CHAPTER 2: Ang Palasyo Ng Kaharian Ng Ezharta

2633 Words
NAGBUKAS NANG TULUYAN ang gate ng palasyo. "Wow, s**t," mahinang nasabi ko sa pagkamangha ko. Mukhang unli ang manghang reaksiyon na magkakaroon ako sa mundong ‘to. May kalayuan pa ang kinaroroonan ng palasyo mula sa kinatatayuan ko, pero kita na kung gaano kalaki ito at ang kagandahan nito na akala ko sa mga fantasy movie ko lang makikita. Naagaw ang pansin ko nang may maramdaman akong pagtama ng hangin mula sa likuran ko – ang arikon na si Bangis, pinapagaspas niya ang kanyang malalaking mga pakpak. Lumipad siya palayo patungo sa mga kabundukan. Sinundan ko siya ng tingin. Bago kasi siya tuluyang makalayo, nakita kong tinitigan niya ako. Alam kong sa ‘kin siya nakatingin, walang duda. "Saan siya pupunta?" natanong ko. Narinig ko ang pagtikhim ng may berdeng pakpak. "Mas gusto niyang manatili sa kakahuyan," sagot niya. "Alam mo ba kung bakit ‘Bangis’ ang napiling ipangalan sa kanya ni Pinuno?" natatawang sabi ng may asul na pakpak. "Dahil naging mabangis ang arikon na iyon sa kanya. Hanggang sa ngayon, sa ilang taong pagsasanay niya kay Bangis, mabangis pa rin ito sa kanya at ‘di niya mapasunod." Biglang aray ang narinig kong nasigaw ng may asul na pakpak matapos niyang pagtawanan ang pinunong tinutukoy niya na may berdeng pakpak. Siniko siya nito sa ulo. "Binuking mo naman ako," sita ng may berdeng pakpak. Pabulong ngunit dinig na dinig ko. Natawa ako. Maging ‘yong dalawa, natawa na lang din. Natigilan ang may asul na pakpak. "Nakakagulat lang na nakasakay ka sa kanya? Lalo pa’t unang beses ka pa lang niyang nakita. Ako nga ilang subok nang sumakay sa kanya ‘di ko magawa?" "Hindi ko alam?" nasabi ko at napaisip din ako kung gano’n nga ang sitwasyon. Sa totoo lang naging komportable ang loob ko habang sakay ako ni Bangis. "Kasi nga, inutusan ko si Bangis. Sumipol ako, hindi ba?" pagmamalaki ng may berdeng pakpak. "Hindi rin?" bakas pa rin ang pagtataka sa may asul na pakpak at napapailing pa. "Hinanda ko nga ang sarili ko nang ihagis natin siya. Baka hindi siya saluhin ni Bangis, at tayo ang sasalo sa kanya." Muling napaaray ang may asul na pakpak nang batukan siya ng may berdeng pakpak. "Wala ka talagang bilib sa pinuno mo!" sita nito. "Ano nga pala ang pangalan n’yo?" tanong ko sa dalawang diwatang kasama ko. Nauna ko pa kasing nalaman ang pangalan ng arikon na si Bangis kaysa sa kanila, samantalang kanina ko pa sila kasama. "Ako si Rama," pagpapakilala ng may asul na pakpak. At inabot niya sa ‘kin ang kanyang kamay. "Nagsasanay ako upang maging isang magiting na sundalo ng palasyo. Nangangakong maging tapat!" Pagpapatuloy niya nang magkahawak na ang aming mga kamay. "May shake hands din pala sa mundo n’yo. Ganito rin ang pagpapakilala sa mundo namin," sabi ko. "Ako si Nate," pagpapakilala ko. Ngumiti lang siya. Parang alam na niya ang pangalan ko. Kung sabagay, ‘di naman siguro nila ako dadalhin dito kung hindi pa. "Pagpapakita ito na bukas ang iyong palad na ipakilala ang iyong sarili sa iba. At pagpapakita rin ito ng kagalakan," komento ni Rama. Hindi ko alam kung sa mundo natin ‘yon din ang ibig sabihin ng pakikipagkamay. Basta ang alam ko shake hands ang tawag dito. Ang may berdeng pakpak naman ang nag-alok ng kamay niya sa ‘kin. "Ako si Pinunong Kahab," pakilala niya nang magkahawak na kami. "Ako ang pinuno ng mga sundalo ng palasyo. Kami ang mandirigmang handang ibuwis ang buhay para sa palasyo at sa buong kaharian ng Ezharta." "Ezharta?" "Ito ang Kaharian ng Ezharta. Isa sa limang kaharian dito sa mundo ng Anorwa," paliwanag ni Pinunong Kahab. "Limang kaharian?" "Malalaman mo rin ang lahat tungkol sa aming mundo. Sa ngayon, kailangan na muna nating harapin ang mahal na Reyna." Tumango na lang ako at tuluyan na kaming pumasok sa gate. Pagkapasok namin, isinara ng dalawang bantay ang gate. Bumati ako sa kanila ng ‘maogma’, at bumati rin sila sa ‘kin. Malawak na parang malalaking batong flat na pinagsama-sama ang dinaraanan namin na diretso sa palasyo. "Gusto mong makita mula sa taas?" tanong ni Pinunong Kahab. Tumango ako. Napansin niya siguro ang pagkamangha ko at ang palipat-lipat na tingin ko sa mga naggagandahang halaman sa gilid ng dinaraanan namin. Inilipad ako ni Pinunong Kahab, hawak niya ako sa baba ng kilikili ko. Buti na lang hindi ako bumabaho. Lumipad din kasama namin si Rama kasabay namin. Mula sa taas, nakita ko ang sobrang ganda ng hardin. May iba’t ibang uri ng bulaklak at mga punong unang beses ko pa lang nakita. Ang astig ng mga dahon at may dahong kulay puti at may asul na kakulay ng langit. Maaamoy mo sa hangin ang bango ng mga bulaklak. Nakaka-relax. May mga babaeng diwata akong nakitang nag-aayos sa mga halaman. Berde ang kanilang mga pakpak at pare-pareho ang suot nila na may pagka-green din. Kumaway sila sa ‘min at kumaway din ako. Binati rin nila kami ng maogma, at bumati rin kami. Sobrang lawak ng hardin bago makarating sa mismong gusali ng palasyo. May maliit pang lawa at malalaking batong nakakalat na lalong nagpaganda sa lugar. May parang mga tunnel na daanan na gawa rin sa mga halaman at halamang baging. Maririnig ang huni ng mga ibon at may mga iba’t ibang uri at kulay ng paruparong nagliliparan na dumarapo sa mga bulaklak. Muli kong naalala si Chelsa at naghanap ako ng kulay purple na paruparo, pero wala akong nakita. May isang paruparong nakaagaw ng pansin ko. Lumipad ito sa harapan ko. Kulay pulang paruparo na may itim sa gilid ng mga pakpak. Sinundan ko ‘yon ng tingin at bigla na lang nawala. Nag-iisang paruparo lang ‘yon na nakita kong kulay pula. "Bakit Nate?" tanong ni Rama.                                      "W-Wala," sagot ko na lang. Pangkaraniwan lang naman siguro ‘yon sa mundong ‘to. Nalagpasan na namin ang malawak na hardin. May mga diwatang nakapila-pila na sa tingin ko ay mga sundalo. Pareho ang suot nila kay Rama. May pang-ilalim na kulay green na damit na long-sleeved at may baluting kulay brown na metal. Maging ang pangbaba nila may proteksiyon din sa hita at lahat mga naka-boots. May espada rin silang nakasabit sa kanilang baywang. Pinagkaiba lang, may helmet sila na proteksiyon sa ulo nila. May ilang katulad din ng suot ni Pinunong Kahab na nakaharap sa mga nakapilang sundalo na tila nagbibigay ng utos. Kulay silver na metal at may pang-ilalim din na suot. Pero mas angat ang suot na baluti ni Pinunong Kahab, may mga kulay ginto kasi sa kasuotan niya na ‘di ko alam kung totoong ginto nga. Siguro dahil siya ang pinuno at mas nakakataas ang kanyang katungkulan. Bumaba kami at bumati sa ‘min ang lahat. "Maogma!" "Maogma!" sagot naming tatlo. Karamihan sa kanila green ang pakpak at may ilang blue din, at may ilang dilaw at orange. Lahat ng pakpak nila ay may iba’t ibang disenyo depende sa kulay ng kanilang pakpak. May mga halong kulay itim at puti sa mga pakpak at may pagkakaiba-iba rin ang shade ng kulay. May ilang pakpak akong napansin na may butas at punit. Tulad na lang ng pakpak ni Pinunong Kahab na tsaka ko lang napansin. Siguro nakuha nila ‘yon sa labanan. At talagang iba nga ang hugis ng pakpak ng mga lalaki sa babae. Patulis ang hugis ng dulo ng pakpak ng mga lalaki. Sa mga babae, medyo pakurba. Natitiklop nila ang kanilang pakpak kapag hindi nila ginagamit na parang balabal lang sa likod at parang ang lambot. Kapag ginagamit naman sa paglipad, bumubuka ito nang malapad at parang ang tigas. Medyo may naisip ako, na siguro may muscle na parang sa ano ng lalaki na tumitigas kapag ginagamit nila ang kanilang mga pakpak sa paglipad? Kung ano-ano ang naiisip ko. Ang kulay ng balat nila, parang sa ‘tin din na mga tao. May maitim, may maputi. At karamihan sa sundalong nakikita ko, maiitim kumpara sa mga kababaehang sa palagay ko ay tagasilbi sa palasyo. Ang mga mata nila, light-brown at mas malalaki ang bilog kaysa sa ating mga mata. At ang mga mukha nila, ‘di naman pala lahat maganda at guwapo. Si Rama, pasok siya sa tropa namin kung hitsura ang pagbabasihan. Pero sa palagay ko, lamang pa rin ako ng ilang ligo sa kanya. Pangkaraniwan lang ang hitsura ng iba sa kanila, may pango ang ilong, may singkit din pala at malaki ang mata. Basta, ‘di tulad sa mga naiisip nating mga tao na kapag sinabing diwata ay maganda ang hitsura o anyo. Expectation versus reality. But, well, lahat namang nilalang ay maganda. Don’t get me wrong. At kapansin-pansin din ang pagkakaiba ng mga antena nila sa ulo. Sa mga lalaki, nakahawi patalikod ang mga antena. Sa mga babae, nakalawit paharap sa gilid nila tulad ng kay Chelsa. Nagbigay daan ang mga sundalong nakapila at dumaan kami sa gitna nila. "Dapat ba bumati ako sa kanila isa-isa?" pabulong na tanong ko kay Rama. Napansin ko kasi ang tingin sa ‘kin ng mga nadadaanan ko. Pero siguro tulad natin, gano’n din ang magiging reaksiyon kapag nakakita ng kakaibang nilalang. Para sa kanila, isa akong alien o isang kakaiba, strange creature kumbaga. "Hindi na. Bumati na tayo sa kanila, hindi ba?" natatawang sagot ni Rama. "Maogma, Pinuno!" bati ng sundalong nasa unahan, ang kakulay ng suot ni Pinunong Kahab. Sumaludo ito. Parang tulad din sa ‘tin. "Maogma, Darum," sagot ni Pinunong Kahab at sumaludo rin siya pabalik sa sundalo. "Kanina pa naghihintay ang mahal na Reyna," balita nito. Tumango lang si Pinunong Kahab at naglakad na kami. May malawak na hagdan papunta sa pintuan ng palasyo pa kaming inakyat. Binuksan ng dalawang bantay ang malaking kahoy na pintong may mga nakaukit na dahon at may mga kulay green na batong kumikinang. Makapal ang pinto. Lumipad pa ang dalawang bantay nang itulak ito pabukas. Bago pumasok, tiningala ko ang taas ng palasyo. Mataas pa ‘to sa mga building sa Makati, at ang lawak parang tatlong beses ang laki sa Mall of Asia o mas malaki pa. Kanina nakita kong green ang bubong ng palasyo – na siyang kanina ko pa napapasin, na karamihan sa kulay rito green. Kita na ang kalumaan ng palasyo na mas lalong nagpaganda rito. May mga halamang gumagapang na rin na bumabalot dito at may magagandang bulaklak. Na hindi ko alam kung sinadya o dahil na lang sa kalumaan. Pagpasok sa palasyo, tatambad ang mga naglalakihang rebultong diwatang nakatiklop ang mga pakpak. Nakahilirang nakatayao ang mga ito malapit sa pader ng dinaraanan naming pasilyo, napapagitnaan ng mga ito ang malawak na kulay puting makintab na sahig. Pangdigma ang mga kasuotan nila. Nagsisilbi silang parang mga posteng palamuti. May ilang babae, pero karamihan ay mga lalaki at makikitang may mga katandaan na. Kagalang-galang silang tingnan na bahagyang nakatingala lahat. Mararamdaman mo ang pagmamalaki sa kanilang anyo. "Sila ang mga bayani sa aming kaharian. Mga magigiting na bayaning nagbuwis ng kanilang buhay para sa kaayusan ng aming mundo. Bawat kaharian, may kanya-kanyang bayaning tinitingala," paliwanag ni Rama nang tanungin ko kung ano ang mga estatwang ‘yon. Napahinto ako sa paglalakad – muli kong nakita ang pulang paruparo, dumapo ito sa balikat ng isa sa mga rebulto "Siya si Nael," pakilala ni Pinunong Kahab sa tinitingnan ko. Biglang napa-poker face siya. "Nael," mahinang nasabi ko. Hindi ko mapaliwanag ang nararamdaman ko. Basta iba? ‘Yong tipong kilala ko ang rebultong batong ‘yon na si Nael – napatitig talaga ako sa kanya. May balbas siya, pero matipuno ‘di tulad ni Pinunong Kahab na medyo may kalakihan ang tiyan. Malawak ang loob ng palasyo at presko. May mga halamang may magagandang bulaklak. Ang ibang bulaklak bago sa paningin ko, pero may ilang katulad din sa ‘tin tulad ng mga rosas na kulay pula at puti. ‘Yon nga lang, mas malalaki ang bulaklak ritong nakikita ko. May mga babaeng diwatang abala sa kanya-kanya nilang gawain. At may nakita akong maliliit na taong mahahaba ang patulis na tainga at may suot na patulis na sombrero. "Duwende?" komento ko sa maliliit na taong ‘yon. Wala silang pakpak at antena. May pagka-green din ang suot nila, dilaw ang sapatos at ang pahabang sombrero nila. "Mga ugpok. Isang uri ng duwende," sagot ni Rama. "Ilang uri ba ng duwende meron?" tanong ko. "Dalawa lang naman. Butingoy ang tawag sa isa pa nilang uri na mas maliit at makukulit. Ang butingoy, parang normal na anyo lang, na lumiit. Mahahaba rin ang tainga nila at laging may suot ding pahabang sombrero. Lalagyan nila ‘yon ng kung ano-ano tulad ng gamit sa mahika." "Mahika?" "Oo. Dahil sa maliliit sila, pinag-aaralan talaga nila ang gumamit ng mahika. Magaling sila do’n. Para hindi sila hamakin ng mas malalaking nilalang kaysa sa kanila tulad namin. Gano’n din ang mga ugpok, may mga alam din silang mahika para hindi sila maliitin. Natural na sa kanila ang makagawa ng mahika. At ang mga ugpok, ganyan ang hitsura – " "Ano’ng hitrsura, Rama?" Hindi natuloy ni Rama ang sasabihin niya nang may magsalita sa harapan namin. Hindi namin napansin na may ugpok na palang nakalapit sa ‘min. Isang lalaking ugpok na may mahabang puting balbas. "W-Wala po, Mapo Nhamo," sagot ni Rama sa ugpok na sumita sa kanya. "Maogma," bati sa ‘kin ng ugpok na tinawag ni Rama na Mapo Nhamo. "Maogma," bati ko naman. "Naghihintay na ang Reyna at ang mga lankaw, at ang mga konseho ng palasyo," sabi no’ng Mapo Nhamo bago mabilis na naglakad palayo. "Siya nga pala, malakas ang pandinig ng mga duwende. Kita naman sa tainga nila," medyo natatawang pabulong ni Rama. Alam ko ang tinutukoy ni Rama na ‘ganyang hitsura ng mga ugpok’ na ‘di niya natuloy sabihin – ang pagiging kulubot ng mukha at maliliit na biyas nila, halos mataas lang sila sa tuhod ko ng konti. Napatikhim kami nang tumigil sa paglalakad ang ugpok at nilingon kami. "Isa siya sa nakakataas na tagasilbi ng palasyo, isa sa mga namamahala sa kalinisan at kaayusan dito. Tinatawag silang Mapo. Sobrang higpit niyan ni Mapo Nhamo. Tulad din ng mga mapo na diwata rito sa palasyo." Sa pagpapatuloy namin sa paglalakad, narating namin ang isang malawak na hall kung saan naroon ang trono ng reyna. Sa parteng ito ng palasyo, walang mga tagasilbi at kaming tatlo lang ang narito. Drop jaw mode. Talagang napanganga ako sa ganda. Pabilog ang bulwagan na doble ang laki sa funtion hall ng school namin dati ni Chelsa na isa sa mga memorable place para sa ‘kin – doon ko unang naisayaw si Chelsa at nahalikan noong gabi ng prom. May malalaking poste sa gilid ng bulwagan na kulay ginto. Kulay ginto rin ang kisame na may magagandang ilaw o kung ano man ‘yon. May mga kulay berdeng mga batong nakaayos na kumikinang-kinang. May mga nakaukit din sa kisame na kung anong disenyo. Basta nakakamangha. Ang sahig, ‘di na lang basta puti, may mga nakaukit na larawan na parang mapa? Wala sa trono niya ang reyna – sa engrandeng gintong tronong napapalamutian din ng mga berdeng bato at mga kristal. Magtatanong sana ako kung ginto talaga ang mga kulay gintong nakikita ko at kung mapa nga ang nasa sahig. Kaso biglang seryosong nagsalita na si Pinunong Kahab na sa totoo lang, kanina ko pa napapansin ang tila pagiging seryoso niya. "Rama, hanggang dito ka na lang. Ipapatawag na lang kita kung kailangan," sambit ni Pinunong Kahab. "Masusunod po, Pinuno," sagot ni Rama at walang ano-anong umalis na siya. "Nate, tayo na sa pagpupulong." Mas lalong naging seryoso si Pinunong Kahab.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD