Chapter 1

1722 Words
“Naku, ‘ayan na naman ang kabit ng bayan. Bakit kasi ‘di pa natatanggal ang bruhang ‘yan sa pinapasukan niya?” himutok ng babae sa kausap niyang isa pang babae na may kargang batang babae. Siguro’y nasa isa o dalawang taon na ang edad ng bata. Parehong naka-duster ang mga ito at siguro’y nasa mahigit trenta na pareho ang mga edad. Pareho rin na magulo ang mga buhok nito na para bang hindi nadaanan ng suklay at itinali na lang nang basta-basta.  “Alam mo naman na malakas ‘yan kay Mayor. Hindi ba nga at kabit siya ni Gov?” sagot naman ng babaeng may kargang bata na bahagya pang inilapit ang bibig sa tenga ng kausap, pero ang lakas naman ng boses na tila gustong iparinig sa buong baryo ang sinasabi. “Ay, siya pala ‘yung kabit ni Gov?” nanlalaki ang mga matang tanong ng babae. Itinakip pa nito ang mga kamay sa bibig na para bang gulat na gulat sa nalamang chismis.  “Oo! Kilala mo si Idong na asawa ni Berta, ‘di ba? Pinerahan din ng babaing ‘yan!” Napailing na lamang si Clarita habang naglalakad pauwi sa bahay niya. Kahit medyo malayo na siya ay rinig na rinig niya pa rin ang chismisan ng dalawang babae. Kung tutuusin, hindi na iba sa kanya ang makarinig ng mga ganoong pasaring kapag napapadaan siya sa umpukan ng mga tao. Simula noong nangyari ang nakaka-traumang kaganapan na iyon, halos lagi na lang siyang laman ng chismis ng barangay nila.  Kung tutuusin wala naman siyang kasalanan pero parang ang pinapalabas ng mga tao ay siya ang may sala. Sa isiping iyon ay hindi mapigilan ni Clarita na mapabuntong-hininga. Noong una ay nasasaktan siyang makarinig ng mga maaanghang na salita. Pero totoo nga siguro ‘yung sinasabi nila na kapag nagtagal na ay mai-immune ka rin.  She knows the truth, and that’s all that matters. She no longer cares what the other people would say. She’s just going to focus on her life. “Clarita Isabella Nayon! Ang tagal mong dumating, Beshy Kanina pa ako nag-aabang sa’yo dito. Saan ka ba nagpupupunta, ha?” Bahagya pang nagulat si Clarita nang pagtulak niya sa kanyang bakal na gate ay may biglang sumigaw mula sa gilid. Agad na napalingon si Clarita sa direksyon na iyon. Sumilay ang isang matamis na ngiti sa kanyang mga labi nang makitang ang best friend niya palang si Grace ang tumawag sa kanya. Nakasandal ito sa malaking punong-kahoy at nakakibit-balikat pa. Mukhang kanina pa nga ito naghihintay sa kanya base sa pagkakatayo nito sa tabi ng punong-kahoy.  “Ito naman high blood agad,” aniyang nilapitan si Grace. Hinawakan niya ang kanang kamay nito at marahang hinila papasok sa gate. “Hapon na nga high blood ka pa rin. Ano ba ang atin at napadalaw ka?” Binitawan ni Clarita ang kamay ni Grace para makuha ang susi mula sa bulsa ng suot na slacks at pagkatapos ay isinuksok ito sa butas ng tarangkahan. Pagkaraan ng isang pihit ay agad na nagbukas ang pinto. Itinulak ito nang bahagya ni Clarita at pumasok na sa loob. Maganda ang bahay ni Clarita. Isa itong bungalow house na hindi kalakihan pero napaka-homey ng aura nito. Halos gawa lahat sa rattan ang mga furniture ng bahay at may di kalakihang chandelier na nakasabit sa gitna ng sala. Wala masyadong dekorasyon ang sala ni Clarita maliban sa mga larawan na nasa photo frame at mga sariwang bulaklak na maayos na nakalagay sa isang babasaging vase. Nakalagay ito sa gitna ng center table. Sa labas naman ay may maliit siyang hardin na ang nakatanim ay iba’t-ibang kulay ng rosas.  Agad naupo si Grace sa upuang gawa sa rattan na may kutson at niyakap ang throw pillow na nakalagay sa upuan.  “Ang tagal mong dumating akala ko tutubuan na ako ng ugat at magsasanib puwersa kami ng puno sa tapat ng bahay mo!” nakasimangot na sabi nito.   Natatawang inilapag ni Clarita ang bag sa pang-isang upuan at umupo braso ng upuan. Matagal na niyang kaibigan si Grace. Isa din itong guro at nagtuturo sa kaparehong eskwelahang pinagtatrabahuan niya kung saan niya ito nakilala. May asawa na ito at dalawang anak-- isang lalaki at isang babae.  Sa lahat ng pagsubok na napagdaanan niya ay lagi itong nasa kanyang tabi. At si Grace lang din ang masasabi niyang talagang naging kaibigan niya. Ito lang ang nag-stay sa kanya pagkatapos nang masalimuot na pangyayaring iyon ng buhay niya. “Kapag nagkataon pagkakaguluhan ulit ang bahay ko kasi may magandang babaeng tinubuan ng ugat sa tapat nito,” biro ni Clarita sa kanya. “Siraulo, ginawa pa akong tao sa perya.” Natawa na lang si Clarita nang makitang inismidan siya ni Grace sa biro niya. “Ano ba ‘yung atin? Akala ko ba may importante kang pupuntahan ngayon kaya nauna ka  nang umuwi sa akin?” Biglang nagliwanag ang mukha ni Grace.  Lumipat ito nang upo sa inuupuan ni Clarita habang yakap-yakap pa rin ang throw pillow. “Naaalala mo ba iyong estudyante mo dati?” Nakagat-labing tanong nito. Halata sa mukha nito na excited na itong ikwento kung anuman ang gustong sabihin nito sa kanya. Bahagya pa nitong niyugyog ang braso ni Clarita. It seemed like Grace even forgot that she was pissed off because she had to wait for Clarita for so long. Kumunot ang noo ni Clarita. Sa dami ng naging estudyante niya, hindi lahat ay maaalala niya.  “Sino ba ang tinutukoy mo? At bakit parang excited na excited ka?” “Naaalala mo ba yung estudyante mo na may poging tatay?” Mas lalong kumunot ang noo ni Maria sa narinig. Marami naman kasi siyang naging estudyante na pogi ang tatay. Malalim na bumuntong-hininga si Grace. Medyo naiinis na siya sa kaibigan niyang parang walang clue sa lahat ng naging estudyante nito. Sabagay ay hindi naman kasi si Clarita ang tipo ng babae na nagkahanda-haba ang leeg kapag may nakikitang gwapo.  “My god, Claring! Sometimes napaka-dense mo talaga. Iyong estudyante mo na lagi kang binibigyan ng bulaklak kahit walang okasyon! Iyong batang may triplets. ‘Yan ha? For sure naaalala mo na iyong bata na iyon.” Biglang lumiwanag ang mukha ni Clarita nang maalala niya ang partikular na estudyante na tinutukoy ni Grace. Sino ba naman ang hindi makakaalala sa batang iyon? Naging sikat ang pangalan niya sa eskwelahan dahil sa estudyante niyang iyon. “Oh, ano? Naaalala mo na?” “Oo, sino ba naman kasi ang makakalimot sa batang iyon?” Napangiti si Clarita. “Halos araw-araw ay may dala siyang rosas sa akin. Kumusta na kaya ang batang iyon? Ang huli kong balita sa kanya eh na lumipat sila. Kung hindi ako nagkakamali after iyong ng pre-k ceremony.” “Well, Best Friend news flash. Nandito na ulit siya!” “Talaga? Paano mo naman nalaman iyon? For sure nasa mga twenty years old na siya ngayon. Imposible naman makilala mo pa ang batang iyon ngayon,” aniyang ipinagwalang-bahala ang sinabi ni Grace.  Aalis na sana sa kinauupuan niya si Clarita nang pigilan siya ni Grace.  “Saan ka pupunta?” “Kukuha nang maiinom. Gusto mo ba ng softdrinks at biko? Nagluto ako kahapon. Nakalimutan ko lang dalhin kanina sa school.” “Sige ba. Pero ‘yung softdrinks lang akin. Ipagbalot mo na lang ako ng biko dadalhin ko sa bahay. Alam mo naman iyong mga chikiting ko bet na bet ang luto mo.” Bahagyang natawa si Clarita sa tugon ni Grace.  “Sige dadamihan ko.”  Iniwanan na ni Clarita si Grace at nagtungo sa kusina para ipagbalot niya ito ng biko. Hindi niya alam kung ano ang mayroon sa estudyante niyang iyon. Kailangan pa kasing dumayo ni Grace sa bahay niya para tanungin siya kung naaalala pa ba niya ang batang iyon. Ang hindi niya alam ay sinundan pala siya ni Grace hanggang sa kusina. Hindi na nito hawak ang throw pillow na yakap-yakap nito kanina. Tinaasan niya ito ng kilay at binigyan ng anong-kailangan-mo look.  “Ipagpapatuloy ko nga kasi ang sasabihin ko sa’yo. Para ka namang ‘di interesado, eh” napipika nitong sabi pero halata naman sa mata nito na excited ito sa sasabihin. “Ano nga ba kasi iyon at naisipan mo pa na dumayo dito?” ani Clarita habang nilalagay sa isang katam-taman ang laking tupperware ang biko. Nakatalikod siya kay Grace na nakasandal sa kitchen island table. Habang siya naman ay nakaharap sa counter table na katabi ng lababo.  “Eh, kasi nga ‘yung batang ‘yun nakasalubong ko sa daan habang papauwi ako. Ang gara nga ng sasakyan.” Napatigil si Clarita sa ginagawa at napaharap kay Grace. Nanlalaki ang mga matang napatingin siya kay Grace. Bigla siyang na-excite nang marinig niya na napadaan pala sa lugar nila ang batang iyon.   “Oh, ‘di ba’t na-excite ka rin?” tudyo ni Grace sa kanya. “Grabe, Claring halos hindi ko makilala ang batang iyon! Grabe ang laki na ng ipinagbago niya. Ang guwapo-guwapo na nito,” anitong parang kinikilig pa. “Oh, talaga?” Napaisip si Clarita saglit at nagkibit-balikat. “Sabagay noong bata pa ito ay mapapansin mo naman na talaga na guwapo siya. So, hindi na ako magtataka. Saka tingnan mo naman ang tatay at nanay noon, ang gaganda ng lahi,” aniyang nagpatuloy na sa paglalagay ng biko sa tupperware. “Sabagay.” Bahagyang napatigil si Grace at nakapalumbaba sa ibabaw ng island table. “Ang talas din ng memorya ng batang iyon. Naalala pa nga ako,eh. Hindi ko na nga siya maalala kung ‘di kinuwento ‘yung tungkol sa triplets. Sila lang naman ang triplets na naging estudyante mo kaya agad kong natandan. Alam mo bang tinanong ka noon sa akin? At ito pa…” Napasulyap si Clarita kay Grace na halatang ibinitin ang kasunod na sasabihin. Napailing na lang si Clarita at hinintay na dugtungan ni Grace ang sasabihin. “Ang sabi ba naman niya, bumalik daw siya para tuparin ang pangako niya sa’yo…” Napatigil ulit si Clarita sa ginagawa at parang isang scene sa movie na nagbalik sa kanya ang lahat. Partikular na ang araw na iyon...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD