SA PAGDILAT KO, nasa gitna na ako ng madilim na kagubatan. Pamilyar ang lugar. Mukhang dito rin sa lugar na ito ang lugar kung saan tinangkang ialay ako nina tito Chelo para baliin ang sumpa at iligtas sa kamatayan si Chelsa. Mga ingay ng insekto at huni ng mga ibon ang namamayani sa kalawakan ng gubat. Walang buwan, makikita ang napakaraming bituin sa kalangitan. Naalala ko si Chelsa. Paborito niyang pagmasdan ang mga kumikinang na mga bagay na ‘yon sa langit. At sabi niya, ako ang star niya. Ako ang nagbibigay liwanag sa madilim niyang mundo. Siya rin ang star ko. Ang liwanag ko.
Nang mawala siya, naging napakalungkot ko at naging madilim ang mundo ko – pero siya rin ang dahilan nang pagngiti ko. Tulad ng isang bituin sa madilim na kalangitan, na nananatiling kumikislap.
"Tayo na, binata." Nabaling ang atensiyon ko sa nagsalitang diwata, ang may berdeng pakpak.
Sa harapan namin, sa gitna ng dalawang mataas na puno ng niyog, may kung anong bagay, may hangin na humihigop at may sinag ng liwanag na nagmumula sa kung saan. May mga tuyong dahon pa ng punong tinatangay ang ang bagay na ‘yon at nararamdaman ko rin ang hanging humihigop na ‘yon – kabaliktaran ng pag-ihip ng hangin.
"D’yan tayo dadaan?" natanong ko.
Tumango ang mamang diwata. "Lagusan iyan patungo sa aming mundo, ang Anorwa," sabi niya.
"Wala bang mangyayaring masama sa ‘kin? Makakahinga ba ako sa mundo n’yo?" pag-aalala ko. Naisip ko, sa outer space kasi hindi ka makakahinga.
Ang binatang diwata ang sumagot sa tanong ko. "‘Wag kang mag-alala. Mahiwaga ang mundo namin at maraming kakaiba kompara sa mundo ninyo, pero hindi naman talaga naiiba ang mundo namin sa inyong mundo. Ganito rin doon, at maari kang makahinga," nakangiting sabi niya.
Humakbang ako, pero napa-s**t ako sa isip ko. Natanong ko sa sarili ko kung tama bang magtiwala ako sa dalawang diwatang ‘to? Gusto kong mahanap si Chelsa pati na rin si Tito Chelo. Pero… hindi kaya tudasin lang ako ng dalawang ‘to kapag pumasok ako sa lagusang tinutukoy nila? Hindi kaya kasamahan sila ng mga diwatang dumukot kay tito?
"Magtiwala ka," sabi ng mala-bouncer na diwata nang lingunin niya ako. Napansin niya ata ang pag-aalangan ko. Hindi na siya naghintay ng itutugon ko, nauna na silang maglakad ng kasama niya.
Kung ano mang kashitan ang mangyari sa ‘kin, Diyos ko, ikaw na ang bahala, nadasal ko sa loob ko. At sumunod ako sa dalawang diwata papasok sa lagusan patungo sa mundo nila.
Nakita ko ang paglaho ng dalawang diwata nang pasukin nila ang lagusan. Ang nakikita ko lang, liwanag at paggalaw ng mga dahon. At nakikita ko ang kakahuyan sa likod no’n, pero nawala ang dalawa nang dumaan sila sa pagitan ng dalawang puno ng niyog. Muli kong nasabi sa sarili ko na bahala na. At tuluyan na akong pumasok sa lagusan – naramdaman ko ang paghigop nito sa ‘kin.
Hindi ko alam kung nasaan na ako. Nakadilat ako, pero wala akong ibang makita kundi malawak na kadiliman. May naririnig akong mga kaluskos at paisa-isang patak ng tubig. Umatake ang kaba sa dibdib ko. Pero bago pa ako makasigaw para tawagin ang dalawang diwatang nagdala sa ‘kin sa lugar kung nasaan ako, biglang may nagliwanag sa harapan ko.
Nakaharap ang dalawang diwata sa ‘kin. Hawak ng may berdeng pakpak ang nagliwanag. Parang lampara? Pero hindi apoy ang pinagmumulan ng ilaw, kundi isang bato na ewan kung bato nga ‘yon?
"Ayos ka lang?" tanong ng may asul na pakpak.
Doon ko lang napuna ang nararamdaman ko sa katawan ko. "Parang may dumidiin sa mga laman ko?" sagot ko.
"Normal lamang iyon dahil dumaan ka sa lagusan, pinasok mo ang ibang dimensiyon," pahayag ng may berdeng pakpak. "Sa una lamang iyan."
"Nasa Anorwa na tayo?" natanong ko.
"Halika na. Makikita mo rin ang sagot," sagot lang niya. Tapos naglakad na sila.
Sumunod na lang ako. Pa-suspense pa? ‘Di na lang sumagot.
Sinusuri ko ang dinaraanan namin. Nasa kuweba kami na parang tunnel. May mga uri ng hayop at insektong gumagapang sa pader ng kuweba. Na ‘di ko alam kung kakaiba o may ganoon talaga kahit sa mundong kinalakihan ko. ‘Di ko naman kasi kabisado ang lahat ng hayop. May mga pababang patulis na mga batong kulay gatas na may pumapatak na tubig sa dulo, ‘yon pala ang mga naririnig ko.
Halos limang minuto rin kaming naglakad hanggang sa may matanaw akong liwanag sa aming unahan, ang bunganga ng kuweba. Nang marating namin iyon, nakikita ko na ang kalangitan sa labas. Bago kami tuluyang makalabas, iniwan ng may berdeng pakpak ang hawak niyang lampara at unti-unting nawala ang liwanag nito.
Sumenyas ang dalawang diwata sa ‘kin at sinundan ko sila palabas ng kuweba. Umaga ngayon. Pero kanina lang, kakagabi pa lang. Mukhang nasa ibang mundo na nga ako.
"Maogma," sabay na sabi ng dalawang diwata nang makalabas na ako sa kuweba at bahagya silang yumuko sa ‘kin.
"Iyon ang pagbati sa mundo namin," paliwanag ng may asul na pakpak. "Maogma," ulit niyang bati.
"Maogma," ginaya ko sila at bahagya rin akong yumuko sa kanila. Napangiti sila.
"Masayang pagdating sa Anorwa!" sambit ng may berdeng pakpak. Bakas sa tono ng boses niya ang pagmamalaki. Itinaas pa niya ang kamay niya para ipresenta sa ‘kin ang nasa harapan namin – ang kanilang mundo.
Nasa itaas na bahagi kami. Isang kuweba na nasa taas na bahagi ng bangin. Malalim ang bangin. At bakas sa natatanaw ko na napakataas namin. Na kung ‘di ka nakakalipad ay imposible mong marating. Natigilan ako. Bumilis ang t***k ng puso, ‘di dahil sa kaba o takot. Kundi sa excitement. Napatulala ako sa nakikita ko. Nakakamangha. Isang perpektong tanawin. Animo’y hardin na masusing binuo ng mga expert sa land escaping na mula pa sa iba’t ibang bansa ang gumawa – o mas higit pa. Walang salitang eksaktong makakapaglarawan sa ganda ng natatanaw ko. Tunay ngang wala na ako sa mundo ng mga tao – nasa mundo ng mga diwata na ako.
May natatanaw akong palasyo. Mapupuna mo siya agad dahil namumukod tangi siya sa ibang gusaling nakikita ko na sa palagay ko ay mga kabahayan – maraming patulis na tore at may mas mataas na nasa gitnang bahagi. Mapapansin rin ang taas at laki ng mga punong nasa baba namin at ang mga siguro’y bulaklak na iba’t iba ang kulay. At may mga ibong first time ko lang makita; may iba’t iba ang kulay, may mga maliliit na sama-samang lumilipad at may tatlong malalaking ibon na may mahahabang buntot. May mga nakikita rin akong mga kumikinang na bagay na palipad-lipad sa malayo. May mga kabundukan na maliit kong natatanaw dahil sa layo. Natatanaw rin ang karagatan, may mga nakikita akong gumagalaw doon at pagtalon sa tubig. May mahabang ilog din sa gitna ng kagubatan at may natanaw rin akong talon. Marami pa akong nakikita. Basta napakaganda. Nakanganga lang ako.
"Hindi ‘to panaginip?" mahinang nasabi ko.
"Ito ang Anorwa. Totoo ito. Hindi ka nananaginip," sagot ng malaking boses.
Napatingala ako at mas pinagmasdan pa ang kabuuan ng lugar. Asul na asul ang kalangitan at halos ilang dipa lang ang layo ng makakapal na puting ulap sa kinatatayuan namin.
"Nasubukan mo na bang lumipad?" muling sabi ng may berdeng pakpak.
Natigilan ako at tahimik na napangiti. Naalala ko nang ilipad ako ni Chelsa mula sa bubong ng bahay namin. Isa ‘yon sa pinakamasaya at astig na gabi ng buhay ko. "Oo," nasabi ko.
"Magaling. Kung ganoon, halika na. Hinihintay ka na sa palasyo."
Hinawakan ako sa magkabilang kamay ng dalawang diwata. Dahan-dahang gumalaw ang kanilang pakpak hanggang sa bumilis – maririnig ang pagaspas ng mga ‘yon. Hindi na ako nagtanong pa, bagama’t may katanungan sa isip ko. Seryoso? Sa palasyo? Piling ko napakaimportante ko. At basta bahala na talaga. Siguro naman masasagot ang mga katanungan ko pagdating namin sa palasyo.
Unti-unti nang umangat ang mga paa ko sa batong inaapakan ko. Hanggang sa tuluyan na kaming lumipad na halos tumama na sa mga ulap. May mga ibon pang nakisabay sa ‘min na unang beses ko pa lang nakita. Nilingon ko ang pinanggalingan namin, napakataas pala no’n at may mga kabundukan pa sa tuktok. Ang lamig ng hanging tumatama sa katawan ko habang lumilipad kami paibaba sa direksiyon ng palasyong pupuntahan namin. Napasigaw ako dahil sa bilis nang pagbulusok namin. May kaba, pero nangibawbaw ang saya. Ang astig! Talo ang pinaka-extreme na rides sa balat ng lupa! May tiwala na ako sa dalawang kasama ko, kaya wala sa isip ko na baka bitiwan na lang nila ako. Kaya naman naii-enjoy ko ang paglipad kasama nila. Naisip ko nga, ang sarap siguro magkapakpak tulad nila. Siguro ito rin ang naiisip ng nakaimbento ng eroplano kaya sila gumawa ng paraan para makalipad.
Mas lalo akong namangha sa ganda ng lugar nang makita ko ito nang malapitan. May nadaanan pa kaming malawak na damuhan at may mga iba’t ibang kulay ng bulaklak. At may mga nakita akong hayop na bagama’t ‘di ko naman kabisado ang hitsura ng lahat ng hayop sa mundo ng mga tao, alam kong kakaiba ang mga hayop na ‘yon, na walang gano’n sa mundo natin. May mga nakita rin akong iba pang diwata na napatingala sa ‘min at sinundan pa kami ng tingin – asul at berde rin ang mga pakpak nila at may ilang orange na pakpak akong nakita. Ang mga kasuotan nila ay mahahaba at may space talaga para sa kanilang mga pakpak. At ang mga buhok nila ay tulad din ng kulay ng dalawang diwatang kasama ko na tsaka ko lang napuna, brown na medyo blonde? ‘Di ko alam kung ano’ng eksaktong kulay. Basta ‘di itim tulad ng buhok ko na natural na kulay ng buhok ng mga Pilipino. Napansin ko rin ang tainga nila, patulis tulad sa mga fantasy story at movie na nakikita kong tainga ng mga tulad nilang nilalang. Naisip ko tuloy, siguro nakakita na ng tunay na diwata kung sino man ang unang nakagawa ng kuwento tungkol sa kanila.
"Ano ‘yan?" gulat na tanong ko. May kabayong kulay brown na may pakpak na tulad sa ibon na paparating, sumasalubong sa ‘min – mas malaki siya kompara sa pangkaraniwang kabayo. At nang makalapit ito sa ‘min, nakita kong may isa itong sungay sa noo. "Isang unicorn?"
"Iyon ba ang tawag ng tulad niya sa mundo ninyo?" tanong ng may berdeng pakpak.
Tumango ako at mas pinagmasdan ang kakaibang hayop na sinabayan kami sa paglipad. Ang laki ng mga pakpak nito na kulay brown at itim na may ibang bahaging balahibo na puti. At ang buntot nito ay sa ibon din na kakulay ng mga pakpak niya. At ang mga mata, parang mata rin ng ibon na matalas tulad ng sa agila. Ang apat na paa nito ay parang may medyas dahil sa ibang kulay ng balahibo nito sa bandang paa – kulay pula na kakulay ng dugo. Kulay pula rin ang mahabang balahibo nitong buhok sa tutok ng ulo na diretso sa batok hanggang sa may likuran. Pero wala siyang sunga sa noo, ‘di tulad ng unicorn sa mga kuwentong pambata.
"Arikon ang tawag diyan," pasigaw na sabi ng may asul na pakpak para marinig ko siya.
"Gusto mong subukan?" nakangiting tanong ng may berdeng pakpak.
"Ha?" nalilitong tanong ko. Pero bigla na nila akong pahagis na binitiwan. Napasigaw ako sa mabilis kong pagbulusok pababa. "Shiiiiiiiiiiiiiiiiiitttttttt!" Parang lalabas na ang puso ko sa dibdib ko! Naririnig ko ang tawanan. Mga gago!
Sumipol ang balbas saradong diwata. Mabilis ang sumunod na pangyayari. Basta nakita kong pumaibaba ang kabayong may pakpak na tinatawag nilang arikon. Tapos ‘yon, nasalo niya ako.
Nagtatawanan pa rin ang dalawa nang lapitan ako. Nando’n pa rin ang kaba sa dibdib ko. Akala ko katapusan ko na! Kaya sobra ang kapit ko sa arikon na sinasakyan ko. Mabuti’t malakas ang sense of balance ko at ‘di naman mahirap sakyan ang hayop na ‘to.
"Ganoon pala matakot ang mga tao?" natatawang tanong ng may berdeng pakpak. "Ano ang isinigaw mo?"
Natawa na rin ako. Pero sa totoo lang may patulo ng luha sa mga mata ko "s**t!" natatawang sigaw ko. At gumaya sila sa ‘kin. Nagsisigaw rin sila ng s**t.
"Bangis. Bangis ang pangalan niya. Siya ang matapat kong arikon," pakilala ng may berdeng pakpak sa arikon na sinasakyan ko. Pag-aari niya pala ‘to.
"Dahil ba mabangis siya, kaya Bangis ang pangalan niya?" tanong ko.
"Nakuha mo, bata!" sigaw ng diwata at lumipad sila ng mabilis ng may asul na pakpak at inunahan nila kami.
"Bangis," sabi ko sa arikon at hinimas ko ang likod niya. At napasigaw ako! Dahil ang bangis talaga! Ang lupet! Nakasakay ako sa isang kabayong lumilipad! Sa isang unicorn! Totoo pala sila! At ganito pala ang tunay na hitsura nila. Astig! At ‘yong kanina, nang nahuhulog ako, sobrang extreme no’n! "Bangis, sundan natin sila!" sigaw ko. Umungol ang arikon tulad ng isang mabangis na hayop at mabilis itong lumipad. At naunahan pa namin ang dalawang diwata.
Magkakasabay na kaming lumilipad, sa baba namin ay kagubatan pa rin pero may mga kabahayan na – may mga yari sa kahoy at meron din namang gawa sa bato. Sabi ng may asul na pakpak, mga bahay ‘yon ng mga diwata. May mga nakita pa akong bahay na nasa taas ng puno. May mga diwatang naglalakad at may ilang bumababa mula sa bahay nila sa taas ng puno. May mga batang diwatang tila naglalaro ng habulan sa ere, at ang saya nilang pagmasdan. Parang ang relax tumira sa lugar nila.
Habang nasa himpapawid kami, walang bakas ng polusyon akong makita o malanghap sa hangin.
Nasa mga kabahayan na kami na mas malapit na sa palasyo, pero marami pa ring puno sa paligid at mga bulaklak. Parang hardin lang. Naalala ko ang sinabi sa ‘kin ni Chelsa na sinabi sa kanya ni Tito Chelo, na ang mga diwata ay kumukuha ng lakas sa kalikasan. Kaya siguro ganito ang kanilang lugar. Mas lamang ang kalikasan. At kaya pala ang bahay nina Chelsa ay maraming puno sa likod-bahay at maging sa loob ng bahay ay maraming bulaklak.
Maraming mga diwatang naglalakad sa kalsada akong nakita at may ibang pakonti-konting lumilipad. At lahat sila, napapatingala sa ‘min at sinusundan kami ng tingin. Hindi ko alam kong natutuwa sila o ano?
May nadaanan din kaming parang palengke. May gano’n din pala sa mundong ito. ‘Di ibig sabihin, may pera rin silang ginagamit. Naisip ko, kapag may pera, may sakim at masama ang loob. Pero siguro ‘di na mawawala ‘yon – kung may mabuti, asahan nang may masama.
Namangha ako nang malapit na kami sa palasyo. Napakataas ng bakod at napanganga ako sa ganda ng gate. May mga tila ginto sa malapad na kahoy nitong mga pintong nakasara at may mga kristal pa. At sa pinakataas, sa gitna sa tutok ng gate, may kung anong uri ng batong kulay green na hugis dahon. Sa paligid nito hanggang sa baba ng dalawang dambuhalang posteng kinakabitan ng pinto ng gate, may mga halamang baging na may sari-saring klase at kulay na mga bulaklak.
Akala ko tuloy-tuloy na ang paglipad namin hanggang sa makapasok sa palasyo, pero bumaba kami sa tapat ng gate.
"Ipinagbabawal ang pagdaan sa ibabaw ng bakod at tarangkahan. Hindi iyon magandang pag-uugali. Kahit pa nakakalipad kami, sa tamang daanan pa rin kami dumaraan. Lalo na sa palasyo," pahayag ng may asul na pakpak nang makababa na ako kay Bangis.
Nagbukas ang gate na halos limang palapag na bahay ang taas at halos kasing haba ng dalawang bus na pinagdugtong ang lapad ng bawat isang pinto.
"Tayo na, sa palasyo," pahayag ng may berdeng pakpak.
Wala akong kaba ngayon sa dibdib ko. Nasasabik akong malaman kong ano ang dahilan kung bakit ipinatawag ako sa mundong ito.