SA LOOB ng aklatan ng Purif School, naroon nga ang second year student na si Thorne. Kasalukuyan siyang nasa pinakalikurang bahagi ng lugar, sa lugar kung saan bihirang may kumuha ng libro sapagkat nagpapatay-sindi ang ilaw rito. Madalas namang inaayos ito subalit mabilis din na nasisira sa hindi maipaliwanag na dahilan.
Kasalukuyang binabaybay ng kanyang mga daliri ang mga libro sa lagayang kaharap niya. Makikitang may kalumaan na ang bawat isa roon at makikitang tila bibihira rin ang kumukuha roon. Ang mga libro sa bahaging ito ay bihirang mabisita ng mga nasa paaralan.
Sa lugar na iyon at sa lagayang iyon ng libro sa aklatan ng paaralan ay iilang estudyante lamang ang nagpupunta. Hindi ito puntahin at ang madalas na pumupunta rito para magbasa ay siya lang at ang mga kasamahan niya.
"Nakita ko na..." mahinang sambit ni Thorne. Isang lalaking may mahabang buhok na may patulis na parte sa likod at nakasuot din ito ng salamin. Makikita rin na may nakataling itim na panyo sa braso nito. Ang kanya namang kapangyarihan ay ang makagamit ng latigong metal na may mga tinik, napapalabas niya ito sa kanyang kagustuhan. Malakas ang sandata niyang ito na nakakapagdulot ng malaking pinsala sa sinumang tatamaan. Nagtataglay rin siya ng Blue Aura.
Gumalaw ang kanang kamay niya at hinila gamit ang daliri ang isang libro mula sa lagayan nito.
Isang luma at itim na aklat ang kinuha niya mula sa lalagyanan. Pinapagpagan pa niya ang pabalat noon at makikita sa harapan nito ang isang itim na mukha na may dalawang sungay sa ulo.
"Demons," nakangiting sambit ng binata na umupo muna sa tabi ng lugar na iyon. Binuklat niya ang libro at nagliwanag din agad ang pahina noon.
Isa itong librong piksyon. Patungkol ito sa lahi ng Demons.
Ang lahing ito ay hindi totoo. Hindi ito nag-e-exist. Ang bawat librong makikita patungkol sa mga ito ay gawa-gawa lamang ng mga naglimbag at umakda sa mga ito. Sinasabing ito ay panakot lamang sa mga bata upang matulog sila agad tuwing gabi. Sinasabing ang mga ito ay ang pinakamasasamang nilalang ngunit lahat ng iyon ay sa libro lamang mababasa.
"Nagtataglay ng Black Aura ang mga Demons. At sila lamang ang natatanging mga nabubuhay na kayang magkaroon ng maraming abilidad..."
"Ang Demon Lord ang pinuno ng mga ito at kaya nitong sumira ng isang buong siyudad sa isang iglap..."
Seryosong binabasa ni Thorne ang nakasulat sa nagliliwanag na pahina ng librong iyon. Nagdudulot ito ng kakaibang saya sa kanya kahit hindi ito totoo para sa lahat ng nabubuhay. Kahit maka-ilang beses na niya itong nabasa ay hindi siya nagsasawang ulit-ulitin ito. Kabilang siya sa maliit na samahan ng mga estudyante na naniniwalang totoo ang mga Demons. Kahit matagal nang walang malinaw na ebidensya ang paniniwala nilang ito... Pilit nilang pinapaniwala ang sarili nila sa bagay na ito.
Kahit mismong mga Heroes na ang nagsasabing hindi totoo ang mga ito ay gusto pa rin nilang maniwalang totoo ang mga Demons. Ang mga nilalang na may sungay. Ang mga nilalang na may Black Aura.
Tahimik ngang binuklat ni Thorne ang pahina ng libro. Mayroon din naman siyang mga librong tungkol dito na hindi pa niya nababasa. May ilan kasing mahirap hanapin at ang iba ay nakakubli na tila ayaw magpakita. Libangan na rin niya ito noon pa. Kahit nga medyo napapadalas siya lagi rito ay bibihira pa rin siyang makakila ng ibang estudyante sa aklatan kahit na nakaisang taon na siya sa Purif School. Sa mga kaklase niya ay tatlo lang ang talagang kilala niya.
Ang totoo, marami pang libro sa buong mundo ang tungkol sa mga Demons, ngunit tila ba, limitado lang ang mga librong narito tungkol dito. Subalit kapag may isa nang mababasa patungkol dito ay punong-puno na naman ito ng mga impormasyon sa lahing tanging sa libro at mga kwento lamang nabubuhay.
"Naghihintay lang ang mga Demons ng pagkakataon at lalabas na ang mga ito..."
Kahit na mga masasama at nakakapangilabot na nilalang ang deskripsyon ng mga ito sa bawat libro niyang mababasa ay hindi siya natatakot na magpakita ang mga ito. Gusto niyang makakita ng nilalang na may sungay. Gusto niyang makakita ng nilalang na may itim na aura.
Nasa kalagitnaan si Thorne ng pagbabasa nang biglang may dalawang lalaki ang mahina siyang tinawag mula sa malapit na lugar sa aklatan.
"Thorne, lumabas ka na... Simulan na natin ang pagre-recruit."
*****
ISINARA ni Thorne ang kanyang binabasang libro nang may narinig siyang dalawang boses sa malapit sa kanya. Mabilis niya itong nilingon at pagkatapos ay ibinalik na niya kaagad sa lagayan ang libro niyang binasa. Nakita niya si Krad at Nommus na kapwa niya Second Year student. Mga kaibigan niya ito at kasapi rin ito ng kanilang sekretong samahan.
"Nasaan si Master?" mahinang tanong ni Thorne sa dalawa. Pasimple pa siyang tumingin sa paligid. Nakita na nga niyang muli ang liwanag ng aklatan nang maglakad siya pupunta sa unahan. Nakita rin niya sa unahan ang mga ilang estudyanteng nagbabasa ng libro habang komportableng nakaupo sa isang upuang may kasamang mesa.
"Nasa labas siya, hinihintay tayo," bulong ni Krad sa may tainga ni Thorne.
Pagkarinig nga nito doon ay siyang tahimik naman nilang paglabas mula sa aklatan. Sa paglabas nila sa pinto ay naroon ang isa pa nilang kasamahan. Nakatayo ito habang nakasandal sa estatwang nasa harapan ng aklatan. Medyo may katabaan ito kumpara sa kanila. Pero maayos na nakasuklay ang makapal nitong itim na buhok na nangingintab pa nga dahil sa inilagay na pampatigas dito.
Nang makita ito ng tatlo ay naging maingat sila sa paglalakad. Naging tahimik ang kanilang paghakbang at doon ay biglang gumalaw ang daliri ni Nommus, may isang tila portal ang biglang lumitaw sa harapan nilang tatlo. Hindi iyon kalakihan at kasinglaki lamang iyong ng isang talampakan kung susukatin. Ginamit niya ang kanyang abilidad na Summon, nagpalabas siya ng isang hindi kalakihang nilalang, isa itong ipis na mas malaki nang bahagya kumpara sa normal.
Nagtinginan sina Krad, Nommus at Thorne. Nagpigil sila ng tawa at pagkatapos ay lumipad ang ipis na iyon patungo sa seryosong si Master na nakatingin sa mga ulap habang hinahaplos ang malaking tiyan.
Si Master, ang kanilang matabang kaibigan ay naniniwala rin na ang Demons ay totoo. Ito ang pinakamalaki sa kanila pero ito ang pinakamatatakutin pagdating sa mga insekto. Pagkadapo nga ng medyo malaking ipis sa balikat nito ay biglang itong sumabog at agad na naging isang usok.
Doon na nga tumawa sina Thorne at mabilis na tumakbo papunta sa tapat ng kaibigan nilang naging usok. Ito ang abilidad ni Master, ang Smoke. Kaya niyang maging isang usok at isa rin siyang Blue Aura user.
"I-ilayo ninyo sa akin ang i-ipis na iyan!" bulalas nito habang ang mga mata ay makikitang nakapikit sa gitna ng makapal na usok na nasa tapat ng tatlo.
"Aalisin ko na..." natatawang winika ni Nommus at sa isang pitik niya sa hangin ay naglaho ang ipis.
Doon na nga sinamaan sila ng tingin ni Master. Biglang kumalat ang makapal na usok sa ulunan ng tatlo dahilan upang mahirapang huminga ang mga ito. Nagsiubuhan agad ang tatlo dahil nalalanghap nila ito at tila mauubusan na kaagad sila ng hangin dahil sa makapal na usok na naka-ikot sa kanila.
"M-master! A-alisin mo ito!" bulalas ni Thorne na sinusubukang takasan ang usok pero hindi niya magawa.
Tinawanan lang naman sila ni Master habang pinapanood ang tatlo na nagpupumiglas dahil hindi na makahinga.
"Para iyan sa pananakot ninyo sa akin," sabi ni Master habang natatawa.
"M-master! Humanda ka sa akin!" bulalas naman ni Krad na biglang nagliwanag ang Blue Aura. Nabalot agad ng asul na liwanag ang katawan nito.
Dito na nga nito ginamit ang kanyang ability, ang Shadow Portal. Kaya niyang lumubog sa anino at pumunta sa isa pang anino o lilim. Dito ay mabilis na nakatakas si Krad nang lumubog siya sa kanyang anino at lumitaw sa likod ng isang puno na malapit sa aklatan. Pagkatapos din noon ay ikinumpas niya ang kanyang kamay. Huminga pa siya nang malalim dahil sa wakas nakahinga na rin daw siya.
Ang anino naman nga niya ang gumalaw at pagkatapos ay kumayap iyon sa lupa at dumiretso sa kinatatayuan nina Thorne at Nommus. Isa rin ito sa kanyang abilidad.
Lumaki ang hugis ng anino niyang iyon. Doon nga ay lumubog ang dalawa niyang kaibigang nagpupumiglas sa gitna ng makapal na usok. Kaya rin niyang palubugin ang iba sa kanyang anino kung gugustuhin niya. Mula nga sa aninong nasa likuran niya ay biglang umangat ang dalawa pa niyang kaibigan na halos huminga na nang sobra dahil sa wakas ay nakalanghap na rin sila ng hangin. Pagkatapos noon ay sinamaan nila ng tingin si Master na lumilipad palayo para makatakas.
"Humanda ka sa akin Master!" bulalas ni Thorne na tila hindi natuwa sa mga nangyari. Doon nga ay unti-unting may lumitaw na bagay sa kanyang kanang kamay. Ang kanyang Metal Whip. Makikitang may katabaan iyon at makikita ang matatalas na tinik nito sa palibot. Mahaba iyon at pagkatapos ay buong higpit na hinawakan ni Thorne iyon. Kumawala bigla ang hangin sa kinatatayuan niya at ang kanyang Blue Aura ay nagliwanag nang sobra. Binalot nito ang kanyang katawan.
Makikita nga ang maayos na paglabas ng asul na aura sa katawan nito. Maganda ang daloy noon at maliwanag kaysa sa mga kasama niya.
"Lumayo ka na Masterrr!" sigaw ni Thorne at doon ay nabalutan pa nga ng asul na aura ang latigong niyang iyon. Doon nga ay buong-lakas niyang inihampas ang kanyang sandata sa direksyon ni Master na nasa anyo pa rin ng usok.
Isinabay niya iyon sa paghakbang ng kanyang kanang paa. Dito na nga kumawala ang malakas na hangin at sa paghampas ng latigo niya sa lupa ay siyang pagkawala ng asul na liwanag mula rito. Umiikot iyon at mabilis na bumulusok palayo. Papunta sa target na si Master.
Gamit ang aura, may kakayahan ang sinuman na matamaan ang mga nilalang na kayang maging isang bagay na hindi tinatablan ng pisikal na mga atake. Isang patunay na maraming gamit ang aura sa mundong ito. Mapa-depensa man o opensa.
Umikot nga ang asul na ilaw at dumiretso papunta kay Master na biglang kumaripas ng paglipad sa ere. Kaso tila minalas ito nang pagkakataong iyon, biglang umihip sa pabalik na direksyon ang hangin mula sa kanyang harapan. Iyon ang naging dahilan upang mapayid siya papunta sa atake ng kanyang kasamahan.
"H-hindi! S-sorry na!" Ito ang huling sigaw ni Master bago tuluyang bumagsak sa lupa matapos tamaan ng atake ni Thorne.
Mabilis na nilapitan ng tatlo si Master na kasalukuyang nakaupo sa lupa at hinihilot ang tila sumakit niyang likod dahil sa atake ni Thorne.
"Papatayin mo ba kami?" tanong ni Thorne na may halong inis. Inayos pa nito ang kanyang salamin matapos punasan ang lente gamit ang panyo sa bulsa.
"B-biro lang iyon," natatawang wika ni Master, kaso napatingin siya kay Nommus.
"Ikaw ang may kasalanan nito Nommus!" wika ni Master at dahan-dahang tumayo ito. Kagaya ng dati, inalalayan siya ni Thorne. Kaso, napangiwi ito sa bigat ng kanyang kaibigan.
Magkakasama ang apat na iyon sa harapan ng estatwa ng aklatan nang biglang isang guro ang nakapansin sa kanila. Nag-aasaran pa sila nang mga sandaling iyon.
"A-ano'ng ginagawa ninyong apat diyan? Hindi ba may klase kayo?" bulalas ng guro na iyon. Pagkakita nga ng apat dito ay siya namang mabilis na pagtakbo ng mga ito patungo sa kanilang klase.
"Mga sakit ng ulo. Nagbuburakbol na naman ang apat na iyon..." winika na lang ng guro at pagkatapos ay naglakad na muli ito.
Ang ilang mga estudyanteng nakapansin sa apat ay pasimpleng napatawa na lang dahil doon. Nakita ng ilan ang mga nangyari at para sa kanila ay walang magawa ang mga ito. Nagpapapansin lamang daw.
"Hindi ba ang apat na iyon ang mga baliw na estudyante rito sa school?" wika ng isa sa kasama ito.
"Oo, mga baliw na naniniwala sa mga Demons," wika naman ng kasama nito at pagkatapos ay napatawa ang dalawa habang nakatingin sa apat na second years na tumatakbo papalayo.
Kilala ng karamihan ang apat na iyon. Sikat sila dahil sila lamang ang namumukod-tanging naniniwala sa exsistence ng mga Demons. Sila rin ang pinakamihang second years para sa lahat ng nakakakita sa kanila. Tampulan sila ng tawanan ng karamihan at tampulan din ng pang-aasar ng iba. Ngunit sanay na sila sa ganitong pakikitungo ng mga nasa paligid nila. Ata sa kabila noon, nagawa pa ring mag-survive ng apat na ito sa unang taon nila sa Purif School.
Subalit sa kabila ng kasiglahan ng imahe ng mga ito... Ang nakaraan naman nila ang magpapakita ng madilim nilang kabataan. Lahat sila ay minaltrato ng kanilang mga magulang. Sila ang mga batang hindi nabigyan ng kalinga ng kanilang mga pamilya sa kabila ng pagkakaroon nila ng Blue Aura.
Walang naging saya ang kanilang buhay pagiging bata. Hindi man sila namuhay sa iisang bahay, pare-pareho naman silang namulat sa pamilyang hindi sila kayang tanggapin. Sa pamilyang puro kapangyarihan at lakas lang ang mas importante!
Si Master, hindi tinanggap sa bahay nila dahil sa katabaan nito. Ipinamukha sa kanyang siya ang pinakamahina at madalas ay sinasaktan siya ng kanyang mga kapatid dahil dito.
Si Krad, ginawang katulong sa bahay ng kanyang stepmother. Nawala ang buhay niya bilang bata dahil sa mga gawain sa bahay. Lahat ng utos ay siya ang gumagawa. Madali man o mahirap ay kailangan niya itong gawin. Dahil kung hindi... Kakalam ang kanyang sikmura at matutulog kasama ng alagang aso sa labas ng kanilang bahay. Ni minsan din sa kabataan niya ay hindi siya nakakain ng maayos na pagkain at ni minsan ay wala siyang pamilyang minahal dahil sa pagtrato sa kanya ng mga ito.
Si Nommus naman, palaging kinuktya ng kanyang angkan sapagkat, mga insekto ang nagagawa niyang mai-summon. Hindi tulad ng mga pinsan at kapatid niya na kayang magpalabas ng mga malalaki at malalakas na hayop. Habang tanging mga maliliit na hayop lang ang kaya niyang mapalabas na tila walang magagawa sa totoong laban. Tanging mga insekto ito na napakadaling patayin ng sinuman.
Si Thorne naman, itinakwil siya ng kanyang pamilya sa edad na sampu dahil natalo siya ng mga kaklase nito sa paaralan. Kilala ang pamilya niya sa pagiging malakas, kaya naging pangit ang naging resulta ng pagkatalo niya mula sa mga mas mahinang bata sa pinasukan nito.
Sa kabila rin naman ng mga nangyari, nagawa pa rin nilang makapasok sa Purif School. Ang apat na ito ang bukod tanging nakaligtas limang taon na nakakaraan.
Sa hindi maipaliwanag na dahilan, magkakasunod na nagkaroon ng sunog sa iba't ibang parte ng Purif City. Isang misteryosong nilalang ang sinasabing gumawa noon. Namatay ang buong pamilya nina Nommus, Krad, Master at ang pamilya ni Thorne na tumakwil sa kanya noon.
Silang apat lang ang nakaligtas, sapagkat wala sila sa kani-kanilang bahay nang maganap ang pangyayaring iyon. Naabo ang katawan ng kanilang mga pamilya na hindi na nakilala matapos ang insidenteng iyon. Sa pagbalik nila sa kanilang mga bahay na kinakain na ng apoy, isang nakatalukbong ng itim ang bigla nilang nakasalubong mula sa nasusunog nilang mga tahanan. Magkakaiba sila ng lugar, ngunit lahat sila ay nakita iyon.
Hindi nila iyon pinansin, bagkus, tahimik na lang nilang pinagmasdan ang nasusunog nilang mga bahay. Hindi sila nalulungkot. Hindi sila umiyak dahil wala na silang itinuturing na pamilya noon pa. Para sa kanila, sarili lang nila ang nakakakilala sa kanila.
Matapos mamatay ang kani-kanilang pamilya. Nakaramdam din sila ng kalayaan. Pakiramdam nilang apat ay nakalaya na rin sila mula sa mga posas na nakalagay sa kanilang mga paa. Maging si Thorne na matagal nang wala sa kanila ay tila nakaramdam ng kaaliwalasan.
Sa pagkakataong sinubukan nilang makapasok sa Purif School noong nakaraang taon ay hindi sila nabigo. Tila tadhana na rin na pinagtagpo sila rito. Nang malaman nilang halos pareho sila ng pinagdaanan at magkakatulad ang sinapit ng kanilang mga pamilya... dito na nagsimula ang kanilang pagiging magkaibigan. Mas tumibay lalo sila nang malaman nilang naniniwala silang apat sa existence ng Demons sa mundo.
Bigla na nga rin nilang naalala ang nakasalubong nilang naka-itim ng talukbong nang araw na nasunog ang bahay ng kanilang mga pamilya. Hindi man nila maalala ang itsura nito...
Malinaw naman nilang nakita ang mga sungay na mayroon ito.