NARATING na nga ni Saber ang lugar kung saan matatagpuan ang Time Machine na kailangan niyang sirain. Alam naman nga ng binatang bulag na ito na hindi ito magiging madali sa kanya, ngunit sa araw na ito… ay desidido na nga siya na gawin iyon dahil ito na ang pinakamalapit niyang pagkakataon.
Dinala na nga siya ni Gladius sa kanyang personal na laboratoryo sa isa sa mga silid sa loob ng gusaling pabilog na nakataob ang itsura. Sa pagpasok nga nila sa loob ay nakaramdam kaagad si Saber ng napakaraming presensya na nagmumula rito. Iba’t iba ring level ang kanyang napansin at nakaramdam din siya ng tila kakaiba sa pagitna ng lugar na ito.
Naramdaman na nga lamang niya nang paupuin siya ni Gladius sa isang malambot na upuan. Rinig nga niya ang pagtunog ng kung ano-ano sa hangin nang sandaling iyon.
Makikita nga ang binata na naka-upo sa isang specimen chair. Kasalukuyan na nga noong pumipindot sa hangin si Gladius para i-set-up ang system na kanyang gagawin para pag-aralan ang katawan ng bulag na ito. Lumapit na nga siya rito at idinikit sa katawan nito ang mga maliliit at manipis na bilog na nakakonekta rin sa mga wires. Bago nga iyon ay pinagtanggal muna niya ng damit si Saber.
Umilaw na nga ang isang makina sa gilid ng inupuan ng binata at napatingin naman si Gladius doon. Ibinaba na nga rin nito ang isang tila-helmet na aparato na para sa ulo ni Saber. Makikita nga rin na may nakakonektang mga wires doon. Umilaw na nga rin ang bagay na iyon nang ma-detect na ang utak ng binata at kasunod nga noon ay ang pagliwanag ng isa pang malaking screen sa itaas nito. Naroon na nga si Gladius na pumipindot sa hangin upang makita ang mga body informations ng kanyang pinag-eeksperimentuhan.
Tahimik na pinagmasdan ni Gladius ang mga graphs at data na lumalabas sa malaking visual screen na iyon. Normal lamang naman ang lahat. Isa itong tipikal na stats ng isang Sediments. Pero alam din naman niya sa kanyang sarili na hindi basta-basta ang batang ito. Dito na nga siya naghanap ng siringhilya para kuhanan ng blood samples ang binata.
Matapos niyang buksan ang isang pinto ng cabinet na nasa gilid ay pasimple pa siyang napatingin sa binatang kasama niya. Talagang hindi man lang daw niya makitaan ng pag-aalala ito. Hindi niya tuloy malaman kung matapang lang talaga ito o sadyang wala nga talaga itong emosyon.
Nang makakuha na siya ng gamit na kailangan niya ay pasimple pa niyang pinagmasdan ang matilos na karayom nito. Lumapit na nga siya sa binata at kinuha ang kanang braso nang marahan.
“Kukuhanan lang kita ng dugo,” sabi ni Gladius at tango lang naman ang sinagot ng binata na wala man lang pakialam doon.
Napaseryoso tuloy si Gladius na tinusok na lamang basta ang bahaging pagkukunan niya ng dugo. Mabilis lang niya itong ginawa, at nang makakuha na siya ng sapat na dami ay pumunta na siya sa isang bahagi ng laboratoryo niya. Makikita nga roon ang isang malaking mikroskopyo na kulay itim. Nagpatak nga siya sa sample plate ng kaunting dugo ni Saber at pagkatapos noon ay sinipat na ito ni Gladius sa teleskopyo ng aparato na iyon.
“Normal na dugo lamang ito… Walang espesyal na pagkakaiba sa structures ng dugo ng isang tao.”
“Mukhang lalo akong pinag-iisip ng isang ito. Paano ko malalaman ang tunay na level ng kanyang kapangyarihan at lakas kung ganito ang mga data na lumalabas sa akin?”
Ang natitirang dugo nga ni Saber ay inilagay na lamang muna niya sa isang test tube at tinakpan ito pagkatapos. Inilagay rin niya ito sa isang storage na kayang magpreserba ng normal na temperatura nito.
“Sadya bang wala kang emosyon? Napapansin ko kasi sa iyo na hindi ka man lang natatakot sa mga pwede kong gawin sa iyo,” sabi nga ni Gladius sa tahimik na kasama niya. Pasimple pa nga siyang tumingin sa malaking visual screen sa tapat niya at wala namang abnormal movements ang mga stats ng binatang ito na kanyang kasama.
“Hindi ko po alam…” sagot ni Saber.
“Pero dati? Noong hindi ka pa bulag? Siguro naman ay aware ka na rin na nakuha ko ang lahat ng infos na mayroon ka,” wika naman ni Gladius na napahila na lamang sa isang de gulong na upuan sa loob. Umupo siya rito at humarap sa nakaupong binata sa tapat niya. Sa ganitong pagkakataon ay ang personal na pagtatanong na lamang ang tangi muna niyang maaasahan.
“Hindi ko rin po alam… Ang totoo, wala na akong maalala sa nakaraan ko… Noong nakakakita pa ako,” seryosong sagot naman ni Saber sa nakatingin sa kanyang si Gladius.
“Pero paano ka naging malakas? Ilang taon ka pa lang namang bulag… at paano ka nasanay nang ganoon kabilis? In-obserbahan ko kung paano ka kumilos at kung paano ka nakipaglaban kina Sato at Hram. Napaka-natural ng mga galaw mo, at ang estilo mo, napakalinis. Imposibleng kusa mo lang iyong natutunan,” sabi pa nga muli ni Gladius na napatingin sa leeg ni Saber. Titingnan nga niya kung lulunok ito ng laway.
“Dahil isa po akong superhuman,” mabilis namang sagot ng binatang bulag na ikinaseryoso na lamang ni Gladius. Kulang ang sagot na iyon para sa Eternity, pero hindi naman maipagkaka-ilang tama rin naman ang sagot sa kanya nito. Isang mahinang pagtawa na nga lang ang kanyang ginawa at muli niyang pinagmasdan ang metrics ng data ni Saber kung ito ba ay may pagbabago, kaso napakanormal pa rin. Isa pa, kung pagmamasdan niya ang itsura ng katawan ng batang ito ay parang wala itong ibubuga. Sadya raw na nakakabulag ang pisikal na kaanyuan nito kung ito ang magiging basehan ng sinumang lalaban dito.
Samantala, sa isang bahagi naman ng facility na ito ay makikita ang pagtatago ng isang lalaking nakasuot ng uniporme. Nakasuot pa nga ito ng shades habang nakakubli mula sa mga dumaang mga nakaputi. Isa itong binata at napakasimple lang ng pagkilos nito.
“Nasaan ka na Haze?” tanong ng lalaking iyon sa kanyang isip. Tila nga ay may isa pa siyang kasama rito.
“Nandito ako sa padulo ng lugar na ito… Dito ako lumitaw at mukhang nasa isang underground area ang hinahanap nating Time Machine,” sabi naman ng isang lalaking nakadapa sa ibabaw ng isang malaking bakal sa may kisame ng lugar na kanyang kinalalagyan. Hindi nga siya nakikita ng mga dumaraan sa ibaba na mga bantay kapag tumingala ang mga ito.
“Ano ba ang plano natin? Paano na lamang kung may makakita sa atin? Baka makagawa tayo ng gulo?” sabi naman nga muli nito sa kanyang kasama na kabaligtaran ng kanyang itsura.
Kung si Haze ay mukhang hindi maalaga sa itsura, ang kasama naman nitong sa Mad ay mukhang naliligo at palaging nakasuklay ang buhok.
“Huwag mo ring kakalimutan na maraming security cameras dito at kahit patigilin mo ang kilos ng mga nasa paligid mo ay makikita ka naman ng mga bantay sa---“ Natigilan na nga lang si Haze sa kanyang sinasabi at doon naman napangisi si Mad dahil mukhang nakuha na raw ng mokong na iyon ang kanyang plano.
“Alam mo na, kung saan tayo pupunta ngayon? Huwag kang mag-alala… Nasa akin na ang mapa ng facility na ito… Naipakita na sa akin ni Saber,” sabi nga ni Mad at nakikita niya ngayon sa kanyang utak ang nilalaman ng pinadala ng kanilang kaibigan.
Ginamit lang ni Saber ang kanyang pakiramdam at napakabilis ngang naiguhit ng kanyang utak ang mapa ng lugar na ito kahit hindi naman niya ito nakikita. Napakasimple lang naman ng paraang kanyang ginawa, ito ay sa pamamagitan ng enerhiya ng mga narito sa loob, at sa tulong na rin ng hangin na dumadaloy rito.
Alam nina Haze at Mad na isang napaka-overpowered na super human ang kanilang kaibigang iyon… at wala nga silang kaalam-alam na sila pala ay ilusyon lamang na likha ng Saber na tinutukoy nila.
Ipinakita nga ni Mad gamit ang kanyang isip kay Haze ang lugar kung nasaan ang mga nagbabantay sa monitors para sa mga cameras sa buong special facility ng Main City. Matapos nga iyon ay doon na nagsimulang kumilos nang palihim at maingat ang dalawa.
Ang misyon nila… Sirain ang Time Machine na nasa ilalim ng lugar na ito, sa araw ring ito mismo.
Tumatakbo ang oras nang mga sandaling iyon. Si Gladius nga ay may mga bagay pang itinanong kay Saber at lahat ng mga iyon ay napakabilis lang na sinasagot nito. Hindi nga makaramdam ng pagsisinungaling mula rito ang Eternity at ni maliit na pag-aalinlangan sa bawat sasabihin nito ay wala man lang siyang napansin.
“Lalo akong pinag-iisip ng isang ito… Pero siguro, oras na rin para subukan kong ipa-inject ang dugo niya sa ilan sa mga specimens namin dito,” sabi na nga lang ni Gladius sa sarili na muling kinuha ang testube na naglalaman ng blood samples ni Saber. Umuusok pa nga ang loob ng aparatong nilagyan niya noon. Matapos iyon ay inalis na nga niya ang mga nakadikit na kung ano sa binata. Pinatayo na nga niya ito at pinagsuot ng damit.
“Sumama ka sa akin… Dadalhin kita sa mga researchers at scientists na narito,” sabi na nga lang ni Gladius na hanggang ngayon ay seryoso pa ring naghihintay na may kakaibang gagawin ang binatang kasama niya.
Kusa na nga lang bumukas ang pinto ng silid na iyon sa pagdaan nila. Pagkatapos nga noon ay nagsimula na silang maglakad papunta sa elevator na nasa gitna ng area na iyon. Para iyong isang kapsula at ang dingding nito ay gawa sa transparent na mga bubog. Mula nga sa loob ay makikita ang ilang mga lugar sa bawat palapag, lalo na nga sa gitna na may nakalagay na mga puno, d**o at halaman. Ito ang nagsisilbing natural environment dito na nagpo-produce ng oxygen nila para rito.
Kanya-kanya nga rin sa pagyuko ang bawat naroon na nakakasalubong nina Gladius. Habang nakasunod naman si Saber ay patuloy pa rin siya sa pakikiramdam sa paligid. Ang dami niyang nasasagap na presensya ng mga malalakas na inidibidwal dito. Subalit magkaganoon man, wala naman siyang maramdaman na mas matindi pa sa kanyang nasa unahan.
Maya-maya pa nga ay pumasok na sila sa isang pinto na kusa na lamang bumukas nang makalapit si Gladius. Doon na nga rin biglang nagbago ang atmospera para kay Saber.
“Maligayang pagdating po, mahal na Eternity!” malakas na wika ng lahat ng mga alagad nila na naroon. Gaya ng inaasahan, wala namang pakialam dito si Gladius na ang mas naunang pagmasdan ay ang isang malaking nilalang na nakahiga sa loob ng isang malaking capsule. Kung susukatin ang haba nito, nasa 8 to 9 feet ang tangkad nito kung tatayo. Matipuno rin ang katawan nito at makikitang tulog ito habang may mga nakapasak na kung ano-anong mga wires dito.
“Matatapos na po ang Giantification Project natin… Lahat ng mga last samples natin ay ayos na. Kinaya na po ng mga katawan ng mga bagong mga individuals na dinala rito ang processess,” sabi ng isang lalaking nakasalamin at nakaputi ng kasuotan.
“Mabuti naman kung ganoon. Mayroon nga pala ako sa inyong ipapa-test na dugo. Subukan na rin ninyong pag-aralan ito nang mas mabuti. Gusto kong malaman kung bakit napakalakas ng Sediment na nagmamay-ari ng dugo na iyan,” sabi na nga lang ni Gladius sa lalaking iyon na maayos nga na tinanggap ang testube na binigay niya rito.
“Sige po mahal na Eternity… Gagawin po namin kaagad iyan,” mabilis ngang sagot ng nakaputi na iyon at pagkatapos ay lumapit na nga muli si Gladius kay Saber na seryoso lang na nakatayo sa isang tabi.
Kakaiba ang naramdaman ni Saber sa lugar ngayon kung nasaan siya. Ramdam nga niyang may malalakas na indibidwal ang narito, subalit nakakaramdam din siya ng mga presensya na nagdurusa, umiiyak, natatakot at nagluluksa. Napakabigat noon at hindi siya sigurado kung saan iyon nagmumula. Naramdaman na nga lang niya na may kamay na pumatong sa kanyang balikat habang nasa pag-iisip din tungkol sa nangyayari na kina Haze at Mad.
“Sumama ka sa akin… May ipapasubok ako sa iyo,” sabi nga ni Gladius na nang lumakad patungo sa kung saan ay siya ring pagsabay ng hakbang ni Saber. Makikita nga ang paglampas nila sa napakaraming kapsula na may lamang mga tao. Sa kabilang side ng lugar ay may normal na taas ang bawat nasa loob noon, habang sa kabilang panig naman ay makikitang may mahahabang sukat ang mga ito na hindi na pangkaraniwan.
Nakapikit lahat ang kanilang mga mata at humihinga pa naman ang bawat isa. Subalit makikita naman sa paggalaw ng mga mata nila ang emosyon na sila ay kinakabahan at natatakot. Hindi pa man nga nakakarating sina Saber sa isa pang pinto sa dulo ay isang malakas na sigaw na lang ang narinig nila sa hindi kalayuan.
Isang tao iyon na napasigaw na lang dahil sa labis na sakit nang pagtutusukin ito ng napakaraming tubo ang buong katawan nito. Makikita nga sa labi nito ang pagdugo matapos nito iyong kagatin at mararamdaman naman sa nakabantay rito ang napakalakas nitong kapangyarihan na nagpahinto sa emosyon ng nilalang na ginawa nilang specimen.
Umiiyak na humiga sa loob ng kapsula ang taong iyon at makikita ang pagliyad ng katawan nito at paglobo ng ugat dahil sa kung anong ipinapasok dito. Lumalaki at lumalaki nga ang muscles noon at sa kabila ng kaganapang iyon ay makikita naman sa mukha ng lalaki na nakakaramdam ito ng labis na sakit na dulot noon.
“Patayin na lang ninyo ako! Hindi ko na kaya! Bakit ganito ang nangyari sa akin sa mundong ito?” sigaw sa sarili ng lalaking iyon. Inalala nga niya ang kanyang pamilya sa labas ng Main City at napaiyak na lamang siya dahil mukhang hindi na niya makikita ang mga ito.
Napaseryoso naman si Gladius nang sandaling iyon nang huminto sa paglalakad si Saber. Nakaharap nga ang mukha nito sa direksyong pinagmulan ng pagsigaw kanina.
“May emosyon ka na ba?” tanong na lang ng Eternity sa sarili niya nang subukang tingnan ang mukha ng bulag na kanyang kasama. Kaso, nang makikita na niya ito ay bigla na lamang lumakad muli ang binata na naging dahilan upang mabunggo ito sa kanya nang hindi inaasahan.
Napaseryoso na nga lang si Gladius. Siguro, kung sa labas ng special facility ito naganap at isang normal na inidibidwal lang si Saber ay baka naging abo na ito dahil sa pagbangga sa kanya. Kaso, pinili niyang maging kalmado.
“Akala ko ay may tinitingnan ka,” nakangiting wika nito. Pinipilit na lamang niyang maging mahinahon dahil walang sinuman ang dapat bumabangga nang ganoon sa isang Eternity. Inisip na nga lang niya na bulag itong batang ito at kailangan niya ito para sa kanilang hinahangad na mas malakas na kapangyarihan.
“Wala po,” sagot naman kaagad ni Saber at doon na nga nagpatuloy sa paglalakad ang dalawa. Kusa namang bumukas ang pinto sa dulo at dinala sila noon sa isang mahabang daanan na tanging ilaw lang sa gilid ang makikita. Kusa rin ngang nagbukas ang dulong pinto nito at doon na nga sila pumasok sa isang lugar na kung saan ay makikitang may mga naglalaban-laban sa loob ng isang protected battle area. Ito nga ay ang kanilang mga taong pinag-e-eksperimentuhan.
Maririnig nga sa loob ang malalakas na pagyanig ng lupa at pagsabog. Malalakas na kapangyarihan din ang kumakawala sa mga naroon at habang nangyayari iyon ay makikita naman ang marami pang nakaputi ng kasuotan sa gilid na busy sa pagre-record ng lahat ng datas na made-detect ng sensors nila mula sa kanilang mga specimens.
Oras-oras nila itong ginagawa at itinitira nila ang mga matitibay na taong tinurukan nila ng kung ano-ano. Marami na ring mga namatay sa ginagawa nilang ito, ngunit sa kabila noon ay patuloy pa rin sila sa pagkuha ng mga Sediments sa labas ng Main City para sa kanilang mga researches. Wala silang pakialam sa emosyong ipapakita ng mga ito. Ang tangi kasing nasa isip ng mga naritong nakaputi ay sundin ang utos sa kanila ng walong Faladis Eternity… at iyon ay ang makalikha sila ng mga pambihirang superhumans na madadala nila sa nakaraan para mas maging malakas ang hukbo nila para roon. Kasama rin nga sa ginagawa nilang ito ay ang pagtuklas sa isa pang paraan kung paano pa magiging mas makapangyarihan ang kanilang mga panginoon upang wala na talagang sinuman ang may kakayahan na sila ay matalo pa. Sa nakaraan man, o sa kasalukuyang panahon na kanilang kinabibilangan.