Chapter 2

2738 คำ
LAMPAS na ng tanghali na nang makauwi si Perla mula sa paghahanap niya ng mapapasukang trabaho sa Poblacion. Sa mga pinasahan nga niya ng resume ay ni isa ay puro wala raw bakante. Ang natitira nga sana niyang plano ay ang mamasukang kasambahay, kaso, dumating at lumitaw naman bigla ang isang lalaki na nagngangalang Francis na nanlibre ng banana cue sa kanya. Isang trabaho ang inalok nito at naaalala pa rin niya ang reaksyon ng mukha nito nang mabasa ang kanyang bio data. “Perla pala ang name mo. Nasaan dito ang Lorna?” Wala siyang ibang nagawa kundi ang mag-peace sign. Mukhang sira na raw kaagad ang credibility niya, kaso sabi ng lalaking iyon ay tatawagan na lang daw siya nito kapag approve sa kanyang amo. Isa pa, parang may kaseryosohan nga bigla ang itsura ng binata habang binabasa ang infos ni Perla sa ibinigay na papel sa kanya. Parang ito nga ang kasabihan ng mga HR sa mga hindi tanggap na aplikante… Tatawagan na lang. “Legit kaya ang lalaking iyon?” “Huwag naman sanang scammer…” “Basta, hindi ako maglalabas ng pera kapag nanghingi siya. Isa pa, sa farm lang naman. Sisiw lang sa akin iyon!” Pasimple pa nga siyang napatingin sa kanilang palayan at naalala niya ang mga panahon na nag-aararo siya rito kahit siya ay babae. Naaalala rin niya nang sumasakay pa siya sa likod ng kanilang kalabaw na naubos na nga dahil daw sa lintek na illegal recruiter na iyon. Muntikan pa ngang maisangla ang palayan nila dahil doon, at mabuti na lang daw talaga at hindi iyon nangyari… “Dahil kung hindi, baka lalo na kaming walang-wala,” sabi pa ni Perla sa sarili na pagkapasok sa loob ay ang pag-inom kaagad ng tubig ang kanyang ginawa. Napatingin pa nga ang dalaga sa kanyang cellphone at napakamot sa ulo, dahil paano raw siya matatawagan noong lalaki, gayong wala namang signal dito sa bahay nila. “Mukhang kailangan ko nang maghanap ng trabaho uli bukas…” sabi pa ni Perla habang nagtatanggal ng damit para magsuot ng pambahay. Gaya nga ng palagi niyang suot dito sa kanila, isang lumang shirt na may mukha ni Mayor na ginamit pa noong eleksyon at ang jogging pants niya noong highschool na nangupas nang kulay maroo ito. Wala ang kanyang nanay at tatay kaya nagtingin siya sa lutuan nila at mukhang kumain na raw ang mga iyon base sa natitirang kanin sa kaldero. Naalala nga niyang hindi nga pala siya nakapagtanghalian dahil sa banana cue lang naman ang pinakain sa kanya noong lalaki. Kumuha na nga siya ng kanin at inilagay sa plato nilang mangkok. Naghugas siya ng kamay at napa-isip kung may ulam ba kaya sila. Sa lamesa nga ay may nakita siyang may takip na tasa at nang buklatin niya ay may gulay roon. Ginataang dahon ng gabi na mukhang tira na lang talaga ito para sa kanya. Itinaktak na nga niya ang ulam na iyon sa kanyang medyo malamig nang kanin at nagsimula na nga niyang lamasin ang pagkain niya gamit ang kanyang kanang kamay. Kumain siya nang nakakamay lamang. Ito ang nakasanayan niyang klase ng pamumuhay rito, at minsan nga ay iniiwasan niyang gawin ito lalo na noong mga panahong ang utak niya ay ang pag-a-abroad. Gumagamit daw kasi roon ng kutsara at tinidor, at hindi rin nakataas ang paa sa upuang pahaba na kahoy. “Kaso, na-scam ka… Tsaka, mas masarap kumain nang nakakamay… Bakit ba?” sabi pa ni Perla sa kanyang isip na makalipas ang Ilang minuto ay natapos na siya. Pagka-inom niya ng tubig ay kaagad niyang hinugasan ang pinagkainan niya. Sandali siyang nagpahulaw at doon na nga siya lumabas ng kanilang bahay. Napatingin pa nga siya sa nag-aaway na manok sa tabi niya, ang natitirang dalawang papalaki pa lang na alaga nila. Binugaw niya ito. “Hoy! Huwag kayong mag-away! Dadalawa na nga lang kayo… Magmahalan na kayo,” sabi ni Perla na sa pag-upo sa harapan ng dalawang manok na iyon na tila parehong lalaki ay kaagad itong tumakbo palayo sa kanya. Pasimple nga niyang tinanaw ang kanilang palayan at hindi niya makita rito ang kanyang nanay at tatay. “Saan kaya nagpunta ang mga iyon?” tanong niya at isinuot na nga niya ang kanyang sumbrero sa ulo na may pangalan pa rin ng kandidato. Medyo hindi nga rin mainit ngayon dahil sa may kaunting kulimlim sa langit na tila uulan daw yata mamayang pahapon. Napatingin nga siya kung may sinampay silang damit at mayroon nga. “Hindi pa naman siguro uulan bigla. Hanapin ko muna sina Tatay,” sabi ng dalaga na kaagad na tumapak sa pilapil ng kanilang palayan na mukhang sa susunod na araw ay pwede nang araruhin para sa pagpapatubig dito. Ang iniisip na nga lang niya ay kung saan sila hihiram ng kalabaw at gamit para rito. Naibenta na kasi nila ang mga gamit nila sa pagsasaka na ilang dekada na nilang ginagamit. Kung iisipin ay hindi naman sila sobrang hirap, kaso, talagang minalas lang talaga siya sa nangyari sa kanya sa Maynila. Amoy na amoy na nga niya ang mainit na singaw ng putik ng palayan na kanyang dinaraanan at nakikita nga niya ang paglipad pa ng mga ibon sa ilang bahagi nito. Sa kabilang dulo ay makikita niya naman ang bakod na humaharang sa ilang ektaryang farm na naroon. Ito ay dating pagmamay-ari ng kanilang mayor, kaso, mukhang ibinenta raw ito noong mag-eeleksyon. “May kaedadin ko kayang anak na lalaki ang mga nakabili ng farm ni Mayor?” “Baka pwede akong maging asawa.” Napatawa si Perla na patalon-talon pa sa pilapil. Napatawa na nga lang sa isip si Perla at narating na nga niya ang hangganan ng kanilang palayan. Ngayon ay naglalakad na siya sa kalsadang lubak dito na puro uka na may mga lamang tubig ang gitna. Ito ay nadaraanan din naman ng mga four-wheel vehicles, kaso, madalang lang din naman dahil sa wala na ring gaanong naninirahan sa parteng ito ng kanilang barangay. Nakita nga niyang bukas ang gate ng bakod ng farm. Sa pagkakatanda niya ay purong farm lang talaga ito at dati raw ay may hindi kalakihang bahay pa ito sa dulo, kaso, nawala na rin iyon at ginawa na lang na parang water system ng malawak na lugar na ito. Halos lahat daw yata ng gulay, prutas, palay at maging mais ay makikita rito. May kanya-kanyang lokasyon ang mga klase ng pananim na pagkain dito na kung papasukin at lilibutin ay baka abutin nang isang buong araw. Pasimple nga siyang sumilip sa loob at nakita niya na may isang bahay na pala sa hindi kalayuan mula sa gate ng farm. May dalawang tao ang ngayon ay nakaupo sa labas noon at hindi siya maaring magkamali, ang nanay at tatay niya ito. Napangiti nga siya at naisipan na ring pumasok sa loob. Curious din kasi siya sa itsura ng lugar na ito sa loob. Kaso, ilang hakbang pa lang ang ginagawa niya ay may nagsalita na lang bigla mula sa kanyang likuran. “Miss! Tresspassing ka,” wika ng isang lalaki na naka-jacket ng puting puro natuyong putik ang halos kabuuan. Ang maong na punit-punit na pantalon naman nito ay makikitang ganoon din, marumi na rin at lalo na sa paa nito’t tsinelas na tila bumaon pa sa isang malalim na putikan kung oobserbahan. Nakasuot nga ito ng sumbrero na gawa sa buli at may towel pa nga ito na nakapatong sa balikat na marumi na rin. “Ay pasensya po! Pupuntahan ko lang po ang nanay at tatay ko para sabihing nakauwi na ako,” sabi nga ni Perla na may kaunting kaba na agad na hinarap ang pinagmumulan ng boses na nagmula sa kanyang likuran. Nang magkaharap na nga ang dalawa ay doon na sila kapwa natigilan sapagkat nagkita na sila bago pa ito. “I-ikaw? A-ano’ng ginagawa mo rito?” bulalas ni Perla na gulat na gulat nang makita ang lalaking nakita niya kanina sa bayan. “Ito ang farm na sinasabi ko sa iyo. Tinatawagan nga kita kanina noong nasa bayan pa ako… kaso.” “Walang signal dito…” sagot kaagad ni Perla at natatawa siya sa kanyang sarili dahil kung dito sa farm na ito ang tinutukoy ng lalaking ito ay hinding-hindi na niya ito tatanggihan. “Like what I see sa bio data mo. Ito nga ang barangay na iyon. What a coincidence,” natatawang wika ng binatang si Francis. Si Perla naman ay napaseryoso dahil may pa-english-english pa raw na nalalaman ang lalaking ito. LAKING-GULAT nga ni Perla nang bigla na lamang lumitaw ang lalaking nakita niya kanina sa bayan. Ito rin nga ang lalaking nag-alok sa kanya ng trabaho sa farm ng amo nito. Iniisip nga niya na baka trip lang ang trabahong iyon, pero heto na nga ang lalaking nagngangalang Francis… nakita niya rito mismo sa lugar kung saan siya nakatira. “I-ibig-sabihin… Ito ang farm na pagtatrabahuhan ko kapag pumayag ang a-amo mo?” tanong pa nga ni Perla at ang mga magulang naman niya sa loob ng bakod ay eksakto nga rin na nakita sila sa may gate. Pagtango naman ang tugon ng lalaking nasa harapan niya. “Ito nga, at mukhang tatanggapin mo na… Kasi, mukhang dito ka rin pala nakatira,” nakangiting wika ni Francis na masayang pinagmasdan ang babaeng kulot ang buhok na kausap niya. Ibang-iba raw ang dating nito ngayon sa suot nitong pambahay. Talagang laking-bukid ito kung kanya raw pagmamasdan. Ito raw siguro ang dahilan kaya hindi ito maputi gaya noong ibang babae na nakikita niya. “Perla! Dumating ka na pala.” Narinig naman ng dalawa na may nagsalita sa likuran nila. Ito nga ay ang nanay ng dalaga na kasunod na nga ang kanyang tatay. “Manong Fernan, Manang! Kakilala po ninyo siya?” tanong naman kaagad ni Francis dahil nakita niya na ang mag-asawa ay sa babaeng kasama niya nakatingin. “Oo! Siya ang anak namin, iyong kinikwento namin sa iyo,” nangingiting sabi kaagad ng tatay ni Perla. Napatawa na nga lang si Francis nang mapatingin kay Perla. Habang ang dalaga, agad na lumingon at sumama ang tingin sa kanyang mga magulang. “T-tatay? A-ano’ng kinikwento?” “N-nanay?” namumula ang ilong ni Perla habang nakatingin sa magulang niya na napapatawa na lamang. Ang kanya ngang nanay ay nakita niyang pinalo pa sa braso ang asawa nito. “Bakit ganoon kasi ang sinabi mo?” sabi ni Nanay Hermenia sa kanyang asawa. Parang maiiyak tuloy si Perla dahil doon, tapos ang lalaking nasa likuran naman niya ay ngiting-ngiti na lang sa kanya. “Nanay naman… Bakit ninyo ako tsinismis dito? Hindi ko naman ito kilala… Nakakainis kayo ni Tatay,” sabi ng dalaga. “Ito kasing tatay mo, gustong ipakilala ka sa nakabili nitong farm. Binata raw iyon anak at halos kaedadin mo lang din, o mas matanda pa nang kaunti…” “Ilang taon na nga siya toy? Iyong may-ari nitong farm?” tanong pa ng nanay ni Perla kay Francis. “Twenty-seven po nanay. Ilang taon na po ba ang anak ninyo?” sagot naman ng binata at si Perla ay parang lalo nang nahiya sa lalaking nasa likuran niya. “Tamang-tama, twenty-six itong anak namin… Ano ba kaya ang tipo na babae ng amo mo? Huwag naman sanang mestisa… kasi bagsak na kaagad ang anak naming ito,” wika pa ng nanay ni Perla. Ang dalaga naman ay wala ng nagawa kundi ang mapasigaw para patigilin ang kanyang magulang sa pagsasalita. Napatawa tuloy si Francis nang makita ang reaksyon ng dalaga. Nang marinig naman ito ni Perla ay napakuyom siya ng kamao at nilapitan ang amoy-pawis na lalaking iyon. “Ano’ng tinatawa-tawa mo? Akala mo ba’y nakakatuwa ka?” pasungit na wika ni Perla at ang magulang nga niya ay nagsalita na. “Pengpeng, tama na iyan… Malay mo naman, ikaw mandin,” sabi pa ng ama ng dalaga na mukhang gustong-gusto talagang i-push ang anak niya sa amo ni Francis. “P-pengpeng?” bigla namang sambit ng binata at doon na nga lalong nakaramdam ng hiya ang dalaga. “Ihhh! Nanay naman… Tatay! Nakakahiya. Pati ba naman ang pangit kong palayaw ipapangalandakan pa ninyo?” Kahihiyan nga para kay Perla ang nangyaring iyon. Nalaman kasi niya na kung ano-ano ang kinwento ng magulang niya kay Francis na tungkol sa kanya, para lang ireto raw sa binatang may-ari nitong farm. Oo, maganda rin naman daw iyon. Nasa isip din naman niya na siguro raw, kapag mayaman ang kanyang napangasawa ay baka mangyari na rin ang pinapangarap niyang buhay. Ang maging mayaman! Ang mabili ang lahat ng gusto niya… ang makaalis sa lugar na ito. Ngayon nga ay magkakasama na sila sa gilid ng bahay na tinayo ng katiwala ng farm na si Francis. Ito ay sa tulong din ni Ka Fernando noong unang mga araw niya nandito siya. Makikita ngang nagkukwentuhan ang tatay ni Perla at ng binata tungkol sa mga pwedeng ayusin dito sa ekta-ektaryang lupaing ito ng kanyang amo. “Pansamantala kaming magtatrabaho rito, sasamahan namin si Francis dahil medyo hindi raw siya gaanong maalam sa ganito,” sabi naman ng nanay ni Perla sa anak na kanyang katabi ngayon. Busy nga sila sa pagkakayas ng dahon ng niyog na gagawin daw nilang walis. “Eh? Hindi siya marunong? E bakit iyan ang kinuhang magbabantay rito? Hindi yata nag-iisip ang nakabili nito… Kung kukuha siya dapat ay iyong marunong. Kaya naman pala noong nakita ko sa bayan ay may pa-english-english pa ang mokong na iyan,” wika pa ni Perla na ikinaseryoso ng nanay niya dahil ang lakas ng bunganga nito. “Itigil mo nga Pengpeng iyang bunganga mo. Mabuti nga at mabait si Francis, siya ang nagsabing samahan namin siya rito at papasahurin daw kami ng kanyang amo,” sabi nga ni Aleng Hermenia matapos ilatag ang tingting na hawak niya. “Nakita ko rin siya nanay sa bayan kanina, nagbigay nga ako sa kanya ng bio data ko… Tapos dito lang pala. Pero siguro, tanggapin ko na rin… Kaysa naman sa wala…” mahinang winika ni Perla na parang nalungkot. “Lalo pa ngayon nay, kailangang-kailangan natin ng pera… Hays…” “Okay lang iyan anak… Makakaraos din tayo,” nakangiti namang wika ng nanay ng dalaga at ngayon nga ay nasa likuran na rin nila ang tatay niya na kasama si Francis. “Pengpeng, ikaw muna ang bahala rito… Aasikasuhin muna namin ni nanay mo ang ating palayan,” sabi nito at tumayo na nga rin ang asawa nito matapos na itali ang maraming tingting na kanyang nagawa. “H-huh? Sasama na ako nanay… Iiwanan ninyo ako sa lalaking bago lang ninyong kakilala? Nanay naman… Tay!” sabi pa ni Perla at napatikhim na nga lang si Francis para sabihing naririnig niya iyon. “Mabait naman itong si Francis anak, isa pa, noong nasa Maynila ka, kakilala na namin siya…” nakangiting wika pa ng kanyang tatay at doon na nga si Perla napaseryoso ng tingin sa kanyang mga magulang. “Huwag ninyong sabihing alam din niya ang nangyari sa akin?” may paglungkot na wika nga ni Perla at doon na nga rin natahimik ang kanyang ama at ina. Naalala nga ni Francis kung paano ikwento ng mag-asawa ang anak nilang mag-a-abroad. Proud na proud nga ang mga ito at hindi niya maiwasang matuwa dahil dito. Parang may kurot sa dibdib niya ang kwentong iyon dahil ni minsan ay hindi naging proud sa kanya ang mga magulang niya. “Huwag kang magalit sa kanila Perla… Kung alam mo lang kung gaano ka-proud sa iyo ang parents mo… Mahal na mahal ka nila at natutuwa akong malaman na ikaw pala ang anak nila,” may ngiting winika ng binata at kasabay nga rin noon ay ang mahinang pag-ihip ng hangin sa paligid. Isang maliit na ngiti nga ang sumilay sa labi ng mag-asawa at si Perla ay napabuntong-hininga na nga lang. Ngumiti na siya at sinabi sa nanay at tatay niya na okay na. “Uupakan ko naman itong lalaking ito kapag may masamang ginawa sa akin!” winika nga ni Perla habang nakatingin kay Francis na ngiting-ngiti nga sa kanya. Umalis na nga ang magulang ng dalaga at ngayon, may trabaho na nga si Perla. Ito ay nang kamayan na niya si Francis bilang pagtanggap sa alok nito kanina sa bayan. Isa pa, pabor din daw sa kanya ito dahil hindi na siya mangangailangan ng pamasahe araw-araw.
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม