Chapter 9

2741 คำ
PINAPAKIRAMDAMAN nga lang ni Saber ang paligid nang bigla na lamang lumipad si Gladius. Iniwanan siya nito at lumutang na nga ang King of Fire sa itaas ng kanyang gusali. “Marunong kang lumipad, nakita ko kanina…” sabi nga ni Gladius na seryosong nakatingin sa binatang bulag na kanyang kasama. Kusa namang kumawala ang mahinang hangin sa suot na lumang sapatos ni Saber. Doon na nga rin siya unti-unting umangat… hanggang sa makikita na ngang lumilipad na rin siya. “Matanong nga pala kita… Sino ang nagturo sa iyong lumipad?” seryosong tanong ni Gladius na nagsimula muna sa marahang paglutang sa itaas. “Kusa ko lamang po itong natutunan nang minsang may humabol sa akin noon. Namalayan ko na lang po na nakalutang na ako sa ere nang mga oras na iyon,” mabilis namang sagot ni Saber. Tila nga handang-handa ito sa tanong na iyon. Nang marinig naman ito ni Gladius ay napatahimik na lamang siya. May kakayahan nga ang mga natatanging indibidwal dito sa Main City na matutunan nang mag-isa ang paglipad at base sa bilis ng pagsagot ng kasama niya ay mukhang nagsasabi raw ito ng totoo. Lumipad na nga sila pababa at hindi sila pwedeng basta lumapag sa loob ng protektadong area sa gitna ng Main City dahil sa invisible barrier na magpapa-activate sa siren ng lugar kung may sakali mang bumangga rito. Lumapag nga silang dalawa sa harapan ng isang makapal na gate na kung saan ay may sampung matitikas na lalaki ang kasalukuyang nakatayo roon at nagbabantay. Paglapag pa nga lang ni Gladius ay napayuko na lamang kaagad ang mga iyon nang mabilis. “Maligayang pagdating po mahal na panginoong Gladius!” sabay-sabay na pagbigkas ng mga bantay ng pintong iyon. “May Eternity ba ngayon sa loob?” tanong pa ni Gladius na kalmado lang na naglakad patungo sa harapan ng gate ng lugar na kapag pinagmasdan ay isang napakataas na pinto na napakakapal ng pagkakagawa. Isa kasi itong espesyal na daanan para sa mga nais pumasok dito. Tinatawag nga rin itong Strength Meter ng mga Eternity. Dito kasi nila nasusukat ang level ng physical level ng kanilang mga bantay at mga kasama. Kapag hindi nagawang makapasok dito ng isa ay nangangahulugan lang talaga na wala itong karapatan na makapasok sa loob ng lugar na ito. “Ito nga palang pintong dadaanan natin ay hindi isang simpleng daanan… Makakapasok ka lamang dito kung magagawa mong buksan ito gamit ang pisikal mong lakas,” seryosong winika ni Gladius kay Saber na tahimik lang na nakatayo sa kanyang tabi. Nakikiramdam nga lang ang binata at alam niyang may malalakas na indibidwal dito, ang sampung bantay. May ideya na rin naman si Saber sa pintong ito dahil nasabi na rin ito sa kanya. Isa itong sukatan ng lakas at lahat ng mga researchers at bantay na nasa loob ay may mga taglay na pambihirang lakas kumpara sa mga hindi nakakapasok dito. Tahimik lang na pinakiramdam ng binata ang paligid at malamang, sa oras na makapasok na siya sa facility na ito ay mararamdaman na niya kung nasaan ang hinahanap niyang Time Machine. “Gusto kong subukan ka. Tingnan natin kung makakapasok ka sa loob gamit ang iyong pisikal na lakas. Kung hindi mo man ito magawa ay wala namang problema sa akin dahil isasama pa rin kita sa loob,” wika pa nga ni Gladius na ikinaseryoso ng mga bantay na naroon. Nakita kasi nila na hindi ganoon katikas ang katawan ng binata at isa pa, nabigla sila nang gumalaw ang buhok nito sa may noo. Nakita nga nila na isa itong bulag. May mga tanong man na tumakbo sa isip nila nang sandaling iyon, ngunit wala silang karapatan na magtanong tungkol sa bagay na iyon. Ang tangi lang ngang magagawa nila ay ang abangan ang sunod na mangyayari. Kalmado na ngang lumakad si Saber sa harapan ng pinto at doon ay pasimple niya itong dinama. Ramdam niyang napakasolido ng pagkakabuo nito at walang anumang tunog ang makakalampas dito. Marahan nga niya itong itinulak gamit ang kanyang mga kamay at wala man lang anumang paggalaw siyang nagawa rito. Napaseryoso naman si Gladius nang makita iyon habang ang mga bantay naman ay napayuko na lamang dahil inaasahan na nila iyon. “Mukhang hindi mo yata kaya. Huwag kang mag-alala, ako na ang magbubukas,” wika nga ni Gladius na nagsimula ng humakbang para sana buksan ang pintong nasa harapan nila. “Hindi ko pa po ginagamit ang lakas ko.” Ang mga salita namang ito ang nagpahinto sa Eternity na si Gladius. Nagpaseryoso nga rin ito sa mga bantay na naroon. Parang masyado raw yatang bilib sa sarili ang binatang iyon, gayong hindi naman nila maramdamang malakas ito. Marahang ini-ayos na nga ni Saber ang kanyang mga paa. Ibinuka niya ito nang bahagya at pagkatapos noon ay ini-atras niya nang kaunti ang kanang paa niya. Inilagay na rin niya ang kanyang mga palad at nang itutulak na niya ito ay nakaramdam na lang siya na may ilang malakas pang indibidwal ang bigla na lamang dumating sa kanyang likuran. “Isang magandang araw po, panginoong Gladius!” Iyon ang boses na narinig niya at si Gladius naman ay naramdaman nga rin ang pagdating nito. Ngayon nga ay makikita sa likuran niya ang isang lalaking halos kaedadin lang din ni Saber. Mahaba ang likurang bahagi ng buhok nito, habang maayos naman na nakagupit ang nasa harapan nito. Matikas ang tindig nito at makikita ang malinis na ayos ng kasuotan nito na parang sa militar. Kulay sky blue ang marka nito at kung hindi nga nagkakamali si Gladius, ito ay ang batang dinala rito ni Isaac mula sa kanyang region na si Jagger. “Talagang hindi nakatiis si Isaac,” seryosong wika ni Gladius at isang pagtawa naman ang kanyang narinig mula sa itaas. Doon na nga lumapag ang isa pang Eternity na nagbigay naman ng kaba sa mga bantay ng lugar na iyon. Ramdam kasi ng mga ito ang malakas na presensya ng mga ito at parang dinudurog nito ang kanilang pakiramdam nang mga oras na iyon. “Pasensya ka na Gladius… Hindi ko na napigilan ang sarili ko,” wika nga ni Isaac na nakangiting hinaplos ang kanyang balbas habang pinagmamasdan ang isang lalaking nakatayo sa harapan ng pinto ng kanilang special facility. “Siya ba ang sinasabi mong pumatay kina Sato at Hram?” seryosong tanong pa nga ni Isaac at napaseryoso nga rin ang kasama nitong binata. Isang ngiti naman ang sumilay sa labi ni Gladius. “Alam kong hindi ka maniniwala… Kahit siguro ako, kaso, nakita mismo ng mga mata ko kung gaano kalakas ang bago kong prospect.” Seryoso namang napatitig si Jagger sa binatang hindi naman kalakihan ang katawan sa may harapan ng pinto ng special facility. Siya nga ay hindi pa nakakapasok dito dahil ang gusto ni Isaac ay magawa niya muna itong buksan gamit ang kanyang lakas. May ilang beses na nga niya itong sinubukan at lahat iyon ay bigo. Iyon nga rin ang rason kaya nagpapalakas pa siya lalo. Para na rin lalo niyang pahangain ang kanyang master na Eternity. “Mukhang mahina ang isang ito,” sabi na nga lang ni Jagger sa kanyang sarili. Saglit nga rin siyang napa-isip kung bakit ito ang napili ni Panginoong Gladius niya. Isa pang bagay na tumatakbo sa utak niya nang sandaling iyon ay sina Hram at Sato. Nakakasama pa niyang magsanay ang dalawang iyon at ramdam niyang mas malakas ang mga iyon kumpara sa kanya. Ito nga ang naging dahilan kaya naisipan din niyang sumama sa kanyang panginoon na si Isaac. Upang makita ang tinutukoy sa kwento nito, na mukhang base sa kanyang obserbasyon ay baka raw nagbibiro lamang ang King of Fire sa mga tinuran nito para lang mapag-isip ang kanyang pinuno. “Siya nga Isaac… Siguro, iniisip mong nagbibiro ako. At siguro, wala kang nararamdamang espesyal sa kanya?” ani pa nga ni Gladius. Habang nang mga oras namang iyon ay tahimik lang na nakikinig at nakikiramdam si Saber. Dalawang Eternity na ang narito at mukhang hindi magiging madali ang gagawin niya sa loob kung ganito. Iyong isa namang kasama noon ay pasimple pa niyang pinakiramdaman kung gaano kalakas at mukhang wala itong laban sa kanya. Bumuntong-hininga si Saber. Alam din naman niya na sa loob ng lugar na ito makikita ang mas malalakas pang mga taga-Main City at dito siya mapapalaban. Nais niyang magawa na ang kanyang pakay rito, ang sirain ang time machine sa araw na ito mismo. Ito na rin kasi ang pinakamalaki niyang chance para magawa iyon. Wala na nga itong atrasan para sa kanya. Sisiguruhin nga rin niya na sa sandaling makapasok siya sa loob, ay magagawa na niya ang misyong iyon na pinagawa sa kanya ng matandang tumulong sa kanya. “Para sa ikakatahimik ko sa kabilang buhay… Pigilan mo ang Faladis Eternity sa pamamagitan ng pagsira ng Time Machine… Pagkatapos noon, pasabugin mo na ang iyong sarili… kasama ng mundong ito. Iyon ay kung sigurado kang tapos na ang silbi mo rito…” Inilagay na nga ni Saber nang mabuti ang kanyang palad sa pinto, at habang abala sa pag-uusap ang dalawang Eternity sa likuran niya ay doon na nga niya ibinigay ang kanyang lakas para makapasok sa loob. Marahang kumawala ang hangin mula sa kinatatayuan niya at doon na nga natigilan ang lahat ng nasa paligid. Ito ay nang humakbang na siya pauna. Doon na nga kumawala ang kanyang pwersa at nakaramdam na nga lang sila ng pagyanig sa lupa dahil sa nangyaring iyon. Nanlaki nga ang mga mata ng bantay nang makita nilang dahan-dahang bumubukas ang mabigat at makapal na pintuan ng special facility ng Main City. Makikita nga rin sa mga mata ni Isaac ang pagkagulat, habang ang kanya namang kasama na si Jagger ay labis na hindi makapaniwala sa kanyang nasaksihan. “P-paano ito nangyari?” nasambit na lang niya at pagtawa naman ang sagot ni Gladius sa dalawa. “Ano Isaac? Ilalaban mo pa ba ang bata mo sa bata ko? Parang sa pintong ito palang, alam mo na kung sino ang magwawagi…” pasaring pa ni Gladius na napaseryoso rin nga sa ginawa ni Saber. Ngayon nga ay bukas na bukas na ang pinto ng special facility at mula nga sa loob ay makikitang may mga indibidwal pa ang kasalukuyang naka-abang sa kung sino ba ang papasok. Kumawala ang malakas na hangin mula kay Saber at nang tuluyan na niyang mapaluwag ang daanan ay doon na siya pumasok na parang wala lang. Nasa likuran na rin nga niya si Gladius na seryoso namang nakatitig sa kanya. Nayanig na nga lang muli ang paligid nang sumara ang makapal na pintuan ng lugar na iyon. “Maligayang pagdating po, panginoong Gladius!” wika ng nasa sampung bantay na nasa loob na may kasama pang pagyuko habang nakapila nang maayos sa gilid ng daanan. Nagbago na nga kaagad ang atmospera sa paligid para kay Saber. Bumigat na ito at mula sa kung saan-saan ay nakakaramdam siya ng malalakas na enerhiya. Higit nga talagang mas malalakas ang narito base sa nasagap niya. Mukhang hindi raw basta-basta magiging madali ang kanyang misyon dito. Sinubukan nga niyang hanapin ang enerhiyang nagmumula sa Time Machine, base sa sinabi sa kanya ng matandang tumulong sa kanya noon. Hinanap niya iyon gamit ang kanyang pandama, kaso, napahinto na lang siya nang may mabigat na kamay ang pumatong sa kanyang kanang balikat. Si Gladius ito at doon na nga niya naramdaman ang napakalakas nitong presensya. Parang ibinabaon siya nito sa kinatatayuan niya nang sandaling iyon. Hindi nga niya ito naramdaman noong nasa labas sila, at mukhang hindi pa ito ang totoong lakas nito. “Narito na tayo ngayon sa special facility ng Main City… Dito, ginagawa ang lahat ng uri ng research at experiments. Alam mo ba ang dahilan kaya kita isinama rito Saber?” nakangising tanong ni Gladius. Bumibigat nga rin ang kaliwang kamay niyang nasa balikat ng bulag na lalaking kanyang kasama. Ngayon na nga niya bibigyan ng takot ang binatang ito. Kailangan niyang gawin ito upang hindi ito magbalak ng masama sa kanya lalo pa’t hindi pa niya nararamdaman na natatakot ito sa kanya, kahit pa nga alam nito kung ano siya. Wala namang kare-reaksyon si Saber nang sandaling iyon. Ang mga nasa paligid nga nilang dalawa ay napaupo na lang sa lupa dahil sa lakas ng kapangyarihang lumalabas mula kay Gladius. Mula naman sa loob ng mga research labs ay napaseryoso na nga ang mga naroon dahil sa kanilang naramdaman. Makikita nga sa isang lugar dito ang napakaraming mirror capsules na naglalaman ng tao na nasa estado ng isang eksperimento. Abala nga sila sa mga pag-aaral tungkol sa pagiging superhuman at humahanap sila ng iba pang paraan para mas lalo pang mapalakas ito. “Ito Saber ang lakas ko bilang isang Eternity… At siguro naman ngayon ay mararamdaman ko nang natatakot ka sa kapangyarihan ko, hindi ba?” ani pa nga ni Gladius na inakbayan pa ang binatang bulag na kanyang katabi. Isa pa rin siyang Eternity at dapat lahat ng mga mas mababang klase sa kanila ay kakabahan kapag dumarating sila. Ito ang nakasanayan nila, at ilang daang taon na nila itong nararanasan. Kahit pa alam ni Gladius na malakas ang batang ito, mas malakas pa rin daw siya at walang sinuman ang kayang pantayan sila sa Faladis. Lahat dapat ay matatakot sa kanila, at dapat ang lahat ay sasambahin sila hanggang sa kamatayan. “Bibihira lang akong makatagpo ng katulad ng batang ito… Kaya dapat ngayon pa lang ay maiparamdam ko na sa kanya ang nakakatakot na presensya ng isang Eternity…” sabi pa nga ni Gladius sa kanyang sarili at pagkatapos noon ay dito na niya dahan-dahang pinagmasdan ang mukha ng kanyang kasama. Nais na nga niyang makita ang takot sa mukha ng isang bulag. “Hindi po ba, pag-e-eksperimentuhan ninyo ako? Okay lang po sa akin iyon,” winika na nga lang bigla ni Saber at nang makita ni Gladius ang mukha nito ay doon na nga bahagyang nayanig ang paligid dahil sa hindi inaasahang pagkawala ng malakas niyang kapangyarihan. Wala pa ring emosyon si Saber, at ni kaunting takot o paggalaw ng labi ay wala man lang daw nakita si Gladius. Ngayon lang din daw ito nangyari at hindi niya alam kung ano ba ang mayroon sa bulag na ito. Huminga na nga lang siya nang malalim at nagpumilit na kumalma. Narinig din kasi niya ang sinabi nito. Mukhang handa naman daw nitong tanggapin ang mga bagay na nais niyang gawin dito. Kaso, ito ay nang walang takot. Hindi man lang daw kinabahan ang bulag na ito sa posibleng paggamit niya rito bilang specimen. “Kalma Gladius… Pabor pa rin sa iyo ang lahat dahil hindi siya aatras sa nais mo…” sabi pa nga sa sarili ni Gladius at nagsimula na siyang maglakad habang naka-akbay sa batang bulag. Ibinaba na nga rin niya ang kanyang kapangyarihan na nagpakalma sa mga nasa paligid. Umaliwalas na nga nang bahagya ang atmospera at nakita na lamang ng mga bantay ang pagdiretso ng kanilang mga bisita sa nais nitong puntahan. Mula naman sa labas ng lugar na iyon ay makikitang naroon pa rin si Isaac at ang hindi pa rin makapaniwalang si Jagger. Napa-iling na nga lang ang King of Ice at walang ano-ano’y nabigla na lamang ang kanyang katabi nang biglang hindi na ito makagalaw. Napangisi na nga lang si Isaac nang ipatong niya ang kanyang palad sa katawan ng kanyang batang dinala rito. Dahil nga sa nakita niyang mas malakas ang dala ni Gladius, napagdesisyunan na lamang niya na maghanap na lang muli ng bagong dadalhin dito. Iyong mas malakas… Iyong may kakayahan ding buksan ang pinto ng kanilang special facility--- kagaya ng kasama ng kanyang kasamahan sa Eternity na si Gladius. “A-ano p-po’ng i-ibig-sa-sab---“ Hindi na nga naituloy ni Jagger ang kanyang sasabihin nang tuluyan nang nagyelo ang buo niyang katawan. Kasunod nga rin noon ay ang marahang paghipo rito ni Isaac na naging dahilan upang unti-unting mabasag ang katawan nitong nanigas na ikinaseryoso na lamang ng naroong nakasaksi. “Hindi na kita kailangan… Dahil wala ka nang silbi!” sambit pa ni Isaac na parang isang demonyo nang sandaling iyon. “Sana nga Gladius ay iyan na ang kailangan natin para sa mas paglakas natin,” sabi pa nga niya sa kanyang sarili. Lumipad na nga si Isaac paitaas at kasabay noon ay ang pagkakadurog-durog ng nagyelong katawan ng lalaking nagngangalang Jagger.
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม