First day of school, Cytheria Campus
Pumasok na sa gate si Steph. Unang araw na ng klase. Kinakabahan man ay nagpatuloy siya sa pagpasok sa campus. Nakayuko ang ulo, suot ang malaki at makapal na salamin, nakatago ang magandang mukha ng wig na natatakpan ng bangs ang noo at ang gilid ng mukha, naka-long sleeves at paldang mahaba. Manang na kung manang, basta hindi siya makapinsala ng iba, ayos lang.
Nagtitinginan sa kaniya ang mga estudyante habang naglalakad siya sa kalagitnaan ng campus.
"Ang init naman ng suot niya. Tag-lamig na ba?"
"Ayaw atang mabosohan, halos takpan ang buong katawan! Hahahaha!"
"Napaka-old fashioned naman nyan."
"Grabe, I'm sure hindi fashion designing ang course niyan."
Ayos lang sa kaniya ang ganyang bulungan kaysa naman magpatayan sila kapag nakita ang mukha niya. Hindi siya apektado dahil hindi naman totoo. Sabi nga ng Tita Amanda niya sa kaniya, ang mga taong nanghihila ng iba ay mga taong hindi kuntento sa kung anong mayroon sila. Nagkibit-balikat na lang siya at hinayaan sila sa pagbubulungan tungkol sa kaniya.
Nagpatuloy siya sa paglakad hanggang sa makarating sa building sa dulo. Umakyat siya sa 2nd floor at hinanap ang classroom niya. Nakaliko na si Steph sa hallway sa 2nd floor papunta sa Room 212 nang may bumangga sa kaniya sa likod niya. Isang lalakeng nasa taas na 6 feet. Matangkad sa kanya nang konti. Nasa 5'10 kasi ang height ni Steph.
"Ay!" Nalaglag ang bitbit na mga libro at notebook ni Steph.
"Miss. Bawal ang tanga at babagal-bagal dito." Hindi man lang nag-abalang tulungan ang babae na magpulot ng nagkalat na gamit niya. Nagmamadaling lumakad na ito palayo.
"Tsk, at kasalanan ko pa na nagmamadali siya." Walang nagawa si Steph kundi pulutin nang mag-isa ang gamit niya.
"Let me help you." Boses ng lalake. Tiningala ito ni Steph. Gwapo ito, matangkad at mukhang maginoo. May nunal ito sa kaliwang kilay, tsinito, manipis ang matangos na ilong at may kissable lips. Dinampot nito ang ilang piraso ng papel na nagkalat. Tumayo silang dalawa matapos damputin ang mga gamit niya at iniabot sa kanya ang mga nadampot nito.
"Here." Ngumiti sa kaniya ang lalaki. Kitang-kita ang dimples nito sa magkabilang pisngi.
"Thank you. I'll go ahead," paalam ni Steph sa binata.
"Wait, you forgot your registration card." Dinampot nito ang registration card na tumilapon nang medyo malayo. Inabot nito iyon sa kanya. "Pareho pala tayo ng room sa dulo. Sabay na tayo."
"S-sige."
"Ako nga pala si Jared. You are?"
"Steph."
"Nice meeting you." Nag-abot ito ng kamay, tinanggap naman iyon ni Steph. Naglakad sila nang sabay sa hallway papunta sa room nila.
Nag-alangan pang pumasok si Steph pagdating sa pintuan. Bumalik ang kaba niya.
"Halika na." Aya ni Jared sa kanya. Naunang pumasok ang lalake kaya sumunod na rin siya. Mangilan-ngilan pa lang ang estudyanteng nakaupo, at sa bandang dulo, nandoon ang lalakeng mayabang na bumangga sa kanya. Napalingon ito sa kanya. Inirapan naman niya ito. Wala siyang pake kung gwapo ito, basta pangit siya sa paningin niya dahil ubod sa yabang.
"Okay lang ba kung tabi na tayo? Wala pa kasi akong kilala rito. Bagong transfer lang ako at kaka-shift ko lang ng course. Puro mas bata sa atin itong mga kaklase natin."
"Oo naman. Okay lang," sagot ni Steph.
"Doon tayo." Itinuro nito ang dalawang bakanteng magkatabing upuan sa likod at naglakad na ito patungo doon. "Kabilang dulo, malayo sa mayabang na lalake. Good," bulong ni Steph sa sarili.
Sumunod si Steph sa binata, saka naupo sa tabi nito.
Huminga nang malalim si Steph. Hindi niya alam kung paano niya masu-survive ang pag-aaral sa school na ito. Mukhang maraming balakid. May isa na ngang tetano sa kabilang dulo. Buti na lang malayo ito sa kanya, at mayroon namang isang matino sa tabi niya.
Maya-maya ay nagsidatingan na ang mga kaklase nila. Nagkanya-kanyang hanap ng upuan. Pumasok na din ang sa tingin niya ay professor nila.
"Good morning, class." Bati nito. Mukhang strikta. Nakasalamin din ito, nakapusod ang buhok, prim and proper ang uniform, at walang emosyon ang mukha pero kita pa rin ang nakatagong
ganda ng mukha at katawan sa kabila ng ayos nito. "Ngumingiti kaya ito?"
"I am Minerva Dea. Your professor in Personality Development and Public Relations." Tiningnan nito isa-isa ang mga estudyante niya. "At mukhang marami-rami akong trabaho sa inyo. Lalo ka na." Itinuro siya nito.
Napalubog naman siya sa kinauupuan niya. Hindi niya akalaing isi-single out siya ng professor na ito. Namula ang magkabilang pisngi niya.
"Your attire, your posture, your hair, everything is a mess. Hindi 'yan papasa sa corporate world. Advertising major ka pa naman."
Nagtawanan ang mga kaklase niya. Naluluha na si Steph sa pagkapahiya, pero hindi siya magpapatalo. Ano kaya kung alisin niya ang salamin niya, hawiin ang buhok niya at ipakita sa lahat ng ito ang mukha niya, magpatayan kaya sila? Napangisi si Steph sa iniisip niya.
"Ano ang nakakatawa sa sinabi ko, Miss? Ano ang pangalan mo?"
"Stephanie po."
"Miss Stephanie. May nakakatawa ba sa sinabi ko? Natutuwa ka sa itsura mo?" Pangmamata ng professor nila sa kaniya.
"Wala po."
"Bweno, introduce yourself. Mauna ka." Nagtawanan ulit ang mga kaklase niya. Hinawakan naman siya ng katabi niya sa braso. "Pagpasensyahan mo na siya," bulong nito. Sinagot lang niya nang ngiti ito.
Pinag-iinitan talaga siya ng professor na ito. "Gusto kong gumanti."
"Jared, pumikit ka."
"H-ha? Bakit?"
"Basta."
Pumikit ang binata.
Lumakad siya papunta sa gitna. Nagtatawanan nang mahina ang mga kaklase niya, nakita rin niya ang professor niya na parang naaaliw pa sa pambu-bully sa kanya. Ngumisi naman siya. Gusto niyang mamuhay nang tahimik at maayos pero pinipilit siya ng mga taong ito para maging masama.
Humarap siya sa mga kaklase niya habang nakatalikod sa professor niya. Nakatayo siya sa harap ng table nito. Nakatayo naman ito sa likod ng table paharap din sa buong klase.
"Good morning, my name is Stephanie de Dios. 20." Huminto ito at tiningnan ang buong klase. "At ang pinagtatawanan ninyo ay ito." Inalis ni Steph ang wig niya, na naglugay sa kanyang mahaba, makintab at kulut-kulot na buhok. Lumabas din ang magandang hugis ng kaniyang mukha. Inalis din niya ang kaniyang salamin. Napanganga ang buong klase sa kakaibang ganda na nakikita nila. Tila sila nahihipnotismo sa gandang ngayon lang nila nasilayan. Ang mga mata ng nakatingin sa kaniya ay tila mga nawalan ng sigla.