Apoy 16

2065 คำ
ITINAAS kaagad ang State of Emergency sa buong kapuluan ng Pilipinas dahil sa mga kaguluhang nagaganap sa iba't ibang panig ng bansa. Mga kaguluhang dati'y sa mga palabas lamang nakikita. Maging ang mga kalapit bansang tulad ng Vietnam at Indonesia ay nagtaas na rin ng National Emergency kaugnay sa mga nangyayari. Nababahala rin sila sa posibleng mangyari dahil kalapit bansa lang nila ang Pilipinas. Samantala, ang mga makapangyarihang bansa namang tulad ng Estados Unidos at Tsina ay sunod-sunod ang pagpapadala ng pwersang militar sa bansa. Ang United Nations nga ay nagtaas na rin ng International Emergency upang paghandain ang lahat ng bansa sa mundo sa mga posibilidad na pwedeng mangyari.   Libo-libong mga Pilipino na ang nasawi dahil sa mga nangyayari. Marami na ang takot na takot at nawawalan na ng pag-asa. Pakiramdam ng karamihan ay katapusan na ng mundo. Ito na raw ang paghahatol sa buong sangkatauhan! Ang kadiliman nga ay unti-unti nang kumakalat sa buong Pilipinas.   *****   SAMANTALA, sa probinsya ng Albay, kasalukuyang matatanaw sa itaas ang dalawang nilalang na may taglay na kapangyarihan. Si Izu, ang Prinsipe ng Tubig, na kapatid din ni Venus at si Jupiter na kasalukuyang nasa kontrol ng itim na kapangyarihan. Ang isa'y may asul na aura at ang isa naman ay itim.   "Jupiter! Labanan mo ang itim na kapangyarihang komokontrol sa 'yo!" malakas na sabi ni Izu matapos niyang magpakawala ng isang malakas na kapangyarihan. Ang asul niyang aura ay lalong lumawak habang nakikipagbanggaan sa itim na aura ng kalaban.   Ngumisi lamang naman si Jupiter sa sinabing iyon ni Izu. Kasunod noon ay nagpakawala siya ng napakalakas na itim na kapangyarihan. Umalpas ang napakalakas na hangin dahil doon at naramdaman iyon hanggang sa ibaba. Lumawak din ang sakop ng aura niyang itim at mas nahigitan pa ang kay Izu. Nagdidiklapan din ang nagdidikit nilang aura habang nagtutulakan sa ere. Dahil doon kaya mas naging malakas nga ang hangin sa itaas.   "H-hindi ito ma-maganda..." sambit ni Izu na biglang nahirapan sa pagpapalawak ng kanyang aura dahil sa lakas ni Jupiter. Pakiramdam niya ay idinidiin siya ng kapangyarihang itim kaya mas lalo siyang napapakuyom ng kamao. Napasigaw na nga rin lang siya para madaig ang itim na aura na doble na ang lawak kumpara sa kanya. Isa pa, hindi pa rin siya gaanong nakaka-recover sa huli niyang naging laban. Alam niyang wala siyang oras para magpahinga o tumigil, kaya dapat daw niyang matalo si Jupiter.   "Hihhih! Panis ka sa akin..." sambit naman ni Jupiter nang makitang nahihirapan ang kalaban. Kumislap din ang mga mata niya at unti-unting nabalot ng itim na aura ang kanyang kanang kamao. Sa isang kisap-mata'y bigla siyang naglaho.   "H-hindi ito maganda!" sambit naman ni Izu nang biglang lumitaw sa kanyang harapan si Jupiter. Kitang-kita rin niya ang kanang kamao nitong nababalot ng itim na aura at kasalukuyang bumubulusok patungo sa kanyang mukha.   "Tapos ka na... Taong Tubig! Hihhihhih!" bulalas pa ni Jupiter at pagkatapos, isang malakas na banggaan ang umalingawngaw sa buong paligid. Bumulwak din ang napakalakas na hangin at maraming butil ng tubig ang nagsitalsikan sa ere.   Napangiwi na lang si Izu dahil sa sakit. Sinalag niya ang napakalakas na suntok ni Jupiter gamit ang kanyang magkadikit na braso. Lumikha rin siya ng makapal na harang gamit ang tubig ngunit nakalusot pa rin doon ang suntok ng kalaban. Pinilit din niyang labanan ang impact para hindi siya tumalsik paibaba.   "M-malakas na kapangyarihan na sinamahan ng m-malakas na pangangatawan... Masyadong napakalakas ni Jupiter para labanan ko..." sambit ni Izu na agad napaatras. Hiningal siya at ramdam niya ang sakit na natamo niya. Kasalukuyan na ngang dumurugo ang kanyang dalawang bisig dahil dito.   Si Jupiter naman ay nakangiti lamang habang pinagmamasdan si Izu. Umuusok pa nga ng itim na usok ang isang kamao niya. Ramdam na ramdam niya ang umaapaw na kapangyarihan sa kanyang katawan.   "H-hindi na maganda ito... Masyadong pinalakas ng itim na kapangyarihan si Jupiter... Napakalakas niyon kaya hindi na rin niya magawang labanan ang pagkontrol nito."   "Ang ikinababahala ko lang ay ang kapangyarihan niyang nasa limampung porsiyento pa lamang... hindi ko siya matatalo kung hindi ko ilalabas ang lahat ng kapangyarihang mayroon ako! Wala na akong ibang pagpipilian!" pagbubunyag ni Izu sa sarili.   Nagsilakihan bigla ang mga bisig ni Izu at unti-unting lumaki ang katawan. Kasabay niyon ay ang pagsigaw niya nang malakas at sa isang iglap ay biglang lumawak ang sakop ng kanyang asul na aura. Nahigitan niyon ang kay Jupiter. Nagsiyanigan na rin ang lupa sa ibaba at napakalakas na rin ng hangin sa paligid. Nagsisitaasan din nga ang lahat ng tubig mula sa mga ilog at lawa papunta sa aura niya.   "Yahhhh!" Mas nagliwanag pa ang aura ni Izu at unti-unti nitong napapaatras si Jupiter. Mas yumanig pa ang lupa sa ibaba at may mga malalaking tipak na rin ng lupa ang unti-unting umaangat.   "Ipapakita ko ngayon sa iyo ang isandaang porsiyento ng aking kapangyarihan!" pagkasabi ni Izu noon ay bumulwak mula sa katawan niya ang isa pang napakalakas at napakataas na antas ng enerhiya.   Napatalsik ng ilang kilometro si Jupiter nang pakawalan na ni Izu ang buo niyang kapangyarihan. Lumabas na rin ang isang tubig na dragon. Pinapaikutan niyon ang prinsipe ng tubig at lumawak na nang lumawak ang asul nitong aura na nagpaliwanag sa buong Albay.   Unti-unting nagbago ang suot ni Izu, naging asul nang baluti ang kanyang suot. Tila mga kaliskis iyon na bumalot sa kanyang katawan. Ang tubig na dragon ay unti-unti ring nilamon ng kanyang katawan at nagkaroon ng marka ng dragon ang baluti niyang nasa tapat ng kanyang puso. Tumirik din ang kanyang buhok at nagkaroon siya ng asul na hikaw sa tainga. Patuloy pa rin sa paglawak ang kanyang aura hanggang sa tuluyan na iyong sumabog. Isang nakakasilaw na liwanag ang nilikha noon. Napapikit ang lahat ng nakasaksi doon maging si Jupiter.   "Paumanhin Jupiter, pero kailangan kitang talunin!" sambit na ni Izu pagkatapos noon.   TUMAMBAD kay Jupiter ang bagong kaayusan ni Izu. Nababalot ng asul na aura ang katawan nito at napapaikutan ng tubig ang kinatatayuan. Napangisi na lamang siya at pagkatapos ay bigla siyang naglaho. Lumitaw siya sa harapan ng Water Prince. Nabalot ng itim na aura ang kanyang kanang kamao at pagkatapos ay buong-lakas niya itong sinuntok.   Isang napakalakas na shockwave ang biglang kumawala sa itaas. Lumikha iyon ng napakalakas na hangin. Nakatayo pa rin nga si Izu sa itaas, seryoso at hindi manlang natinag kahit na nakadikit sa kanyang mukha ang kamao ni Jupiter.   "Iyan lang ba ang kaya mo?" sambit pa ni Izu at napaikutan ng tubig ang kanyang kanang braso. Ang kanyang kamao ay nabalot ng asul na aura at pagkatapos ay si Jupiter naman ang binigyan niya nang napakalakas na suntok sa walang depensa nitong mukha.   Isang malakas na shockwave muli ang kumawala mula sa itaas. Umabot iyon hanggang sa lupa na naging dahilan para lumikha iyon ng isang pahabang hukay. Nagsitalsikan din sa itaas ang napakaraming butil ng tubig habang si Jupiter naman ay halos mayupi ang mukha nang pilitin nitong makayanan iyon. Dumaloy sa buong katawan niya ang impact at tila nanginig ang kanyang kalamnan dahilan para makaramdam na siya ng sakit.   "A-arggguahhh!" Napabuga si Jupiter ng dugo hanggang sa tuluyan itong bumulusok paibaba. Isang malakas na pagsabog ang nilikha ng pagbagsak nito habang si Izu naman ay agad na sinundan iyon sa ibaba.   Hindi pa man nawawala ang usok sa pinagbagsakan ni Jupiter ay bigla na itong sumigaw nang malakas. Nayanig noon ang buong ka-Bikol-an hanggang sa isang napakalakas na itim na aura ang biglang bumulwak mula sa katawan nito. Nabalot pa nga ng makakapal at maiitim na ulap ang langit. Napilitan naman si Izu na magpakawala nang malakas na kapangyarihan para hindi siya mapatalsik ng papalakas nang papalakas pang kapangyarihan ni Jupiter.   "H-hindi ito maaari..." bulalas ni Izu na patuloy pa rin sa pagtayo dahil nagagawa na siyang patalsikin ng hangin. Ngunit hindi niya hinayaang mangyari iyon. Sumigaw rin siya nang malakas at pagkatapos ay bumulwak mula sa lupa ang napakaraming tubig. Nagsilbi iyong harang na pumapaikot sa kanyang kinatatayuan.   Nabigla na nga lang siya nang lumitaw bigla sa kanyang harapan si Jupiter na nababalot ng itim na aura ang kamao. Itim na rin ang mata nito at nanlilisik na nakatitig sa kanya. Napakuyom na rin kaagad si Izu ng kamao dahil doon. Nabalot nga iyon ng asul na aura. Nabalot din iyon ng tubig at sa isang kisap ng mata, nagtagpo ang kamao ng dalawang magkalaban.   TILA may isang napakalakas na bomba atomika ang biglang sumabog sa paligid. Mas yumanig nang malakas ang lupa at ang kinatatayuan ni Izu at Jupiter ay biglang nahawan. Isang malawak na hukay at isang pahaba at napakalalim na hukay ang nilikha ng salpukan ng dalawa nilang kamao. Ang itim na ulap sa kalangitan ay biglang nahati rin. Naglaban ang asul at itim na aura. Nagdidiklapan ang mga iyon habang nagbubungguan.   "Yahhhh!" sabay pa na sigaw ng dalawa at lalong yumanig ang lupa. Pareho silang ayaw magpatalo at patuloy na nagtutulakan gamit ang kanilang mga kamao.   "M-malakas ka nga talaga... P-pero... hindi ako magpapatalo!" Bumulwak mula sa kinatatayuan ni Izu ang napakaraming asul na aura ngunit hindi nagpadaig si Jupiter doon.   "Hihhih! Huwag kang umasa na matatalo mo ako!" Sumigaw pa si Jupiter at bumulwak din mula sa kinatatayuan nito ang napakaraming itim na aura. Nagsitaasan ang malalaking tipak ng lupa at maraming ipu-ipo ang lumitaw sa paligid. Unti-unti ring naitulak nito si Izu dahil doon.   "M-masama ito..." sambit ni Izu na pinipilit na humakbang pauna ngunit nadadala lang siya paatras ni Jupiter.   "Hindi mo ako kaya!" sigaw pa ni Jupiter. Nagsilabasan pa ang napakalakas na itim na kapangyarihan mula sa katawan nito. Napangiwi na si Izu at hindi na nga niya nagawang pigilan ang kapangyarihan at lakas ng kalaban.   Napatalsik palayo si Izu ngunit nagulat pa siya nang lumitaw bigla si Jupiter sa harapan niya. Tila may imahe ng isang napakabangis na halimaw ang makikita sa aura na itim nito.   "Nalintikan na!" bulalas ni Izu. Mabilis niyang ibinaba sa lupa ang kanyang mga paa. Pinilit niyang huminto mula sa pagtilapon kaso, dumausdos lang siya sa lupa habang si Jupiter naman ay nakangisi na pinakawalan ang suntok nitong mula sa itaas papunta sa kanya.   "B'wiset!" sambit pa ni Izu na agad ikinaybot sa lupa ang kanyang mga kamay. Pahiga ang kanyang pwesto habang dumadausdos. Kasunod din noon ay ang pagbulusok ng suntok ni Jupiter na nababalutan ng napakaraming itim na enerhiya.   Mula sa langit, tila isang bomba ang nalaglag. Pagkasuntok ni Jupiter ay lumikha iyon ng napakalakas na impact. Nayanig nang todo ang paligid, at kasunod noon ay ang pagkakabitak-bitak ng lupa. Maraming malalaking tipak dinng lupa ang tumaas nang halos kalahating kilometro at nagmistulang mga gusali ang mga ito dahil sa taas.   Nagpagulong-gulong naman si Izu na napatigil lang nang bumangga sa isang malaking tipak ng lupa. Napangiwi siya at agad na tumayo na hingal na hingal.   "P-patay na sana ako kung tinamaan ako no'n. H-hindi ko si-siya kayang talunin," sambit pa niya na tila kinakapos na ng hininga. Dumurugo na rin ang braso at mukha niya.   "Hindi ka na makakaligtas pa..."   Kaso, nanlaki ang mata ni Izu nang biglang lumitaw sa kanyang harapan si Jupiter. Tila isa itong halimaw na handang kainin ang kalaban dahil sa napakaitim na aura nito.   "H-hindi..." naibulalas na lang ni Izu. Mula sa ibaba nanggaling ang suntok ni Jupiter na balot na balot ng napakalakas na itim na enerhiya.   Isang napakalakas na upper-cut ang tumama sa babà ni Izu!   Bumulwak paitaas ang napakaraming dugo mula sa bibig ng Prinsipe ng Tubig. Kumawala sa kinatatayuan ng dalawa ang isang napakalakas na hangin. Bumulusok iyon papunta sa langit, kasunod ng paitaas na suntok ni Jupiter. Nagawa rin niyong mahawi ang napakakapal na ulap sa itaas.   Nakangising demonyo naman si Jupiter habang nakikitang halos matanggal na dahil sa lakas ang ulo ni Izu. Kung normal na tao siguro ang tinamaan noon ay baka nadurog na ang bungo nito.   "Paalam... Prinsipe ng tubig," sambit ni Jupiter at isang hakbang pauna pa ang ginawa nito. Kitang-kita nito ang unti-unting pagbagsak ni Izu kaya isinunod kaagad nito ang kanang kamao na nababalutan ng napakaraming itim na enerhiya. Papatayin nito ang kalaban!   Umikot sa kanang braso ni Jupiter ang itim na aura at kasunod noon ay ang pagsulong niyon papunta sa target na walang kadepe-depensa.   Isang malakas na pagsabog ang muling nagpayanig sa buong Bikol. Kasunod noon ay ang pag-angat ng napakalalaking tipak ng lupa sa paligid.
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม