ADONIS:
LUMIPAS ang mga araw at dumating na nga ang ikinakakaba ko. Ang pagsapit ng Sabado at pagpunta namin ni Madam sa mansion nila. Kahit na gabi-gabi kaming lumalabas ni Madam ay naiilang pa rin ako dito. Paano pa kaya sa buong angkan niya?
Panay ang suklay ko sa buhok kong naka-wax at halos hindi maiwan-iwan ang salamin. Kabado ako kahit pilit kong pinapakalma ang sarili.
"Adonis, anak. Baka naman mabasag na ang salamin natin. Maumay 'yan sa pagmumukha mo," naiiling saad ni Nanay.
Napabusangot ako na muling pinasadaan ang itsura ko sa salamin naming nakasabit malapit dito sa may pinto. Napatitig ako sa sarili mula sa pula na converse shoes ko. Itim na pantalong maong. Pulang polo shirt at black leather jacket.
Napakagwapo at lakas naman ng dating ko lalo na't nakaayos ang buhok kong bagong gupit pa. Nakaahit din ako kaya malinis tignan ang mukha ko. Pero kahit kagalang-galang ng itsura ko at nagmukha akong tao ay kabado pa rin ako.
Bilyonaryo ba naman ang mga kahaharapin ko. Kahit sinabihan na ako ni Madam na mabait ang angkan niya at wala sa kanila ang nangmamata ng kapwa ay hindi ko pa rin magawang kumalma. Kinakabahan pa rin akong humarap sa pamilya niya.
"Nay, naman. Pakisuri naman ako, oh? Maayos po ba akong tignan?" nakangusong tanong ko dito.
Humarap pa ako sa kanya at tumayo ng tuwid. Nandidito kasi siya sa sala at abala sa pagtupi ng mga nalabhang damit namin. Saglit nitong binitawan ang damit na tinutupi at pinakatitigan ako. Mula ulo hanggang paa na nakanguso pa.
"Napakagwapo naman talaga ng anak ko. Hwag kang mahiyang humarap sa kanila, anak. Malinis ang puso at intention mo kay Roxy. Walang rason para mahiya ka sa pagmamahalan niyo." Anito na ikinangiti ko.
Napalabi ako na nangilid ang luha habang nakamata sa aking ina. Kahit kasi pinapatatag niya ang loob ko ay kita ko naman sa mga mata niyang may lungkot at pag-aalala ito sa akin.
Lumapit ako dito at naupo sa kanyang tabi. Ginagap ko ang kamay niya na pinakatitigan siya sa kanyang mga mata.
"Nay, tingin mo ba? Magugustuhan nila ako para kay Madam?" tanong ko.
Ngumiti ito na hinaplos ako sa pisngi. Kakaiba ang emosyong naglalaro sa mga mata nitong malamlam.
"Oo naman, anak ko. Mararamdaman naman nila iyon na mabuti ang puso mo," anito na matamang nakatitig sa aking mga mata.
"Nay, kinakabahan po kasi talaga ako eh." Pag-amin ko.
Napahinga ito ng malalim na pinipisil-pisil ang kamay kong hawak nito.
"Normal lang naman na kabahan ka, anak. Ang mahalaga ay maging totoo ka lang sa sarili mo. Ipakita mo sa kanila kung sino si Adonis Guillermo. Hwag kang mahiyang ipakilala ang sarili mo sa pamilya ng mahal mo, nauunawaan mo ba si Nanay?" maalumanay nitong saad.
Pilit akong ngumiti na tumango at hinagkan ito sa noo na ikinangiti na rin nito.
"Opo, Nay. Pakatatandaan ko po 'yan. Salamat po," sagot ko.
Hinaplos naman ako nito sa pisngi na nakangiti habang matiim na nakatitig sa aking mga mata.
"Pasensiya ka na, anak ko, ha? Kung sana may kaya lang ang Nanay eh. Hindi ka sana nahirapan at may maayos ka sanang kinagisnang pamumuhay," anito na nangilid ang luha.
"Nay, hwag naman po kayong magsalita ng ganyan. Masaya ho ako na kayo ang naging Nanay ko. At walang yaman na makapapantay sa inyo, Nanay. Hwag niyo na hong sisihin ang sarili niyo. Hindi po ako nagrereklamo na mahirap tayo, Nay. Hayaan niyo. . . magsusumikap pa ako para maiparanas ko pa sa inyo ang maginhawang buhay," sagot ko na may ngiti sa mga labi.
Napangiti na rin itong tumango-tango habang pinapahid ko ang luha nito.
"Ang mahalaga sa akin ay hwag kang magbabago, anak ko. Dahil ang kabutihan ng puso mo? 'Yan ang yaman mo na walang kapantay na halaga at wala ring makakaagaw niya'n sa'yo, anak. Kaya hwag kang magbabago, ha?"
"Opo, Nay. Makakaasa ho kayo," sagot ko na ikinayakap nito sa akin.
Napangiti akong ginantihan ang mahigpit nitong yakap habang hinahagod ko siya sa likuran. Ang sarap lang sa feeling na sa tuwing kabado ako o may inaaalala ay nandidito lagi si Nanay para pagaanin ang loob ko.
"O siya, sige na. Gumayak ka na, anak."
Napahinga ako ng malalim na humalik muli sa noo nito bago tumayo at dinampot ang helmet ko.
"Hwag po kayong magpuyat, Nay. Tawagan niyo lang po ako kapag nagkaproblema kayo dito, ha?" pagpapaalala ko dito na ngumiti at tumango.
"Opo. Mag-ingat ka din sa pagmamaneho mo, anak."
Ngumiti at tumango ako dito bago lumabas na isinarado ang pinto. Napahinga ako ng malalim na kinakalma ang puso kong nagsisimula na namang kabahan.
"Tol, saan ang lakad?"
Napadilat ako ng mga mata na marinig ang pagtawag ng kaibigan ko. Si Tyago. Kitang kadarating lang nito mula sa sementeryo.
"May family dinner kami sa mansion nila Madam eh," kakamot-kamot sa batok kong sagot.
Napasipol naman ito na hinagod pa ng tingin ang kabuoan ko.
"Hanep! Mukhang may mangpipikot na sa'yo ah," anito na ikinatawa ko.
"Mukha nga, tol. Wala eh. Malakas manggayuma si Madam," nakangising kindat kong ikinahalakhak nito.
"Sige na nga. Umalis ka na. Ingat sa pagmamaneho, tol," anito na tinapik ako sa balikat.
"Salamat, tol. Pakitignan na lang si Nanay, huh?" aniko na ikinangiti at tango nito.
"Oo naman, tol."
PANAY ang buga ko ng hangin habang binabagtas ang highway papuntang village nila Madam.
Nadaanan ko naman ang ilang vendors sa gilid nitong parke na papaligpit na sa kanilang mga tindang alahas. Para akong naengganyo na bumaba saglit ng motor ko at lumapit sa mga ito.
"Magandang gabi po, Sir. Ano pong hanap niyo?" magalang tanong sa akin ng ginang.
Napakamot ako ng kilay na inusisa ang mga singsing na binebenta ng mga ito. Magaganda naman kahit mura lang sila at kukupas din agad dahil hindi naman mga totoong silver at ginto ang mga ito.
"Para ho ba sa girlfriend niyo, Sir?" anito.
"Um. . . opo sana, Ate. Baka may mai-offer ka," sagot ko.
Ngumiti ito na humalungkat na rin sa mga tinda. Maya pa'y kinuha nito ang isang silver ring na infinity ang disenyo at may heart shaped sa gitna nito na pinalilibutan ng maliliit na bato.
"Ito po, Sir. Baka magustuhan niyo," alok nito.
Napangiti akong inabot iyon at sinuri. Mukhang kasya naman siya sa daliri ni Madam at kahit simple lang ay maganda naman tignan.
"Sige, Ate. Kukunin ko ito. Magkano po?" tanong ko na hinugot ang wallet ko.
"500 pesos ho 'yan, Sir. Pero para sa'yo ibibigay ko na lang ng 300," nakangiting sagot nito.
"Hindi ho ba pwedeng 299 na lang, Ate?" nakangiting kindat ko na ikinabungisngis nitong napatango-tango.
"Sige na nga. Tumawad ka pa talaga," naiilang saad nito.
Tatawa-tawa akong inabutan ito ng 300 pesos at sinuklian naman ako ng piso. Napahalik pa ako sa piso nito bago ibinulsa kasama ang singsing.
MATAPOS kong makabili at nagpaalam ay umalis na rin ako. Habang palapit ako sa village nila Madam ay muli na namang nabubuhay ang kaba sa dibdib ko. Sana lang ay magustuhan nga ako ng pamilya nito para dito. Dahil aminado naman akong walang ibang maipagmamalaki sa kanila kundi ang tapat at malinis na pagmamahal at hangarin ko kay Madam.
Pagdating ko sa gate papasok ng village ay pinara pa ako ng mga guard dito. Nagtaas ako ng helmet na huminto sa tapat ng mga ito.
"Good evening, Sir. Saan po kayo?" magalang tanong ng isa.
"Um. . . magandang gabi din ho, mga Sir. Sa Montereal's mansion ho," sagot ko.
Nagkatinginan pa ang mga ito na napatawag sa cordless phone sa gilid.
"Sir, ano pong pangalan niyo?" baling ng isa na may kausap sa phone.
"Adonis. Adonis Guillermo, Sir."
Bumaling naman ito sa kausap sa kabilang linya na dinig kong binanggit pa ang pangalan ko. Napabuga ako ng hangin na kinakalma ang puso kong sobrang bilis ng t***k.
"Um, Sir?"
Napalingon ako dito na nagtatanong ang mga mata.
"Pwede ka ba naming makitaan ng I'D? Pasensiya na po kayo, nag-iingat lang ho kami," saad ng isang guard na ikinangiti ko sa mga ito.
Hinugot ko ang wallet ko at inilabas ang driver's license ko na iniabot sa mga ito. Kaagad naman nilang inabot iyon at sinuri. Palipat-lipat ng tingin sa akin at sa I'D ko.
"Sige po, Sir. Pasok na ho kayo," ani ng isa na ibinalik ang I'D ko.
"Salamat pero. . . baka pwedeng may sumama sa akin sa loob, mga Sir. Hindi po kasi ako pamilyar eh," napapakamot sa batok kong saad.
"Sige po, Sir. Ihatid na lang po kita," presinta naman ng isa na ikinangiti ko.
"Salamat, Sir."
Ngumiti ito na tumango. Pinagbuksan naman na ako ng gate habang umangkas sa akin ang isang guard na siyang maghahatid sa akin. Matulin lang ang patakbo ko sa motor ko. Palinga-linga sa mga naglalakihan at kay gagarang mansion na nadaraanan namin. Kaya naman napakahigpit ng seguridad nila dito dahil kilala lahat ng nakatira dito sa village.
"D'yan po sa white mansion ang kina Mr Montereal, Sir." Anito na itinuro ang puting mansion na madaraanan namin.
Ipinarada ko sa tapat ng mataas na bakod ang motor ko. Bumaba din naman ito na lumapit pa sa mga guard at kinausap ang mga iyon. Napapanganga naman akong nakatingala sa mansion nila Madam. Literal na palasyo ang tirahan nito. Malayong-malayo sa iskwater na pinagmulan ko.
Hindi ko namalayan na namuo na ang luha sa mga mata ko. Isang malaking sampal sa akin ang katotohanan na nakikita ko ngayon. Kung gaano siya kalayo para sa isang katulad ko.
Napabuga ako ng hangin na napayuko. Nagdadalawang-isip kung tutuloy pa ba ako. Bigla akong nahiya at nanlumo. Kung kanina ay napalakas ni Nanay ang. loob ko? Ngayon ay natunaw na iyon na parang yelo.
Pakiramdam ko ay hindi ko kayang humarap sa mga Montereal. Kahit ang tumapak sa kanilang teritoryo. Nagpahid ako ng luha na maramdaman ang pag-vibrate ng cellphone ko. Napalunok akong ilang beses napatikhim na mabasa ang caller. Si Madam.
"Madam?" sagot ko na inilapat sa tainga ang cellphone.
"Nasaan ka na, baby? Bakit ang tagal mo?" tanong nito sa kabilang linya.
Napalapat ako ng labi na muling napatingala sa kanilang palasyo. Mapait na napangiti na napailing sa sarili.
"Um, Madam. Pasensiya ka na, ha? Hindi ako makakadalo eh."
"Huh? Bakit? Sabi nandito ka na daw sa village ah," anito na bakas sa tono ang kalituhan.
Natahimik ako na hindi makaapuhap ng maisasagot dito.
"Where are you?" muling tanong nito.
"Um, nandito sa--"
"Stay there. Wait for me," maawtoridad nitong sagot na hindi na ako pinatapos.
Napahinga ako ng malalim na nagsuot muli ng helmet ko. Akmang pahaharurutin ko na ang motor ko nang may humawak sa balikat kong ikinatigil ko.
Sunod-sunod akong napalunok na bumilis ang kabog ng dibdib. Nagtungo naman ito sa harapan ko na kunot ang noo habang nakamata sa akin ng matiim.
Wala na akong nagawa nang ito na mismo ang nagtanggal sa helmet ko. Pilit akong ngumiti kahit alam kong hindi iyon abot sa aking mga mata.
"Where do you think you're going, Adonis?" tanong nito.
"Uhm. . . u-uuwi na sana, Madam," nauutal kong sagot.
Lalo namang nagsalubong ang mga kilay nito sa isinagot ko. Napahalukipkip ito sa harapan ko na napakaseryoso.
"Uuwi? Kadarating mo pa nga lang eh."
Hindi ako nakaimik sa sinaad nito. Napahinga ito ng malalim na hinaplos ako sa pisngi. Malamlam na rin ang mga mata na tila nababasa nito kung bakit ayoko ng tumuloy.
"Baby, what's the problem, hmm?" malungkot nitong tanong.
"Hinihintay ka na nila sa loob. Tara na, hmm?" paglalambing pa nito.
"Madam."
"Wala ka bang tiwala sa akin?" nagtatampong tanong nito.
"Nahihiya ako, Madam." Pag-amin ko.
Napahinga ito ng malalim na inakay na akong bumaba ng motor ko. Hinawakan nito ang dalawang kamay ko habang matiim na nakatitig sa aking mga mata. Naka-evening dress ito ng sleeveless na kulay pula at nakaayos. Hapit na hapit sa katawan nito ang suot na ikinalantad ng perpektong hubog ng kanyang katawan. Mataas din ang slit nito kaya nakalitaw pa ang kanang hita nito.
"Tatagan mo naman ang loob mo para sa akin, hmm? Everyone is expecting you, Adonis. Gusto kang makilala ng pamilya ko. Ipapahiya mo ba ako ngayong gabi?" nagtatampong tanong nito.
Pilit akong ngumiti na hinaplos ito sa pisngi. Yumakap naman ito sa baywang ko na napapangusong nakatingala sa akin.
"Sige na, hmm? Tara na sa loob," paglalambing pa nito.
Napalapat ako ng labi na muling napatingala sa mansion nila. Nanlulumo talaga ako at 'di maiwasang manliit sa sarili.
"Please?" pagsusumamo pa nito.
Napahinga ako ng malalim na niyakap ito at pinaghahalikan sa ulo. Hinahaplos-haplos naman ako nito sa likod habang magkayakap kami. Kahit paano ay naibsan ang kaba ko sa paghaplos nito.
"Tara na?" muling pag-aya nito.
"Tara."