NAWALA ang kaba ni Erza nang imulat ng kapatid niyang si Ezel ang mata nito. Nakahiga ito at nababalutan ng tela ang katawan dahil sa mahabang sugat na nilikha ni Marco rito.
"A-ate? Paumanhin... W-wala akong nagawa..." pilit na sabi ni Ezel na makikita ang nakakawang itsura dahil sa nangyari.
"'Wag ka na ngang magsalita! Pabayaan mo na. Ayos na ang lahat. Ayos na rin ako," nakangiting sabi ni Erza at sa huli ay nagpasalamat siya sa kapatid dahil sa ginawa nito.
Samantala, sa labas ng bahay ni Erza na gawa sa pinagdikit-dikit na basura. Nandoon naman ang binatang hindi pa makilala ang kung sino siya. Nakaupo siya sa isang malaking yero habang nakatingin sa kawalan. Pinagmamasdan niya lang ang kanyang palad magmula kanina.
Habang tinitingnan niya ang kanang palad niya ay nakaramdam siya nang pagtataka. Isang malabong marka ang lumilitaw sa isip niya pero hindi niya alam kung ano iyon. Wala namang kahit ano sa palad niya pero pakiramdam niya ay may parang mali at kulang dito.
"Sino ba ako? Paano ko rin nagawa ang bagay na iyon kanina? Ang bilis ko at ang lakas na naramdaman ko kanina? Normal ba iyon?" tanong niya sa sarili habang ikinukuyom nang paulit-ulit ang kanyang palad.
"Narito ka lang pala!" Napalingon siya sa likuran niya. Nandoon si Erza, at nakahawak sa espada nitong nasa tagiliran.
"Salamat nga pala sa ginawa mo kanina. Paano mo nagawa iyon? Malakas si Marco, isang kawal ng palasyo ang ama niya, pero 'yong ginawa mo kanina... Hindi talaga ako makapaniwala," sabi ni Erza habang nakatingin sa malayo.
"Hindi ko alam. Hindi ko nga rin kilala ang sarili ko," sagot agad ng binata.
"Sabi ko nga... Siguro dapat na kitang bigyan ng pangalan. Ayos lang ba?" Sinipa-sipa ng dalaga ang isang maliit na lata na nasa tapat niya.
"Ayos lang." Inikot-ikot naman ng binata nang marahan ang bisig niya na parang pinapakiramdaman.
"Ahmmm... Ayos lang ba kung tawagin kitang... Honoo?"
"H-honoo?" tanong ng binata.
"Oo, ibig-sabihin. Apoy. Nakita kita sa kalagitnaan ng sunog noong isang linggo. Ewan ko nga kung paano ka napunta roon," paliwanag naman ni Erza.
"A-apoy?" Napahawak bigla ang binata sa ulo niya. Parang may kung ano kasing imahe ang nakita niya, pero malabo pa rin iyon.
"M-may naalala ka na ba?" Napahawak agad si Erza sa balikat ng binata. Parang nag-alala siya bigla.
"W-wala pa," sabi ng binata at napatayo na ito.
"Sige, ako na si Honoo," dagdag pa nito. Nginitian ng binata si Erza at pagkatapos ay seryoso siyang tumingin sa malayo. Makikita niya ang mataas na harang na naghihiwalay sa Gomi, ang tapunan ng basura ng kaharian at ng mismong kaharian ng Ken kung nasaan ang tinatawag na kasaganaan at karangyaan.
"Naisip ko lang, sigurado ako, babalikan tayo ng M-marco ba iyon?" ani pa ng binata. Napahigpit naman ang kapit ni Erza sa hawakan ng espada niya dahil doon.
"Sigurado iyon. Kaya nga nagsasanay ako para hindi na nila ako kaya-kayanin," sagot naman ng dalaga.
"Madali lang ba ang paggamit ng espada?" tanong naman ng binata na napatingin sa dalaga.
"Madaling gumamit pero ang mga abilidad at teknik sa paggamit nito, mahirap."
Sa kaharian ng Ken, ang lahat ng babae at lalaki na nasa edad sampu pataas ay kinakailangang magkaroon ng espada. Isa ito sa tradisyon ng kaharian na kailangang sundin ng lahat. Sa espada rin nakilala ang kaharian dahil ang mga kawal ng palasyo, lahat sila ay may mga pambihirang abilidad sa paggamit ng ganitong sandata.
"Paano ba ako makakakuha ng espada? Saan?" seryosong tanong ng binata.
"May lugar dito sa Gomi kung saan may mga espada. Iyon ay ang sementeryo... Sementeryo ng mga espada. Doon itinatarak ang mga espada ng mga namatay na kawal. Doon ko rin nakuha ang espada ko," nakangiting paliwanag ni Erza.
"Gano'n ba? Samahan mo ako mamaya roon... Pero bago iyon, puntahan muna natin ang kapatid mo," sabi ng binata.
"Alam mo, parang ayos ka lang kung magsalita. Parang wala kang problema sa alaala mo. Parang ang husay mo," nakangiting sabi ni Erza habang pasimpleng nakatingin sa binata.
"Hindi naman siguro. Nakakatawa ang joke mo..." bigla namang nasabi ng binata.
"J-joke?" pagtataka ni Erza sa narinig niya mula sa binata.
"Joke. Biro. Bakit?" tugon ng binata.
"Ngayon ko lang narinig ang salitang iyon. Siguro, sa lugar mo, may mga gan'yang salita?"
Napaisip ang binata sa sinabing iyon ng dalaga.
"Sa lugar ko?" nasabi na lang ng binata at napatingin na naman siya sa malayo.
*****
KINAHAPUNAN, isinama ni Erza si Honoo sa libingan ng mga espada. Isa itong bakanteng lupang napapaikutan ng basura. Napakaraming espada ang nakabaon doon. May iba't ibang anyo ang bawat isa. May ilang makintab pa at marami na rin ang kalawangin na.
"Pumili ka na ng espada. Diyan ko rin nakuha si Kori." Napatingin nga nang seryoso si Honoo sa dalaga dahil sa narinig niya.
"K-kori?"
"Kori. Iyon ang pangalan ng espada ko. Alam mo. Isa rin sa tradisyon ng kaharian ng Ken ang pagbibigay ng pangalan sa espada nila. Ang espada kasi, hindi lang ito basta kasangkapan para sa amin dahil naniniwala kami na may buhay rin ito," paliwanag ni Erza.
"G-gano'n ba? S-sige, pipili na ako ng espada." Bumaba na si Honoo sa libingan ng espada. Agad niyang hinugot mula sa lupa ang unang espadang nasa harapan niya. Isang may kalumaang espada iyon at puno ng tapyas na ang talim. Ang hawakan nito ay kulay pula at may naka-ukit na parang ibon dito.
"Iyan na ba ang napili mo?" tanong naman ni Erza mula sa taas ng basura.
"Ayos na siguro ito," sagot ni Honoo at tumalon na siya pabalik sa p'westo ng dalaga.
"Mukhang maganda ang espada mo. Pahiram nga," wika naman mg dalaga. Iniabot naman agad ni Honoo ang espada niya.
"A-ayo---" Hindi na naituloy ni Erza ang sasabihin niya nang mapayuko siya dahil sa espada.
"A-ang bigat ng espadang ito..." Pinilit na maiangat ni Erza ang espada. Nagawa naman niya pero halatang nahirapan siya.
"Mabigat pala ito?" tanging nasabi naman ng binata. Kinuha niyang muli ang espada at iwinasiwas sa hangin nang walang kahirap-hirap.
Napahanga naman si Erza sa nakita.
"Talagang may taglay ka ngang lakas Honoo... Napapaisip tuloy ako kung sino ka ba talaga at kung saan nanggaling."
"Gano'n din ako," tugon naman ni Honoo. Napatingin pa nga siya sa isang malaking troso na nakatayo sa hindi kalayuan mula sa kanila. Naalala niya ang ginawa ni Erza kaninang umaga.
"Tumabi ka muna," seryosong sabi ni Honoo kay Erza. Hawak ng kanang kamay niya ang espada. Inalala niya ang ginawa ng dalaga kanina.
"A-ano'ng gagawin mo?" pagtataka ng dalaga.
"Basta..." Huminga nang malalim si Honoo. Isang mabilis na hakbang pauna ang kanyang ginawa. Niluwagan niya pagkatapos ang paghawak sa espada. Inipon niya ang bigat ng katawan sa mga binti niya at isang mala-hanging abante ang ginawa niya palapit sa nakatayong troso. Malumanay man pero mabilis niyang iniwasiwas ang espada niya papunta roon.
ISANG malakas na hangin ang kumawala sa kinatatayuan ni Honoo. Lumampas siya sa troso. Kasunod noon ay ang pagkakahati noon sa dalawa. Isang malakas na pagsabog din ang yumanig sa paligid matapos iyon.
"I-imposible..." Iyon ang lumabas sa bibig ni Erza. Kitang-kita ng dalawang mata niya kung paano kumawala ang isang matalas na tila liwanag na talim mula sa espada ng binata. Dumiretso iyon papunta sa mataas na pader na medyo may kalayuan pa mula sa kanila. Kasunod noon ay ang pagtama sa pader na nag-ugat para magkaroon ng pagsabog.
"A-ang galing mo..." nauutal na sabi ng dalaga. Napahigpit ang hawak niya sa kanyang espada. Nakaramdam siya bigla ng hindi maipaliwanag na determinasyon. Naisip niyang maging mas malakas pa.
"M-magaling na ba 'yon? Ginaya ko lang kung ano ang ginawa mo kanina." Napapangiti na lang si Honoo sa papuri ni Erza.
"T-teka... Ano ba'ng ipapangalan mo sa espada mong 'yan?"
Napaisip si Honoo sa tanong ng dalaga.
"Hikin... Tama! Hikin ang itatawag ko sa espadang ito." Nagtaka nang bahagya ang binata sa pangalang nasabi niya. Hindi niya alam kung saan niya nakuha iyon dahil kusa na lang niyang nasabi ito at para raw pamilyar.
"Maayos ang pangalan. O, pa'no? Magsanay na tayo. May alam akong lugar na pwede iyon." Napangiti si Erza matapos sabihin iyon.
"N-ngayon na?" tanong naman ni Honoo.
"Oo! Para marami ka ng malaman tungkol sa espada. Malay natin, habang nagsasanay tayo, may maalala ka." winika ng dalaga na nagsimula nang lumakad.
"Oo nga. Sige, tayo na," sagot na lang ng binata. Habang sila nga'y naglalakad ay napatingin pa siya sa mataas na pader. Nakaramdam siya bigla na parang gusto niyang makita ang kaharian ng Ken.