Apoy 10

2198 คำ
"Magmula ngayon, magkakaibigan na tayong apat? Malinaw ba iyon?" sabi ng batang si Fernan sa tatlo pa niyang kasama.   "A-ah, sigurado ba kayo na kasama ako?" tanong naman ni Marcelo sa tatlo. Hindi kasi siya makapaniwala dahil ang pinaka-astig na estudyante sa esk'welahan ay isinasali siya sa grupo ng mga ito. Sila ay ang triplets na sina Luke, Cijay, at Fernan. Ang pinakamayamang estudyante, at pinakapopular sa Bagong Silang Elementary School. Mga grade six students ang mga ito at iginagalang ng lahat dahil sa pera. Kasama na rin dito ay ang pagiging mabuti rin ng mga ito sa kabila ng karangyaang mayroon ang mga ito. Sa bata nilang edad ay napakabuti na kaagad nila na ikinatutuwa ng marami pati na nga ang kanilang mga guro.   "Sigurado kami Marcelo! Cross our heart pa!" sabi naman ni Cijay na may kasamang ngiti.   "Gusto mo ba kaming maging kaibigan Marcelo?" tanong naman ni Luke na nakaakbay rito.   Lumapad agad ang labi ni Marcelo. Lumitaw nga ang ngiti at bunging ngipin nito.   "Gustong-gusto!"   Iyon ang pinakamasayang araw sa pagkabata ni Marcelo. Ang magkaroon ng mga kaibigan dahil bibihira siyang makahanap ng kaibigan. Madalas kasi ay takot ang mga kaklase niya sa kanya. Magmula nang grade one hanggang two ay lagi siyang nabu-bully, pero natuto siyang lumaban kaya marami ang umiwas na sa kanya. Kaya nga nang lumipat sa paaralan nila ang triplets, at naging kaklase pa ay laking-gulat niya nang siya ang piniling maging kaibigan ng tatlo.   "Ayos!" sabi pa ng apat at nagtawanan sila habang nakaupo sa sanga ng isang puno sa likuran ng kanilang school. Sa isang paligid na kung saan ang hangin ay sariwa at ang maputing ulap ay tila pinagmamasdan ang mga batang iyon.   *****   ISANG balita ang mabilis na kumalat sa halos buong panig ng mundo. Binalita na nga sa lahat ng istasyon ng TV at radyo ang isang matinding balitang naganap sa bansang Pilipinas. Isang higanteng robot ang bigla na lamang lumitaw mula sa ilalim ng bantayog ni Rizal, ang Luneta Park. Kung dati ay sa mga pelikula at anime lang makakakita ng ganitong uri ng nilalang... nang mga oras na iyon, ay naging totoo na ang lahat.   Higante kung maiituring ang laki ng robot dahil lampas na ito sa taas ng matataas na gusali sa siyudad. Yari ito sa matitibay na bakal na talagang nagkikislapan din sa tuwing nasisinagan ng araw. Tila katulad ito ng mga robot sa pelikulang Transformer. May mga binti na nababalutan ng tila pinagdikit-dikit na bakal at may katawan na napakalapad. Kulay pula ang mata nito at blangko pa ang lahat kung paano ito tumatakbo. May komokontrol ba nito? O wala?   Matapos lumitaw nang biglaan ang nasabing robot sa Luneta. Nagpakawala agad ito ng mga pulang laser beams na nagpasabog agad sa iba't ibang bahaging malapit sa lugar.   Sunod-sunod na pagsabog ang yumanig sa Kamaynilaan. Maraming residential area ang tinamaan noon. Ang National Museum, sa isang iglap ay sumabog. Naglakad na nga ang higanteng robot pa-silangan. Maraming lugar pa itong winasak at maraming tao ang binalot ng takot. Gumawa naman kaagad ng depensa ang AFP gamit ang kanilang mga tanke at mga eroplanong pandigma, pero walang nagawa ang mga iyon. Ni hindi nagalusan ng kanilang mga missiles ang higanteng robot. Ang SM Manila, nga ay walang awang tinapakan ng robot at patuloy rin ito sa pagtira ng mga laser beams papunta sa iba't ibang direksyon ng Maynila.   Wasak at lumiliyab na nga ang Hospicio de San Jose at naputol naman ang Ayala Bridge sa pagdaan ng robot dito. Hindi ito mapigilan ng militar at pulisya. Mabilis na ngang humingi ng tulong ang Pangulo ng bansa sa USA at iba pang karatig bansa kaso, ilang oras pa ang itatagal bago makarating ang mga iyon dito. Aalis na nga rin sana ng Malacañan Palace ang Pangulo para umiwas sa maaaring kapahamakan subalit isang laser beam ang direktang tumama sa lugar. Niyanig noon ang buong NCR. Tila isang bomba atomika sa lakas ang pagsabog na nilikha noon. Isang mala-puno na itim na usok ang tumaas papunta sa ere. Sa isang iglap nga ay patay lahat na ang mga nasa Malacañan, kasama na ang Pangulo.   Sa loob ng tatlumpung minuto mula nang lumitaw ang robot, ang halos kabuuan ng Maynila ay tila naging impyerno. Makikita sa kahit saan ang apoy, ang mga wasak na gusali, ang mga bangkay at mga taong umiiyak. Duguan at punong-puno ng takot ang bawat isa. Marami ang nagkukumahog na lumayo sa NCR at marami ring nawalan na ng pag-asa dahil sa robot na iyon na walang awang sumisira, at pumapatay ng ninuman.   *****   NAWASAK na ang lahat ng unibersidad na nakapaikot sa Mendiola. Patuloy lang ang higanteng robot sa paglakad at pagsira sa bawat makita nito. Hanggang sa biglang tila may mga pulutong ng uwak ang bumalot sa iba't ibang direksyon sa langit. Ang mga war jets ng mga kaalyadong bansa ng Pilipinas ay nagsidatingan na. Nagpakawala rin agad ang lahat ng iyon ng mga missiles. Mula sa silangan, ang USA, sa hilaga, ang pwersa ng Japan at South Korea. Mula sa Russia naman ang sa kanluran at mula sa Australia at Malaysia naman ang sa timog.   Sunod-sunod at napakalakas na pagsabog ang muling yumanig sa NCR at mga kalapit probinsya dahil doon. Tinamaan sa ulo ang higanteng robot. Kaso, nang mawala ang usok dito ay tumambad sa lahat ang mapupulang mata nito na nagliliwanag. Wala pang dalawang segundo, isang espada ang mabilis na lumabas sa kamay ng robot. Isa itong laser sword. Bigla nga itong naglaho at kasunod noon ay ang sabay-sabay na pagsabog ng lahat ng war jets sa kalangitan. Nangitim ang ere sa Maynila dahil sa maitim na usok mula roon. Hindi rin napigilan ng mga eroplanong pandigma ng ibang bansa ang higanteng robot.   "Hindi ninyo matatalo ang imbensyong ito..."   Mula sa mata ng robot ay may isang lalaki ang nakakubli. Maraming cable ang nakakonekta sa katawan nito at tila naglalabas ng kuryente ang katawan nito. Isa siyang binata na may kakayahang gumamit ng kuryente.   "Dahil dito... magagawa na nating masakop ang mundo... hindi lang ang Pilipinas..."   Humalakhak nga ang tatlong lalaki sa loob robot at lahat sila ay nababalutan ng itim na aura. Tila mga halimaw ang mga ito na handang-handang patayin ang sinumang hahadlang sa mga plano nila.   *****   NAGPATULOY sa pagsira ng paligid ang higanteng robot sa kalak'hang Maynila. Marami nang tao ang sugatan at namatay. Buhol-buhol na rin ang mga sasakyan sa kahabaan ng EDSA. Lahat sila ay nagmamadali para makaalis sa siyudad.   Sa tuktok ng Shangrila Mall sa Shaw, matatanaw ang higanteng robot na nasa malayo. Matatanaw rin ang maitim na usok na kumakawala paitaas. Ganoon din ang mga apoy na tumutupok sa maraming lugar. Sinabayan din ang pangyayaring iyon ng pagdilim ng langit. Tila delubyo. Tila katapusan na ng mundo... Ito ang tingin ng marami.   "Saan na ang sunod nating target?" tanong ng nasa gitnang lalaking nasa loob ng robot.   "Kahit saan. Alam n'yo ba? Naririnig ko ang sigawan ng mga tao. Ang sarap nilang pakinggan!"   Nagtawanan ang tatlo sa loob. Patuloy na sinuyod ng kanilang sandata ang siyudad. Kaliwa't kanan ang pagsabog na iniiwan nila. Sunod-sunod din naman ang pagdating ng mga fighter jets mula sa iba't ibang bansa. Pero ni isa sa mga iyon ay walang nagawa sa kanilang nilikha.   "Ito na ba ang paghahatol ninyo?" iyak ng marami sa itaas habang nakaluhod at duguan. Lahat sila ay nakatingin sa kalangitan. Sa isang iglap ay nawala ang pag-asa sa puso nila, sino nga naman ang tatalo sa higanteng robot na iyon na mismong ang malakas na pandigma ng mga malalakas na bansa ay wala ring magawa.   Pero, sa isang kadiliman ay palaging may sisibol na maliit na pag-asa na hindi basta makikita ng sinuman.   ISANG biglaang pagsabog sa kaliwang binti ng robot ang umalingawngaw at nagulantang ang tatlong lalaking nakasakay sa loob nito.   "Ano'ng nangyari?" sabi ng isa.   "Hindi ko alam! Teka, pagkakabitin ko uli ang mga bakal," sabi ng isa at may itim na aura ang lumabas sa katawan nito. Magnitismo! Ang kakayahang kontrolin ang anumang uri ng metal. Hindi ito dahil sa siyensya kundi dahil lamang sa kapangyarihan nakapaloob na sa sarili ng binata, kapangyarihang hindi pa alam ang pinagmulan.   "Lalabas ako... kailangan kong makita kung ano ang dahilan ng pagsabog na iyon," sabi naman ng isa sa tatlo.   Sa paglabas nga ng lalaki ay isang lumiliyab na suntok ang tumama kaagad sa mukha nito. Bumulusok agad ang binata sa ibaba at sumabog.   "Sino kayo!?"   Nagulat ang dalawang natitira sa loob ng robot dahil isang nakamaskara na binata ang lumitaw sa tapat ng mata ng kanilang sandata. Lumulutang ito sa ere at may espada ito sa likod. Nababalot din nga ng puting apoy ang kanang kamao nito.   "Aba, mukhang may hindi pangkaraniwang nilalang ang lumabas. Matagal na akong nabagot sa ilalim ng lupa... mukhang interesante ang isang ito... 'di ba, Luke?"   "Tama ka nga Cijay."   "Bigwasan mo nga, mukhang hindi pa nakaka-recover si Fernan sa ibaba."   Nayanig ang buong paligid nang suntukin ng robot ang misteryosong lalaki na lumilipad sa harapan nito.   "Mga gago kayo! Palalabasin ko kayo diyan," sabi ni Mars sa sarili. Napangisi siya habang nakikipagbuno ng lakas sa lakas sa higanteng robot. Isang malakas na sigaw ang kanyang ginawa, at lumiyab ang apoy niya sa kamay. Napaatras ang malaking robot dahil doon. Natumba rin iyon at nagkawasak-wasak dahil sa impact na nilikha ng kanyang kapangyarihan at lakas.   "Ang aura nila...tulad ng kay Lucifer."   Biglang isang tira ang tumama kay Mars. Nakita niya ang atakeng paparating pero hindi niya na nagawang iwasan iyon. Mabilis siya, pero hindi niya inaasahang mas mabilis ang laser beam mula sa ibaba. Mula iyon sa lalaking pinabagsak niya kanina lang.   "Gurahahaha! Akala mo, malakas ka! Panis ka pa rin sa akin!" sigaw ng lalaki at lumipad ito paitaas na nababalot ng itim na aura ang katawan.   "Hawak ko na! Kuryentehin mo nga Cijay! Garahahaha!"   Nagpupumiglas na si Mars dahil nabalot ang braso't binti niya ng makakapal na bakal. Tila nakagapos ngayon siya sa ere.   "A-ano 'to? Ba't parang ang lakas nila?" sabi ni Mars sa sarili at kasunod noon ay napahiyaw siya sa sakit nang isang napakataas na boltahe ng kuryente ang tumama sa kanya.   "Panis ang kupal na ito," sabi ng lalaking gumagamit ng kuryente.   "Patayin na natin..." suhestyon ni Fernan, ang lalaking may abilidad na gumamit ng laser beam.   "Oo nga," pagsang-ayon naman ni Luke na seryosong pinagmamasdan ang binata.   "S-sino ba ang mga ito?" tanong ni Mars sa sarili na umuusok pa dahil sa nangyari. Nagtataka rin siya dahil parang pamilyar sa kanya ang tatlong lalaking kalaban niya.   "Paalam na kupal!" sabi ng isa sa tatlo na kasalukuyang nababalot ng napakalaking boltahe ng kuryente ang kanang kamay.   "M-mga gago! H-hindi pa ninyo ako matatalo!" Nagliwanag naman ang katawan ni Mars. Napalibutan siya kaagad ng asul na apoy. Doon na nga unti-unting natunaw ang mga bakal na pumosas sa kanya.   "Labas! Fire Dragon!"   *****   NAGLIWANAG ang lugar na pinaglalabanan nina Mars. Pinalabas na kasi niya ang kanyang apoy na dragon. Kulay asul ang apoy na pumapalibot sa katawan noon at nagpaikot-ikot ito sa ere.   "Malakas ang isang ito ah... Isang Maharlika!" sabi ng isa sa tatlo.   "Gurahahaha! Maharlika pala... Dagdag kapangyarihan iyan!" Isang kadena naman ang kinuha ng isa sa lalaki. Nakapaikot iyon sa kanyang baywang. Nagtinginan din nga ang tatlo at tila nagkaintindihan.   Habang si Mars naman ay agad na sumakay sa ulo ng dragon. Inutusan niya iyon na bugahan ng apoy ang tatlong kalabang may itim na aura.   Isang malakas na pagsabog ang naganap sa Maynila dahil doon. Nayanig ang paligid dahil sa ginawang iyon ni Mars.   "Mainit iyon kupal..."   Nabigla naman si Mars nang lumitaw sa harapan niya ang tatlo. May hawak ang tatlo na mga kadena. Naging alerto naman siya at pinagliyab agad ang apoy sa dalawa niyang kamay. Sabay-sabay ngang sumugod ang tatlo palapit sa kanya. Mabilis naman siyang tumalon sa ere, kaso mabilis din ang tatlo na naging dahilan para masundan siya.   "Mabilis kayo huh... tingnan ko kung maabutan ninyo ako..." sambit ni Mars at ginamit na niya ang totoo niyang bilis.   "Ang bagal mo kupal!"   Nagulat na lang si Mars, naabutan pa rin siya ng tatlo habang lumilipad sa ere.   "Tingnan ko ang lakas mo laban sa kadena namin..." sabi ng isa at malakas nitong hinataw si Mars.   Napangisi naman si Mars at walang kahirap-hirap niya iyong sinalag gamit ang kanyang nagliliyab na kamay.   "Nakakataw--- a-ano i...itohh?"   Magyayabang pa sana si Mars pero bigla kumabog ang kanyang dibdib. Nakaramdam siya ng mabilis na panghihina. Napatingin siya sa tatlo at nakangisi ito habang ikinakadena ang kamay at braso niya.   "Ano ka ngayon Maharlika? Nagulat ka 'no? Hindi mo alam na ang kadenang ito ay mula sa batong Nega," sabi ng isa sa tatlong lalaki.   "S-sino ba kayo?" pilit na tanong ni Mars habang hawak-hawak siya ng tatlo papunta sa ibaba. Naglaho na rin ang apoy na dragon na kanyang pinalabas at muling nagdilim ang langit matapos nitong pagliwanagin ang paligid.   "Malalaman mo rin... Gurahahaha!"   Isang bilog na portal ang nilikha ng tatlo at pumasok sila roon, kasama nila si Mars na nanghihina. Naglaho na lang sila kasabay ng pagkawala ng lagusang iyon. Iniwanan nga nila ang Kamaynilaan na sira-sira at nasusunog.
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม