audience. Ang tatay nga nito ay sinamaan agad ng tingin ang kanyang anak na dalaga, pero binibiro lang naman niya ito.   Napaakbay naman si Baron kay Mendez nang makapasok sila sa loob ng court.   “Type ka ng apo ni Kap, Mendez. Ligawan mo na!” wika ni Baron na napatawa pa. Si Ricky naman ay napangiti na lang nang pilit nang marinig iyon.   “Kuya, galingan natin,” nasabi na lang ni Ricky at tiningnan din niya ang tatlo pang mga kasamahan.   “Magaling na ako Mendez... Kaya dapat ay makasabay ka,” pagmamalaki naman ni Baron at pagpasok niya sa loob ay nilapitan kaagad siya ng isang kalbong player na mula sa kabilang koponan. Si Mildred Vallada na may numero tres sa likod ng kanyang jersey.   “Goodluck sa game... Semeron,” nakangiting winika ni Vallada nang makaharap ang kanyang tatapatang si Baron.   “Hindi mo na ako matatalo ngayon,” nakangisi namang winika ni Baron at pagkatapos ay seryoso na siyang tumayo sa tabi nito.   Si Ricky, nilapitan kaagad ni Ken Mendoza. Nginisian kaagad siya nito na hindi naman kaagad pinansin ni Mendez, bagkus ay inihanda na ng binata ang kanyang sarili dahil sa pagtunog ng silbato ng referee na kasalukuyan nang nasa gitna ng court... ay magsisimula na ang opisyal na laro--- magsisimula na muli ang paglalaro ni Ricky Mendez ng basketball, makalipas ang ilang buwan.   *****   KASABAY ng malakas na cheer mula sa crowd na nanonood sa loob ng coliseum ay ang pag-angat na nga ng bola para sa jump ball. Naka-timing ang naging pagtalon ni Karim, ngunit ang katapat niyang si Ronald Coron (6’5) ay mas naunang matapik ang bola. Pagkalapag ng dalawa ay tila napakabilis ng pangyayari.   Si Mildred Vallada (6’4) ang sumambot ng bola at wala pang tatlong segundo ay buong lakas na kaagad nitong ibinato ang bola patungo sa kanilang side. Ang crowd ng Palhi ay napasigaw nang makitang naroon na kaagad si Ken Mendoza.   “Easy point...” winika ng binatang may numerong 1 sa jersey. Isang lay-up kaagad ang kanyang ginawa at isang mabilis na 2-0 ang nangyari na mas nagpaingay sa kanilang mga supporters.   Mabilis na tumakbo si Vallada patungo rito at nag-apiran ang dalawa na sinabayan pa ng isang malakas nilang sigaw.   “Nice pass,” winika ni Mendoza at pagkatapos ay pinagmasdan niya si Mendez na tumatakbo para sa inbound pass ng isa nitong kakampi.   “Magaling ka Mendez, pero, mas gumaling ako. Kung simula pa lang ay wala ka nang nagawa... Paano pa kaya kapag nagpatuloy ang larong ito?” sabi pa ni Mendoza sa kanyang sarili at naghanda na siya dahil sa kanila na ang depensa.   Si Baron, agad na nilapitan si Mendez matapos ang mabilis na pagpuntos ng kalaban.   “Bakit mo pinalusot? Ang weak mo Mendez,” winika ni Baron.   Si Ricky naman ay ngumiti nang pilit matapos iyon. Huminga siya nang malalim at pagkatapos ay sinambot niya ang bolang ipinasa ni Karim mula sa labas.   “Sorry kuya... Nawala ako...” Sandaling nagdilim ang paningin ni Ricky at pagkatapos ay dahan-dahan siyang ngumiti at pinakiramdaman ang paligid. Pinakinggan din niya ang ingay sa lugar na nagpapabalik sa kanya ng sensasyon na naramdaman niya noon.   Pinatalbog niya ang bola at pagkatapos ay napatingin siya sa mga naka-green jersey at ganoon na rin sa kanyang mga kakampi.   “Ito na! Basketball na talaga!” sigaw niya sa kanyang sarili at naitawid na niya sa half-court line ang bola. Mabilis na siyang binantayan ni Mendoza na nakangisi sa kanya dahil sa ginawa nitong mabilis na pagpuntos kanina.   “Goodluck Mendez,” mahinang winika ni Mendoza at mabilis niyang nilapitan si Mendez para subukang agawan ito ng bola.   “Pasa!” bulalas naman ni Baron na kasalukuyang tumatakbo patungo sa kanya. Nasa likuran nito si Vallada na hinahabol nga ito.   Naalerto kaagad si Mendoza nang marinig iyon. Alam niyang may posibilidad na ipasa ni Mendez ang bola rito. Isa pa, namumukhaan niya ang lalaking ito, ito ay ang tinatawag na Baron. Ang player na mahilig dumayo ng laro upang makipagpustahan.   Paglapit ni Baron ay siya namang pag-iba ng galaw ni Mendez na ikinaalarma ng bumabantay ritong si Mendoza.   “Ipapasa mo iyan sa kanya, alam ko,” sabi ni Mendoza sa kanyang sarili at mabilis na gumalaw nang makita ang paggalaw ng kamay ni Mendez patungo sa direksyong pagmumulan ng kakampi nito.   Ngunit nang ginawa iyon ni Mendoza ay sumilay kaagad sa labi ni Mendez ang maliit na ngiti. Ang bolang nasa kanyang kanang kamay ay nagpatuloy sa pagtalbog at nang sandaling lumihis ang kanyang defender ay siya namang paggalaw niya palayo mula rito.   Nakita iyon ni Vallada at mabilis na tinapik sa balikat si Mendoza para sabihing siya na ang hahabol kay number 3. Nagpalitan ng binabantayan ang dalawang defenders ng Palhi. Walang nagawa si Mendoza kundi harangin ang number 24 na si Baron.   Ang bilis ni Vallada at nakaramdam si Baron ng hindi maganda. Susubukan niya sanang suportahan si Mendez, ngunit mabilis na nai-delay ni Mendoza ang kanya sanang paghabol dito.   Ang mga players ng Canubing ay agad na nagsilayuan nang makitang mabilis na dumiretso sa basket si Mendez. Ang mga supporters nga nila ay napa-cheer nang masaksihan iyon. Subalit mabilis ang player na nakaberde at may number 3 sa likod. Sa pagtalon ni Ricky ay agad din itong nakahabol para i-block ang gagawin nito.   Napapansin na ni Ricky ang mabilis na paghabol sa kanya ng kalabang may numero tres. Kaya nga pinaghandaan na niya ito. Alam niyang makakalusot pa rin ang kanyang kuya Baron kay Mendoza, kaya nga nang nasa ere na siya ay bigla niyang ibinaba ang bola mula sa kanyang mga kamay. Inilagay niya iyon sa kanyang kanang palad nang mabilis at ibinato papunta sa kanyang likuran.   Naroon na nga si Baron na kasalukuyang tumatakbo. Naiwanan na nito si Mendoza at kung titingnan ang mga mata nito, ay sa bola lang ito nakatitig. Sa sandali niyang masambot ito ay idadakdak niya ito.   Ngunit nabigla ang lahat nang ang bola ay magawang pigilan ng isang malapad na kamay habang nasa ere.   “Magaling ka, pero,” winika ni Vallada sa sarili. Alam niyang ito ang gagawin ng kanyang hinabol. Isa pa, alam din niyang hindi siya nito titiranan dahil mas matangkad siya rito. Bilang isang matalinong player ang naramdaman niya sa player na ito, alam niya na niyang ito ang gagawin ni Mendez.   Nakuha ni Vallada ang bola at sa paglapag nila sa court ay ang mabilis namang pagpunta ni Baron para subukang agawin muli ito.   “Huli na kayo...” mahinang winika ng player ng Palhi nang ang bolang nasa kanyang kamay ay ibinato niya papunta sa side nila. Naroon na si Mendoza na kasalukuyang tumatakbo at walang humahabol dito.   Napa-cheer na naman ang crowd na supporters nila dahil dito. Isa na naman daw itong malinaw na pagpuntos, ngunit bago pa man pala ito maibato ni Vallada, ay alam na ng isang player ng Canubing na ito ang kanyang gagawin.   “Mendez!”   Mula sa crowd, napatayo si Andrea sa ginawa ni Ricky at hindi lang iyon... nang malapit na ang bola kay Mendoza ay buong lakas itong tinalon ng binata at sinambot.   “P-paanong?” Ito na lang ang naibulalas ni Mendoza na mabilis na tumakbo para harapan si Mendez na dala na muli ang bola.   “Hindi ako papayag na makalampas ka sa akin,” sambit pa nito, ngunit nilampasan bigla siya ni Ricky na ikinagulat niya.   Pinadaan ni Ricky ang bola sa pagitan ng mga binti ni Mendoza at pagkatapos ay muli nitong nakuha ang bola, at sa kanyang pagdating sa three-point arc ay mabilis siyang huminto. Tumalon siya at binitawan ang bola habang inaalala ang kanyang walang tigil na practice sa pwestong ito. Isang jumpshot sa tres ang kanyang ginawa at sa paglapag ng mga paa niya ay ang pagkuyom ng kanyang kanang kamao sa itaas.   Isang magandang pag-arko iyon at pagkatapos ay hinalit ng bola ang net sa pagpasok nito rito. Kasabay rin nito ay ang pagsigaw ng crowd ng Canubing dahil sa napakagandang ginawa ng player na si Mendez.   Isang ngiti ang sumilay sa labi ni Ricky matapos iyon. Ang una niyang puntos sa ligang ito! Kasabay rin niyon ay ang malakas na pagkabog ng dibdib ni Andrea dahil sa ipinakita ng binata.   Ang excitement.   Ang kaba.   Ang saya.   Naramdaman iyon ni Andrea, at hindi niya maipagkakaila sa kanyang sariling matagal na niyang hinahanap ito. Ang excitement sa panonood ng isang basketball game na tanging sa binatang may numero tres sa likod at may apelyidong Mendez, lang niya naramdaman.
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม