Ikaapat na Basket

3358 Words
KINABUKASAN, ang araw ng try-out sa CISA basketball ay magaganap na. Matapos ang klase noong araw na iyon ay ang palibot ng covered court ng paaralan ay unti-unting dinagsa ng mga mag-aaral dito. Ibang-iba ito kumpara sa mga nagdaang taon at sa loob ng court ay makikita roon ang nasa dalawampung lalaking nakasuot ng kani-kanilang mga jerseys. Nang makita nga ito ni Coach Erik ay hindi siya makapaniwala dahil sa tagal na niyang nagha-handle sa CISA varsity ay ngayon lang siya nakakita ng ganito karami na try-outees. Si Kier naman sa tabi ng kanilang coach ay bahagyang naalala ang kanyang pagiging manlalaro ng CU noon kung saan ang try-out ay napakarami ring mga sumusubok na makapasok sa pinakamalakas na koponan sa CBL. Napakuyom na nga lang siya nang bahagya nang maalala ang paaralang iyon. “Sa taong ito... Pipilitin kong mag-kampeon at alisin sa trono ang CU!” sabi niya sa sarili at sa kanyang nakikita sa mga manlalarong nagnanais na sumali sa kanilang team ay hindi niya maiwasang magkaroon ng pag-asa. “Ano kaya ang naisip mo Rommel Alfante at lumipat ka ng CISA?” Napangiti na nga lang si Kier nang bahagya nang mapatingin sa isang lalaking nakasuot ng pulang jersey sa may bandang likuran na matikas na nakatayo. Maya-maya pa nga’y napansin din nila ni Coach Erik ang pinakamatangkad na try-outees na palinga-linga sa paligid nang mga oras na iyon. “Coach, kapag nakitaan natin siya ng potensyal, kunin natin siya. Magandang pandagdag sa atin ang isang matangkad na gaya niyan. Palagay mo coach?” winika ni Kier na seryoso namang pinakinggan ni Coach Erik na pinagmamasdan din ang lalaking tinutukoy ng kanyang katabi. Maya-maya pa nga’y nagsidatingan nang lahat ang mga players ng Flamers at ilan sa mga estudyante sa paligid ay napa-cheer sa mga iyon. Suot nga nina Ricky ang bago nilang red and black varsity jackets nang mga oras na iyon. Makikita sa likuran nila ang kanilang mga apelyido at numero na sa harapan sa may tapat ng puso ay naroon naman ang maliit at umaapoy na logo ng kanilang koponan. Makikita ngang kumaway pa sa croud sina Benjo Sy at Troy Martinez sa crowd na ngiting-ngiti. “Salamat mga fans. Mamaya sa mga gustong magpa-autograph lumapit lang kayo sa akin,” ani ni Troy na abot sa tainga ang ngiti dahil ngayon lang niya naramdaman na sikat na ang kanilang koponan sa sarili nilang paaralan. “Sa mga may crush sa akin, lumapit lang kayo dahil narito ang susunod na ace player ng CISA na si Benjo Sy!” malakas namang winika ni Benjo at ang nasa likuran nilang si Rodel Zalameda ay inakbayan ang dalawa nang lumitaw ito sa pagitan nila. “Ang sasaya ninyong dalawa ah? Kayo ba ay nag-practice ngayong bakasyon? Para naman maniwala sa inyo ang mga fans ninyo,” sambit ni Rodel at ang inaasahan niyang pagbibiro ng dalawa ng sagot ay hindi naganap... Bagkus, sandaling naging seryoso ang mga mata nina Troy at Benjo. “Alam mo Rodel, hindi na kami ang mga players na kagaya dati...” sambit ni Benjo na pasimple pang inayos ang buhok at napasulyap kay Troy na nakasama niya nitong bakasyon para magpalakas sa paglalaro ng basketball. “Ayaw na naming maging pampainit ng bench Rodel,” sabi naman ni Troy na naalala ang mga sandaling nasa koponan siya. Napangiti naman nga si Rodel nang maramdaman ang pagbabago ng dalawa. “Wala na sina Romero at si Captain...” seryosong sinambit ni Benjo at si Troy ay pinagmasdan sandali ang mga nasa harapan nilang mga try-outees. “Makinig kayo... Ngayong wala na sina Romero at Alfante sa ating team... Ang tandem na Sy at Martinez na ang inyong makikita na magbubuhat sa koponang ito!” lakas-loob na winika nina Benjo at Troy. Sandali ngang napatingin sa dalawa ang mga try-outees na naging dahilan para lumayo rito si Rodel. Makikita naman sa gilid ng team si Ricky na natatawa sa energy ng dalawa habang napailing naman sina Marco Castro at Arnold Cortez dahil dito. “Nabaliw na yata ang dalawang ito dahil sa pagbabakasyon.” “Pero ang alam ko, nagpalakas ang dalawang iyan nitong bakasyon. Dati ay madalas akong yayain ng mga iyan sa pagligo sa dagat pero ngayon ay hindi na,” wika naman ni Raven Cruz habang nakatingin sa dalawang kakampi. Naalala pa nga niya ang chat ni Benjo sa kanya nitong pagkatapos ng pasukan. Sinabi ni Benjo na hindi na raw siya nito yayakagin sa pagligo sa dagat dahil magiging busy raw siya sa ilang mga bagay. Sinabi pa nga nito sa kanya na gugulatin nila ang lahat sa pagbabalik niya sa paglalaro sa CISA. Kagaya nga rin ito ng sinabi ni Troy sa kanya at natuwa nga siya dahil doon. Naging dahilan din iyon upang magpalakas din siya para sa kanilang team. Batid niyang ibang CISA na ang tingin sa kanila ng mga makakalabang koponan. Hindi na sila ang winless team gaya ng dati. Napatikhim naman ang kanilang kapitan na si Kier at sabay na napangiti ang dalawa rito na agad pa nga nilang binati at kinumusta kahit kahapon lang ay nagkita na sila. “Tumigil kayong dalawa. Baka kung ano ang isipin ng mga try-outees,” mahinang winika naman ni Kier na parang nahiya nang mga oras na iyon. “Napaka-kj mo pa rin Captain. Ni ayaw mo ngang sumama sa minsanang happy-happy natin. Mabuti pa si Captain Reynan,” wika naman ni Troy na nagbibiro lamang sa kanyang pagkukumpara. Hindi na naman ito pinansin ni Kier dahil alam niyang kapag nakipagsagutan siya sa dalawa ay tatawanan siya ng mga kasamahan niya sa team na walang ginawa kundi ang pag-trip-an siya kapag magkakasama sila. Napabuntong-hininga na nga lang siya at tumingin sa mga try-outees. Nasasanay na siya sa ganito magmula nang mapunta siya sa CISA at hindi naman sa ayaw niya, sadyang hindi lang siya sanay sa ganitong atmospera. Hindi kagaya noong nasa CU siya. Dahil sa dami ng mga nais makasali sa kanilang team ay hindi na muna pinagpakilala ni Coach Erik ang mga narito. Hahayaan na lamang niyang ang laro ng mga ito ang magpakilala sa kanila. Nasa dalawampung kalalakihan sila kaya hinati niya ang mga ito sa apat na koponan. Hinayaan niyang ang mga ito ang humanap ng kani-kanilang kakampi. Kagaya nga ng inaasahan ng coach, marami ang nakipag-unahan sa player ng CU na ngayon ay narito. “Rommel Alfante, ikampi mo ako. Isa akong shooter!” “Ako bahala sa rebound!” “Sumama tayo kay Alfante, sure win tayo,” bulong naman ng ilan na nagmadaling lumapit sa binatang nakatayo lamang sa may tabi ng mga kagaya nilang magta-try-out. Pero sa kabila ng matunog na pangalan ni Rommel Alfante nang mga oras na iyon ay may limang grupo ng mga freshmen ang magkakasama lamang at nakangisi habang pinagmamasdan ang iba na nagkukumahog sa paglapit sa dating player ng CU. “Tingnan mo sila Romeo, akala yata nila ay mapipili na sila kapag sila ay sumama sa isang iyon,” sambit ng isang lalaking nasa 6’4 ang height at nakasuot ng pulang jersey na may numero otso sa likuran na kung saan ay makikita ang apelyido niyang Salvador. Napangiti naman ang kinakausap nitong isang 6’0 footer na binatang kulot ang buhok. Kasalukuyan na rin nitong inaayos ang kanyang suot na shorts nang mga sandaling iyon. Kahapon nga nang makita niya si Alfante ay hindi niya naiwasang magulat dahil ang dalawa sa kanyang dahilan kung bakit sa maliit na paaralan siya pumasok ay hindi na mangyayari. “Posible pa ngang maging kakampi ko ang Alfante na iyan kapag nagkataon. Isa pa, pareho kaming point guard, kaya sino ang magbibigay sa aming dalawa kapag nagkataon?” sambit nga ng lalaking may numero na zero sa likod ng red jersey nito. Naroon din ang ang kanyang apelyido na kilala rin ng ilan sa mga narito. Mula sa crowd ay makikita ang tinginan ng ilang mga estudyanteng nanonood sa limang kalalakihang nakasuot ng iisang kulay ng jersey. Ilan sa kanila ay hindi maaaring hindi makikilala ang mga ito dahil nitong nakaraang school year nga lang ay may isang high school team ang nagbigay ng pagkatalo sa palaging nagkakampeon na Oriental Mindoro National High School. “Sila ay ang mga manlalaro ng Canubing National High School!” “Oo nga, at ang may numero na zero sa likod ay ang naging MVP ng Secondary Basketball League matapos nitong agawin mula sa 3-time MVP na si Jake Marcos ang pagiging pinakamagaling sa ligang iyon.” Ang ilang mga estudyante ay hindi maiwasang ma-hype sa kanilang nalaman. Isa pang magaling na manlalaro ang posibleng mapabilang sa kanilang paaralan at sa oras na mangyari iyon ay mas magiging malaki ang tsansa nila na maging kampeon sa taong ito. Hindi pa man nakakabuo ng kanya-kanyang koponan ang mga magta-try-out ay isang laban kaagad ang nakikitang posibleng pumutok sa loob ng kanilang gym. Bigla na lamang ngang naglakad ang limang binatang may pulang jersey papunta sa direksyon ni Rommel Alfante. Ito ay sa pangunguna ng player na kulot ang buhok na si Romeo Baltazar! Nang marating ni Romeo ang kanyang target na si Rommel Alfante ay sandaling napatuon ang atensyon ng lahat sa dalawa. Nagkatinginan sila sa mata at hindi maipagkakailang kilala nila ang isa’t isa lalo pa’t pareho silang kinikilalang magagaling na manlalaro sa lungsod ng Calapan. “Kung ganoon, narito rin pala ang player na iyon,” sambit ni Kier sa katabing si Coach Erik na napangiti na lamang sa nakikita. “Napanood ko siya sa Secondary League at napakapambihirang maglaro ng batang iyan,” wika ni Coach Erik habang nakatingin sa player na iyon. “Binansagan na nga siyang Crossover Boy dahil sa kanyang galing sa ball handling,” sabi naman ni Kier. “Pero kailangan ba natin ng maraming ball handlers? Kailangan ba natin ng maraming mga point guards?” Ang mga huling tanong ni Kier ay tumatak sa isip ni Coach Erik. Ang unang kailangan nila ay ang mga players na pang-ilalim ang galawan dahil iyon ang kanilang kahinaan pagdating sa laro. Dahil nga wala na si Reynan ay si Rodel na lamang ang kanilang maaasahan sa ilalim. Sa mga try-outees nga ay isang player lang ang nakita niyang pinakamataas sa mga ito. “Tingnan mo Kier ang 7-footer na iyon, pwede natin siyang makuha.” “Iyon ay kung magaling siyang maglaro coach,” sambit naman ni Kier dahil nakita na niya ito kahapon sa court. Nakikisambot ito ng bola ngunit wala naman siyang makitang kakaiba sa isang iyon. Pero iyon ay base lang sa kanyang obserbasyon, ang magsasabi pa rin kung pipiliin nila ito ay ang laro nito mamaya. Samantala, nang magkaharap na nga sina Rommel at Romeo ay isang hindi nakikitang pagbabanggaan ang mararamdaman sa dalawang manlalarong iyon. “Ginulat mo ako Kuya Rommel... Akala ko pa naman ay makakalaban na kita sa CBL. Hindi mo naman ako sinabihan na dito ka pala papasok,” nakangiting winika ni Baltazar. Isang seryosong titig naman ang ginawa ni Rommel at nang marinig niya iyon ay isang maliit na pagngiti ang una niyang isinagot doon. “Baltazar... Ang batang manlalaro na gusto kaagad ng kasikatan,” sambit ni Rommel at naalala niya sandali ang unang beses na makita niya ito. Napanood niya ang laro nito noon at kahit natalo ang koponan nito ay nakita niyang magaling ito. “Idol!” Ito ang narinig ni Rommel nang makita siya ng pawisang si Romeo. Nakangiti siyang nilapitan ng high school na iyon. “Sa CU rin ako mag-aaral para maging kakampi mo idol!” masayang winika ni Romeo sa kanya nang mga sandaling iyon na tinawanan naman nang bahagya ni Alfante. “Walang lugar ang mga talunan sa CU. Kung hindi mo magawang manalo sa sarili mong team ay maganda pang sa CISA ka na lang. Sa winless team.” Nang marinig iyon ni Romeo mula sa player na kanyang iniidolo ay unti-unting naglaho ang paghanga niya rito. Sinubukan pa niyang makipagkilala kay Alfante ngunit isang malamig na pagtalikod ang ginawa sa kanyang ng player ng CU na iyon at ang huling mga salita nito ang nagpabago sa kanyang pagkilala rito. “Kapag nagkampeon ka, at naging MVP sa ligang nilalaruan mo... Baka doon, may pag-asa ka nang makapasok sa CU.” ***** ISANG makahulugang ngiti ang ibinigay naman ni Romeo kay Alfante nang marinig niya ang sinabi ng kanyang kaharap. Gusto niyang mapakuyom ng kamao ngunit hindi na niya iyon itinuloy nang tapikin siya sa balikat ng kanyang kasamahang nasa likuran. “Ikaw naman si Rommel Alfante na sumikat pero unti-unti nang nalalaos,” nakangiting winika ni Romeo at doon na nga nagulat ang mga nasa paligid nila. Hindi sila maaaring magkamali, naglalaban sa salita ang mga ito. “Hindi ko maisip kung bakit ang tulad mo ay lilipat sa winless team na sinabi mo sa akin noon. Nasaan na ang angas ng Alfante na nakita ko noon?” Si Rommel ay nagpantig ang tainga sa kanyang narinig mula sa lalaking nasa kanyang harapan. Inangasan niya ito kaso, alam niyang hindi niya ito kaya dahil may back-up si Baltazar na nakita niyang nakahanda na rin. “Hindi ko gusto ang tabas ng dila mo... Bakit hindi na lang sa court natin tingnan kung sino ba ang magaling?” sambit ni Alfante na pinilit ikalma ang sarili nang mga sandaling iyon. Ang mga players naman ng CISA ay mabilis na pumagitna sa dalawang iyon. Naroon na rin nga si Coach Erik na kaagad na nagsalita para alisin ang init na namamagitan sa mga iyon. “Kung gagawa kayo ng gulo sa court na ito... Kahit pa magaling kayong maglaro ay sinisiguro kong hindi ko kayo pipiliin!” bulalas ni Coach Erik sa dalawa. Doon na nga kumalma sina Alfante at Baltazar. Tumalikod na ang grupo ng mga nakapulang jersey matapos humingi ng paumanhin sa varsity ng CISA. “Mamaya Rommel Alfante, ilalampaso kita sa harapan ng mga taga-CISA!” Ito ang huling winika ni Baltazar bago tuluyang naglakad palayo. Sinundan pa nga iyon ng kantyaw mula sa mga manonood dahil tila ang try-out na ito ay hindi magiging isang simpleng laro lamang. Base sa kanilang nasaksihan ay dalawa kaagad na magagaling na manlalaro ang magpapakitang-gilas sa isa’t isa. Labanang Alfante at Baltazar. Isang freshman laban sa isang fourth year student, ang pinakamagaling na point guard sa CBL. Si Ricky ay napatingin naman sa mga nakapulang iyon, lalo na sa may number zero na jersey. “Kilala mo ang mga iyon Kier?” mahinang tanong ni Ricky sa kanilang captain na bumalik na rin sa dati nilang mga pwesto. Nang marinig nga iyon ni Cunanan ay gusto na lang niyang mapatawa. Hindi pa rin daw nagbabago ang Mendez na kakampi niya. Kahit pa naging magaling na manlalaro ito ay parang hindi pa rin dahil hindi man lang nito nakilala ang player na tinanong nito, gayong halos lahat ng mga taga-Calapan ay kilala ang batang iyon na may magaling na galawan pagdating sa pag-crossover. “Hindi mo siya kilala? Sa Canubing High School siya nag-aral?” naitanong na lang ni Kier sa binata na tiningnan lang siya at nginitian. “E-eh... H-hindi ko alam. Pero mukhang magaling ang isang iyan. Kilala kasi ninyo,” natatawang sagot ni Ricky at tinawanan na lang siya ni Rodel at inakbayan sa kanilang pagpunta sa labas ng court. Ang apat na koponan ng mga try-outees ay handa na nga. Sinabi ni Coach Erik sa mga ito na isang 10-minute game lang ito at isang laro lang para sa kanila. Hindi naman daw ito pagalingan dahil ang gusto lang niyang makita ay ang mga playing style nila. Hindi na nga nagdalawang-isip si Coach Erik na pagharapin ang dalawang nagkakainitan kanina. Ang unang group na maglalaban ay ang team ni Rommel Alfante at ni Romeo Baltazar. Mabilis na nagsialisan ang iba sa loob ng court dahil agad nang sisimulan ang laro rito. Nai-set na nga nina Kier ang orasan at ang magkabilang grupo ay nagkaharap-harap na. Namagitan dito si Coach Erik na tatayong referee. Bago magsimula ang laban ay pinagkamay muna sila sa isa’t isa. Ang grupo ni Alfante ay random ang kulay ng mga jersey kumpara sa grupo ni Baltazar. Nang magkamayan na ang dalawang magkatunggali ay isang seryosong tinginan pa ang tila naglaban sa harapan nila nang mga oras na iyon. “Bagito ka pa,” pasaring ni Rommel. “Laos,” sagot naman ni Romeo at bago pa man uminit ang dalawa ay sumilbato na si Coach Erik para ipaalam sa dalawa na magsisimula na ang laro. Mabilis na nagsipuntahan sa kanya-kanyang bantay ang mga manlalaro. Nasa gitna na rin ang tatalon para sa jump ball. Ang mga manonood naman ay napalunok ng laway dahil kahit try-out lang ito ay may kutob silang magiging isang magandang laruan ang kanilang masasaksihan lalong-lalo na sa unang laban. Ibinato na nga paitaas ni Coach Erik ang bola at sa pagbaba noon ay siya namang pagtalon ng dalawang manlalaro sa gitna ng court. Sabay nilang natapik iyon ngunit ang tinalsikan nito ay sa side ng grupo nina Baltazar. Isang nakapula ang mabilis na nakasambot sa bola at nang makita iyon ni Romeo ay mabilis siyang gumalaw para sa kanya nito iyon ipasa. Si Alfante ang bumabantay kay Baltazar kaya naman nang makuha ng nakapula ang bola ay isang mahinang ugong mula sa crowd ang narinig. Nasambot ni Romeo Baltazar ang bola at kasabay ng takbuhan papunta sa side nila ng mga manlalaro ay siya namang pagharap niya sa kanyang defender na si Rommel Alfante. “Sino ba ang mas magaling sa dalawang ito?” sambit naman ni Ricky sa sarili na napatuon ang pansin sa dalawang iyon habang naka-upo sa kanilang bench. Alam niyang magaling si Alfante pero base sa narinig niya sa kanyang mga kakampi ay isa ring magaling na manlalaro ang katapat nito. Pinatalbog na nga ni Romeo ang bola at sumagi pa sa isip niya ang mga panahong iniidolo niya ang mayabang para sa kanya na kaharap niya. Dalawang bagay lang ang gusto niyang mangyari kaya siya sa CISA nag-enroll; Ang una ay makalaban si Rommel Alfante na tila hindi na mangyayari, at ang pangalawa ay ang maging kakampi si Ricky Mendez. “Alam kong nanonood ka Ricky Mendez... Gusto ko lang magpakilala sa iyo.” Isang mahinang dribbling na sinamahan ni Romeo ng pagyuko ang kanyang ipinamalas. Pinakiramdaman niya ang kilos ni Alfante na sumasabay sa kanyang paggalaw at sa pagtunghay niya ay isang maliksing palitan sa dribbling ang kanyang ginawa. “Mabagal ka pa bata,” bulalas naman ni Rommel na mabilis na sumabay sa kaharap. Nakikita niya ang galaw ng bola kaya nga agad niya itong sinundot gamit ang kanyang kanang kamay. Umabante siya para tapikin iyon ngunit nagulat ang marami sa sumunod na nangyari. “Nice try...” bulalas ni Baltazar at maging si Alfante ay nagulat nang parang umiwas sa mga kamay nito ang bola. Isang malinis na pag-side step ang ginawa ni Baltazar na sinundan niya sa pag-angat ng bola para lampasan si Alfante na napadiretso sa dati niyang posisyon. Isa iyong malinis na cross-over na nagpamangha sa manonood. Hindi lang nga iyon ang ginawa ng manlalarong may numero na zero sa likod. Sa paglapit niya sa 3-point arc ay doon na siya tumalon para magbitaw ng isang tres. Paglapag ng mga sapatos niya sa ibaba ay siya namang pagtitig sa bola na kasalukuyang umaarko patungo sa basket. Itinaas niya ang kanyang kanang kamay sa ere at tumuro sa itaas. Kasunod noon ay ang paghalit ng bola sa basket sa pagpasok nito roon. “Ayos ba?” tanong ni Baltazar na sinulyapan pa ang nasa likuran nang si Alfante. “Iyan ba ang pinakamagaling na point guard sa CBL?” dagdag pa nito at pagkatapos noon ay nilampasan niya si Rommel na kasalukuyan namang nakangisi dahil isang matinding laban kaagad ang ibubungad sa kanya ng CISA sa paglipat niya rito. “Maganda ang cross-over mong iyon... Pero hindi iyon ang magpapanalo sa iyo,” sabi naman ni Rommel na mabilis na hiningi ang bola mula sa kasamahan. Nasa kanila na ang possession at hindi siya papayag na basta lang matalo sa isang freshman na kagaya ni Baltazar.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD