"I love you, baby. I'll wait for you..."
Namasa ang mga mata ni Mara nang sumagi sa isip niya ang linyang iyon na paulit-ulit niyang binabalikan sa kaniyang isip sa tuwing nanghihina at nalulungkot na siya.
Ang mga katagang iyon ang nagsisilbi niyang lakas kapag dumadating na siya sa punto na gusto nang sumuko na lang.
At iyon din ang linya na nagbigay ng lakas ng loob kay Mara para sundan dito sa Pilipinas ang taong nagsabi niyon ngunit itinulak niya palayo sa kaniyang buhay.
Alam niyang walang kasiguruhan itong pag-uwi niya rito. Dahil sa nakalipas na taon ay hindi na muling nagparamdam sa kaniya ang taong iyon. Ni hindi na niya ito makontak Ngunit umaasa pa rin si Mara na may madadatnan pa siya dahil sa mga salitang iyon na patuloy niyang pinanghahawakan.
"Ibabalik ko sa dati ang lahat, baby, kahit ano man ang mangyari." Kumisap nang dalawang beses si Mara para pigilan ang pagtutubig ng mga mata. Malungkot siyang napatingin sa labas ng bintana ng taxi. "Sana nga hindi pa huli ang lahat, Xander. Sana may pag-asa pa na maging official ang relasyon natin noon na hinayaan kong masira. Sana ako pa rin..."
Maya-maya'y pinutol ng tunog ng kaniyang cellphone ang pag-iisip ni Mara. Kaagad niyang hinamig ang sarili nang makita ang registered number na lumabas doon.
"Where are you na, bessie?" boses iyon ng kaibigan niyang si Elise mula sa kabilang linya.
Si Elise ay bestfriend niya noong college. Matagal na rin silang hindi nagkita simula nang mangibang-bansa siya. Pero sa nakalipas na mga taon ay nagkaroon pa rin sila ng komunikasyon; via calls and social media. Naputol lang iyon noong nawalan ng oras si Mara dahil sa pagiging abala sa kumpanya.
At si Elise ang una niyang kinontak nang magdesisyon siyang magbakasyon dito sa Pilipinas. Tamang-tama daw ang kaniyang pagbabalik dahil malapit nang ikasal ang kaibigan din nilang si Abigail. Gusto daw nito na maging abay silang lahat.
Si Abigail ay isa din sa mga college friends nila na sa ngayon ay isa ng sikat na singer sa Pilipinas. Parang bestfriend na rin kung ituring ni Mara. Katulad ni Elise ay napakabait din nit. Bukod sa kanila na mga kaibigan ay wala ng ibang pamilya si Abigail. Kaya isa si Mara sa mga natuwa nang malamang ikakasal na ito. Dahil sa wakas ay magkakaroon na rin ito ng kasama sa buhay.
Lahat silang magkakaibigan ay masaya para kay Abigail. Lalo na si Elise na siyang pinaka-excited sa lahat. Dahil ang lalaki pala na mapapangasawa daw ni Abigail ay ang kuya mismo ni Elise. Noon pa man, alam na ni Mara na may half-brother ang bestfriend niya. Ngunit hindi na siya nabigyan ng pagkakataong makilala. Kasi ayon kay Elise, may galit daw ito sa ama kaya hindi nagpapakita.
Kaya double purpose itong pagbabalik ni Mara sa Pilipinas; para sa kasal ng kaibigan nila at para sundan ang mahal niya.
"Are you still there, Mara?" untag sa kaniya ni Elise.
"Yeah. I'm on my way na, bessie. Ako na lang ba ang wala?"
Kadarating lang niya kagabi nang kaagad siyang kontakin ni Elise para sa reunion nilang magkakaibigan. At ang venue ay sa isang music bar sa Tomas Morato na pag-aari mismo nito. Lahat silang magkakaibigan ay mahilig sa musika.
"Don't worry, bessie. Wala pa rin naman si Abigail," sagot ni Elise sa kabilang linya. "On the way pa lang din daw siya. Kasama niya si kuya."
"Okay, bes. Malapit na rin ako."
"Bye, bes. Ingat ka sa biyahe," ani Elise at saka ibinaba na ang cellphone.
Ilang sandali pa ay nasa tapat na ng bar ni Elise na The E-side si Mara. Isa iyong classy music bar na magandang spot pagdating sa mga live singing show.
Pagkapasok niya ng bar ay dumiretso muna si Mara sa ladies' room. Palabas na siya nang bigla siyang mabunggo ng isang lalaki na nanggaling naman sa men's room.
Hindi naman ganoon kalakas ang pagkabangga sa kaniya pero dahil hindi mahigpit ang pagkakahawak niya sa pouch kaya nahulog iyon.
"I'm sorry, Miss..." anang boses ng lalaki na medyo pamilyar, bago nakipag-unahan sa kaniya sa pagpulot ng pouch.
"It's okay..." kaswal na sagot ni Mara at hinayaan na lang ang lalaki na siyang pumulot nang nahulog niyang gamit.
Subalit nanlaki ang kaniyang mga mata nang mag-angat ng ulo ang lalaki at sumalubong sa kaniya ang pamilyar na mukha. Ang mukha na kahit minsan ay hindi nawaglit sa isip niya.
Xander!
Pakiramdam ni Mara ay biglang tumigil sa pagtibok ang kaniyang puso habang pinagmamasdan ang binata na gulat na gulat din nang makita siya. Tatlong taon na ang nakakalipas pero hanggang ngayon ay kabisadong-kabisado pa rin niya ang bawat parte ng mukha nito.
Because, physically, Xander was still the same man she had deeply fell in love three years ago.
Unat na unat pa rin ang kulay itim na buhok ni Xander. Singkit ang kulay itim din nitong mga mata na bumagay sa makakapal nitong mga kilay. He has a long pointed nose with lush pair kissable lips. At sa ibabaw ng nakakaakit na mga labing iyon ay may isang katamtamang laki ng nunal na lalong nagpalakas ng s*x appeal.
Napatigil sa pagtitig kay Xander si Mara nang bigla na lang siya nitong sugurin ng yakap.
"Mara?!" bakas ang excitement sa boses na bulalas ng lalaki. Pahigpit nang pahigpit ang pagkakayakap sa kaniya.
Her heartbeats started to pound. Tila sandaling tumigil ang lahat habang yakap-yakap siya ni Xander. Ang tagal-tagal niyang nangulila sa mga yakap na `yon. Walang gabi na hindi niya iyon hinahanap-hanap. Pero ngayong nakabalik na siya sa matitipunong bisig ni Xander, pakiramdam ni Mara ay isa-isang nagamot ang pangungulila niya. Feeling niya ay ibinalik siya sa mga panahon na kapag nanghihina siya ay laging nakaabang ang matitipunong braso na iyon ni Xander para saluhin siya.
Ilang sandali pa bago nakabawi sa pagkabigla si Mara at gumanti ng yakap kay ng lalaki; mas mahigpit. "Xander..." sambit niya sa pangalan nito na punong-puno ng pag-asa dahil nagkita na sila uli.
Ngunit panandalian lang pala ang pag-asa na iyon. Dahil ang mainit na pagtanggap sa kaniya ni Xander ay unti-unting lumamig. Dahan-dahan itong lumayo kay Mara na tila ba nahimasmasan sa maling nagawa. Biglang tumalim ang mga mata na kanina ay puno ng tuwa nang una siyang makita. Nasaktan si Mara sa pagbabagong iyon ni Xander. Ngunit hindi na sila nakapag-usap nang biglang may magsalita mula sa likuran niya.
"Honey..." anang pamilyar na boses kaya agad na napalingon si Mara.
Nanlaki ang kaniyang mga mata sa tuwa nang makita ang ikakasal na niyang kaibigan. "Abby?!"
"Mara?!" gulat na gulat ding bulalas ni Abigail. "Elise was right that you're back na."
Nagbeso ang magkaibigan at saglit na nagkuwentuhan. Hanggang sa mapansin ni Mara ang pagtataka sa mukha ni Xander; palipat-lipat ang tingin nito sa kanilang dalawa ni Abigail. At hindi maipaliwanag ni Mara kung bakit parang kinabahan siya sa klase ng mga tingin na iyon ng lalaki.
"M-magkakilala kayo?" hindi nakatiis na tanong ni Xander.
Lumapit si Abigail kay Xander at umangkla sa braso nito. "Yes, honey. College friend kami ni Mara. Siya `yong ikinukuwento ko sa'yo na kaibigan ko sa ibang bansa at gusto kong isama sa listahan ng magiging abay natin sa kasal--"
Binundol ng matinding kaba ang puso ni Mara. "W-wait. A-anong kasal? Sino ang ikakasal?" Mga mata naman niya ngayon ang nagpalipat-lipat kina Abigal at Xander. Bagaman may ideya nang naglalaro sa isip niya ay hindi niya iyon matanggap. Hindi kayang tanggapin ng puso niya.
Pero nang hapitin ni Xander ang baywang ni Abigail ay nagsimula nang luminaw ang lahat. Tinitigan nito si Abigail. And the way he looks at her friend now, that's exactly the way he looked at her three years ago. And it was breaking her heart slowly. Para iyong matalas na kutsilyo na paulit-ulit na humihiwa sa puso ni Mara. Hindi iyon kinaya ng kaniyang dibdib. Mabilis siyang umiwas ng tingin at para itago na rin ang mga mata na nagsimula nang mamasa. Bigla ay nagmistulang lugaw ang kaniyang mga tuhod. Kung hindi lang sana nagsalita uli si Abigail, nunca na haharap siya sa mga ito.
"Hindi pa ba nasabi sa'yo ni Elise na ikakasal na ako? Na kukunin kitang abay sa kasal namin ni Xander?"
Lalong humapdi ang puso ni Mara.Nanginig ang kaniyang mga labi habang pinipigilan ang mga mata na nagbabadyang sumabog. "A-alam ko... Sinabi na sa'kin ni Elise. One of the reasons nga, eh, kung bakit bumalik ako." Habang sinasabi iyon ay kay Xander nakatingin si Mara ngunit kaagad itong umiwas.
"Matagal na kitang gustong kontakin para ako ang personal na magsabi sa'yo Kaso masiyado ka yatang busy. Kaya ang saya ko na bumalik ka na dahil kumpleto na ulit ang barkada. Lalo na sa wedding ko, sa kasal namin ni Xander."
Sa dinami-dami ng mga sinabi ni Abigail, tanging ang huli lamang ang pumasok sa isip ni Mara.
Mas pinigilan pa ni Mara ang sarili na mapaluha. Paanong nangyari na ikakasal na ang mahal niya? At bakit sa kaibigan pa niya? Ito ba ang ibig sabihin nang magic lines na iniwan sa kaniya noon ni Xander? Ang, "I love you, baby. I'll wait for you..."
She emphatically shut her eyes. Gusto niyang isipin na nananaginip lang siya. Ngunit imposible iyon. Dahil dinig na dinig niya ang unti-unting pagkawasak ng puso niya.
Animo sasabog ang dibdib na hinarap ni uli Mara si Xander. Ngunit nakatingin pa rin ito sa ibang direksiyon na para bang walang pakialam sa nararamdaman niya. Kay dami niyang gustong itanong dito pero wala ni isang salita ang namutawi sa kaniyang bibig. Sa halip ay masaganang luha ang lumabas sa kaniyang mga mata. Hindi na niya napigilan ang pagsabog ng kaniyang emosyon.
"Hey, are you okay?" nag-aalalang tanong ni Abigail na siyang unang nakapansin sa pag-iyak ni Mara.
Ikakasal sa'yo ang lalaking mahal ko kaya paano ako magiging okay? Gustong-gusto sanang sabihin ni Mara kay Abigail. Pero ano ang karapatan niya?
Napakuyom si Mara para pakalmahin ang sarili. Pinipilit niya na magmukhang normal at hindi affected. Ayaw niya na magtaka si Abigail. "Tears of joy lang ito, Abby." Isa-isa niyang pinahid ang kaniyang mga luha. "M-masaya lang ako na sa wakas ay may ikakasal na rin sa barkada natin."
"Kahit kailan talaga napaka-emotional mo, Tamara." Nakangiti na tinampal siya kunwari ni Abigail. Wala itong kamalay-malay sa sakit na nararamdaman ni Mara nang mga sandaling iyon.
Sa wakas ay nagawa rin siyang tingnan ni Xander. Ngunit blangko ang ekspresyon ng mukha. Kahit kaunting init sa mga mata habang nakatitig sa kaniya ay wala siyang makita. O kahit kaunting simpatiya man lang sana.
Wala bang ideya si Xander kung paano ngayon nadudurog ang puso ni Mara? Kahit alam na nito na kaibigan niya ang pakakasalan nito?
Bago pa man sumabog ang natitirang emosyon sa dibdib ng dalaga, dali-dali na siyang nagpaalam kay Abigail. "M-mauna na ako, Abby, ha. Kanina pa kasi naghihintay sa'kin sina Elise, eh."
"Sige, Mara. Susunod na kami ni Xander. Magkita-kita na lang tayo sa loob."
Simpleng ngiti at tango lang ang itinugon ni Mara kay Abigail. Nararamdaman niya kasi na kapag nagsalita pa siya ay tuluyan na siyang sasabog. Baka kung ano pa ang mga masabi niya. Kaya kahit gustong-gusto niya na tinitigang muli ang mukha ni Xander na miss na miss na niya, hindi na niya ito tinapunan ng tingin bago umalis.