The Lady Soldier
PINAGPALA
CHAPTER 1
Hindi lahat ng tao, naiintindihan ako. Siguro kasi, iba ako sa karaniwang mga babae. Ako yung tipong walang takot at gustong laging nasa bakbakan. Sabi nga ng mga kamag-anak namin, lalaking nagkatawang babae. Dahil sa ako’y daddy’s girl kaya siguro namana ko kay daddy yung pagiging astig at palaban kong ugali.
“Kaya ganyan ang anak mong ayaw magbestida at makipaglaro sa mga kapwa niya babae dahil lagi mong isinasama sa mga laro ninyong magbabarkada.” inis na tirada ni Mommy sa tuwing lumalabas kami ni daddy at sinusuotan niya ako ng pang-army na uniform.
“Hayaan mon a. Kung sana binigyan mo ako ng panganay na babae, e di sana, lalaking anak ang kasama ko.”
“Nagdahilan ka pa.”
“Saka siya naman ang may gustong sumama. Tinatakasan ko nga e, hayan at nakapagpalit na.” kumindat sa akin si Daddy. Alam kong hanggang nandiyan si Daddy, walang ibang kakanti sa akin. Idol ko siya kaya lahat ng ginagawa niya, gusto ko ring gawin.
“Shein ha. Sinasabi ko sa’yo. Hindi ka lalaki para tumambay kasama ng daddy mo.”
“Ma naman e, di na kayo nasanay.”
“Paano ako masasanay, 13 years old ka na anak. Dalaga ka na. Matutuwa pa ako kung tulungan mo ako sa gawaing bahay.”
“Hayaan mo, Mom, pag-uwi namin ni Daddy tutulong ako.”
“Naku, maniwala naman ako sa’yo. Pagdating mo kamo, maglalaro ka lang ng mga Military Simulation war games sa kwarto mo.”
“Sige na mahal at baka gagabihin kami sa mahaba mong sermon.” Hinalikan ni Daddy si Mommy at ako naman ay mabilis na tatakbo sa SUV ni daddy. Excited akong makipag-shooting kasama ng mga lalaking anak ng mga kasamahan niyang opisyal sa army.
“Agahan ninyong umuwi kasi bukas may lakad tayong maaga?” dinig ko pang pahabol ni Mommy na sumabay pa rin siya paglabas.
“Opo, uwi kami agad.” Sagot ni daddy nang pasakay na siya.
“Bye mom!” masaya kong paalam.
“Kapag maglasing ang daddy mo Shein, alam mo na agad ang drill, okey?”
“Sure Mom, babatayan ko si Dad para sa inyo.”
“Sige na, mag-ingat. Mahal, huwag nang uminom kasi mahaba ang byahe natin bukas.”
“Oo mahal. Huwag nang paulit-ulit.”
Kinindatan ako ni Daddy. Sabay kaming nangiti sa kakulitan ni Mommy.
Kung mali man sa iba ang kinahiligan ko, para sa akin, isa itong libangan na nagpapa-excite sa akin. Iba kasi yung dalang ligaya sa akin kapag nakikipag-barilan ako at nakikita kong natatamaan ko ang halos lahat ng mga kalaro ko. Babae ako pero hindi basta babae lang. Pwede akong ipantapat sa kahit sinong lalaki na kakilala ko.
Maaga kaming ginising ni Daddy sa araw na iyon ng Biyernes para daw mamasyal sa bahay nina Lola sa Diadi, Nueva Vizcaya. Bukod sa humigit kumulang pitong oras na biyahe mula Manila hanggang sa Diadi, idagdag pa ang nakakatakot na daan sa Santa Fe dahil sa matarik na bundok na dinadaanan ay alam kong mabobored lang ako sa bakasyon dahil hindi pa umaabot ang kuryente sa bahaging iyon ng lugar ng mga magulang ni Daddy. Minsan lang naman sa isang taon kami magbakasyon doon dahil bihira rin naman mabigyan ng bakasyon ang may mataas na ranggo na sundalo kong ama ngunit sadyang hindi ko talaga magugustuhan ang lugar na may kalayuan sa kabihasnan. Kung sana pinayagan na lang ako ni Daddy na maiwan sa bahay at maglaro sa bago naming computer ng mga war games, sana hindi ako mababadtrip ng ganito. Idagdag pa ang ingay nina Mommy na nakaupo sa harap ng aming sasakyan at ang bunso kong kapatid na kumakanta sa tabi ko.
"Psst! Ate Shein! Ayos ka lang?" tanong ni Daddy sabay tingin niya sa akin sa salamin.
Hindi ako sumagot. Gusto kong maramdaman niyang hindi ako masaya sa bakasyon na 'yun. Tumingin ako sa labas ng bintana. Hayan na at malapit na kami sa Sante Fe. Para na naman akong mahuhulog sa bangin ang sasakyan namin at paniguradong halos hindi na naman ako makahinga o kaya ay tuluyang magsuka.
"Nagugutom ka na ba anak?" tanong ni Mommy.
Hindi parin ako sumagot.
"Lintik na bata 'to ah! Kinakausap ka! Sumagot ka naman!" mataas na ang boses ni Daddy. Bihira lang ako pagtaasan ng boses ni Daddy at alam kong kung ganoon na ang tono ng boses ay malapit na siyang maubusan ng pasensiya.
"Hindi ho." Maiksi kong sagot.
"Bakit ba ayaw na ayaw mong binibisita natin sina Lolo't lola mo e, hindi naman madalas na ginagawa natin ito. Minsan nga lang sa isang taon. Makisama ka naman anak. Hindi ibang tao ang bibisitahin natin, nanang at tatang ko ang mga iyon."
"Kasi hindi makakalaro ng computer si Ate, Daddy" singit ng kapatid kong si Claire.
"Hindi daw makalaro... sige ka, tatamaan ka sa akin" Tinignan ko ng masama ang kapatid ko. Sana makuha sa tingin.
"Di ba nga iyon ang sabi mo sa akin kahapon ate? Saka wala daw naman siyang makalaro daw doon kina Lola."
Dahil hindi siya makuha sa tingin ay inilagay ko ang kamay ko sa likod niya at tinusok ko ang tagiliran niya ng malakas gamit ang akin hintuturo.
"Arayyyyyyyy! Daddy! Si ate oh, nang-aano." Sumbong niya.
" Shein, tama na 'yan huwag mo akong ginagalit ha. Pati kapatid mo pinapatulan mo"
Pagkapatapos kong tignan ng masama ang kapatid ko ay hinila ko ang isang unan at minabuti ko na lang pumikit bago man lang kami makarating sa Sante Fe. Gusto kong nakapikit na ako kung hindi man tuluyang makakatulog kapag nandoon na kami.
Pagmulat ko ay banayad na ang takbo ng sasakyan namin. Ibig sabihin no'n malapit na kami kina lola. Kung maramdaman ko mamaya ang mabatong daan ay siguradong papasok na kami sa liblib na barangay na kung saan lumaki si Daddy. Dadaanan pa namin ang may kaluwangang bukirin bago ang bahay nina Lola sa gilid ng masukal na gubat at bundok. Magkakalayo ang mga bahay doon kaya iyon ang isang dahilan kung bakit ayaw kong magbakasyon. Walang makalaro at walang magawa. Ang kaisa-isang kapatid ni tatay ay nasa Cavite rin at bihira ring makasabay namin sila na magbakasyon. Alam kong mababagot na naman ako sa paghihintay na matapos ang parusang ito ni Daddy.
Nang huminto ang aming sasakyan at bumaba na si Daddy ay alam kong nakarating na rin kami. Ilang sandali pa ay nabuksan na ang aming van.
"Anlalaki na ng mga apo ko!" masayang salubong ni Lola sa amin. Siya kaagad ang tumambad sa akin at nasa likod naman niya si Lolo na maluwang ang pagkakangiti.
Papungas pungas akong bumaba. Inabot ko ang palad ni Lola at nagmano.
"Ilang taon ka na Shein. Bigla ka yatang naging dalaga, apo."
"Thirteen na po." Mapait ang aking pagkakangiti. Sumunod na nagmano si Claire at agad naman siyang kinarga ni Lola.
"Ganda ng apo ko kung sana nagbestida. Manang mana ka siguro sa ganda ni lola." Puri ni lolo nang inabot ko ang kaniyang kamay at nagmano.
“Naku tang, huwag na ninyong asahang magbestida pa ‘yan. Baka nakalimutan ninyong ‘yan ang apo ninyong susunod sa yapak ng anak ninyong sundalo.”
“Pero babae ka apo, gusto mo talaga magsundalo?”
“Astig nga ‘yon ‘Lo. Dami na kayang babaeng sundalo ngayon. Hindi ninyo alam?”
“Shein!” paalala ni Daddy.
“Sorry ho.” mabilis kong paghingi ng dispensa.
“Sige na apo. Pumasok na kayo sa loob nang makapagpahinga na kayo.”
Pagkatapos naming magpahinga ay kinuha ko ang pellet g*n ko.
"Saan ka pupunta, Shein?" tanong ni Daddy nang mapansin niyang naglalakad ako palayo.
"Diyan lang ho."
"Huwag kang pumunta sa gubat at baka ka maligaw ka ha?”
“Opo.”
“Huwag kang lumayo masiyadong delikado at baka kung mapano ka anak." Sigaw ni Mommy na ikinairita ko.
“Paulit ulit. Ang kulit.” Bulong ko.
“Anong sinabi mo?”
“Wala mommy, sabi ko doon lang ako sa tinatambayan ko lagi!"
Hindi naman kalayuan sa bahay nina Lola ang malagong puno na iyon na tinatambayan ko ngunit mas malapit na iyon sa gubat. Nang marating ko iyon ay napansin kong masukal na ang dati'y nilinis kong inuupuan kong malaking ugat ng puno. Kahit mataas ang d**o ay minabuti ko pa ring umupo.
Kinargahan ko ng pellet ang aking b***l-barilan ngunit wala akong balak umasinta. Napabuntong-hininga ako. Kung sana naiwan na lang kasi ako sa Manila. Siguro naglalaro kami ngayon malapit sa computer shop sa bahay ng war games.
"Psst! Bata! Huwag kang gumalaw." Nagulat ako sa tinig na iyon mula sa aking likuran. Napalingon ako sa pinanggalingan niyon ngunit hindi ang bata ang pumukaw sa aking paningin kundi ang isang malaking cobra na nakahanda nang tuklawin ako. Bumilis ang kabog ng aking dibdib at hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Iginalaw ko ang puwit ko palayo sa nakaambang Manuka na cobra ngunit lalong parang mas nagalit ito. Tumaas na ang ulo nito at lumapad ang kaniyang leeg.
"Huwag kang gumalaw sabi e" Bilin muli sa akin ng binatilyo. Lumapit ang cobra sa akin hanggang sa halos apat na dangkal na lamang. Lalo na akong nagpanic. Gusto ko nang sumigaw at humingi ng tulong kay Daddy ngunit alam kong hindi niya iyon maririnig. Parang nagtayuan na lahat ng balahibo ko sa katawan sa tindi ng aking takot kaya hindi ko kayang sundin ang utos niya sa aking huwag gumalaw. Bakit naman hindi ako gagalaw? Hahayaan ko na lang na tutuklawin ako ng cobra?
Nang bigla na sana akong tatayo ay saka naman mabilis na gumalaw ang cobra para tuluyan akong tuklawin ngunit mabilis ang ginawa ng estrangherong binatilyo na ihampas ang hawak niyang patpat gamit ang kanang kamay niya at hinila niya ako gamit naman ang kaliwang kamay niya kaya bago pa man ako matuklaw ay nakita kong tumilapon ang cobra sa malayo. Nawalan siya ng panimbang kaya bumagsak kami sa damuhan at nakapatong ako sa kaniya. Sa bilis ng pangyayari ay hindi kaagad kami nakakilos. Yakap niya ang baywang ko. Ang isang kamay ko ay nakapulupot sa kaniyang leeg at ang isa pa ay nakadampi sa matigas-tigas niyang dibdib. Tatlong pulgada lang ang layo ng mukha niya sa mukha ko kaya amoy ko ang kaniyang hininga at amoy pawis niyang katawan. Ngunit napansin ko kaagad ang mapungay niyang mata na binagayan ng may kakapalang kilay at hindi naman katangusang ilong. Ngunit sandali lang ang tagpong iyon dahil mabilis din niya akong hinawi kaya bumagsak ako sa damuhan at siya naman ay mabilis na tumayo. Nang nakatayo na siya at ako naman ay nakasalampak pa sa damuhan ay napansin kong mas matangkad siya sa akin, mukha siyang bata pa ngunit may masel na ang kaniyang dibdib at mga bisig. Nakita kong napangiti siya nang napa-aray ako sa masakit kong tadyang. Tumama kasi ito sa ugat ng puno nang mabilis niya akong hinawi at naitulak mula sa pagkakadagan ko sa kaniya. Hindi kaputian ang ngipin ngunit pantay-pantay ito. Nagsisimula na ring tumubo ang kaniyang bigote.
"Bumangon ka na diyan at baka balikan ka ng cobra." Inilahad niya ang kaniyang kamay.
Dahil sa takot na baka nga balikan ako ng cobra ay mabilis kong inabot ang kaniyang kamay at tumayo. Magaspang ang kaniyang mga palad. Mukhang banat sa trabaho.
"Ano bang ginagawa mo kasi rito?”
“Tumatambay, bakit?”
“Kayo talagang tiga-maynila mahilig kayong maggala kahit hindi naman ninyo kabisado ang mga lugar na pinupuntahan ninyo."
"Bakit mo alam na tiga-Maynila ako."
"Halata naman sa kutis mo. Saka sa pagkalampa." Nakangisi niyang pang-aasar.
"Lampa? Paano ka naman nakakasigurong lampa ako. Dahil lang sa niligtas mo ako sa ahas lampa na agad ako?"
"E, di hindi na. Bukod pala sa pagiging magala, hambog pa kayo."
Nagpanting ang tainga ko sa narinig ko. Kanina pa niya iniinsulto ang aking pagkatao. Ngunit nagpigil parin ako.
Sasagot pa sana ako ngunit mabilis na siyang tumalikod.
"Umuwi ka na. Balikan ka pa ng cobra diyan. Lampa ka pa naman." Patutsada niya.
"Yabang mo!" pahabol kong sigaw sa kaniya.
Lumingon siya at iniwanan niya ako ng nang aasar na ngiti.
Tinanggal ko ang sombrero ko. Bumagsak ang may kahabaan kong buhok. Tinanggal ko ang aking maong na jacket.
“Yabang no’n ah. Baka akala niya lalaki ako kaya gano’n makapanghusga! Hoy! Kahit babae ako yakang-yaka kita gago!” sigaw ko. Alam kong hindi na niya ako narinig o di na niya ako nakita pa.
Hindi ko alam kung anong meron sa ngiting iyon at naikintal sa isip ko nang nakahiga na ako. Naghihilik na nga si Daddy pero ako hindi pa rin dinadalaw ng antok. Naninibaguhan kasi ako sa kung anong nararamdaman ko. Hindi naman ako ganito sa Maynila. Mas madami pa ngang guwapo sa kanya, makinis ang balat, laging mabango, maporma... saka bakit siya ang iniisip ko e, di naman siya yung tipo ko? Siguro kasi nakita ko sa kaniya yung tapang na dapat meron ako? Siguro dahil naipamalas niya sa akin ang lakas na pinapangarap kong magkaroon din ako. Ano kayang pangalan niya? Saan kaya siya nakatira? Bakit ngayon ko lang siya nakita rito e, minsan sa isang taon naman kami umuuwi. Hanggang sa nakatulugan ko na ang dami ng aking mga katanungan.
Kinaumagahan, maagang-maaga ay pumunta muli ako sa silong ng malaking punong iyon. Nagdala na akong itak. Kung sakaling may cobra, patay na ngayon sa akin ‘yon. Ngunit hindi lang ang cobra ang binalikan ko roon kundi umaasa rin ako na makita ko sanang muli ang binatilyong nagligtas sa akin kahapon. Natakot man ako na maaring naroon pa rin ang cobra ngunit mas nanaig ang kagustuhan kong makilala siya. Ni hindi man lang ako nakapagpasalamat sa kaniya kahapon. Siguro dahil din sa kakaiba at mayabang na asta niya kaya hindi na ako nagkaroon ng pagkakataon na pasalamatan pa siya. Ngunit isang oras na ako doon at naubos na ang baon kong bala ng pellet g*n, nabunot ko na ang masukal na d**o sa aking inuupuan ngunit hindi ko pa rin siya nakikita. Nasaan kaya 'yun?
"Shein! Umuwi ka muna at mag-almusal!" sigaw ni Daddy habang palapit siya sa akin.
Tirik na ang araw at kanina pa ako nakakaramdam ng gutom ngunit mas matindi kasi yung kagustuhan kong makitang muli ang binatilyong iyon.
"Tara na. Umagang-umaga palang nandito ka na. Mamaya matuklaw ka pa ng ahas." Inakbayan ako ni Daddy. Wala akong magawa kundi sumabay sa kaniya ngunit palingon-lingon pa rin ako. Nagbabakasakaling baka bigla na naman siyang bubulaga.
Tanghali nang makita ko si lolo na gumagawa ng saranggola. Noong mga nakaraang bakasyon ko kasi, dahil wala akong magawa ay ginawan niya ako ng libangan kong saranggola. Umaalma si Lola kasi laruang panlalaki raw ‘yon pero wala rin naman silang magawa ni Mommy. Si daddy at lolo pa rin ang nasusunod. Ngunit hindi na ako ganoon kabata para maramdaman yung excitement sa pagpapalipad nito. Ganoon pa man ay ipinakita ko pa rin kay lolo na natutuwa ako sa panahong iginugugol niya para lang maaliw niya ako. Nang matapos niya ang saranggola ay tinawag niya ako na noon ay nakikipagkulitan kay Claire. Kahit alas dos palang ng hapon ay medyo mahangin na rin kaya minabuti kong pagbigyan si Lolo na subukan ang saranggolang ginawa niya. Saka may dahilan na rin akong pumunta muli sa puno na pinagtatambayan ko. Nagbabakasakaling magawi muli ang tagapagligtas ko doon.
Mataas na ang lipad ng saranggola ngunit dahil sa nawili akong pataasin pa ng pataasin ang lipad nito ay hindi ko naramdamang ubos na ang tali at nabitiwan ko't hindi na nahabol pa. Nakita kong isinama ito ng hangin sa masukal na gubat. Nagdadalawang isip ako kung susundan ko pa ba ito sa masukal na gubat o sabihin ko na lang kay lolo na gumawa na lang ng panibago. Pero nang naisip kong sayang naman ang iginugol niyang pagod kanina kaya minabuti kong kuhain na lamang iyon.
Dahil sa sukal ng gubat ay hindi ko na alam kung saan talaga iyon bumagsak na puno. Tagaktak na ang aking pawis dahil bukod sa masukal ang aking dinadaanan ay matarik na bundok ang aking inaakyat. Humihingal na ako at hindi ko na alam kung paano bumalik sa aking pinanggalingan. Umupo na muna ako at nagpahinga. Nagdesisyon ako na pagkatapos kong magpahinga ay hanapin ko na lamang ang daan pabalik sa bahay nina lolo. Hindi ko na lang ituloy pang hanapin ang saranggola.
Tahimik ang gubat. Bukod sa huni ng mga ibon ay may narinig akong lagaslas ng tubig sa hindi kalayuan. May falls kaya sa malapit o kaya ilog? Gusto kong hugasan ang paa kong puno na ng dumi kaya minabuti kong hanapin kung saan nanggagaling ang narinig kong lagaslas.
Matarik ang aking dinadaanan kaya nagiging maingat ako sa bawat paghakbang ko. Hanggang sa natanaw ko ang isang maliit na falls na dumadaloy sa isang malinis na creek. Nasa apat hanggang limang metro rin ang taas mula ng kinatatayuan ko. Kailangan ko pang bumaba para marating iyon. Hinanap ko kung saan ako puwedeng bababa at nakita kong kailangan ko pa palang umikot sa hindi naman kataasang bangin. Muli kong tinignan ang falls na iyon habang nagdedesisyon ako kung itutuloy ko pa bang puntahan o sa bahay na lang ako maghugas. Nang tatalikod na sana ako ay napansin kong mula sa kung saan bumabagsak ang tubig ay nakita ko ang ang isang h***d na lumutang sa pagkakasisid.
Natigilan ako. Hindi ako maaring magkamali. Siya! Siya ang binatilyong nagsabing lampa ako at hambog. Ang gusto kong makita mula pa kaninang umaga na nagligtas sa akin sa cobra. Napakislot ako nang makita ko siyang walang kahit anong saplot sa katawan. Kumikintab ang moreno niyang kutis na basa ng tubig at natatamaan ng sikat ng araw. Alam kong hindi pa siya ganoon kabinata. Maaring nasa 13 o 14 years old lang siya sa tingin ko sa kaniyang mukha ngunit bakit ganoon na kaganda ang hubog ng kaniyang katawan. May kaumbukan na ang kaniyang dibdib, may masel na ang kaniyang mga braso at impis ang kaniyang tiyan. Gusto kong takpan ang mga mata ko. Gusto kong lumayo na lang doon kasi hindi na akma sa aking p********e ang nakatambad sa akin. Nang luminga siya ay mabilis akong nakapagtago sa sanga ng nakausling puno.
Muli ko siyang palihim na sinilip at nakita kong nagsasabon na siya. Hindi ko man kita ang buong kahubdan niya dahil nakalublob naman siya sa tubig ay parang may kung anong sa kaibuturan kong pagmasdan lang siya nang lihim. Nagbanlaw siya at lumangoy sa mismong falls. Doon ay nagtagal siya ng bahagya. Hindi ko na siya matanaw kung hindi ako gagawa ng paraan. Kinakabahan ako. Natatakot na baka makita niya akong sinisilipan siya.
Dahil sa kagustuhan ko siyang makita ng malapitan at parang na-eenganyo akong pagmasdan ang ginagawa niyang pagsisid at paglangoy-langoy ay umakyat ako sa nakausling sanga. Nang hindi sinasadyang napahawak ako sa sangang marupok ay nawalan ako ng balanse ngunit bago ako tuluyang mahulog ay nakawahak ako sa isa pang sanga pero hindi ko kayang buhatin ang katawan ko para maisampa ito. Nahulog ang sangang marupok sa tubig kaya naglikha iyon ng ingay. Kahit hirap ako na nakabitin ay nakita kong nagulat siya na naroon ako at mabilis siyang umahon at isinuot ang kaniyang brief.
"Tulungan mo ako! Please!" sigaw ko sa kaniya. Kung walang hihila sa akin ay alam kong tuluyan na akong babagsak.
"Ano ba kasi ang ginagawa mo na naman diyan." Sigaw niya ngunit nakita kong mabilis siyang umakyat sa matarik na bangin.
"Bilisan mo mahuhulog na ako! Tulungan mo ako!" histerikal na ako sa paghingi ng tulong dahil kung hindi pa siya makalapit ay tuluyan ko nang hindi makayanan ang paglambitin sa sanga ng kahoy. Bumibigay na ang mga daliri ko ngunit hindi ko kailangan isuko dahil kahit sabihing tubig ang babagsakan ko ay hindi rin ako marunong lumangoy. Nang alam kong bibigay na nga ang isang kamay ko ay napapikit na lang ako ngunit patuloy pa rin ako sa kasisigaw sa paghingi ng tulong. Biglang hinila ako ng malakas niyang bisig.
Inipit niya ang kaniyang paa sa isang sanga. "Iabot mo ang isang kamay mo para mahila kita, bilis!"
Iniabot ko ang isang kamay ko pa at tinulungan niya akong isinampa ngunit dahil sa bigat ko ay siya ang tuluyang hindi nakawahak sa sanga at tuluy-tuloy siyang bumagsak sa tubig. Gustuhin ko man siyang tulungan ngunit mabilis siyang bumulusok kaya napasigaw ako sa takot sa maaring mangyari sa kaniya. Tinignan ko siya sa binagsakan niya ngunit hindi na siya lumutang. Kinabahan na ako. Paano kung siya ang mapahamak dahil sa pagkalampa ko. Paano kung tuluyan siyang nalunod? Mabilis akong bumaba at nagsisigaw ng "Hoyyyy!" dahil hindi ko naman ang pangalan niya.
Hindi ko alam kung paano ako nakababa sa mga matatarik na lampas sa taas kong bangin ngunit natagpuan ko ang sarili kong parang tinatalon-talon ko lang na hindi ko na inisip kung mabalian ba ako ng buto sa aking ginagawa. Ang alam ko lang ay kailangan ko siyang iligtas. Ngunit hindi ko alam kung paano. Nang nasa baba na ako ay hindi ko rin alam kung kailangan ko talagang lumusong sa tubig dahil hindi rin naman ako marunong lumangoy at imbes na mailigtas ko siya sa kamatayan ay baka sabay pa kaming mamatay.
"Hoyyyyyyyyyyyyyy! Asan ka na! Hoyyyyyyyyyyyyy!" sigaw ko na para bang naririnig niya ako sa tubig. "Saklolooooooooooooooooooooo! Tulungan niyooooo kamiiiiiiiiiiiiii! Malakas kong paghingi ng tulong. Habang nagsisigaw ako ay mabilis akong lumusong sa tubig ngunit nang nasa dibdib ko na ang tubig ay nakaramdam ako ng takot.
"Saklolooooooooooooooooooooo!"
Walang kahit ano akong maramdaman na ingay sa paligid na maaring tutulong sa akin.
Ngunit paano siya. Anong gagawin ko!
Hindi kaya ng konsensiya kong pabayaan siya na wala akong ginagawa. Kaya kahit hanggang dibdib ko na ang tubig ay humakbang parin ako palapit sa kaniyang kinabagsakan niya ngunit parang biglang nagiging lumalim na iyon at hindi na abot ng aking mga paa. Sumisinghap na ako. Nagsimula na rin akong nakakainom ng tubig. Hindi na ako makasigaw para makahingi pa ng tulong. Buhay ko na ang parang ipinaglalaban ko. Lahat ng puwede kong gawin para manatili lang ako sa ibabaw ng tubig ay ginawa ko na ngunit parang unti-unti akong nilalamon ng tubig. Mas marami na akong naiinom na tubig. Hindi na rin ako makahinga. Tuluyan na akong nalulunod.