JAXON
Si Kuya Jack na lang ang pag-asa ko ngayon. Siya ang nag-iisang taong pwede kong makapitan sa pabulusok na kalagayan ko.
Bigla ay nagkaroon ng liwanag ang walang direksyon na buhay ko ng tulungan niya ako kanina. Sa pagpasok ko ngayon sa bahay niya ay pakiramdam ko ay kahit paano may natitirang pag-asa para sa akin na makaahon sa magulong buhay na meron ako sa kalsada.
Mahirap ipaliwanag sa iba ang nararamdaman ko lalo na at para sa mga taong hindi nakaranas ng kalagayan ko ay walang halaga ang ganitong mga simpleng bagay.
Para sa akin ay isang napakalaking biyaya ang natanggap ko matapos na tulungan ako ni Kuya Jack at i-uwi sa bahay nito para may pansamantala akong tuluyan habang nagpapagaling ako.
"Jaxon halika nga, may mga damit akong hindi na ginagamit baka magkasya sa iyo," tawag ni Kuya Jack sa akin na nasa loob ng silid na pinasukan nito.
Agad na pumasok ako at nakita ko na ilan sa mga damit nga nito ang nasa ibabaw ng kama habang nakabukas ang pintuan ng kabinet sa silid nito.
"Hindi ko na ginagamit ang mga iyan. Lumapad kasi ang katawan ko dahil masarap magluto ang ate mo," natatawa na sabi nito.
"Salamat po Kuya Jack, malaking tulong po ito sa akin," sagot ko.
Totoo iyon, simpleng damit lang na ganito ay sobrang thankful na ako. Pinaglumaan man ang mga ito pero malaking tulong ito sa akin at magagamit ko bilang simula.
Sa isang pulubing tulad ko, bawat piraso ng isang malinis na damit ay mahalaga. Kung para sa iba ay luma na at inayawan dahil bukod sa ginamit na ay bigay lang pero para sa taong tulad ko ay grasya itong dapat na ipagpasalamat ko.
"Pasensya ka na at mga pinaglumaan gamit ko ko na lang muna ang pwede kong ibigay sa iyo ngayon," sabi ni Kuya Jack na inalis sa hanger ang damit at inabot sa akin.
"Naku kuya, 'wag ka nang mag-alala ayos na ayos sa akin ang mga ito. Isa pa, malinis po itong lahat at hindi naman halatang mga pinaglumaan na. Kahit luma na rin po ay walang problema dahil magagamit ko pa rin po ang lahat ng mga ito sa araw-araw," nahihiyang sagot ko.
Tamang-tama na binigyan niya ako ng mga damit dahil magagamit ko ito sa araw-araw lalo na at wala ako kahit isang pirasong dala ng dalhin ako bigla dito ni Kuya Jack.
Maliban kasi sarili ko at sa madungis na damit na tanging meron ako sa katawan ko ay wala na akong ibang masasabi kong akin na pag-aari ko ng pumasok ako dito sa bahay na ito.
Siguro nga ay itinapon na ni Ate Janet ang damit na hinubad ko kanina sa basurahan. Lumang-luma na kasi talaga iyon at nanlilimahid pa sa dumi dahil hindi naman ako araw-araw kung maglaba ng mga damit at maligo dahil na rin sa wala akong maayos na tinutuluyan.
"S'ya nga pala Jaxon, ikaw ba ay malakas na talaga?" tanong ni Kuya Jack ng maisara ang pintuan ng wardrobe nito.
"Opo kuya, malaking tulong po sa akin ang nakatulog ako ng maayos matapos kong uminom ng gamot. Pinagpawisan din ako sa mainit na sabaw na ibinigay ni Ate Janet kanina kaya lumabas ang lamig sa katawan ko," paliwanag ko.
"Mabuti kung gano'n. Akala ko kung na paano ka na kanina. Namumutla ka at nanginginig. Tumirik din ang mga mata mo at may tinatawag kang pangalan," sabi ni Kuya Jack.
"Anong pangalan po kuya?" tanong ko kasi wala akong natatandaan na may sinabi akong gano'n nga. Bukod kasi kay kuya Jack at Ed ay wala na akong malimit kausap.
Abala rin kasi sa lansangan ang mga pulubing naging kaibigan namin ni Ed. Lahat kami ay iisa ang hinahangad at iyon ang makaraos sa araw-araw na pamumuhay.
"Saglit isipin ko, aba'y mukhang epekto ng nagkakaedad na at nagiging makakalimutin na ako."
Natawa ako habang isa-isang tinitiklop ang mga damit na binigay sa akin ni Kuya Jack. Doon ko na sana ito balak iligpit sa silid na pansamantalang pinagamit sa akin ng mag-asawa pero dahil napasarap ang kwentuhan namin ay dito ko na lang ginawa ang mga ito.
"Sino si Rose?" tanong nito.
"Rose?" nagtataka rin na tanong ko. Hindi ko mawari kung para sa akin ba iyon o tanong para sa taong kaharap ko.
"Oo, Rose. Hindi ako maaaring magkamali ilang ulit mo siyang tinawag at binanggit ang pangalan mo. Kung hindi ka lang nagdi-diliryo kanina ay tinawanan sana kita."
Maang na nakatingin ako kay Kuya Jack. Hindi ko alam kung tinutukso lang ba niya ako dahil babae ang pangalan na binanggit niya.
"Wala po akong kilalang Rose kuya," sagot ko.
Pilit na inalala ko kung may nakilala ba akong ganitong pangalan pero hindi ko matandaan.
"Hindi kaya na engkanto ka doon sa puno? Aba, baka kailangan kitang ipatawas," kunot noo na tanong nito.
Hindi ko alam kung bakit ganito ang taong niya at ano ang sinasabi ni Kuya Jack dahil mukhang may sinabi ako na kumuha ng atensyon nito.
"Bakit ano po ba ang sinabi ko kuya?" tanong ko pa balik dito.
"Inisip ko na lasing ka o kaya naman ay na engkanto. English kasi ang sinasabi mo tapos tinatanong mo Kay Rose kung nasaan si Jaxon eh, ikaw iyon," natatawa na sagot nito.
"Naku kuya, wala akong muwang sa English. Hindi nga ako marunong magsalita niyan at lalong hindi ako nakakaunawa kaya baka guni-guni mo lang po iyon," pabiro sa sagot ko.
Nagkibit balikat ito na mukhang maunawaan naman ang sinabi ko.
Siguro nga ay dala lang iyon ng masamang pakiramdam ko kaya kung ano-ano na lang ang lumabas sa bibig ko at nasabi ko.
Kahit ako rin kasi sa sarili ko ay may kakaiba akong nakikita na tila mga alaala at iba't-ibang eksena ang pumapasok sa memorya ko na alam kong hindi bahagi ng pagkatao ko lalo na at sigurado naman ako na buo ang alaala na meron ako. Wala akong nasaksihang pangyayari gaya ng nakikita ko sa isipan ko sa tuwing pipikit ako kung minsan kaya iniisip ko na lang na baka imahinasyon ko lamang ang lahat.
Nakakatakot, nakakabahala dahil pakiramdam ko ay nababaliw na ako. Mukhang hindi na normal ang takbo ng isipan ko. Marahil ay dahil sa kulang na sa sustansya ang brain cells ko kaya nag-imbento na lang ako ng mga kaganapan na kusang pumapasok sa balintataw ko sa mga panahong masama ang pakiramdam ko gaya ngayon na may kakaiba na naman akong karanasan at nasaksihan pa ito mismo ni Kuya Jack.