“Triana, handa ka na ba? Kayo na ang sasalang pagkatapos ng isang sayaw na iyon,” tanong ni Gabbi, iyong baklang manager ng isang club sa isang babaeng nag-aayos ng kanyang makeup.
Matapos niyang ayusin ang kanyang makeup ay kinabit na ng babaeng nagngangalang Triana ang malalaking hikaw sa kanyang tainga na babagay sa costume na susuutin nila sa pagsasayaw.
“I’m always ready, Gab,” sagot naman ni Triana.
Lumapit si Gabbi kay Triana at inayos ang kanyang buhok. Hinawakan niya ang balikat ng dalaga at tiningnan ang repleksyon nilang dalawa sa malaking salamin.
“Nako! Galingan mo ulit, ha? Para naman marami ulit ang kita natin. Sana ay malalaki ulit ang ibayad nila para mai-table ka! Kapag malaki ang kita mo, hindi mag-iinit ang ulo ng nanay mo.” Humalakhak si Gabbi ngunit hindi siya sinabayan ni Triana sa pagtawa.
Nagtatrabaho si Triana sa isang high-end club na tinatawag na Night Parade. Mayayaman ang mga customer dito. Si Gabbi ay kaibigan ng mama ni Triana kaya naman naipasok kaagad si Triana sa ganitong klaseng trabaho. Hindi man niya gusto ang trabahong ginagawa rin noon ng kanyang ina ay wala naman siyang magagawa. Isa pa, hindi na raw kasi nakabalik doon ang kanyang mama nang maipagbuntis si Triana nito.
Hindi kagaya ng ibang sikat na bar o club na puntahan ng mga kabataan at kasing-edaran ni Triana, sa Night Parade ay halos matatandang mayayaman ang nagpupunta at nagagawang i-table ang mga entertainers basta at may katapat na pera.
Hindi man gusto ni Triana ang mapunta sa ganitong lugar ngunit nang mag-18 ang dalaga ay kaagad siyang ipinasok ng kanyang ina rito upang makapagtrabaho at kumita ng pera. Ganoon pa man, inaalagaan ni Triana ang kanyang dignidad bilang babae kaya’t isa sa mga inilagay niyang kondisyon niya sa kontrata ay hindi siya pwedeng bayaran upang makipag-s*x kagaya ng ibang babaeng empleyadong ginagawa iyon. May ilan na nagtatangka pa ring bastusin o hawakan ang kanyang inosenteng katawan.
Madalas ay umiiyak pa ito noon sa tuwing may humahawak sa kanyang hita o sa kanyang braso dahil sa takot, ngunit alam niya na iyon ay parte ng trabahong pinasukan niya. Wala siyang ibang choice dahil ito ang bumubuhay sa kanilang pamilya sa ngayon.
Ngayon ay nasa bente na ang edad ni Triana at sa ilang taon niya sa trabahong ito ay nasasanay na siya sa mga panghuhusga at panglalait ng ibang tao sa kanya. Hindi na lamang niya iyon masyadong iniintindi pa dahil alam niya na hindi naman sila bubuhayin ng mga panglalait ng ibang tao at hindi niya maipangbibili ng pagkain ng pamilya niya kung makikipag-away pa siya para lamang sa mga ganoong bagay.
“Ayan na, Triana! Kayo na ang sunod.”
Huminga nang malalim si Triana nang marinig iyon. Tumayo na siya sa kanyang kinauupuan at kaagad na inayos ang kanyang suot na damit. Huling beses na tumingin si Triana sa salamin upang maensayo ang kanyang pagngiti. Kailangan niyang ngumiti kahit na hindi naman siya tunay na masaya.
“Kaya ko ito,” bulong ni Triana sa sarili. Alam niya sa sarili na madalas ay hindi siya komportable sa pagsasayaw sa harap ng maraming tao kahit na ang tagal na niya sa industriyang ito. Ngunit hindi rin naman siya makaalis. Ang trabahong ito ang bumubuhay sa kanila. Ang trabahong ito ang nagpapakain sa araw-araw sa kanya at sa pamilya niya kaya sino siya para magreklamo? Sabi nga niya sa sarili noon, kapag mahirap ka, wala kang ibang pagpipilian kung hindi ang mga bahay na inihain lamang sa ‘yo. Bawal kang mamili dahil ang pagpili ay para lamang sa may pera at mayayaman.
Namatay ang mga ilaw at kaagad na silang pumunta sa kani-kanilang posisyon nila. Nagsimula nang tumunog ang musikang kanilang sasayawin at kasabay nito ay ang pagbubukas muli ng ilaw, at bawat ritimo ng musika ay kanilang sinasabayan.
Pole dancing. Iyan ang kanilang ginagawa. Mukha mang madali sa mata ng ibang tao pero kay hirap nitong gawin. Ilang sugat at gasgas na ang natamo ng katawan ni Triana noong bata pa lamang siya para lamang magawa niya ang mga bagay na nagagawa niya na ngayon.
Bata pa lamang ay sinanay na siya ng kanyang ina sa pagsasayaw nito, dahil alam nila na ito lamang din naman ang kababagsakan ni Triana.
Aminado si Triana na hindi maganda ang relasyon niya at ng kanyang ina. Siya kasi ang sinisisi nito kung bakit nasira ang buhay ng kanyang ina. Kinalakihan ni Triana na parating sinusumbat sa kanya ng kanyang ina na simula nang ipanganak ito ay nagsimula rin ang kamalasan sa buhay niya. Dahil hindi man lang daw pinanagutan ng ama ni Triana ang kanyang ina.
Triana is already immune to every humiliation and hurtful words that her own mother had given and said to her. Sa ilang taong naririnig niya ang mga iyon ay natutunan niyang tanggapin na lamang ang lahat ng ito. Kaya naman, ang mga panlalait ng ibang tao ay balewala na rin sa kanya. Nagpapasalamat na lang din siya sa kanyang ina na mas pinili pa rin nitong buhayin siya kaysa ang ipalaglag.
Patuloy lamang sila sa pagsasayaw hanggang sa matapos iyon. Malakas na palakpakan ang kanilang natanggap sa mga customers na naroroon. Ngumiti si Triana kagaya ng kanyang nakaugalian matapos ang kanilang nasabing performance.
Bumalik na si Triana sa loob ng dressing room upang makapagpalit ng damit nang lumapit kaagad sa kanya si Gabbi upang ipaalam na may gusto na kaagad na mag-table sa kanya. Nang malaman iyon ni Triana ay kaagad itong ngumiti at nagpaalam lamang na magbibihis ng damit.
“Mukhang may makaka-quota na agad ngayong gabi, ah?”
Napalingon si Triana sa nagsalita at nakita niya ang kanyang kaibigan na si Annaliese. Halos magkasabayan silang pumasok sa club na ito at hindi nalalayo ang edad kaya’t magkasundong-magkasundo silang dalawa. Mas matanda lang ng ilang taon si Annaliese sa kanya.
“Sana nga. Gusto ko na rin kasing makauwi at makapagpahinga. Parang ilang araw na akong walang maayos na pahinga. Kapag naka-quota ako ay tandaan mong mag-off ako bukas,” natatawang sambit naman ni Triana sa kaibigan.
Nagbihis na si Triana at inayos na rin ang kanyang makeup. Hinihiling niya na sana ay hindi ito kuripot at makakuha kaagad ng malaking tip.
“Mauna na akong lumabas, Liese!” paalam ni Triana sa kanyang kaibigan bago lumabas ng dressing room.
Nang makita siya ni Gabbi ay kaagad siyang hinigit nito at mukhang excited sa kung sino mang customer ni Triana.
“Baka mamaya ay may asawa na naman iyan. Jusko Gab, ha! Ayokong makapanira ng pamilya,” saad ni Triana habang nagpapahila kay Gabbi.
Naalala niya kasi ang nangyari noong nakaraan sa isa sa mga katrabaho niya. Nasabunutan ito ng asawa ng customer niya. Turns out, iyong babaeng sumugod ay asawa pala ng customer ng katrabaho niya. Ayaw naman ni Triana na matulad sa ganoon. Kahit sino ay okay sa kanya basta ay walang sabit.
“Thank you for waiting po. Ito nga po pala si Triana.” Ipinakilala ni Gabbi si Triana sa grupo ng mga lalaki. Ang ilan sa kanila ay may katabi ng mga babae.
“Sir Javier, ayan na iyong regalo namin sa ‘yo!”
Nagsigawan at nagpalakpakan ang mga lalaking kasama ng isang lalaking tila nasa late 40s or early 50s na ngunit masasabi mo pa rin na makisig iyon. Tinuro ng mga kasamahan niya ang isang lalaking tahimik na naiiling at natatawa.
Medyo madilim ang kapaligiran kaya’t hindi mamukhaan ni Triana ang lalaki. Kaagad siyang pinaupo roon sa bakanteng upuan katabi ng nasabing customer niya.
Nagpaalam na sa kanila si Gabbi at si Triana naman ay kaagad na inasikaso ang kanyang customer.
“Triana, tama ba?” tanong ng isang lalaki sa kanya na kaagad niyang kinatanguan. “Iyan ang boss namin at ang customer mo. Javier Benavidez. Ikaw na ang bahala sa kanya, okay? Alam na naman namin kung ano lang pwedeng gawin sa ‘yo. Just talking and touching but no sex.”
Tumangong muli si Triana at kaagad na pinagtuunan ng pansin ang lalaking hindi niya pa masyadong makita ang mukha dahil sa madilim na ilaw sa paligid nila.
“Do you want more whiskey, Sir?” pag-aalok ni Triana rito nang mapansin na wala nang laman ang baso ng kanyang customer na nagngangalang Javier.
Iminuwestra niya ang kanyang baso, indikasyon na lagyan iyon ng laman. Kaagad namang sinalingan ni Triana ang basong iyon.
Nang tumama sa kanilang pwesto ang liwanag ng ilaw ay roon lamang nakita ni Triana nang maayos ang mukha ng lalaki at halos malaglag ang kanyang panga. Sa unang pagkikita nilang iyon ay alam na ni Triana na ito ang magbibigay punan sa puso niyang nauuhaw sa pagmamahal.