NAGPATULOY SI SHEM-SHEM. Itinuro niya naman ang pulo sa itaas, ang orange na bahagi ng pinakamalaking isla sa apat. "Ito ang Buenevha(Bue-ne-vha), ang kahariang tagapangalaga ng ‘Bato ng Lupa’. Sumasagisag sa Kaharian ng Buenevha ang kulay kahel na kumakatawan sa lupa’t mga bato. Halos disyerto at kabundukang bato ang bumubuo sa Buenevha, doon kasi kumukuha ng lakas ang Bato ng Lupa. Pero siyempre, may mga kagubatan din sa lugar nila para pagkunan ng lakas ng mga diwatang nakatira roon at ng iba pang norwang naninirahan sa kanilang kaharian. Kahel din ang kulay ng mga pakpak ng mga diwatang Buenevhan. Maraming langis na mamimina sa kanilang kaharian na nagagamit nila sa paggawa ng mga makinarya na nakakatulong para mapadali ang kanilang pamumuhay."
"At dito sa Ezharta, berde ang mga pakpak?" singit ko.
"Tama ka."
"Pero bakit may ibang orange din, ibig kong sabihin, kahel din dito, at may asul na pakpak din tulad ni Rama? At may nakita rin akong dilaw na mga pakpak?" usisa ko.
"Dahil may mga diwatang naninirahan sa bawat kaharian na mula sa ibang kaharian. Maaring doon nila nahanap ang kaligayahan at doon na sila pinahintulutan ng tadhanang mamalagi. Si Rama, sa pagkakaalam ko, Ezhartan ang kanyang ina at isa namang Sakharlan ang kanyang ama. Kapag ipinanganak ang diwatang ma -"
"Sakharlan?" singit ko.
Lumipat si Shem-shem sa kulay asul na binubuo ng maraming isla, may dalawang malaking isla na napapagitnaan ang maliliit na isla. "Tagarito ang mga Sakharlan, sa Kaharian ng Sakharla(Sak-har-la). Mga asul ang pakpak ng mga diwatang naninirahan sa kahariang ito. Tagapangalaga sila ng ‘Bato ng Tubig’. Asul ang sagisag na kulay nila na kumakatawan sa tubig. Kung mapapansin mo, malawak ang bahaging tubig ng kanilang kaharian."
"Dahil sa tubig kumukuha ng lakas ang bato ng Sakar – ?"
"Sak-har-la," pagtama sa ‘kin ni Shem-shem. "At si Rama, sa pakpak niya, makikita mo ang kulay berde sa gitna na nakakapit sa kanyang likod. Tanda iyon na isa sa magulang niya ay isang Ezhartan. Kapag magkaibang lahi ang nagkaroon ng supling, Diyos na lamang ang makakaalam kung ano ang magiging kulay ng kanyang pakpak. Sa kaso ni Rama nga, asul ang kanyang naging pakpak dahil sa pagiging Sakharlan niya, at ang bahaging berde sa kanyang pakpak ay tanda ng pagiging niyang Ezhartan." Napa-okay na lang ako. Bumalik siya sa taas, sa dilaw na bahagi ng malaking pulo. "Ito naman ang Kaharian ng Hamerha(Ha-mer-ha), tagapangalaga ng ‘Bato ng Hangin’. Dilaw ang sagisag ng kanilang kaharian na kumakatawan sa hangin."
"Dilaw ang kulay ng hangin?" tanong ko.
"Hindi. Pero sa amin dito sa Anorwa, dilaw ang kumakatawan sa sariwang hangin. Pero sa pagkakaalam ko, may pagka-asul talaga ang kulay ng hangin, kaya nga asul ang makikita mo sa kalangitan. Kailangan ko pa bang ipaliwanag sa iyo ang tungkol doon?" napakunot-noo si Shem-shem. Irita na yata sa akin. Sa totoo lang kasi, nai-excite ako sa kuwento niya.
"‘Wag na siguro," sabi ko. "Pero, hangin ba ang bumubuo sa Kaharian ng Hamerha?"
Natawa si Shem-shem sa obvious kong katangahang tanong na bakit pa kailangang itanong. "Ano ka ba, Nate? Pero ang kaharian nila, halos malawak na damuhang mga burol," paliwanag niya. "Tulad din sa mundo ninyo, may kanya-kanyang pamumuhay ang bawat kaharian at paniniwala maging sa ikinalalakas ng bawat nilalang. At may pagkakaiba-iba ang bawat kaharian." Tama. Sa ibang bansa sa mundo natin umuulan ng snow at may lugar na puro disyerto na wala sa Pilipinas. At iba ang kabuhayan ng mga tao roon, iba ang lahi, iba ang ugali at paniniwala sa ibang bagay. At ganoon din dito sa Anorwa.
"At may pagkakaiba-iba sa anyo ng mga diwata tulad sa kanilang mga pakpak, sa kulay at disenyo depende sa lahi niya?" nasabi ko. Katulad ng pagkakaiba-iba ng hitsura ng bawat lahi sa mundo natin.
Tumango si Shem-shem bilang pagsang-ayon sa sinabi ko. "Ezhartan, Sakharlan, Buenevhan at Hamerhan." Lumipat siya sa islang pulang hugis pakpak ng paruparo na nasa gitna. "Ang huli, kaharian ng mga Alhargan, ang Kaharian ng Alharga(Al-har-ga). Bagama’t ito ang pinakamaliit na kaharian, ito naman ang pinakanakakataas sa lahat ng kaharian."
"Pinakanakakataas?"
"Dahil ang pinakamalakas na Elpio na Bato ng Apoy, ay nasa kanila – hawak ni Reyna Alythea. Si Reyna Alythea ang reyna ng mga hari’t reyna ng Anorwa. Sagisag ng kaharian ng Alharga ang kulay pula na kumakatawan sa apoy," paliwanag ni Shem-shem at kita sa anyo at pag-iba ng tinig niya na makapangyarihan nga ang tinutukoy niyang kaharian.
"Pula ang mga pakpak ng diwata sa kanila?"
"Hindi, Nate. Ang pula ay sumasagisag sa katapangan, pagmamahal at pagiging nakakataas,” tugon ni Shem-shem sa tanong ko at biglang naging seryoso ang mukha niya. “Pero hindi maganda kung ang pakpak ay pula – walang pulang pakpak – hindi dapat magkaroon ng pulang pakpak. Ang pulang pakpak ay indikasyon ng pagkakaroon ng itim na kapangyarihan – isang posibleng banta sa kaayusan ng lahat.”
Naalala ko si Nael na dati kong buhay, naging pula ang kanyang mga pakpak at naging apoy – ‘yon siguro ‘yon?
"Puti ang mga pakpak ng mga Alhargan," pagpapatuloy ni Shem-shem. "At uunahan na kita, Nate, hindi apoy ang bumubuo sa kaharian ng Alharga. Ang Elpio na nasa katawan ni Reyna Alythea ay sa araw kumukuha ng lakas – ang pinakamakapangyarihan."
"Ano-ano ang mga kapangyarihan ng mga diwata?" tanong ko. Bigla ko kasing naisip ang mga powers na nagagawa ni Chelsa; ang kakayahan niyang makipag-usap gamit ang isip, ang makapag-teleport at ang pagpapagaling.
"May kanya-kanyang kakayahan ang bawat diwata, depende sa kanilang lahi. At bawat kakayahan o kapangyarihan ay kailangang masusing mapag-aralan upang ito’y ganap na mapakinabangan. At may ilan namang diwatang likas na pinagpala, na sa kanilang pagsilang pa lamang ay taglay na ang mga kakayahan at kusang natutunan hindi man ito pag-aralan."
Malamang si Chelsa, taglay niya na ang mga powers niyang ‘yon no’ng ipanganak siya.
"Nate, ang mga Ezhartan, likas silang mahusay sa panggagamot. Kaya nilang magpatubo ng puno’t halaman. Kaya din nilang maging isa sa kalikasan, kaya nilang maglaho. Ang mga Buenavhan, mahusay sa paggawa ng mga gusali at mga makabagong makinarya. At likas silang malalakas, kaya nilang bumuhat ng bato na sampung beses ang bigat sa kanilang katawan. Ang pangangaso naman ang ipinagmamalaki ng mga Sakharlan. May kakayahan silang pasunurin at kausapin ang mga hayop gaano man ito kabangis. At may kakayahan pa silang gumaya ng wangis ng hayop na naisin nila, kaya nilang magpalit ng anyo."
Naalala ko si Kabahon, asul ang pakpak niya, isa siyang Sakharlan at may dalawa siyang alagang halimaw na aso. Kahit hindi na magpalit ng anyo si Kabahon, mukha na siyang hayop.
"Ibig sabihin, kaya ni Rama magpalit ng anyo? Kaya niyang mag-anyong hayop?" natanong ko.
"Pinag-aaralan niya, ngunit hindi niya makuha. Kahit pa nga minsan, gumagamit na siya ng marhay, ngunit bigo pa rin siya. Mahusay siya makipag-usap sa mga hayop at pasunurin ang mga ito."
Kahit na, astig pa rin ni Rama.
Nagpatuloy si Shem-shem. "Ang mga Hamerhan naman ay likas na matatalino at malawak ang isip. May kakayahan silang maging napakabilis tulad ng hangin. Ang mga Alhargan, likas namang mahuhusay sa pakikipaglaban at paghawak ng sandata. Sila rin ang pinakamahusay gumamit ng mahika at makakaya nilang pagalawin ang isang bagay sa pamamagitan lamang ng kanilang isip.
"Parang mga mutant lang," nasabi ko.
"Lahat ng mga kapangyarihan na kayang gawin ng bawat diwata ay mapaghuhusay sa tulong ng marhay."
"Makapangyarihan talaga ang marhay."
"Tama ka, Nate. Kaya hindi ito dapat basta-basta mapunta sa kung kanino man na may masamang hangarin. Ang mga habo na makakasagupa natin, ang mga itim na diwatang iyon na kailangan mong harapin ay maaring punterya ang Puno ng Marhay."
"Puno ng Marhay?"
"Ang puno sa ilalim ng palasyong ito. Bawat kaharian ay may kuweba sa ilalim ng palasyo, at nandoon ang Puno ng Marhay, ang punong pinagmumulan ng mahiwagang pulbos, ang marhay. Hindi lahat maaring mapunta roon. May sundalong mahigpit na nagbabantay, piling mga sundalong dumaan sa matinding pagsasanay. At ang pamamahagi ng marhay ay nasa mga kamay ng reyna o hari ng bawat kaharian."
Oo na lang. Basta kailangang pigilan ang mga habo na mapagharian nila ang mahiwagang puno. Nagkakaroon ako ng idea sa maaring balak ng mga habo na ‘yon – lulusubin nila ang palasyo at aangkinin ang lahat ng marhay upang mas lumakas sila at gamitin ito sa masama.
"Kaya din bang magkipag-usap ng mga diwata sa pamamagitan ng isip at makapunta sa ibang lugar na gustuhin nila?"
"Lahat ng lahi ng diwata ay magagawa ang mga kakayahang iyon, maging ang ibang norwan na tulad ko. Hind ko kaya makipag-usap sa isip, ngunit nagagawa kong makabaltas." Nagsampol siya ng pag-teleport. "Siya nga pala, may mga ipinagbabawal din na kakayahan, tulad ng pagbasa ng iniisip ng iba."
Tumango ako. Sa totoo lang, na-gets ko agad kung bakit bawal ang gano’n. Hindi nga magandang basahin mo ang isip ng iba. Pero dati naiisip ko ‘yon lagi, na kung ano ba ang iniisip ng iba tungkol sa ‘kin. Pero sa palagay ko, normal ‘yon sa tao, ang gustuhing malaman kung ano ang iniisip ng iba. Lalo na sa taong mahal mo, dahil may duda ka kung talaga bang mahal ka niya. Kapag kasi nagmahal ka, kakambal na no’n ang pagdududa.
Nagliwanag ang mga kaharian at may lumitaw na limang diwatang may gintong mga pakpak kasama si Reyna Kheizhara na nakatayo sa mapa ng kaharian ng Ezharta. Para silang mga hologram, gumagalaw na tuwid na nakatingin lang sa kung saan.
"Sila ang hari at mga reyna ng Anorwa," pakilala ni Shem-shem.
Lumapit ako at namangha sa mga diwatang may mga gintong pakpak na may kulay ginto ring mga kasuotan at mga palamuti sa katawan. Mababakas mo sa kanila ang pagiging angat nila sa lahat at ang kapangyarihan nilang taglay – tunay ngang hari at mga reyna sila.