QARINA
Sinadya ko talagang bumalik dito sa Impyerno pagkatapos kong tulungan ang lalaking iniligtas ko. Para hindi na rin ako mahalata na umalis ako.
Naglalakad ako sa pasilyo ng palasyo nang makasalubong ko si Helissent na nakasimangot. Isang nakapagtatakang tingin ang ibinigay ko sa kaniya. Nasa likuran niya ang kaniyang kanang kamay pati na din ang iba pa niyang alalay.
"Anong nangyayari, Helissent? Mukhang hindi maganda ang gising mo." Puna ko sa kaniya nang tumigil ako sa paglalakad para lang kausapin siya.
"May nawawala na isang bagay sa aking silid. Sa huli kong pagkakatanda ay nakapatong lang iyon sa mesa na katabi lang ang bolang kristal." Tugon niya. May lungkot sa kaniyang mga mata. "Pagkagising ko ay wala na siya."
Nanatili lang akong nakatingin sa kaniya. Ginamit ko ang aking kapangyarihan na hindi niya mababasa ang aking isipan. Dahil iyon sa singsing na binigay sa akin ni Lucifer. Lahat kami nang mga naging reyna niya ay mayroon. May iba't ibang kapangyarihan ng bawat singsing na iyon.
"Sana ay makita mo din ang hinahanap mo, Helissent." Sabi ko at pilit ngumiti. Tinatago ang aking kasalanan.
"Saan pala ang tungo mo?" Siya naman ang tanong.
"Pupunta ko lang si Lucifer sa kaniyang silid dahil may kailangan akong sabihin sa kaniya..." Naputol ang sasabihin ko nang bigla ulit siya nagsalita.
"Wala ba kayong planong magkaanak ni Lucifer?" Sumeryoso ang kaniyang mukha.
Doon ako natigilan. Hindi ko alam kung ano ang isasagot ko.
Tinagilid niya ang kaniyang ulo. "Iwan ninyo muna kami." Utos niya sa mga tagapagsilbi.
"Opo, mahal na reyna." Pagsunod nito at lumayo muna sa amin para makapag-usap kami ng maayos.
"Bakit mo maitanong, Helissent?" Hindi ko maiwasang mangamba dahil sa kaniyang katanungan. "Ang totoo niyan, ay tumanggi ako na magkaroon kami ng anak."
"Pagbigyan mo si Lucifer sa kaniyang hinihiling, Qarina. Nababahala ka ba na baka sa puntong magkaroon din siya ng anak sa amin ni Esclair?" Tanong niya.
"H-hindi naman sa ganoon..." Umiwas ako ng tingin. Bumaling ako sa labas.
"Dahil ang anak mo ang magiging sagabal sa mga magiging plano ng anak ni Staufer balang araw." Patuloy pa niya. Ibinalik ko sa kaniya ang aking tingin. Napaawang ang aking bibig. "Iyon lang ang aking nakikita, Qarina. Nasa sa iyo naman kung paniniwalaan mo." Saka umukit ang ngiti sa kaniyang mga labi.
Yumuko ako. Hindi ko alam na makikita niya ang ganoong pangyayari sa hinaharap. Imbis ay kumawala ako ng isang malalim na buntong-hininga.
"Sige, Qarina. Magkita nalang tayo mamaya kapag may oras ka na." Hindi mawala sa mga labi niya nang sabihin niya iyon at nilagpasan na niya ako. Sumunod sa kaniya ang mga alalay niya.
Naiwan akong nakatayo. Napapaisip. Pagbibigyan ko ba ang kagustuhan ni Lucifer na magkaroon kami ng anak? Marahan kong ipinikit ang aking mga mata upang mabura sa isipan ko ang bagay na iyon. "Hindi mangyayari iyon, Qarina. Hinding hindi. Nagbitaw ka na ng salita sa harap mismo ni Lucifer." Bulong ko sa aking sarili.
***
Pinagbuksan ako ng pinto ng mga alalay ni Lucifer pagkatapos ay nagbigay pugay sila sa akin. Pagpasok ko sa kaniyang silid ay agad kong iginala ang aking paningin upang hanapin siya. Nadatnan ko siyang nakaupo at umiinom ng pulang alak. Kumawala ako ng isang malalim na buntong-hininga. Kumawala ako ng ilang hakbang palapit sa kaniya.
"Anong sadya ng aking reyna dito sa aking silid?" Nakangising tanong niya. Ipinatong niya ang kaniyang kopita sa mesa. "Ito ang unang pagkakataon na bisitahin mo ako, Qarina."
Walang emosyon ang aking mukha. Diretso ko siyang tiningnan sa kaniyang mga mata. "Narito ako upang kunin si Mrylle bilang kanang-kamay ko." Seryoso kong tugon.
Tumaas ang isang kilay niya. "Sino naman ang Myrlle na ito?" Tanong niya.
"Matalik kong kaibigan." Tipid kong sagot.
Inangat niya ang kaniyang mukha ngunit hindi matanggal ang mga tingin niya sa akin. Tila sinusuri niya ako. Dahil d'yan ay kumunot ang noo ko.
"Kung hindi maaari ay pupwede mong sabihin sa akin ng diretsahan, Lucifer. Hindi na idaan mo ako sa mga ganyang tingin." Mariin kong sambit. Bumubuhay na naman ang inis ko sa kaniya.
Muli siyang ngumisi at humakbang siya upang maging mas malapit siya sa akin. Umatras ako. Ano na naman bang problema ng isang ito?
"Sa isang kondisyon..." Anas niya ngunit patuloy pa rin siyang lumalapit sa akin.
Patuloy pa rin ang pag-atras ko. Magsasalita pa sana ako ngunit nbigla akong nahulog sa malambot at malapad niyang kama! Nanlaki ang mga mata ko na nasa ibabaw ko na siya! Ang mas ikinabigla ko ay hinawakan niya ang magkabilang kamay ko! "Lucifer!" Malakas na tawag ko sa kaniya. May halong pagsaway dahil sa kaniyang inakto.
Inilapit pa niya ang kaniyang mukha sa akin. Agad ko iyon iniwasan. "Anak ang kapalit, Qarina. Hindi bale na kasusuklamaan mo ako. Ang gusto ko lang ay makita ko ang magiging bunga ko sa iyo." Bulong niya sa tainga ko.
"Alam mong hinding hindi ko hahayaan na mangyari ang gugustuhin mo, Lucifer." Mariin ngunti mahina kong sabi.
Inilayo niya ang kaniyang mukha. "Bakit ang hilig mong suwayin ako, Qarina?" Tanong niya.
"Dahil ayoko." Mabilis kong sagot. "Pakawalan mo ako." Tinapunan ko siya ng isang matalim na tingin.
Bumuntong-hininga siya. Binitawan niya ako't inilayo niya ang sarili niya sa akin. "Ano ba ang dapat kong gawin, Qarina? Ano bang gusto mo?" He suddenly asked with his soft voice. A-anong...
Napalunok ako. Bumangon ako't inayos ang aking sarili. Seryoso ko siyang hinarap. "Kalayaan, Lucifer. Iyon ang gusto ko." Matigas kong tugon.
Naging seryoso na din ang kaniyang mukha. "Alam mong hindi ko magagawa iyan." Wika niya.
"Pwes, bababa na ako sa posisyon ko bilang reyna mo. Maaari ka nalang maghanap ng iba." Lalagpasan ko na sana siya para umalis nang bigla niyang hinigit ang isang braso ko. Nanlaki ang mga mata ko nang bigla niya akong niyakap. "B-bitawan mo nga ako!"
Marahan niyang hinaplos ang aking buhok. "Iyan ba talaga ang gusto ng aking reyna? Ang maging malaya kahit ayoko?"
Natigilan ako sa sinabi niya. Anong nangyayari sa isang ito?!
"Sige, pagbibigyan kita. Malaya ka sa panandaliang panahon. Alam kong masyado ka pang nabigla sa nangayari lalo na't nahalal ka bilang isa sa mga reyna ko."
"L-Lucifer..."Iyan lang ang tanging lumabas sa aking bibig.
"Sa oras na dumating ang panahon na susunduin na kita, hindi pwedeng hindi ka sasama sa akin, Qarina. Ngunit, kung may plano kang tumakas mula sa akin ay hinding hindi ko mapapayagan iyon."
Agad kong hiniwalay ang aking katawan mula sa kaniya. Tinititigan ko lang siya ng ilang segundo bago ko bawiin ang aking tingin hanggang sa tinalikuran ko na siya't nagmamadali akong umalis sa silid niya.
Kakalabas ko lang ay makakasalubong ko si Staufer habang sapo-sapo niya ang kaniyang tyan. May ngiti sa kaniyang mga labi. Agad iyon nabura nang makita niya ako. "Narito ka pala." Napatingin siya sa pinto ng kuwarto ni Lucifer.
"Huwag kang mag-isip nang kung anu-ano, Staufer. Disenteng pag-uusap lang ang ginawa namin ni Lucifer. Maiwan na kita." Tinalikuran ko sana siya nang bigla siyang nagsalita upang mapatigil ako.
"Hindi ka ba masaya para sa akin, Qarina? Dahil magkakaroon na kami ng anak ni Lucifer?" Nakangisi siya. May halong sarkastiko nang banggitin niya iyon.
Hinarap ko siya at ngumisi. Biglang sumagi sa aking isipan ang mga sinabi sa akin ni Helissent. Ang anak ko ang magiging sagabai sa anumang ipaplano ng anak ng babaeng ito. Ha! "Masaya ako sa para sa iyo, Staufer." Sarkastiko kong sabi.
Nawala ang ngisi niya tila napikon na naman siya. Muli ko siyang tinalikuran at tuluyan na akong lumayo.
-
Tumigil ako sa paglalakad nang matagpuan ko ang maliit na bahay niya. Oo, ang bahay ni Aldous Rivera. Ang lalaking iniligtas ko mula sa bingit ng kamatayan. Ipinagpatuloy ko ang paglalakad palapit sa naturang bahay na iyon. Sumilip ako sa bintana. Lumipat ako sa pinto. Kakatok sana ako nang nang bigla iyon nagbukas.
Pareho kaming natigilan nang magkaharap na kami. Pakurap-kurap siyang tumingin sa akin.
Dumapo ang tingin ko sa kaniyang hawak. Isang supot na may laman na kung ano. Ibinalik ko ang tingin ko sa kaniya.
"I-ikaw 'yung..." Hindi niya magawang ipagpatuloy ang sasabihin niya nang ako naman ang nagsalita.
"Narito ako para maningil." Nakangising sagot ko.
Napaatras siya ng kaunti. Bigla siyang namutla lalo na sa mga binitawan kong salita. Napaupo siya sa sahig sabay nabitawan niya ang supot na hawak niya. Nagkalat ang laman n'on sa sahig.
Seryoso ko siyang tiningnan at lumapit pa. Binigyan ko siya ng isang maliit na ngiti. "Bakit ka natatakot ngayon? Babawiin mo na ba ang sagot mo sa kagustuhan ko?" Tanong ko. "Ang akala mo ba, hinding hindi kita babalikan?"
"H-hindi naman sa ganoon..." Garagal niyang sagot.
Iginala ko ang aking paningin sa paligid. Sa aking palagay ay siya lang ang mag-isa sa maliit na bahay na ito. "Anong trabaho mo?" Muli kong tanong.
"T-Tindero..."
Tumaas ang isang kilay ko. "Tindero..." Ulit ko pa. Mas lumapit pa ako sa kaniya. Itinukod ko ang isang tuhod ko sa sahig. "Gusto mo bang guminhawa ang buhay mo?"
Parang siyang hinihingal kahit wala naman siyang ginawa. Taas-baba ang kaniyang dibdib. Pinagpapawisan na din ang mukha niya. Dahil siguro sa takot. "P-papaano?"
Mas lumapad ang ngisi ko. "Hinding hindi mo na mababawi pa ang kasunduan natin, Aldous. Nasa akin na ngayon ang kaluluwa mo... I'll be your lucky charm."
"L-lucky charm?" Ulit pa niya na hindi pa siya makapaniwala.
Inilapit ko ang mukha ko sa kaniya. "Oo, dahil sa akin, yayaman ka. Mabibili mo ang gusto o gugustuhin mo. Magpapakasawa ka sa pera. Uunlad ka, matutulungan mo ang pamilya mo, kung mayroon pa ngang ganoon." Tumayo na ako at umupo sa isang bakanteng upuan. "Mananatili ako dito sa bahay mo dahil wala akong alam kung saan ako maaaring tumira."
"S-sino ka ba? A-ano ka ba talaga? Sa m-mga sinasabi mo... Para kang d-demonyo..."
Mataimtim ko siyang tiningnan. "Qarina. Oo, isa nga akong demonyo..." Binuksan ko ang palad kasabay na nag-iinit ang mga mata ko. "Simula ngayon, hawak ko na ang buhay mo. Huwag na huwag mong susubukang tumanggi o umapila man dahil baka mas mapaaga kong makukuha ang buhay mo. Makinig ka lang sa akin, makukuha mo ang gugustuhin mo..." Sumilay ang isang ngiti sa aking mga labi. "Aldous Rivera."