MAKAILANG beses na nagpigil sa paghinga si Cairo. Langhap na langhap kasi niya ang napakabangong hininga ng dalagang karga-karga niya. Para na ding idinadarang sa apoy ang katawan niya kapag ganitong tumatama sa leeg niya ang mainit na hininga ni Aila. Ano bang mayroon ang babaeng ito at ganon nalang ang reaksyon ng katawan niya?
Kanina, habang naglalakad-lakad siya para ipagpatuloy ang paghahanap sa kasintahang si Kroen─na bigla nalang nawala may isang taon na ang nakakaraan─ay nakita naman niyang pinagkakaguluhan ito ng mga barumbadong lalaki na iyon. Nagulantang talaga siya, dahil bukod sa inakala niyang nakita na niya ang matagal nang hinahanap, ay hindi matanggap ng dibdib niya na gumagawa ng kahalayan ang kasintahan. Inisip niyang baka iyon ang dahilan ng biglang pagtalikod sa kanya ng babaeng minamahal. Gusto pa nga niyang magalit dahil itinatanggi nito ang lahat ng bagay na may kinalaman sa kanila. At gayon nalang ang tuwa niya matapos mapatunayang hindi talaga ito si Kroen, magkahawig lang ang mga ito. Wala sa kanang pisngi ang maliit na balat na mayroon ang kanyang kasintahan. Isa pa, hinding-hindi gagawin ni Kroen ang mga mahahalay na bagay. Disenteng babae ang minamahal niya. At nakasisigurado siyang may sapat iyong dahilan kung bakit biglang nawala.
Kaya naman, patuloy siya sa paglalakbay para mahanap ito. Kailangan niyang mahanap ang kasintahan. Ito nalang ang tanging natitira sa kanya.
Sa totoo lang, wala na talagang patutunguhan ang buhay niya noon. Hindi niya alam kung para saan pa at nabubuhay siya. Hanggang sa makilala at magkalapit ang loob nila ni Kroen, ang unang babaeng minahal niya.
Ulila na rin si Kroen na tulad niya, pero nananatiling maganda ang tingin nito sa buhay. Ito ang nagsilbing gabay niya para gustuhing ipagpatuloy ang buhay. Hanggang isang araw, tinanggap na niya sa sariling mahal niya ito at gusto niya itong makasama habambuhay. Pumayag naman ito, pero sa mismong araw ng kasal nila ay biglang naglaho ang kanyang kasintahan. Hindi siya naniniwala sa sabi-sabi na ginusto ni Kroen na takasan siya. Alam niyang mahal din siya ni Kroen, at malamang na may dumukot rito kaya ito biglang nawala.
Doon na nagsimula ang kanyang paghahanap, may isang taon na ang nakakalipas. Kung saan-saang bayan na siya nakarating sa paghahanap sa kasintahan. Inaabot siya ng gutom sa paglalakbay kung kaya’t natutuhan niyang ipangalakal ang kanyang serbisyo. Kailangan niya iyong gawin upang mabuhay, yun nalang ang alam niyang maaaring pagkakitaan.
Kaya nga, tuwang-tuwa siya na madali siyang kumikita sa babaeng ito. Mukhang napakadami nitong bagay na pwedeng ibayad sa kanya kapalit ng kanyang serbisyo. Ang mga bagay na ibinabayad nito sa kanya ang gagamitin niyang pamalit ng pagkain at iba pang mga pangangailangan sa pamilihang madaraanan niya. Hindi naman sa napakasuwapang niya, pero ganoon naman talaga ang kalakaran sa kapuluan nila. Kailangang maging matalino para mabuhay.
“Naririto na tayo, binibini.” Inalog-alog niya ang babaeng natutulog na nakakarga sa kanyang likuran.
Pero hindi niya pala dapat na ginawa iyon. Dahil habang kumikiskis sa kanyang likod ang dibdib nito ay mas lalo lang siyang nakakaramdam ng kakaibang init. Oo nga’t sadya namang mainit ang panahon, pero ang init na nadarama niya ay para bang sa kanyang katawan lang nanggagaling. At dahil hindi na niya naiintindihan ang kanyang sarili ay agad niyang ibinaba ang babae sa damuhan maski pa natutulog pa ito. Kailangan na niyang makalayo sa babaeng ito. Hindi maganda ang nagiging reaksyon niya kapag nagkakalapit sila.
“ARAY!” daing ni Aila na agad nagising matapos maramdamang sumalampak siya sa damuhan.
Saglit siyang naguluhan sa paligid. Ang buong akala pa niya ay natutulog siya sa kanyang malambot na kama, pero matapos mapagmasdan ang gwapong mukha na nasa kanyang harapan ay noon lang siya muling bumalik sa realidad─kung realidad nga bang matatawag iyon. Nalilito na siya, alin ba ang totoo at alin ba ang panaginip? Ang natutulog siya sa kanyang kama, o ang naririto siya sa lugar na hindi niya alam kung saan, kasama ang swapang na… gwapong lalaking ito?
“Ang sarap ng tulog mo, masakit na ang balikat ko sa pagkarga sayo.” paangil na sabi nito sa kanya.
“Binayadan naman kita sa pagkarga mo sa akin ah, kaya… bakit ka ba nagrereklamo?” nayayamot na ding sagot niya.
Hindi yata naging maganda ang gising niya dahil sa aroganteng lalaking ito.
“Mahaba ang nilakbay natin kaya’t dapat na bayadan mo ulit ako. Kulang ang panulat na ibinayad mo sa haba ng nilakbay natin.”
Napasinghap siya, alam na kaya nitong wala namang kwenta ang ballpen na ibinigay niya? Tumayo siya at pinameywangan ito. Kung swapang ito, aba, swapang din siya. Balak yata talaga nitong unti-unting ubusin ang gamit niya.
“Hindi na kita bibigyan ng isa pa hangga’t hindi mo ako naihaharap sa pinuno ninyo.”
“Kung ganoon, ang katumbas nalang ng bagay na ito,” Inilabas nito ang kanyang cellphone. “At ng panulat na ito ay ang pagkarga ko sayo. Nagawa na kitang dalhin rito. Hanggang doon lang ang ibinayad mo sa akin, ang muli kong pagkilos ay may karampatang kabayadan na ulit.” walang anumang sabi ng swapang na lalaki.
Napapikit siya ng mariin, napakagahaman talaga!
“Kung wala ka nang pwedeng ipangalakal sa akin ay iiwan na kita rito. May mga dapat din akong gawin.” At tumalikod na ito para iwan siya.
“Hoy?” tawag niya. “Sabi mo sa akin, ihaharap mo ako sa pinuno ninyo?”
“Bayadan mo muna ako, at sasamahan kita papasok sa loob ng kastilyo.” sagot nitong hindi naman lumilingon.
“Napakatuso mong lalaki ka! Madapa ka sana!”
At sa pagkamangha niya’y nadapa nga ito. Pero bago iyon ay may napansin siyang umilaw sa may batok nito. Narinig niyang nagmura si Cairo. Bumangon ito sa pagkakadapa. Tumawa naman siya ng malakas.
“Mabuti nga sayo.” sabi pa niya.
Naglakad ito palapit sa kanya na madilim ang mukha. Kinabahan siya, baka kung anong gawin nito sa kanya. “Diyan ka lang, huwag kang lalapit.”
Natigilan na naman siya ng hindi nito magawang kumilos sa kinatatayuan nito. Anong nangyayari?
Iritadong tinunghayan siya nito. “Anong mahika ang mayroon ka? Bakit hindi ako makakilos?” angil nito sa kanya.
“Huh? Hindi ko alam.” naguguluhan ding sabi niya. Wala talaga siyang naiintindihan. Ordinaryong tao lang siya na hindi naniniwala sa mga magic. Pero dahil sa mga nangyayari sa kanya ngayon, at sa lalaking ito, parang gusto na niyang maniwala na totoong nag-eexist ang magic.