JAXON
"Alis! Ang baho mo, ang aga-aga narito ka! Mamalasin ang paninda ko dahil sa'yo eh!" bulyaw ni Aling Rema sa akin habang nakatayo ako sa tapat ng kainan nito para sana bumili ng pagkain ngayong almusal.
Kumakalam na ang sikmura ko dahil sa matinding gutom matapos akong makatulog ng hindi nag-hapunan kagabi dahil na rin sa talagang masama ang pakiramdam ko at halos hindi makabangon.
Dahil wala akong matinong bahay na inuuwian at sa kalsada naninirahan may mga pagkakataon na nababasa ako ng ulan habang natutulog sa daan makalipas ang mainit na maghapong paghahanap ng kalakal sa kalsada para dalhin sa junk shop at magkapera.
Swerte na rin kung minsan na may mga taong kusang nag-aabot ng limos pero kadalasan ay wala dahil sa nakikita nilang kumpleto naman ang bahagi ng katawan ko at malakas ang pangangatawan.
"Ano ba! Umalis ka sabi dito! Hindi ka ba talaga aalis? Ano'ng tina-tayo-tayo mo dyan? Doon ka!" galit na sigaw pa nito na nakapamewang sa harapan ko.
"Bibili sana ako ng makakain para sa almusal Aleng Rema," sagot ko. Ayaw ko na kasing maglakad ng malayo para pumunta sa ibang tindahan dahil pakiramdam ko ay hindi ko kayang maglakad ng malayo.
Nanlalambot ako at nanginginig kahit pa papataas na ang sikat ng araw. Alam ko na epekto ito ng mataas na lagnat kaya kailangan kong kumain para makainom ng gamot.
"Wala ng pagkain, ubos na, kaya umalis ka na," masungit na sagot nito habang nakatakip ang kamay sa ilong at iwinagayway ang kanang kamay para utusan akong umalis at lumayo.
"Parang awa mo na Aling Rema, kailangan kong kumain. Masama ang pakiramdam ko kaya hindi ako makapunta sa malayo para maghanap ng mabibilhan," pakiusap ko dito.
Tiningnan ako nito ng may pandidiri mula ulo hanggang paa bago nagsalita.
"May pera ka ba? Kung manghihingi ka ng limos na pagkain ngayon ay hindi pwede. Wala akong maibibigay sayo dahil wala pa akong benta," nakasimangot na sabi pa nito.
Ano pa nga ba ang aasahan ko. Akala na naman niya ay manlilimos ako. Kung bakit ba kasi ganito ang tingin ng lahat sa mga taong nasa kalye. Hindi niya ba alam na bukod sa mukha akong pulubi ay may kakayahan din akong magtrabaho basta bigyan lang ako ng tsansa at pagkakataon.
Agad na inilabas ko ang isang daang nasa bulsa ko at inabot dito pero tiningnan lang ako nito ng may pandidiri na akala mo ay may sakit na nakakahawa.
"Ipatong mo d'yan sa mesa dahil baka mahaha ako sa mirkrubyong dala mo kung lalapit ka sa akin," sabi pa nito.
Kahit nakakainsulto ang mga salitang lumalabas sa bibig nito ay binalewala ko na lamang at sinunod ko ang sinabi nito. Agad na inilapag ko sa mesa ang pera at humakbang paatras para magkaroon ng distansya dito.
Hindi na kasi maganda ang hilatsa ng mukha nito lalo pa at kulang na lang ay gamitan ako ng walis para walisin paalis sa harap ng tindahan nito.
Alam ko na magagalit siya oras na hindi ako sumunod at sigurado ako na hindi niya gusto na narito ako kaya nakasigaw na naman at lukot ang mukha ni Aleng Rema. Posibleng tulad ng dati ay palalayasin ako nito hanggang sa mauwi sa ipagtabuyan ulit ako gaya noong mga nakaraan.
Agad na lumapit ito sa lamesa kung saan ko ipinatong ang pera at mabilis na kinuha gamit ang kamay na nababalot ng plastic saka pumasok sa loob.
Masakit makaranas ng ganito, oo nga at pulubi ako pero hindi ako masamang tao. Kung ituring kasi ako ng mga taong nakakasalamuha ko ay talo ko pa ang may sakit na nakakahawa. May pagkakataon pa na akala mo ay krimenal akong gumawa ng labag sa batas kung husgahan ng mga tao.
Pulubi man ako, kulang sa ligo at walang tahanan pero ni minsan ay hindi ko nagawa ang magnakaw o gumawa ng kahit anong hindi maganda sa iba.
Maaaring lumaki akong walang pagkakakilanlan at walang magulang na umaruga pero alam ko ang salitang tama at mali. Alam ko ang pagkakaiba ng mabuti at masama kaya hindi ko naiintindihan kung bakit madalas ay nakakaranas ako ng hindi magandang trato sa lahat ng tao sa paligid ko.
"Heto na! Umalis ka na dito at baka wala ng kostumer ang kumain sa karinderya ko oras na magtagal ka pa dito," sabi ni Aleng Rema sabay hagis ng nakabalot sa plastic na pagkaing binili ko.
Walang imik na lumapit ako at pinulot ang pagkaing hinagis sa harap ko. Wala na akong pakialam sa trato niya sa akin dahil ang nasa isip ko ngayon ay ang makakain at magkaroon ng laman ang sikmura.
Hindi ko alam kung saan ako kumukuha ng lakas para mabuhay dahil sa totoo lang ay wala akong kahit anong inspirasyon para magkaroon ng direksyon sa buhay.
Kahit mahirap ang mag-isa at wala akong kilalang kamag-anak kahit na isa man lamang ay ginusto ko pa rin na mabuhay. Ayaw kong kitilin ang hininga ko dahil lamang sa kakulangan ko at walang makitang kahit na anong potential sa pagkatao ko.
Hindi ko kilala kung sino mga magulang ko maging kung saan ako nanggaling. Namulat na lang ako sa katotohanan na mag-isa ako at kailangan na makibaka sa lansangan para mabuhay ng marangal.
Wala rin akong mga kamag-anak na naghahanap sa akin kaya alam ko na wala akong ibang aasahan dito sa mundo maliban sa sarili ko.
Hindi ako nakapag-aral dahil imbes na pag-aralin ako ng mga taong kumupkop sa akin mula sa bahay ampunan ay minaltrato ako at inalila lamang sa bahay.
Tinakasan ko sila at sa murang edad ay nag-pagala-gala sa lansangan. Marami na akong pinasok na trabaho ang maging barter sa paradahan ng mga djep, kargador at taga hugas ng pinggan.
Dahil sa kakulangan ko ng pinag-aralan at kahit anong pagsisikap ang gawin ko ay nawalan ng saysay matapos akong matanggal sa trabaho dahil napag-initan ako ng intsik na amo ko.
Mula noon ay hindi na ako nakahanap ng matinong trabaho. Napaalis din ako sa maliit na silid na inuupahan ko hanggang sa bumalik ako sa kalsada at nag-palaboy-laboy dahil na rin sa wala akong pera para magsimulang muli.
Pakiramdam ko ay naubos na ang swerte ko sa buhay dahil heto, mahigit anim na buwan na ay narito pa rin ako sa kalsada nabubuhay sa pagkalkal ng basura para magkalaman ang sikmura.
Kung sana ay may kamag-anak ako o kaya ay naman ay may mga kaibigan na maaaring lapitan ay wala ako dito sa kalsada.
Tulad ko rin kasi ay hikaos sa buhay at nagsisiksikan sa isang maliit na bahay ang pamilya ng nag-iisang kaibigan ko.
Alam ko na wala akong lugar doon dahil kahit sila ay hindi na magkasya. Kaya, kahit anong pilit at pakiusap ni Gary na sa kanila ako tumira ay mas pinili kong dito sa kalsada na lang hanggang sa makabangon akong muli.
Hindi ko alam kung hanggang kailan magiging ganito ang takbo ng buhay ko at saan ako dadalhin ng kapalaran pero umaasa ako na balang araw ay magbabago ang lahat.
Alam ko na hindi pa ngayon pero, darating ang araw na iyon. Hindi ako pwedeng mawalan ng pag-asa dahil kahit ako na ang pinaka-mahirap at walang kwentang tao sa mundo sa tingin ng mga nasa paligid ko ay may puso rin ako at kakayahan na maging isang mabuting tao.
Iyon pa lang, alam ko na sapat na para patuloy akong mabuhay at huwag mawalan ng pag-asa.