10. Mirage and Purif's Strongest Hero

2843 คำ
WALANG ingay na maririnig mula sa labing-tatlong first years ng Purif School sa pagpasok ng mga ito sa loob ng silid kung saan sila magsisimula ng kanilang klase. Makikita ito sa ikaapat na palapag ng gusaling nasa pinaka-kaliwa ng Normal Area. Sa paglampas nga nila sa mga tulad din nilang estudyante sa paaralan ay makikita ang mga tingin sa kanilang tila ba may ibig itong sabihin. Lalo na nga sa nasa likuran nilang si Beazt na wala namang kapaki-pakialam sa paligid. Seryoso lamang itong nakatingin sa malayo habang inaalala ang mga nangyari kanina. Naalala niyang may lumitaw na asul na aura sa kanyang kanang kamao. Ito ay nang bigyan na niya si Bazil ng malakas na suntok.   Iniisip niyang kung ito raw ba ang kanyang abilidad? Ang gamitin ang aura ng nasa malapit sa kanya. Naalala niya rin ang pakiramdam na may dumadaloy na aura sa kanyang kamao at ganoon na rin sa kanyang bisig. Pero iniisip din niya, na kung paano na lang kapag wala siyang kasama? Magagawa kaya niyang pabagsakin si Bazil na pakiramdam niya kanina ay mapapatay siya base sa ipinapakita nitong kapangyarihan?   Ngayon lang siya nakaramdam ng ganito. Napakarami niyang tanong na wala pa namang makakasagot. Isang bagay rin lang ang sigurado para sa kanya... marami pa raw siyang matutuklasan sa kanyang kakayahan habang nandito siya sa eskwelahang ito. Maraming malalakas na indibidwal dito at lahat ng mga ito'y gusto niyang labanan.   Gusto niyang makita kung magagawa ba niyang talunin ang mga ito.   Sa pinakalikod ng silid umupo sina Beazt at Speed. Pansamantala munang tumahimik ang bibig ni Speed nang mga oras na iyon. Bigla kasi niyang naalala ang mga nangyari kanina. Kung wala si Beazt, baka nangyari na ang nakita niya. Hindi niya maisip kung paano na lamang kung wala roon ang kanyang kaibigan? May kikilos kaya sa mga kasama niya para iligtas si Freya?   "Hindi ganoon ang Hero... Wala sa lebel o antas ng aura ang pagtulong..." sabi niya sa sarili na kasalukuyang nakaupo at seryosong nakatingin sa baba. Napailing na lang siya dahil doon. Gusto niyang maging Hero pero hindi man lang siya tumakbo upang iligtas sana si Freya. Umasa lang siya sa kanyang kaibigan.   Umasa siya sa lakas ng kaibigan niya at kung patuloy niya itong gagawin...   "Hindi ako magiging malakas. Paano ko ililigtas ang mga nangangailangan kung wala roon si Beazt?" wika pa ni Speed sa sarili na napakuyom na nga lang ito ng kanyang kamao habang nakaupo.   Napaayos na nga lang ng upo ang lahat nang biglang isang nakapormal ng suot na lalaki ang biglaang pumasok sa loob ng silid-aralan.   Makikitang nasa edad 40 na ito. Nakasuot ito ng salamin sa mata at may kaunting bigote't balbas. Mabilog ang mata nito at medyo makapal ang kilay. May dala itong ilang folder at isang libro.   Pagkadating niya sa unahan, sa gitna, sa harapan ng mesang naroon ay seryoso niya munang pinagmasdan ang lahat. Sandali rin niyang binuklat ang isa sa mga folder niyang dala matapos niyang ilapag sa mesa ang mga kasama nito. Nakita niyang wala si Freya at si Bazil, at alam na rin naman niya iyon kung bakit. Pasimple rin niyang tiningnan ang lalaking may pulang buhok sa likod. Si Beazt! Hindi siya makapaniwalang natalo nito ang isang Green Aura user. Alam niyang ito ang nababalitang lalaking walang aura... pero sa ginawa nito, hindi iyon magagawa ng isang walang kapangyarihang indibidwal.   "Maaaring hindi pa lumalabas ang iyong kapangyarihan. Posibleng isa kang Late-Bloomer."   "Magandang umaga," bati ng lalaki sa mga magiging estudyante niya. Siya ang magiging adviser ng mga first years sa taong ito. Sinagot naman iyon ng lahat ng isa ring pagbati.   Ngumiti ang guro at pagkatapos ay isang pitik sa hangin ang kanyang biglaang ginawa. Kasunod noon ay napatayo ang lahat nang nag-iba ang paligid. Wala na sila bigla sa loob ng classroom. Bigla na lang silang napadpad sa isang malawak na lugar na puro d**o ang makikita. Wala na rin ang mga upuan nila at ang paaralan.   "Huwag kayong mag-alala, nasa paaralan pa rin tayo. Ito ang kapangyarihan ko, ang Illusion," seryosong winika ng guro na naglakad-lakad sa harapan ng lahat.   "Ako nga pala si Shin Mirage," pagpapakilala ng gurong nasa harapan nila. Pagkatapos noon ay biglang lumabas ang aura nito.   Isang Orange Aura si Sir Shin. Ang kanyang ilusyon ay walang limitasyon hangga't hindi siya nawawalan ng malay o aura. Kaya niyang baguhin ang nakikita ng kahit sino sa kanyang kagustuhan.   Hindi rin basta-basta ang gurong ito dahil may talento rin ito pagdating sa pakikipaglaban. Kilala rin ito sa pagiging magiliw at masayahin. Isa rin ito sa mga gurong madalas na nilalapitan at makikitang nakikipag-usap sa mga estudyante.   "Malaya kayong gawin ang gusto ninyo sa ilusyon ko. Hindi na ako magpapaligoy-ligoy... Ipakita ninyo sa akin ang mga aura ninyo," wika ng guro na tumigil sa unahan ng mga estudyante.   Nakangiti niyang pinagmasdan ang bawat isa. Pinakiramdaman niya ang mga ito. Ang mga nasa unahan ay makikitaan ng kompyansa at doon nga ay ipinakita ng mga ito ang kanilang asul na aura. Napatingin din siya sa likuran at napansin niya ang apat na naiibang kulay. Tatlong Indigo at isang Violet iyon. Naisipan nga niyang lapitan ang mga ito. Habang papalapit siya ay nakikita ni Sir Shin ang kaba ng tatlong may Indigo Aura na hindi naman niya maramdaman sa nagtataglay ng Violet Aura.   "Kinakabahan ba kayo?" nakangiting tanong ng guro kina Claude, Shilva at Odessa.   Napaatras ang tatlo sa paglitaw ng kanilang guro sa kanilang tabi. Pasimple namang napatawa si Sir Shin sa reaksyon ng mga ito.   "Kinakabahan ba kayo dahil hindi asul ang aura ninyo?" seryosong tanong ng guro sa tatlo.   "S-shilva? C-claude? O-odessa?" tanong ni Shin sa tatlo na inaalala ang mga nabasang pangalan ng tatlo sa kanyang folder.   "O-opo sir?" ani ni Claude na biglang mas kinabahan pa dahil dito.   "Pumunta kayo sa unahan..." wika ng guro at pagkasabi nito niyon ay mas lalong kinabahan ang tatlo. Gusto nilang itanong kung bakit kaso, naunahan na sila ng kaba at bigla na lamang silang dinala ng kanilang mga paa sa unahan ng kanilang mga kaklase. Napatingin naman si Sir Shin kay Speed na matikas na nakatayo kahit na ito ang pinakapayat sa lahat. Kahit ang aura nito ang pinakamahina ay wala siyang maramdamang kaba sa isang iyon.   "Speed? Tama?" tanong ni Sir sa binata at tumango naman ito.   Tinapik ni Shin sa balikat si Speed at pagkatapos ay naglakad na ito sa unahan upang samahan ang tatlong estudyante niyang pinapunta roon.   Si Beazt naman ay pasimleng pinagmasdan ang kanyang guro na si Shin. Nararamdaman niyang malakas ito. Sandali rin siyang napatingin kay Speed na tila ba may kakaiba rito kanina pa.   "Okay! Makinig kayong lahat sa akin... Nakikita ba ninyo ang tatlong ito?" tanong ng guro sa mga estudyante niya.   "Mga Indigo Aura. Mga mahihinang aura. Mga hindi malakas..."   Napatango ang mga Blue Aura nang marinig iyon. Maging sila ay hindi malaman kung paano magiging hero ang ganitong uri ng mga indibidwal. Nagtataglay ng mahinang aura at makikitang puno ng kaba sa tuwing haharap sa marami.   Hindi sila nabibilang sa paaralang ito.   "Palagay ninyo? Magiging Hero ba ang mga ito?" tanong ni Sir Shin sa lahat na biglang naging seryoso ang itsura.   Si Speed at Beazt, nagdilim unti-unti ang paningin. Nakakaramdam sila ng diskriminasyong magaganap. Kagaya ng palagi nilang nararanasan sa labas. Sa normal na buhay sa mundo. Mababa ang tingin ng mga nagtataglay ng malakas na aura sa mga kagaya nilang may mahinang aura. Napatingin din sila sa tatlo nilang kaklase na may Indigo Aura. Napayuko na nga ang mga ito at makikitang pinanghihinaan na ng loob ang mga ito.   Dito na masusukat ang tatag ng dibdib nila. Dito makikita kung paano nila tatanggapin ang pakikitungo ng kanilang mga kasama sa tulad nila. Maging ang guro na si Shin ay tila mababa rin ang pagtingin sa kanilang tatlo.   Seryosong pinagmasdan ni Speed ang mga kaklase niyang may Blue Aura. Ramdam niyang sa dormitoryo pa lang ay ang baba na ng tingin ng mga ito sa mga tulad nila. Maraming beses na niya itong pinagdaanan sa Purif City. Ang labis na pangmamaliit. Isa pa, mas apektado siya palagi kumpara kay Beazt na walang pakialam sa mga sinasabi ng mga nasa paligid.   Dumaan siya sa mga araw noong naiinis siya dahil mahinang aura ang mayroon siya. Sa kabila nga ng pagiging masigla at positibo niya, dumating rin minsan noon ang mga sandaling nagkakaganito siya. Na kung bakit hindi siya napagkalooban ng Blue Aura? Kung bakit, napunta sa kanya ang pinakamahinang aura?  Ngunit, dahil kay Beazt, nawala ito nang paunti-unti.   "Wala akong pakialam sa sasabihin nila. Ang gusto ko lang ay maging malakas."   Ang mga sinabing ito ni Beazt ang tila nagpalinaw sa bagay na gusto niya. Dati pa man ay gusto na niyang maging Hero. Gusto niyang magligtas ng mga nangangailangan. Gusto niyang makatulong... kaso, pinagtatawanan siya ng marami. Sinasabihang huwag nang umasa sapagkat mahina siya. Pero dahil sa kaibigan niyang walang pakialam sa mga sinasabi ng marami rito... Naging buo ang loob niya!   "Magiging Hero ako kahit na ano'ng mangyari... Pagtawanan man nila ako o kutyain... Magiging Hero ako!"   *****   MULA sa mga estudyanteng may Blue Aura, isa sa mga ito ang nagsalita habang pinagmamasdan ang tatlo nilang kasamang may Indigo Aura.   "Sa tingin ko Sir Shin, swerte lang ang pagkakapasok nila sa paaralang ito. Paano sila tatagal sa lugar na ito? Imposibleng maging Hero ang mga kagaya nila," malakas na winika ni Luke Manchester na nginitian pa ang mga kasamahang may Blue Aura.   "Maging realistic tayo mga kasama. Walang ibubuga ang mga iyan pagdating sa pakikipaglaban," dagdag pa nito at yinukuan pa nito ang kanyang mga kasama na tila ba natapos ang kanyang talampati.   "Tama ka Luke Manchester. Ang mga tulad ng tatlong ito ay walang lakas na kagaya ninyo," wika ni Sir Shin.   "Isa pa sir, halos lahat yata ng nagiging Hero ay nasa Blue Aura. May nababalitaan na ba kayong naging Hero na may Indigo o Violet na aura," biglang singit na winika ni Vruce na sinang-ayunan halos nila.   Naglakad naman si Sir Shin sa harapan ng tatlo. Napansin niyang unti-unting nawawala ang Indigo Aura na inilalabas ng katawan ng mga ito. Isang malinaw na patunay iyon na nawawalan na sila ng kompyansa.   Si Beazt, napakuyom na ng kamao habang at Speed ay hinawakan naman kaagad ito sa balikat. Gusto kasi ni Beazt na pumunta sa unahan at hamunin ang mga nagsalitang mga kaklase. Alam na ni Speed na gagawin iyon ng kanyang kaibigan kaya mabilis nga niya itong pinigilan.   "Huwag Beazt..." mahinang sinabi ni Speed sa kaibigang nagdidilim ang paningin sapagkat hindi niya nagugustuhan ang mga naririnig niya sa loob ng ilusyong ito.   Bigla namang kumawala ang hindi kalakasang hangin sa paligid nang biglang tila naging apoy ang itsura ng aura ni Sir Shin na ikinagulat ng mga naroon. Ito ay ang mas pinalakas at mas pinarami na daloy ng aura sa katawan ng gumagamit. Sa pamamagitan nito ay mas magkakaroon ng mas mabilis na kilos at galaw ang isang indibidwal. Ilan lang nga ito sa gamit ng aura.   Ang Aura ang pinakang-pinagkukunan ng kapangyarihan. Ito ang enerhiya na magbibigay ng lakas sa anumang atake. Ang aura ay magagamit sa opensa at depensa, depende sa kakayahan ng isang indibidwal.   "Gusto ba ninyong maging Hero?" seryosong tanong ni Shin sa lahat. Sa pagkakataong iyon ay ipinapakita niya sa kanyang mga estudyante ang kanyang kakayahan bilang isang guro.   "Opo!" malakas na sigaw ng mga Blue Aura users na mas lalo pang nagliwanag.   Napatingin sa tatlong nasa likuran si Shin at seryosong pinagmasdan ang naglalaho nang Indigo Aura ng mga ito.   "Kilala ba ninyo ang pinakamalakas na Hero na nagmula sa Purif City?" tanong ni Shin na biglang binigyan ng ngiti ang mga ito.   "Matagal nang panahon ang araw na iyon..."   Bumalik sa alaala ni Shin ang kanyang kabataan. Malinaw pa sa alaala niya nang may isang binata ang biglang tumakbo patungo sa isang rumaragasang sasakyan. Kasama niya rin noon ang kanyang ina.   May isang pulubing gula-gulanit ang damit ang biglang tumawid sa kalsada nang umagang iyon. Gusto na nitong mamatay dahil sa turing sa kanya ng mga nasa paligid. Para kasi sa lahat ay isa siyang walang kwenta at salot sa mundo kung saan ang Aura ang basehan ng pagkilala.   Walang pumapansin sa matandang iyon. Ni walang nakakaalam na balak na nitong kitilin ang sariling buhay.   Hindi mahalaga ang buhay ng pulubing iyon para sa mga dumaraan sa paligid. Wala silang pakialam sa mangyayari rito. Lahat ng taong nakakita roon ay nilampasan lang ang biglaang pagtawid nito. Wala silang pakialam kung mamatay man ito o hindi. Maging ang batang si Shin ay pinanood lang ito habang papalapit ang trak na mabilis na tumatakbo papalapit sa pulubi.   Nagbabadya ang isang madugong aksidente para sa pulubing iyon... ngunit mula sa kung saan, isang binata ang humangos ng pagtakbo para iligtas ito.   Seryosong tumayo ang lalaking iyon sa harapan ng matanda at doon ay biglang nagliwanag at nagliyab ang aura nito. Ang binatang iyon... nagtataglay lamang ito ng Violet Aura, ang pinakamahina.   Kumawala ang napakalakas na pagyanig sa paligid at ang binata ay sinalpok ng trak na rumaragasa. Ginamit nito ang kanyang aura upang protektahan ang sarili, ngunit... Hindi sapat iyon. Tumagos sa katawan niya ang impact noon. Biglang dumaloy ang dugo sa katawan niya na unti-unti nang humakbang pauna gamit ang kanyang kanang paa para labanan ang pwersang dala ng sasakyang pinipilit ng drayber na pakagatin ang preno upang mapahinto ito.   "A-ano'ng ginagawa mo bata!? Gusto ko nang mamatay! Bakit mo ba ako iniligtas?" naiinis na winika ng matanda sa lalaking nasa harapan niya na nagawang mapigilan ang trak ngunit duguang napahawak sa tuhod matapos iyon.   "T-tumahimik ka Lolo..."   "G-ginawa ko lang ang gusto ko... W-walang magliligtas sa tulad mo."   "Gusto mo nang mamatay... Pero hindi ko papayagan ang gusto mo!"   Biglang mas nagliwanag at nagliyab ang Violet Aura ng binata.Isang hindi kalakasang hangin ang bigla na lang kumawala mula rito. Hindi naman maiiwasan ng ilan nga sa mga naglalakad ang napatingin sa nangyayari sa gitna ng kalsada. Nakagawa na rin ito ng isang trapik dahil sa bumaladrang sasakyan doon.   "Magiging Hero ako ng lahat! Kahit nagtataglay ako ng pinakamahinang aura..."   "Hindi ito magiging hadlang upang maging isang Hero!"   Hinarapan nga ng binata ang matandang pulubi.   "T-tumigil ka bat---" Hindi na naituloy ng matanda ang kanyang sasabihin nang makita ang malapad na ngiti ng lalaking nagligtas sa kanya. Sa kabila ng duguan nitong itsura ay nagawa pa rin nitong ngumiti sa harapan ng isang indibidwal na hindi naman humingi sa kanya ng tulong.   "Kung sa tingin mo ay mababa ang tingin sa atin ng lahat... Ayos lang iyan Lolo..."   "Hangga't nabubuhay tayo... May saysay tayo sa mundong ito. Wala sa kulay ng Aura iyan Lolo. Kahit hindi nila tanggapin ang tulad ko. O kahit wala nang sinumang tumanggap sa gaya ko bilang isang Hero..."   "Ililigtas ko pa rin ang sinuman! Dahil ito ang saysay ko kaya ako narito!"   Pagkasabi noon ng binata ay bigla itong bumagsak dahil sa mga sugat na natamo. Ang matandang pulubi ay napatingin na lang bigla sa walang malay na binata.   Iniligtas siya nito kahit posible itong mamatay sa gagawing pagsangga sa rumaragasang malaking sasakyan na iyon. Walang pag-aalinlangan siyang tinulungan nito kahit hindi siya humingi ng tulong dito. Ang mga sinabi rin ng binata... Tila ba, paulit-ulit na naririnig ng kanyang isipan.   "Binigyan mo ako ng utang sa iyo bata..." seryosong sinabi ng pulubi. Pagkatapos noon ay sumigaw na siya para humingi ng tulong. Wala siyang pakialam kung daan-daanan lang siya... alam niyang may tutulong sa kanila nang mga sandaling iyon.   Sapagkat lahat ng tao ay may konsenya. Lahat ay pwedeng tumulong. Walang pinipiling antas ng aura ang pagtulong.   Ang unang nagsitakbuhan patungo roon... Ang mga batang nakasaksi sa nangyari. Kasama na si Shin Mirage. Ang musmos nilang pag-iisip ang nagsabing isang gawain ng isang Hero ang ginawa ng binatang iyon.   Siya ang naging inspirasyon ni Shin.   "Si Xavier Banguard!" pagkasabi noon ng guro ay napaseryoso ang lahat.   Kilala nila kung sino iyon. Iyon ang dating number 1 Hero sa buong mundo nang kapanahunan nito. Ang bayaning bigla na lamang nawala matapos ang isang ekspedisyon. Ang estatwa nga nito ay makikita sa harapan ng aklatan.   "Alam kong maraming hindi nakakaalam ng kulay ng kanyang Aura..."   "Po? Red Aura si Sir Xavier," biglang nasambit ni Luke na ikinailing ng titser na nakatayo sa tabi ng tatlong Indigo Aura.   "Hindi siya isang Red Aura... Hindi ko alam kung maniniwala ba kayo sa sasabihin ko..."   "Pero ang totoo, isang Violet Aura si Sir Xavier! Nagtataglay siya ng pinakamahinang Aura!"
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม