Bola 10

2814 คำ
ISANG hindi inaasahang steal!   Isa iyong pangyayaring sandaling nagpatahimik sa mga taga-SW. Isa kasing imposibleng pagka-agaw ng bola mula sa star player ng kanilang team ang kanilang nasaksihan. Pero bumalik din naman sa SW ang bola matapos ang ginawang ni Ricky na pagpasa sa kawalan. Isang turnover iyon para sa kanya! Samantala, sa bench ng CISA ay naroon naman si Cunanan na kasalukuyang nagwa-warm-up. Mukhang maglalaro na uli ito at halatang ipapasok na nga muli ito sa laro.   "Isang malaking tsamba ang ginawa mo ah," seryosong wika ni Rio habang pinapatalbog ang bola sa harapan ni Ricky.   Si Ricky naman ay tila naging sarado ang pandinig sa mga narinig. Naging seryoso ang dating niya habang ginaguwardyahan ang star player ng SW.   Depensa.   Depensa.   Depensa! Ito ang tumatakbo sa kanyang isip nang mga oras na iyon. Ang posisyon ng pagtayo ni Ricky ay medyo bumaba at ang kanyang mga kamay at braso ay mas iginalaw niya. Kahit na paulit-ulit siyang pinapatakbo ng kanilang coach tuwing practice, may mga simpleng bagay rin naman itong itinuro sa kanya.   Ang mga binti ni Ricky, dahil sa halos araw-araw na pagtakbo ay nagkahubog. Ang kanyang mga hita ay tila nabatak sa ginagawa niyang iyon nang hindi niya nalalaman. Naalala niya rin ang ilang players na napapanood niya sa Youtube. Ang mga players na bihasa sa pagdepensa ay gusto niyang tularan. Hindi niya susukuan ang bola! Wala man siyang maipuntos, ang importante ay may maiambag siya sa pagdating sa depensa. Isa pa, hindi rin basta-bastang estudyante si Ricky dahil may taglay rin siyang talino at alam niya sa kanyang sarili ang mga dapat niyang gawin. Huwag nga lang siyang pangungunahan ng kaba.   Pinatalbog na nga lalo ni Rio ang bola. Paiba-iba siya ng direksyon at tila nililito niya si Ricky.   Dumiretso nga si Rio pakanan. Kasunod din noon ay ang isang biglaan pagkaliwa. Subalit nanatiling nakasunod si Ricky sa kanya. Seryoso lang ang tingin nito sa bola at sa mga paa niya.   Napansin nga ni Rio ang kaseryosohan ng bumabantay sa kanya. Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay hindi niya ito malusutan dahil dikit na dikit ang depensa ni Ricky sa kanya. Tila isang mala-linta ang depensa nito sa kanya.   Gaya ng itinuro ng kanilang coach kay Ricky... Kailangan din niyang maging maingat dahil pwede siyang tawagan ng foul kung may makikita ang referee sa klase ng pagbantay niya kay Rio.   "Makulit ka ah..." sambit nga ni Rio.   Mabilis na pinatalbog ni Rio ang bola papunta sa basket. Doon ay sinabayan din siya ni Ricky at kasunod noon ay ang isang biglaang paghinto niya na sinabayan tira sa bola. Si Ricky ay mabilis namang hinabol si Rio at tumalon agad para i-block ang bola.   Tila ang laro sa loob ng court ay napunta sa kanilang dalawa na lamang. Ang mga kakampi nila ay tila naglaho sa kanilang paningin. Ang mga manonood naman ay hindi maiwasang panoorin ang nangyayari sa kanilang star player at sa isang kung sinong player ng CISA.   "Huli ka ngayon," sambit ni Rio na hindi pa pala umaangat ang mga paa. Isa iyong fake! Isang pain upang makuhanan ng foul si Ricky.   Doon na nga tumalon si Rio. Nakita ng binata ang tamang pagkakataon! Bumangga ang kanyang katawan sa katawan ni Ricky at kasunod noon ay itinira niya ang bola. Tantyado pa rin ang jumpshot na iyon ni Rio kahit nawalan siya ng balanse. Patunay lang ito na praktisado niya ang ganoong uri ng jumpshot.   Tumunog na nga ang silbato ng referee. Tumawag na nga ito ng foul laban kay Mendez!   Kumawala na rin ang bola mula sa kamay ni Rio subalit nabigla na naman siya nang muling tumalon si Ricky kahit nakatawag na ng foul ang referee. Pinilit pa rin nitong maabot ang bola at tumama nga sa dulong daliri nito iyon. Naging dahilan tuloy iyon upang maiba ng direksyon ang bola nang bahagya.   Hindi nga pumasok ang inaasahang counted-foul ni Rio at lumapag naman si Ricky na halos hinihingal sa ginawa.   "Foul number 3! Two free-throws para kay Umali!" bulalas ng ref na kaagad kinuha ang bola.   Napatingin na lang si Ricky sa referee matapos iyon. Huminga na lang siya nang malalim para bawasan ang hingal na kanyang naramdaman. Ang hindi alam ng binata, nakatingin pala sa kanya ang lahat, ganoon din ang mga players na nasa loob ng court.   "Ricky!"   Napalingon na lang si Ricky sa kanyang likuran, ang kanilang team captain na si Alfante. Seryoso itong lumapit sa kanya at inakbayan ang siya.   "Ang galing ng ginawa mo!" nakangiting winika ni Alfante habang si Ricky naman ay bahagyang nagulat nang marinig iyon.   Hindi alam ni Ricky kung ano ang magaling sa kanyang ginawa. Ginusto lang naman niyang makuha ang bola. Isa pa, ang ikalawang pagtalon niya, hindi nga niya inaasahang kanyang magagawa pa iyon.   Naging malalim ang iniisip ni Rio matapos niyang maipasok ang unang free-throw. Doon na nga rin pumasok si Cunanan at pinalitan niya si Cortez. Siya na nga ngayon ang tatayong point guard ng team.   "Imposible..." Nasabi na lang ni Rio sa sarili at nabigla ang mga manonood nang nagmintis ang ikalawang free-throw nito.   Doon na nga nagkadikdikan sa ilalim ang mga sentro at forwards ng magkalabang team. Ngunit ang rebound na iyon ay nakuha ni Alfante matapos ang matagumpay na pagbox-out kay Aquino ng SW. Napaupo pa nga ang sentro ng SW matapos iyon.   "Dahil sa Ricky na ito," sabi ni Alfante sa sarili habang pinagmamasdan ang mga kakamping nagmamadaling tumatakbo papunta sa court nila. Doon ay buong lakas nga niyang ibinato ang bola. Ang bilis kasi ni Cunanan dahil nasa dulo na kaagad ito.   "Depensa!" sigaw naman ni Rio sa mga kakamping nagmamadali na ring bumalik. Subalit huli na sila dahil nakangising sinambot na ni Cunanan ang bola at pagkatapos ay malayang ini-lay-up ang ito papunta sa basket.   Napahiyaw nga sina Roland, ang mga kaibigan ni Ricky nang mangyari iyon. Dahilan tuloy iyon upang mapatingin sa mga ito ang mga taga-SW.   "GO CISA!" malakas na sigaw naman ni Mika na napatayo pa matapos iyon.   "Go CISA! Go! Go! Go!" sigaw ng mga kasama pa nitong babaeng nasa lima ang bilang. Bakit ba sila mahihiya? Sila nga pala ang cheering squad ng CISA pagdating sa CBL.   Napangiti na lang si Ricky nang makita ang mga kaibigan, lalo na si Mika.   "Gagalingan ko pa! Gagalingan ko!" sabi nito sa sarili at bumaba na siya para dumipensa kasama ng kanyang mga ka-team.   Kinuha muli ni Rio ang bola sa kanyang team. Gusto niyang siya na ang magdala nito.   "Hindi ka na makakaulit sa akin," sambit nito habang nakatingin kay Mendez.   Kitang-kitang lamang sa tangkad si Rio kumpara kay Ricky na 5'6 lamang. Isang mabilis na dribbling na naman nga ang kanyang ginawa. Sumenyas din siya sa kanyang teamates dahil isolation play na naman ang gagawin niya.   Isang mabilisang dribbling pakaliwa at biglang ibinaling ni Rio ito ng pakanan. Sinundan din iyon ng isang biglaang pagpapatalbog ng bola papunta sa pagitan ng binti ni Ricky. May pasimpleng pagbangga rin na ginawa si Rio sa binata dahilan upang bahagyang mawalan ito ng balanse. Doon ay hinabol nga ni Rio ang bola. Naiwanan niya si Ricky na kanyang ikinangisi. Isa pa, kalat ang depensa dahil binigyan siya ng espasyo ng mga kakampi niya. Kung may biglang humarang man sa kanya ay mabilis niyang ipapasa ito sa lumuwag niyang kakampi.   "Lamang pa rin ako pagdating sa larong ito sa iyo," wika ni Rio sa sarili.   Hinabol ni Ricky si Rio subalit sa pagkakataong iyon ay hindi na niya ito maabutan. Doon ay buong lakas na tumalon si Rio at gusto niyang ipakita ang gagawin niya sa lahat.   Mahigpit niyang hinawakan ang bola. Pero nabigla siya nang may isang player ng CISA ang nakapwesto na kaagad sa kanyang harapan bago siya tumalon. Hindi niya iyon napansin!   Bumagsak ang player na iyon at hindi na naituloy ni Rio ang kanyang plano. Tumunog din ang silbato ng ref.   "Offensive foul! Yellow number 23!"   Mabilis na napalingon si Rio sa ref.   "Hah? Paanong offensive!? Blocking foul iyon ref!"   Hindi naman nagsalita ang ref. Tumayo na rin nga ang player ng CISA na hindi natakot isakripisyo ang katawan para sa tawag na iyon.   Nakangisi ngang tumayo si Cunanan matapos alalayan nina Alfante at Reyes. Pinasadahan niya rin ng tingin ang mga kakampi.   "Kung gusto ninyong manalo... dapat, handa kayong masugatan at masaktan sa larong ito!" seryosong sinabi ni Kier Cunanan.   Nilapitan ni Cunanan si Ricky. Tinapik din niya ang balikat nito.   "Ayos ang ginawa mo," winika ni Kier.   Bahagya na namang nabigla si Ricky. Hindi niya maisip na may maganda pala siyang nagagawa sa game na ito.   Si Cunanan na ang nagdala ng bola papunta sa side nila. Pinagmasdan niya rin ang pwestuhan ng mga players, lalo na ng kanyang mga kakampi. Alam niyang pagdating sa opensa ay walang magagawa si Ricky dahil makikita ang maluwag na depensa ni Rio rito. Isa pa sa napansin niya ay nawala nang bahagya ang angas ng star player ng SW.   Pinatalbog ni Cunanan ang bola nang mabilis at pinagmasdan kaagad niya ang pwesto ni Romero. Gumalaw ng bahagya ang kanyang kamay para ipasa rito. Inisip tuloy ng bumabantay sa kanya ay ipapasa niya rito ang bola. Tumakbo nga ito papunta sa direksyon ni Romero ngunit nang tingnan muli si Cunanan... ay nabigla ito. Isang three point jumpshot ang mabilis na pinakawalan ni Kier Cunanan.   Ang ganda ng ikot ng bola habang nasa ere. Pagkalapag ni Cunanan ay siyang pagtalikod nito na tila alam na papasok ang tira niyang iyon.   Swishh!   Walang kasabit-sabit ngang pumasok sa ring ang bola. Hinalit nito ang net na lumikha naman ng isang magandang tunog.   Napatahimik din niyon pansamantala ang sigawan ng mga manonood. Ito talaga ang speciality ni Kier Cunanan... ang beyond the arc shots!   32-51! May natitira na rin lang na 40 seconds sa second quarter matapos ang ginawang iyon ni Kier Cunanan. Bigla ngang napatawag ng time-out ang SW dahil doon. Nagsibalikan muna ang mga players sa kanya-kanyang bench.   Hingal na hingal na umupo si Ricky. Agad din siyang uminom ng tubig. Dahil sa time-out na iyon, naramdaman niya ang pagod sa mahigit isang minuto pa lamang niya sa loob ng court.   "Ano Ricky? Kaya mo pa ba?" biglang tanong ni Coach Eric sa kanya.   "K-kaya pa po coach," sagot ni Ricky habang pinupunasan ang mukhang basang-basa ng pawis gamit ang kanyang dalang towel.   "Magaling ang ginawa mong iyon Kier!" wika naman ni Coach kay Cunanan na umiinom ng tubig habang nakatayo.   "Kulang pa iyon coach... Gusto kong ipakita sa mga players mo na hindi lang basta laro ang basketball..."   "Pinagpapaguran ito!"   May halong angas ang dating ng sinabing iyon ni Cunanan para sa ilang players ng CISA ngunit para kay Romero at Alfante... tama iyon. Iyon ang wala sa team nila. Ang pagpupursige kahit talo na. Mabilis silang sumuko! Hindi sila mananalo kung wala pang lima ang seryosong maglaro hanggang dulo.   Tumunog nang muli ang buzzer, hudyat iyon na tapos na ang time-out. Nagsibalikan na rin uli ang mga players sa loob ng court. Sa SW ang possession ng bola. Sa pagkakataong ito, si Herrera na ang nagbaba ng bola at binabantayan ito ni Cunanan.   Si Romero, mas dinikitan naman ang binabantayang si Blanco. Habang si Ricky ay hindi naman pinakawalan si Rio. Ganoon din si Reyes, ang Power Forward ng team, mas dinepensahan nito lalo si Contales. Habang ang dalawang sentro naman ay naggigitgitan sa ilalim. Sinusubukan nga ni Aquino na pumwesto ngunit hinaharangan ni Alfante ang katawan nito upang hindi mapasahan ng bola.   "Mas humigpit ang depensa nila ngayon," wika ni Herrera sa sarili. Bigla na lang napaatras ang point guard ng SW dahil pakiramdam niya ay maaagaw ni Cunanan ang bola mula sa kanya.   Kilala rin kasi ni Herrera si Cunanan at alam din niyang player ito dati ng CU. Hindi niya alam ang buong galing nito dahil back-up lang ito, ngunit nang makaharap na niya ito nang sandaling iyon ay nakaramdam siya ng kaba. Ito ay katulad ng kabang naramdaman niya noong nakaharap nila ang CU sa CBL.   "Ipasa mo sa akin!" gigaw ni Rio na tumatakbo papalapit dito. Napansin kasi ni Rio na parang nahihirapan ang kanilang point guard kay Cunanan.   Ipinasa nga nito ang bola kay Rio. Pagkasambot niya ay mabilis nitong hinarap ang bumabantay na si Ricky.   "Hindi na kayo makakaulit!" sambit nito. Isang maliksing pag-dribble ang kanyang ginawa. Si Ricky ay seryoso namang sinundan ang bola gamit ang tingin.   Isang biglaang dribbling na naman pakaliwa ang ginawa ni Rio. Sinundan naman siya ni Ricky at pagkatapos ay biglang huminto ito. Doon ay napatigil na rin ang kanyang defender.   Pinadaan bigla ni Rio ang bola sa pagitan ng binti ni Ricky. Tumalbog ang bola at lumampas dito. Ang bilis noon! Pagkatapos ay mabilis niyang binangga si Ricky subalit iniwasan siya ng binata na kanyang ikinabigla. Isa pa, nang lampasan niya ito ay naglaho rin ang bolang kanyang nais hawakan.   Alam naman ni Ricky na gagawin iyon ni Rio. Minsan na niya itong nakita, kaya nabantayan niya ang direksyon ng bola. Eksakto ngang nasambot ng kamay niya iyon. Isa na namang steal!   Naramdaman ngang muli ni Ricky ang pakiramdam na katulad noong try-out. Mabilis nga niyang ibinato ang bola sa court nila. Doon ay bumulusok nga ito patungo roon... diretso sa mga kamay ng isang player ng CISA.   Kung kanina'y walang sumalo ng kanyang ginawa, sa pagkakataong iyon... mayroon na.   "Nice pass!" bulalas pa ni Cunanan at pagkatapos ay malaya niyang ginawa ang isang libreng lay-up.   Hindi naging maganda ang pasa ni Ricky sa bola, ngunit para kay Cunanan, siya ang dapat mag-adjust sa pasa na iyon. Isa itong bagay na madalas niyang gawin nang nasa CU pa siya.   Pumasok muli ang bola sa ring. Isa na naman ngang basket para sa CISA iyon. 34-51, at mayroon na lamang 20 seconds ang natitira sa first half ng game.   Seryosong kinuha ni Rio ang bola matapos iyon. Napatingin siya sa bumabantay sa kanya. Hindi niya makitang magaling ito. Hindi rin niya maramdamang marunong itong maglaro. Pero iyon ang ikinaiinis niya, dahil paanong nagagawa nitong agawan siya ng bola?   Paano?   "Pasa!" sigaw bigla ni Aquino na nakapwesto na nga ng maganda sa ilalim na kasalukuyang pinopostehan si Alfante.   Ipinasa nga ni Rio ang bola rito. Doon ay pinwersa nga ni Aquino si Alfante para mapalapit lalo sa basket.   Hindi rin naman nagpatalo si Alfante at dinipensahan niya ito gamit ang lakas.   10...   9...   8...   Nauubos na nga ang oras.   Napaatras si Alfante dahil may kabigatan si Aquino. Doon na nga umikot si Aquino para ilagay ang bola sa basket ngunit, biglang umangat ang bola paitaas dahil may player ang biglang tumapik dito.   6...   5...   Si Ricky!   Si Rio nga ay hindi na nga naabutan si Ricky sa pagpunta nito kay Aquino. Dahil na rin sa pagkagulat ay hindi nabawi ng sentro ng SW ang bola. Kinuha iyon ni Ricky at pagkatapos ay ibinato na naman ito patungo sa direksyon ng kanilang basket. May kalakasan iyon! Ngunit biglang may isang player na naman ng CISA ang sumambot dito habang tumatakbo.   "Nice pass!" bulalas ni Cunanan na lumampas lang ng isang hakbang mula sa gitna ng court.   3...   2...   Nabigla ang mga manonood nang itira nito mula sa kinatatayuan ang bola. Ang layo ng jumpshot na iyon. Pero! Dahil sa pagtakbo ay nagkaroon si Cunanan ng karagdagang pwersa para sa kanyang pagpulso.   Tumunog nga ang buzzer habang ang bola... umarko na ito at dumiretso papunta sa basket. Bumangga pa ito sa board at pumasok sa loob ng basket pagkatapos.   Napahiyaw pa si Cunanan matapos maipasok ang pambihirang three point shot na iyon. Pinatahimik nga noon ang buong court. Hindi sila makapaniwalang makakasaksi sila ng ganoong klase ng buzzer beater.   Isang buzzer beater mula sa halfcourt!   Natapos ang first half sa score na 37-51. Isang 10-1 run ang ginawa ng CISA magmula nang makapasok sa game ang dalawa nilang bagong players.   Tila nga hindi makamove-on ang buong gym ng SW matapos iyon. Lahat sila ay nakatingin kay Cunanan habang naglalakad pabalik sa bench nito. Ngunit sa isip naman ng binata ay hindi niya magagawa iyon kung hindi dahil sa player na si Ricky Mendez.   Pagod na pagod naman si Ricky nang makaupo uli sa bench. Parang bibigay na ang kanyang katawan matapos ang dalawang minutong laro. Hindi na nga niya maisip kung paano pa siya nakakatakbo sa loob ng court kanina.   Sa loob ng dalawang minuto, nakagawa si Ricky ng 3 steals at 2 assists. Hindi na ito masama sa katulad niyang baguhan. Hindi na rin masama dahil kung hindi dahil doon ay hindi nila maiibaba ang lamang ng SW.   Nang mga sandali ring iyon, bigla na lang din napatingin ang lahat nang may isang malakas na lagapak sa mukha ang kanilang narinig mula sa bench ng CISA.   Sinampal ni Romero ang kanyang magkabilang pisngi. Doon ay napatingin din siya kina Cunanan at Ricky.   "Gumising ka Romero... Ang dalawang ito..."   "Mga kakampi mo sila!"
อ่านฟรีสำหรับผู้ใช้งานใหม่
สแกนเพื่อดาวน์โหลดแอป
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    ผู้เขียน
  • chap_listสารบัญ
  • likeเพิ่ม