Marahang iniayos ni Trish ang mga fresh na bulaklak sa vase. Mabigat man ang dibdib niya sa dami ng nangyari nitong mga nakaraan ay nanatili ang ngiti sa kanyang labi. Iyon ang nagagawa kapag masaya ka sa napili mong trabaho at napapasaya siya ng mga bulaklak.
"Ang ganda ng bride," tuwang-tuwa na kwento sa kanya ng kaibigang si Rowena na kilala sa tawag na 'Weng'.
"Talaga?" Na-intriga siya bigla at na-excite makita ang kaibigang ikakasal sa araw na iyon. Hindi kasi sila nakapunta sa mismong simbahan dahil mag-aayos sila ng venue. "Ano'ng itsura ng gown niya?"
"Girl, ang ganda, as in. Wala kasi akong picture, eh. Sandali ko lang din siyang nakita pero mukhang prinsesa ang gaga. Akalain mong may mas igaganda pa pala iyon? Siya pa naman ang pinaka-mahinhin sa atin pero siya pala ang unang ikakasal."
Sa edad na bente kwatro ay wala pa sa isip niya ang magpakasal. Bukod kasi sa wala naman siyang nobyo ay priority niya pa ang pamilya dahil hindi naman sila ganoon kayaman. Sapat lang ang kinikita para mamuhay ng maayos at may makakain araw-araw. Pero hindi na ganoon ngayon mula nang ma-hospital ang ama niya noong nakaraan. Hanggang ngayon ay wala pa rin itong malay at ang laki na ng gastusin sa hospital. Hindi alam ni Trish kung saan magsisimula.
"Talaga? Maganda naman talaga siya kahit ano ang isuot niya," sabi ni Trish bago nagtungo sa ibang pwesto upang iayos ang mga dekorasyon sa bandang iyon.
Kasalukuyan siyang nag-aayos nang mag-vibrate ang phone niya. Kinuha niya iyon mula sa bulsa at nabasa ang text mula sa isang empleyado na nasa mismong simbahan na siya ring nag-ayos ng ilang dekorasyon doon. Nag-text ito upang ipaalam na papunta na ang mga bisita sa reception ngayon kung saan naroon siya.
Bahagyang nataranta ang dalaga at ipinaalam kay Rowena na patungo na ang mga bisita roon. Sinabi niya na rin sa ilang naroon ang balita. Kasama nila ngayon sa venue ang emcee, mga staff ng catering service at ilang bisita at kamag-anak ng kinasal na nauna na sa venue para i-check kung maayos na ba ang lahat.
Patapos na rin naman sina Trish na mag-ayos kaya nang masiguro na okay na ang lahat ay nakahinga na siya ng maluwag kahit papaano at umupo na sa upuang nakalaan para sa mga bisita dahil bisita rin naman talaga sila rito.
"Nandiyan na sila," pasigaw na bulong ng kaibigan nito na hindi na magkamayaw sa pag-upo dahil sa sobrang excitement na nararamdaman. Nakahanda na ang camera para sa bride na siya naman talagang ipinunta niya rito.
Mga bisita ang unang pumasok kasunod ay ang ilang mga naging parte sa seremonyas. Pagkatapos, ang pinakahuli ay ang dalawang bagong kasal. Pumailanlang ang mas pinalakas na love song sa speaker kasabay ng malakas na palakpakan ng mga tao.
Nang makaupo na ang dalawa at bahagyang tumahimik na ang paligid ay nagsimula na ang maikling programa. Ang mga mata ni Trish ay abala sa kabuuan ng venue. Natutuwa siya nang may mangilan-ngilan siyang narinig na pumupuri sa ginawa niyang mga flower arrangements.
"Girl!!!" patiling sambit ng bagong kasal na kaibigan habang sila na ang nakasalang para sa group picture taking. "Buti nakarating kayo? Ang ganda ng flowers. Thank you so much, Trishyy."
Trishy ang tawag sa kanya ng kaibigan dahil medyo malambing ito. Makulimlim ang paligid, bagaman masaya siya ay kanina pa rin siya kinakabahan. Nasa Benguet kasi ang flower farm na pag-aari ng dalaga, maliit lang naman iyon at sapat lang para punan ang pangangailangan ng flower shop niya. At ang hindi magandang balita ay kahapon pa raw malakas ang ulan at hangin sa lugar at ngayon ay walang signal kaya hindi niya ma-contact ang mga trabahador niya roon.
Bumuntong-hininga si Trish pagkaupo, matapos kumuha ng pagkain.
"Oh? Bakit problemado ka masyado? Iniisip mo na naman ba si tito?"
Malungkot na nag-angat ng tingin si Trish sa kaibigang si Rowena. Dadagdag pa iyon sa iisipin niya. Hospital bills. Flower farm. Her dad's recovery and health. Hindi niya na alam pa kung ano ang uunahin.
Sasagutin niya na sana ang tanong ng kaibigan nang hinampas siya nito sa braso at kinikilig na bumulong sa tainga niya. "Nakikita mo iyan?" may tinuro itong lalaki na hindi pamilyar ang mukha sa kanya. "Ang gwapo, ano?"
Tumingin siya sa kaibigan bago binalingan ang tinutukoy nitong lalaki. Nakangiti ito sa kausap na babae at medyo nakaharap sa kanila. Gwapo nga, aniya sa isipan. Kung nasa ibang pagkakataon lang ay sinamahan niya na ang kaibigan sa kalandian nito pero masyado na siyang maraming iniisip para idagdag pa iyon.
"Sakto lang," sagot niya kahit hindi naman talaga iyon ang nais niyang sabihin.
Tumingin si Rowena sa kanya at sumimangot. "Anong sakto lang? Alam mo ba kung gaano karaming babae ang nagkakandarapa sa mala-Adonis na nilalang na iyan?"
Napangiwi si Trish sa lantarang pagpapakita ng interes ni Rowena sa lalaki. Hindi na rin naman masyadong big-deal iyon dahil ganoon naman si Rowena sa kahit na sinong gwapong makita.
"Oh, eh sino ba iyan?"
"Girl, hindi mo talaga kilala?" Umikot ang mata nito. "Alam mo, ikaw, puro kasi sa trabaho umiikot ang buhay mo, eh. Si Kier Ford iyan!"
"F-Ford?" Muling sinulyapan ni Trish ang binata. Base sa suot at itsura nito ay mukha siyang bigatin. Nanlamig ang kamay ni Trish at natutos sa kinauupuan.
"Oo, Ford. Si Rommel Ford ang tatay niyan. Chairman of Ford Group of Companies."
Kumibot-kibot ang labi ni Trish. Ang anak ng taong nakasagasa sa ama niya ay malapit lang sa kanya ngayon.
"Rommel Ford," sambit nito sa pangalan ng ama ng lalaki. "Siya ang nakasagasa kay papa."
"H-ha?" Tinapik ni Rowena ang balikat ni Trish. "Huy, seryoso ka ba? Huwag ka nga'ng nambibintang at baka may makarinig sa'yo."
"Siya nga iyon. Kitang-kita ang sasakyan niya sa video."
Napatakip ng bibig si Rowena at hindi makapaniwala sa narinig. Magsasalita na sana itong muli nang maramdaman niya ang sunod-sunod na pag-vibrate ng cellphone niya, senyales na may tumatawag. Tumayo siya at lumayo.
Pero gayon nalang ang panlulumo niya nang marinig ang balita mula sa kabilang linya.
"Ma'am, marami pong nasira na mga bulaklak. Medyo maputik na dito sa farm at kasalukuyan kaming naglilinis. Titingnan po namin kung may maayos pa kaming makukuha."
Three big suppliers are waiting for those flowers next week. Hindi niya namalayan ang luhang tumulo sa kanyang mata. Dala ng pagod at pagkadismaya.
Ngunit mas lalong kumulo ang dugo nito nang sa paglingon ay namataan ang anak ng taong nakasagasa sa tatay niya na masayang nakikipaglandian sa nakakandong na babae rito. Kumuyom ang kamao ni Trish at lihim na minura ang lalaki.
Bakit kaya nilang maging masaya kahit na nag-aagaw buhay si papa sa hospital?
Kasalanan niyo ito lahat.
Umamba siyang lalapit sa lalaki upang sumbatan ito pero nahagip ng tingin niya ang kaibigan na bagong kasal at masayang nakikipag-usap sa kanyang groom. Ayaw niyang sirain ang espesyal na araw nito kaya sa halip na humakbang ay umatras siya saka bumalik sa pwesto nito kanina.