2. Purif School

2821 คำ
MAGAGANAP na ang enrollment ng Purif School at lahat ng mga kabataang nasa tamang edad para mag-aral ay naparito. Lahat sila ay naninirahan sa Purif, ang pinakamaliit na city sa mundo, pero ito naman ang may pinakamalaking lupain pagdating sa agrikultura. Nasa gilid din ito ng sirang parte ng daigdig. Kahit na maliit ang Purif, dito naman matatagpuan ang pinakamalawak na taniman ng mais at palay. Narito rin ang isa sa malaking kuhanan ng mga prutas sa buong mundo. Pero, kumpara sa ibang siyudad, dito ay iilan lamang ang nagiging hero. Karamihan dito ay napupunta sa Manpower. Sa kabila noon, ay may ilan pa rin dito na masasabing malalakas. Isa na nga rito ang may-ari ng paaralan dito. Si Sir Kuro Manchester! Ang Fireman kung tawagin. Isa siyang Red Aura Hero. May abilidad siyang elemental na hinahangaan ng mga taga-Purif. May kakayahan itong kontrolin ang apoy, at gamitin ito sa kanyang wisyo. Kasalukuyan siyang nasa loob ng gymnasium ng school. May katandaan na ito dahil makikita na rito ang puting buhok sa ulo. Kulubot na rin ang balat nito, subalit kahit na matanda na ito, ito ang pinakamalakas sa Purif. Kasama rin siya sa Top 20 Heroes sa buong mundo kaya hindi pwedeng basta-bastahin ang matandang ito. Kasalukuyan siyang nasa itaas at pinagmamasdan ang mga magbabalak pumasok sa kanyang school. Hindi ito ganoon karami katulad noong nakaraang taon pero tiwala siyang baka may lilitaw rito na mga kabataang pwedeng maging Hero ng Purif. "Sir, sasarhan na ba natin ang gate ng school?" Tanong ng katabi nitong nasa edad 40 na si Ethain. Isa itong guro sa eskwelahan. Isa namang Yellow Aura Hero. Siya rin ay parang sekretarya ni Sir Kuro dahil lagi itong kasama nito sa bawat pinupuntahang pagpupulong. Tumingin sa orasang nasa braso niya si Sir Kuro at doon ay napansin niyang isang oras na ang nakakalipas. Tapos na ang palugit para sa mga pwedeng pumasok sa loob. Sa oras na sarhan ang gate nito, wala ng sinuman ang pwedeng pumasok. Lahat ng nag-aaral dito ay hindi na nakakalabas, maliban na lamang kung may pahintulot ni Sir Kuro. Unti-unti na ngang sinarhan ang gate ng paaralan. Kasalukuyan na itong isinasara ng dalawang matipunong guwardya ng school hanggang sa may nakita silang isang tumatakbo papasok. "S-sandali!" Sigaw ng payat na lalaking nasa edad kinse. May dala itong malaking bag na tila maraming laman sa loob. Nagmamadali itong pumasok sa loob bago pa man tuluyang magsara ang gate. Napaupo na nga lang ito sa lupa nang makapasok sa loob. Hinihingal ito at nakangiting tiningnan ang mga guard ng school. "Umabot ako!" Tila nabawasan ang pagod ng lalaking iyon nang makaabot sa loob. Dito na nga ito tumayo at nginitian ang dalawang bantay. "Magandang araw Purif School! Narito na ang magiging Hero ng siyudad natin!" masiglang winika nito na ikinailing ng dalawang naroon. "Pumasok ka na sa gymnasium dahil magsisimula na ang pagsasala," sabi ng isa. "P-pagsasala?" biglang tanong ng lalaking dumating na tila hindi batid ang sinabi ng bantay. "Pagsasala... Hindi lahat ay matatanggap mag-aral dito. Last year, sampu lang ang nakapasok," dagdag naman ng isa. "Hmmm..." Tila nag-iisip ang lalaking payat na dumating. "Ipakita mo nga sa amin ang aura mo. Titingnan namin kung may pag-asa ka," wika ng isang guwardya. Kinilatis pa nito ang katawan ng binata. Payat ito at mukhang hindi tatagal sa aktwal na laban kung nagkataon. Ngumisi naman ang lalaking payat na iyon. Doon ay biglang may hangin na kumawala sa kinatatayuan niya. Nag-concentrate siya at pagkatapos ay nagliwanag ang katawan nito. Lumabas ang kulay ng aura nito. "Violet Aura?" winika ng isa sa bantay. Napatawa na lang ang dalawang guwardiya nang makita iyon. Sa lahat ng aura, ito ang pinakamahina sa lahat. Sa isip-isip ng dalawa ay walang pag-asa ang humabol na ito. Natawa na lang sila dahil may dala pa raw ang lalaking malaking bag. Akala raw yata ng binata ay makakapasok ito. "Pumunta ka na sa gymnasium. Tingnan mo lang ang nasa gitnang building na iyon, hindi ka na maliligaw," sabi na lang ng guard na matapos mapatawa ay napailing na lang. "Maraming salamat po! Nga pala! Ako si Speed!" pagpapakilala ng binata at pagkatapos ay naglakad na ito na tila nabibigatan sa dalang bag. "Sige! See you mamaya!" nasabi na lang ng dalawang guard na napangiti sa isa't isa. Alam nilang babalik ito mamaya rito para lumabas dahil hindi ito nakapasok sa paaralan. "Ano'ng magagawa niya sa mga Blue Aura na nakita natin kanina?" dagdag pa ng isa at napakibit ng balikat na lang sila habang umiiling. Pagkatapos noon ay pumunta na sila sa kanilang pwesto. Makikita sa Purif School ang watawat nito na may nakalagay na kamao. Patuloy ito sa pagwagayway dahil sa ihip ng hangin. Simbolo iyon ng lakas na pinipilit makamit ng siyudad matapos ang sakuna noon. ***** SA Gymnasium. Sa stage na makikita sa unahan ay biglang nakita ng mga nangangarap na maging estudyante rito si Sir Kuro. Dahilan nga iyon upang ang lahat ay mapatingin dito. Karamihan sa narito ay fan at inspirasyon si Sir Kuro. Kaya ganoon na nga lamang ang galak nila nang makita ito nang malapitan. Napansin kaagad ito ni Sir Kuro. Natural lang iyon dahil siya ang pinakamalakas at kilalang Hero ng Purif. "Magandang umaga sa inyong lahat! Welcome sa school natin!" nakangiting pagbati ni Sir Kuro na nagpangiti sa labi ng mga naroon. "Hindi ko na padadamihin ang sasabihin ko. Alam na ninyo siguro na hindi lahat ay makakapasok dito..." "Sasalain namin kayong hanggang sa matibay ang matira." Nginitian ni Sir Kuro ang lahat. Ang mga nasa baba naman ay napalunok. "Para sa pagsasala..." "Gusto kong humanap kayo ng magiging ka-partner ninyo. Pagkatapos... Pumwesto kayo na magkatabi." "Kapag okay na, sasabihin ko sa inyo ang sunod ninyong gagawin..." Ang ilan sa mga aplikante ay mabilis na nakahanap ng ka-partner dahil may ilan na may mga kakilala at kaibigan. May ilan naman na naramdamang malakas ang isa't isa kaya nakipag-team up sila. May ilan nga rin na walang kakilala ang nahirapang humanap ng kakampi. Isa rin sa mahirap para sa ilan ay dahil may ilang alam na ang kulay ng kanilang taglay na aura. May ilan ngang nakitaan agad na nagtataglay ng Violet Aura. Naging dahilan tuloy iyon upang ayawan ito ng mga may aura na mas mataas ang lebel dito. Samantala, si Speed ay nasa loob na rin. May hinahanap siya na kanina pa niyang hindi nakikita. "Nasaan na kaya ang isang iyon?" Iniikot na niya ang tingin sa paligid, pero hindi niya ito makita. Dati pa naman ay nahihirapan siyang hanapin ito. Nakakaramdam si Speed ng aura ng sinuman, isa iyong abilidad ng sinumang may kapangyarihan. Iyon din ang nagsisilbing batayan ng karamihan upang karkulahin ang lakas ng kaharap nila. Pero sa hinahanap niya, ang kanyang kaibigan na ni minsan ay hindi niya naramdaman ang aura mula nang makilala niya ito. Naalala nga niya bigla, nang una niyang makilala ito. Naligaw siya noon sa kagubatang malapit sa lugar nila. Madilim na rin kasi ang paligid noon kaya hindi niya maiwasang makaramdam ng takot. Natural na rin iyon dahil bata pa siya noon at kahit alam na niya ang kanyang abilidad ay hindi pa siya bihasang gamitin ito. Naririnig ni Speed ang huni ng mga hayop na gumagala sa kagubatan nang mga sandaling iyon. Maya-maya pa'y kinabaduhan siya nang may alulong ng isang hayop pa siyang narinig mula sa kanyang likuran. Napaupo na lang siya at nang lingunin niya iyon ay tumambad sa kanya ang mapulang mata ng naglalaway na itim na lobo ng kagubatang iyon. Sa takot niya doon ay napasandal na lang siya sa ugat ng isang puno. Palapit na iyon nang palapit sa kanya. Handang-handa na iyon para lapain ang batang siya. Kaso, huminto iyon nang may lumitaw na bata sa gilid ng itim na lobo. Wala itong pantaas at tanging maruming shorts lang ang suot. Napansin niya na hindi pangkaraniwan ang katawan nito. Parang kaedadin niya lang ito, pero ang hulma ng bisig at mga kalamnan nito, makikitang batak ito sa mabibigat na gawain. "Umalis ka na rito..." seryosong sinabi ng batang katabi ng itim na lobo. Hinihimas din nito ang magulong balahibo ng mabangis na hayop na iyon na tila hindi natatakot. "H-hindi ko kayang tumayo..." aniya. Seryoso siyang nilapitan ng bata at mabilis na hinawakan ang kanyang kamay. Naramdaman kaagad niya ang kagaspangan ng palad nito. Kasunod noon ay bigla siyang itinayo nito gamit ang isang kamay na bahagya niyang ikinabigla. Walang kahirap-hirap na ginawa iyon ng bata. "Umalis ka na rito bata," seryosong sambit nito. Si Speed, napatakbo na lang palayo nang matapos marinig iyon. Nagulat na lang siya nang makalabas siya ng gubat. Doon nga ay nakauwi siya. Pero hindi niya nakalimutan ang batang tumulong sa kanya. Simula noon, palagi na siyang pumupunta sa gubat na iyon. Hindi na siya natakot, iyon ay dahil alam niyang walang mangyayaring masama sa kanya sapagkat ililigtas uli siya nito. Dala ng kakulitan niya noon, itinuring na niyang kaibigan ang batang nagligtas sa kanya. Hanggang sa nakasanayan na nilang maging magkasama. "Ano'ng ginagawa mo?" tanong ni Speed dito nang makitang bumubuhat ito ng malaking troso gamit ang isang kamay. "Pinapalakas ko ang katawan ko," munting tugon nito. Si Speed naman ay may matagal nang tanong sa sarili. Iyon ay kung bakit hindi niya maramdaman ang aura ng kaibigan niya. Hanggang isang araw, tinanong niya kung ano ang kulay ng aura nito. "Hindi ko alam. Matagal ko nang sinusubukang palabasin ang aura ko. Pero wala," wika nito habang nakatingin sa sariling kamao. "Wala rin akong kapangyarihan... Kaya naisip ko na lang na palakasin ang katawan ko." Habang nag-uusap ang dalawa ay nakapalibot sa kanila ang lahat ng mababangis na hayop sa kagubatan na tila wala lang. "Pero nagawa mong pasunurin ang mga mababangis na hayop dito?" tanong uli ni Speed na napatingin sa mga marka ng humilom na mga kalmos sa katawan ng kanyang kaibigan. "Tinalo ko sila nang bata pa ako. Gamit ang sarili kong lakas," sabi ni Beazt. "Baka kapangyarihan mo ang pagkakaroon ng malakas ng katawan?" ani pa ni Speed. "Hindi ko alam." Iyon na lang palagi ang sinasabi ng kanyang kaibigan. Marami itong hindi alam sa sarili. Kasama na roon ang pinagmulan nito at kung sino ang magulang nito. Lumaki  si Beazt na mag-isa sa gubat at si Speed ang unang nilalang na nakipagkilala rito. "Sa wakas! Nakita rin kita! Hoy! Beazt!" Nakita ni Speed ang kanyang kaibigan na nasa gilid na kasalukuyang nagpu-push-ups. Siya si Beazt, ang pangalang si Speed ang nagbigay! Ang kanyang kaibigang pinilit niyang pumunta rito sa Purif School. "Tayo ang mag-partner," nakangiting wika ni Speed. Kasunod noon ay ang walang emosyong tingin ni Beazt sa kanya. "Sige..." sagot ni Beazt na ni minsan ay hindi nakitaan ni Speed ng emosyon. Ilang sandali pa ang lumipas hanggang sa ang lahat ay nakahanap na ng kanya-kanyang partner. Doon na nga muling nagsalita si Sir Kuro. "Ngayon, ipakita ninyo sa akin ang kulay ng inyong aura." Pagkarinig ng lahat doon ay biglang nagliwanag ang loob ng gymnasium nang ipakita na ng bawat isa ang kani-kanilang aura. May ilang Blue Aura ang napangisi na lang nang mga sandaling iyon. Pinagmasdan nila ang paligid at iilan lang sila na may ganoong aura. Nasa lima lang sila na tila nagpaangat lalo sa kanila. Karamihan ay Indigo Aura at ang masaklap, higit na nangibabaw ang Violet Aura. Ang aura na pinakamahina sa siyam na kulay nito. Marami tuloy ang nainggit sa ilang Blue Aura dahil malaki ang chance ng mga ito na makapasok. Kaso, wala naman silang magagawa sapagkat ipinanganak silang nasa mababang antas ng aura at wala silang magagawa. Ayon sa mga aklat kung saan nasusulat ang tungkol sa lebel ng mga aura, ang nasa huling dalawang pwesto ang tanging aura na hindi na nag-iiba ang kulay. Ang Blue Aura ay posible pang mag-iba at umangat sa mas malakas sa lebel. Ito rin ang dahilan kaya mas naging malakas ang kompyansa ng mga may aura na asul. Pwede silang maging mas malakas kapag nakapasok na sila sa paaralang ito. Si Beazt, napatingin na lang sa paligid. Wala pa rin siyang mapalabas na aura. Si Speed naman ay taas-noong pinagmamasdan ang mga nasa paligid kahit Violet Aura lang ito. "Papatunayan ko sa inyo na wala sa kulay ng aura ang batayan para maging Hero!" nakangising winika ni Speed habang nakakuyom ang isang kamao. Si Sir Kuro, biglang napansin na walang aura ang isang kalahok sa parteng likuran. Hindi rin niya maramdaman na mayroon ito kaya napaisip siya. Doon nga ay bigla siyang naglaho at lumitaw sa harapan nina Speed at Beazt. "Ikaw bata? Bakit wala kang aura?" Ang tinutukoy ni Sir Kuro ay si Beazt. Si Speed naman ay napanganga na lang nang makita nang malapitan ang iniidolo niyang Hero. "Hindi ko alam," sagot ni Beazt na nagpaseryoso kay Sir Kuro. Sa tanang buhay niya ay wala pa siyang nai-encounter na ganitong nilalang. Imposible rin na may ipanganak na walang aura dahil lahat ng tao ay may tinataglay na kapangyarihan. "Ano'ng kapangyarihan mo bata?" tanong uli ni Sir Kuro na napansin ang katipunuan ng katawan nito kahit nasa batang edad pa. "Hindi ko alam," sagot uli ni Beazt habang nakatingin sa mga mata ni sir Kuro. "T-totoo po i-iyon! W-wala po siyang kapangyarihan," bigla namang winika ni Speed. Nauutal pa nga ito dahil sa kaba. Napatingin tuloy ng seryoso si Sir Kuro dito. "P-promise po! N-nagsasabi po ako ng totoo..." wika uli ni Speed. "Kung totoo man iyon... Siguradong mahihirapan kayong makapasok dito," sabi pa ni Sir Kuro habang nakatingin kay Beazt. Si Speed naman ay biglang napangisi nang marinig iyon. "Walang problema Sir. Pero... naniniwala akong wala sa antas ng aura nasusukat ang pagiging isang hero!" seryosong winika ni Speed habang nakatingin sa mata ng kanyang idolo. Sandaling napahinto ng tingin si Sir Kuro kay Speed na tila may naalala at pagkatapos ay ngumiti ito. Doon na niya sinabi ang sunod na gagawin ng mga partisipante. "Ngayon, maghanap kayo ng magpares na makakalaban ninyo. Kung sinuman ang matatalo ay malaya ng papalabasin ng paaralang ito!" Pagkasabi ni Sir Kuro noon ay napatingin ang lahat ng mga may Indigo Aura kina Speed at Beazt. Doon ay nagpaunahan ang mga ito na makalaban ang mga ito. Napaseryoso na lang tuloy si Speed dahil doon. "Beazt... Kaibigan mo ako, 'di ba?" mahinang tanong ni Speed sa katabi. "Oo," kalmadong sagot ni Beazt na kasalukuyang pinapalagutok ang mga buto sa kamao na parang wala lang. "Ayos iyan... Pababagsakin natin ang makakalaban natin. Ngayon, ipakita mo sa kanila kung ano ang bunga ng mula pagkabata mong pagpapalakas sa iyong katawan. Gusto mo ng malakas na makakalaban? Dito mo na mahahanap iyon." "Ang kapangyarihan ko... At ang taglay mong pisikal na lakas. Hindi nila tayo matatalo!" Pinalibutan nga sina Speed at Beazt ng mga partisipante. Kaharap nito ang dalawang partisipante na agad silang pinuntahan para labanan sila. "Sayang! Naunahan tayo... Sure win na sana," ani ng iba na nanghinayang sa mga nangyari. Nagbigay ng rules si Sir Kuro sa unang laban. Ang unang susuko ay siya ang talo. Ganoon din ang hindi na makakabangon ay talo na rin. "Ipakita ninyo ang lahat ng lakas ninyo. Laban na!" malakas na sabi ni Sir Kuro. Doon nga ay lumabas ang aura ng bawat isa. Dalawang Indigo Aura ang kaharap nina Speed at Beazt. Si Beazt ay seryosong pinagmamasdan ang kalaban. Napakuyom siya ng kamao pagkatapos noon. "Easy win..." sabi ng isa sa sarili at nabalot ng aura ang kanang kamao nito. Ang isa naman ay nabalot ng aura ang dalawang mga paa. Kasunod noon ay mabilis nilang sinugod ang mas mahinang aura sa kanila na kalaban. Nagliwanag naman ang mga mata ni Speed. "Ipapakita ko ngayon sa inyo ang abilidad ko." Kasunod noon ay mabilis na nakalapit ang dalawang kalaban sa harapan nila. "Susuntok mula sa kaliwa mo ang isa at ang isa ay sisipain ako gamit ang kanang paa nito," mabilis na sinambit ni Speed. Si Beazt, napakabilis ng reflexes. Ang kaliwang kamay nito ay mabilis na dinakma ang kanang paa ng aatake kay Speed. Kasabay noon ay ang mabilis niyang pagyuko upang iwasan ang malakas na suntok ng kasama nito. Kasunod ng pagyuko ni Beazt ay ang pagsunod ng kaliwang kamao nito papunta sa mukha ng susuntok sa kanya. Tila isang matigas na bato ang naramdaman ng kalaban nilang susuntok sana kay Beazt. Sinalo nito ang kamao ng walang aura na binata. Nilabanan nito iyon ngunit sa lakas noon ay naramdaman nito na may ilan sa sariling ngipin ang natanggal dahil sa tindi noon. Walang aura na bumabalot sa kamao ni Beazt, ngunit hindi basta-basta ang suntok nito. Ang isa naman ay sinubukang tumalon upang makawala sa pagkakahawak ni Beazt, subalit tila kulang pa iyon upang tibagin ang malakas na pagkakahawak nito sa paa niya. Bagkus, bumukol ang kalamnan ni Beazt sa mga bisig nito at pagkatapos ay walang kahirap-hirap na inihampas sa sahig ang katawan ng kalabang hawak nito. Sinalo ng sahig ang buong mukha nito na nakaramdam naman ng pagkabali sa sariling ilong. Bumagsak ang dalawang may aura ng Indigo na namimilipit sa sakit matapos ang ginawang iyon ni Beazt. Si Speed naman ay nakangising pinagmamasdan ang mga natamemeng partisipante sa paligid nila. Ang Future Sight Ability niya at ang lakas ng kanyang kaibigan. Nang marinig pa lang niya ang team-up format ay tumaas lalo ang kanyang kompyansa na manalo. Si Sir Kuro, bahagyang nagulat sa nasaksihan. Hindi niya iyon inaasahan. Naalala niya ang sinabi ng lalaking si Speed. "Hindi nasusukat ang pagiging Hero sa antas ng aura..." ani ni Sir Kuro sa sarili habang naaalala ang isang tao na tila kapareho ng sinabi ng payat na lalaking iyon.
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม