"Mara! Oh, my God! We've missed you so much." Halos sabay na bati sa kaniya ng mga kaibigang sina Elise, Hazel at Bethany.
Huminga muna siya ng malalim at pinakalma ang sarili. Kailangan niyang magpanggap na okey siya, kahit ang totoo ay lihim ng nadudurog ang kaniyang puso.
"Hi, girls!" ganting-bati ni Mara sa mga ito.
Ang kanilang barkada ay nabuo nong college sila nang minsang magkasama sa isang gig show. Dahil pare-parehong mahilig sa musika kaya sila nagkasundo. Simula noon ay magkakasama na silang lima sa panonood ng mga live shows sa mga bars at mga concerts. Naghiwa-hiwalay man sila pagka-graduate pero hindi ibig sabihin non ay naputol na ang communication nila sa isa't-isa. Patuloy silang nagkikita at kumakanta sa mga bars hanggang sa itayo ni Elise itong The E-side.
Pero nong mamatay ang kaniyang abuela-na siyang nag-aalaga sa kaniya dito sa Pilipinas-ay napilitan si Mara na sumunod sa mga magulang niya sa Las Vegas. Noong una ay aktibo pa sila sa pagbabalitaan sa isa't-isa. Katunayan, naikuwento pa niya sa mga kaibigan ang tungkol sa nangyari sa kanila noon ni Pete-ang first boyfriend niya sa Vegas na nanloko sa kaniya.
Ngunit katagalan ay naging abala na sila parehas sa kani-kanilang career kaya tumamlay ang kanilang komunikasyon. Maging si Elise man ay walang kaalam-alam tungkol sa kanila ni Xander. Sinadya niya iyong ilihim sa kaibigan dahil siguradong sesermunan siya nito sa pagpasok sa ganong klaseng relasyon.
"Ang ganda mo pa rin, bessie." Nakangiting untag sa kaniya ni Elise na nauna ng tumayo at sinalubong siya ng mahigpit na yakap.
"At hanggang ngayon ay bolera ka pa rin, bessie." Biro ni Mara sa bestfriend.
"Uso na pala ngayon ang discrimination. Bestfriend lang ang nami-miss." Kunwa'y pagrereklamo ni Hazel- isa na itong sikat na international model.
"Well, well, well..." sabat naman ni Bethany na isa ng fashion designer. "I guess, Hazel was right. Hindi ba uso sa Vegas ang groupie?" Biro nito.
"It's good to see you still wearing that bracelet." Ani Elise na nakatingin sa suot niyang pulseras. Silang lahat ay may mga ganong bracelet, na pinasadya nila noong college sila, bilang tanda ng kanilang pagkakaibigan. At isinusuot nila iyon kapag nagkikita silang lima.
"Na dapat lang. Kasi kapag nakipagkita ka sa'min na hindi mo 'yan suot, ibig sabihin, nakalimutan mo na kami." Biro ni Bethany.
Hindi pa man sila tapos magkamustahan ay dumating na si Abigail na hanggang ngayon ay nakakapit pa rin sa braso ni Xander.
Hindi sinasadyang nagsalubong ang kanilang mga mata ng binata. Hinanap niya ang excitement na nakita niya rito kanina. At ang mainit nitong mga tingin kapag tinititigan siya. Pero nabigo si Mara. Ni hindi ito tumitingin sa kaniya na para bang umiiwas. At lihim iyong ikinakamatay ng kaniyang puso.
"Palagi ka na lang talaga pahuli kung dumating, Abigail. Pasalamat ka at may kasama kang guwapo." Panunudyo ni Bethany sa dalawa.
Napakagat-labi si Mara. Paano niya matatagalan ang eksenang ito?
"Well, saan pa ba magmamana ang ka-guwapuhan ni Kuya Xander, eh di sa'kin?" Natigilan si Mara sa sinabi ni Elise.
Hindi na siya nagulat na sa pahayag na iyon ni Elise. Dahil kanina pa mang nalaman niyang si Xander pala ang fiance ni Abigail ay awtomatiko na rin niyang alam na ito ang half-brother ng bestfriend niya. At si Elise din pala ang kapatid na ikinukuwento sa kaniya noon ni Xander.
"Anyway, this is, Mara..." narinig niyang wika ni Elise. Noon lang niya namalayang ipinapakilala na pala siya nito kay Xander
Nagkamay silang dalawa na para bang ngayon lang nagkakilala. Hindi niya alam kung bakit parehas silang nagpanggap nang mga sandaling iyon. Marahil ayaw na rin ni Xander na guluhin pa ang sitwasyon. Baka ayaw nitong saktan si Abigail. Pabor kay Xander ang pagpapanggap nila. Pero para kay Mara ay napakahirap n'on.
Dahil hindi niya alam kung paano ito patutunguhan nang hindi inuugnay ang kanilang nakaraan. Hindi ganon kadaling magpanggap na estranghero sa harap ng taong pinag-alayan niya ng lahat.
"Nice to meet you, Mara..." kaswal lang na saad ng binata, wala na ang paglalambing, ang pagsusuyo sa tuwing binibigkas ang kaniyang pangalan.
Nilunok niya ang tila bara sa kaniyang lalamunan. "N-nice to meet you, too."
Nanatili lamang silang nakatitig sa isa't-isa at tila walang balak na kalasin ang magkadaop nilang mga palad. Ni wala silang pakialam sa magiging reaksiyon ng mga taong nakapaligid sa kanila. Gustong-gusto niyang maramdaman kahit saglit lang ang mainit nitong mga kamay, na walang sawa at buong-pagmamahal na humahaplos sa kaniya noon.
Habang tinititigan si Xander ay parang gustong maiyak ng dalaga. Paanong nangyaring ang lalaking baliw na baliw sa kaniya noon ay animo estranghero na? Gan'on ba katagal ang tatlong taon para makalimutan siya nito at kaagad na ikasal sa iba? Kasi para sa kaniya, parang kahapon lamang nangyari ang lahat.
"Ahem!" malakas na pagtikhim ni Elise ang pumukaw sa kanilang dalawa. Nang tingnan niya ito ay may nabasa siyang pagdududa sa mga mata nito.
Nahihiyang binawi ni Mara ang kaniyang kamay, pero bago iyon ay naramdaman pa niya ang pagpisil doon ni Xander. Lalong nagwala ang puso ng dalaga nang sa tabi niya umupo si Xander-napagitnaan nila itong dalawa ni Abigail.
Hindi niya alam kung sinasadya ba nitong pagkiskisin ang kanilang mga siko dahil ang lawak-lawak naman ng espasyo pero nadidikit pa rin sila sa isa't-isa. Natatakot tuloy siyang baka marinig ni Xander ang malakas na kabog ng kaniyang puso.
Panaka-naka niya itong ninanakawan ng tingin at mukhang ganito rin ito sa kaniya. May pagkakataon pa ngang nagtatama ang kanilang mga mata. Pero nalulungkot siya dahil ibang-iba na ito kung titigan siya ngayon kaysa dati. Wala na ang dating pagmamahal sa mga mata ni Xander. At kung hindi siya nagkakamali, para iyong may galit at sakit. Bakit? Dahil pa rin sa ginawa niya noon?
"Kamusta nga pala sa Vegas, Mara?" Napakislot ang dalaga nang untagin siya ni Hazel.
"Sa awa ng Diyos, okey na kahit papaano dahil sa nalalapit na pagaling ni Daddy." Ikinuwento niya dito ang nangyari sa SLC. "Kaya nakapagliwaliw na ako dito sa Pilipinas."
"Are you staying here for good?" Tanong naman ni Abigail.
Hindi agad siya nakakibo. Naramdaman kasi niya ang pagkislot ni Xander. Hindi niya alam kung para saan 'yon.
"I...Idon't have plan yet." Pinilit niyang gawing kaswal ang kaniyang boses. "Pero sa ngayon, nandito ako para magkita-kita tayo ulit."
At para sana hanapin ang mahal ko at dugtungan ang nakaraan namin. Kaso malabo ng mangyari 'yon dahil nahuli ako ng dating. Dugtong ng isip ni Mara.
"Uh...that's so sweet of you, bessie." Nata-touch na tugon ni Elise.
"And of course, for my wedding, right? Aattend ka, 'di ba?" Sabat naman ni Abgail.
Napilitan siyang ngumiti. "Oo naman."
"May gusto ka bang i-request na partner mo?" Ani Abigail.
Sandali siyang natigilan. Ngali-ngaling sabihin niya sa kaibigan na ang groom nito ang gusto niyang maging partner. Pero umiling na lamang si Mara. "Wala..." muli ay naramdaman niya ang paggalaw ni Xander, bagaman nanatiling walang imik.
"Wala?!" Sabay-sabay na bulalas ng mga kaibigan niya. "Huwag mong sabihin na hanggang ngayon ay hindi ka pa rin nakapag-move on sa Pete na 'yon?" Si Bethany.
Nagkibit siya ng balikat. "Past is past, okay? He's already forgiven..."
Ayaw na niyang mag-komento pa dahil hanggang ngayon ay nasa puso pa rin niya ang pag-aalalang baka masaktan na naman si Xander kapag nagbanggit pa siya tungkol sa kaniyang nakaraan. Tandang-tanda pa niya kung paano ito nasasaktan noon sa tuwing binabanggit niya ang pangalan ng kaniyang ex.
Ah, parang kahapon lang ang lahat. Kaya hindi niya lubos maunawaan kung bakit parang ang bilis naman yatang nakapaghanap ni Xander ng kapalit niya.
"Hmmm...affected! Totoo yata ang kasabihang, "First love never dies." Pangangantiyaw sa kaniya ni Hazel.
Napatingin siya binata. "Love is lovelier than the second time around." Depensa niya. Kaso naging tanga lang ako!
"Lovelier? Bakit naging kayo ulit?" Pangungulit pa ni Hazel, likas talaga itong madaldal.
Sasagot na sana si Mara nang padabog na tumayo si Xander, na napansin niyang nakakuyom ang mga kamay. Hindi sinasadyang nagkatinginan silang dalawa ni Elise. Kapansin-pansin ang pananahimik ng kaibigan at ang panaka-naka nitong pagtingin sa kanila ni Xander.
"I'm sorry, ladies...but I have to go. May importante pa pala akong aasikasuhin." Walang kangiti-ngiting saad ni Xander.Yumukod ito at hinagkan si Abigail sa pisngi. Hindi iyon nakayanan ng kaniyang mga mata kaya umiwas siya ng tingin. "Sunduin na lang kita mamaya, hon." Iyon lang at pagkatapos ay tinapunan siya ng tingin, bago dali-daling umalis.
"May sakit ba 'yong fiance mo, Abby? Sobrang tahimik niya ngayon." Ani Bethany nang makaalis ang binata.
"Pagod lang 'yon sa maghapong trabaho sa office. Tapos pinilit ko pang sumama dito." Sagot ni Abigail.
"Ganon talaga si Kuya. Napaka-seryoso..." depensa ni Elise sa kapatid.
No, he's not. Masayahin siya at makulit... sagot ng isip ni Mara. What happened to him?
Hindi sinasadyang napatingin siya kay Abigail. At ewan kung tama ba ang nakita niyang lungkot na dumaan sa mukha nito, habang hinahatid ng tanaw ang nobyo. "Kahit suplado'yon, mahal na mahal ko 'yon. He's all that I have..."
Sa kabila ng nararamdaman niyang sakit dahil sa mga nalaman tungkol sa kaniyang mahal ay bumangon ang simpatiya niya para kay Abigail. Hindi lihim sa barkada ang pinagdaanan nitong lungkot ng mawala ang mga magulang.
"Kaya nga hindi na kami nagulat nong sabihin mo sa'min na ikaw ang nag-proposed sa kaniya." Maya-maya'y saad ni Hazel.
"Ayoko lang pakawalan pa ang isang tulad niya. I love him..so much." Nakangiting tugon ni Abigail. Hindi niya maintindihan kung bakit may kakaiba siyang nararamdaman sa mga ngiting iyon. Was it pain?
Ngunit hindi na iyon gaanong pinansin ni Mara. Mas naiintindihan niya kung gaano kamahal ng kaibigan niya si Xander. Dahil ito pa mismo ang kusang gumawa ng paraan para tuluyang maangkin ang nobyo. Hindi tuloy niya napigilang ikumpara ang sarili kay Abigail. Kung gaano ito katapang, ganon naman siya kaduwag noon. Sayang lang, dahil kung kailan naman siya naging handa na ay si Xander naman ang hindi na puwede.
"And you got him. After all, you both deserve to be happy." Sagot ni Elise. "Although, hindi ako makapaniwalang mapapa-'oo' mo si kuya. Hindi biro ang pinagdaanan niya sa una niyang pag-ibig na halos sumira sa buhay niya." Makahulugang saad ni Elise habang tinitingnan siya.
Nailang si Mara dahil sa paraan ng mga tingin ng bestfriend niya, para itong may alam sa kanila ni Xander.
"Hindi rin naman biro ang pinagdaanan mo with him, Abby. Hindi mo siya sinukuan n'ong mga panahong kinailangan niya ng masasandalan." Kaya kami ang unang natuwa nang malaman kung magpapakasal na kayo." Sabat naman ni Bethany. "Ang suwerte sa'yo ni Xander."
Nanatili lang siyang nakikinig sa usapan ng mga kaibigan. Unti-unti niyang naunawaan kung bakit nawala ang pagmamahal sa kaniya ni Xander. Masiyado siguro nitong dinibdib ang paghihiwalay nila noon at sa mga panahong lugmok ang puso ay saka pumasok si Abigail-exactly the same thing happened to them before.
Kay dami niyang gustong itanong, subalit natatakot siyang baka hindi niya mapigilang ikuwento sa mga ito ang tungkol sa kanila noon ni Xander. Hindi pa siya handa sa napaka-kumplikado nilang sitwasyon.
Kung sana alam ng lahat kung paano nadudurog ang kaniyang puso nang mga sandaling 'yon. Lihim na napaluha si Mara. Sa isang iglap ay nabura ang pag-asa sa kaniyang puso. Hindi na tuloy niya alam kung tama bang sinundan pa niya dito si Xander, kung magmumukha lang din pala siyang tanga.
Napasinghap ang dalaga. Kung bakit kasi hindi niya naisip kaagad na masiyado na palang late ang three years para humabol.Ang tanga-tanga niya. Masiyado siyang naging kampante sa kabaliwan at pagmamahal sa kaniya noon ni Xander.
"Are you okay, Mara?" Hindi nakatiis na pukaw ni Abigail sa pananahimik niya.
"May gusto ka bang ikuwento sa'min?" ani Elise sa nang-aarok na mga mata.
"Y-yes. No." nalilito niyang tugon. "I mean, yes, I'm okay. And no, wala akong dapat ikuwento sa inyo. H-hindi rin naman naging interesting ang buhay ko sa Vegas this last few years. Puro problema ang kinaharap ko sa kumpanya."
"Eh, sa lovelife?" pagpatuloy ni Elise. Nang mapansin marahil ang pagkailang niya ay ngumiti na ito. "Biro lang. Hindi lang kasi ako sanay na tahimik ka."
They were best of friend. Kilala na nila ang isa't-isa. Alam niyang hindi ito naniniwala sa sinasabi niyang okey lang siya. Kaya batid din niya na hindi niya maitatago ng matagal kay Elise ang kaniyang problema. At sa ganitong sitwasyon, si Elise ang kailangan niyang karamay na makakaintindi sa kaniya.