Chapter 39 - Ang cheap mo talaga
Ang sarap ng panaginip ko nang gabi’ng `yun.
Kasama ko raw si kuya. Magkatabi kaming natulog sa kama naming maliit, sa dati naming kuwarto sa bahay nina tito. Ginising n’ya `ko ng halik sa noo. Lalo naman ako’ng nagsumiksik na dibdib n’ya nang pilitin n’ya ako’ng bumangon. Tapos noon, pinilit ko s’yang maligo kasama ko, at matapos namin magbihis, pinagluto n’ya `ko ng paborito ko’ng silog mula sa bahaw na tira nila tito.
Pero alam ko, panaginip lang `yun, inggles kasi ng inggles si kuya, saka sa panaginip, ang silog ni kuya, may kasamang frank wurst at bacon. Binati pa n’ya ko ng happy birthday, at ang saya-saya ko nang halikan n’ya ko sa pisngi.
Pinatulog n’ya `uli ako matapos kumain at pinagbawalan mag-kape. Ayoko nga sana s’yang paalisin, eh, pero ma le-late na raw s’ya, at may program pa s’yang aasikasuhin.
Ang ganda talaga ng panaginip na `yun. Gusto ko pa nga sanang ituloy, eh, pero nagising na `ko at pagtingin ko, mag-aala una na pala.
Pumunta ako’ng banyo at inamoy ang sarili ko.
Mmm... ayos pa, in fact, mabango pa ko. Pati balbas ko, mukhang bagong-ahit lang. Sa sobrang ganda nang panaginip ko kanina, pakiramdam ko, busog pa ko sa niluto ni kuya! Kaya tumawag na ko ng taxi at dumiretso na papunta sa bahay ng aking bebe Meme.
”Tito Eric!” tawag sa `kin ng pinakamamahal ko’ng pamangkin nang pindutin ko ang doorbell. ”Ate Blessing! Kuya Nathan! `Andito na si tito Eric!”
Bumukas ang gate at tinalon ako ng pinaka-cute na 10 year old sa balat ng lupa!
“Bebe Meme! Kamusta na ang bebe ko?! Na miss mo ba si tito? Ha? Na-miss mo ba `ko?!” sabi ko sa pagsalo sa kan’ya.
“S’yempre po tito! Ang tagal mo’ng `di bumisita! Miss na miss ka na namin!”
”Kiss mo nga si tito? Wala ako’ng balbas ngayon, `di ka mangangati!” sabi ko rito.
“Mwah!” malakas nito’ng halik sa `king pisngi, “`Di nga po kita nakilala kanina, eh, ang pogi mo po `pag wala kang bigote at balbas! Dapat lagi ka mag-ahit para pogi ka lagi!”
“Kung `yun ang gusto ng bebe Meme ko, then, okay!” niyakap ko `to nang may panggigigil.
“At pag `di kayo naghiwalay ay mapipilitan na ako’ng sampahan ka ng RA 7610.”
Agad nawala ang malaking ngiti sa mukha ko. Napalingon ako sa likod. Sa nakakabwiset na mukha ng bayaw ko’ng nakahalukipkip sa may pinto.
“Louie. Buhay ka pa?” tawag ko rito na mukhang nagulat sa pagharap ko. “Ano, ba’t parang nakakita ka ng multo?!”
“Andito na pala si tito, kaya ang ingay nanaman ni Mercy!” nakangising bati sa `kin ng sutil ko’ng pamangkin.
“O, Nat-Nat, buti naman at `di na ko pinatatawag ng school mo.” Inabot ko at ginulo ang buhok nito. Mukhang tumangkad nanaman ang loko.
“Tito naman, Nathan, hindi Nat-Nat!” reklamo nito na nagmano sa `kin, “Hindi na ko baby na gaya ni bebe Meme.”
”`Oy kuya, `di na ko baby, ha!” reklamo ni Meme na binelat ang kapatid n’ya, ”Special lang si tito Eric kaya okay lang tawagin n’ya `kong bebe Meme hanggang ngayon!”
”Very special ka rin kay tito, bebe ko!” sabi ko rito, sabay yakap.
“Tito! Pasok na po kayo! May surprise kami para sa `yo!” tawag naman sa `kin ni Bless na dalagang-dalaga na. Inabot n’ya ang kamay ko at nagmano, tapos ay tuluyan na ako’ng hinatak ng tatlo papasok ng bahay.
Agad ko’ng nakita ang malaking wedding picture ng magulang nila sa entry way, katabi ng mas maliliit na litrato ng tatlo. Lagi ako’ng napapatitig sa litrato’ng `to tuwing nandito ako, buhay na buhay kasi si kuya rito. Original Serapico ang painting na gawa ng isang batikang pintor, ang ganda ng ngiti ni kuya rito, at nagniningning ang mga mata n’ya na nakatingin sa katabi n’ya.
Kung bakit kasi si Louie ang kanyang katabi.
”Lika na, dali, tito!” pilit sa `kin nina Meme na hinatak ako papuntang kusina.
Doon, nakapatong sa mahabang mesa, ay ang isang 2-tier strawbery cake na may design sa tuktok na lalaking puro balbas at may dalang test tube. May sliced strawberries ito sa paligid at iba pang mga berries na nakapalibot sa base nito.
”Wow! Kada-taon, paganda nang paganda mga cake ko, ha?!”
“Kami po ni Meme ang nag-bake n’yan!” pagmamalaki ni Bless.
“Ako naman ang nag-drawing!” tumatawang sabi ni Nat-Nat.
“Kaya pala mukha ako’ng rambutan na tinubuan ng mukha!” sabi ko.
“Bad trip nga, tito, ba’t ngayon mo pa naisipang mag-ahit?” sabi nito, “Pero, bagay, ha? Lumabas ang pagka-pogi ng lahi natin!” uto pa nito.
“Flatery won’t get you anywhere, Nat-Nat, tandaan mo usapan natin, isang kaso na lang, public highschool ang bagsak mo!”
Napakamot ito ng ulo.
Tumingin naman ako kay Louie na nakatunganga sa `min na parang tanga.
”Ikaw, anong ambag mo sa cake ko?” tanong ko rito.
Para `to’ng biglang natauhan, sabay irap at halukipkip.
”Ako bumili ng ingredients, bakit?” sagot nito.
“Ang cheap mo talaga.”
“May gift pa kami sa `yo, tito!” sabi ni Bless.
Inabutan ako ni Meme ng regalo. Nakangisi ko `tong binuksan, at natuwa nang makita ang laman nito.
”Woah! Kapitan Kalabaw commemorative mug!” niyakap ko ang tatlo ko’ng mga pamangkin.
“Nakita ko po `yung rant mo sa TweetMe account mo, na nabasag `yung mug mo na bigay ni papa Jonas...” sabi ni Bless.
“Oo nga, tito, bihira ka na nga mag-tweet sa 38 followers mo, rant pa ang huli!” dagdag ni Nat-Nat.
“Buti na lang may nahanap kami’ng commemorative mug sa internet, kaya binili agad namin para sa `yo!” pagtatapos ni Meme.
“Maraming salamat! I will treasure this forever!” sabi ko sa kanila. “Bad trip k’se ang bagong assistant ko, masyadong pakielamero! Pati nga `tong balbas ko’t bigote s’ya nagpaahit, eh!”
“Eh, `di sisantehin mo na agad!” sabi ni Nat-Nat.
“`Di p’wede, padala s’ya mula sa UACME branch, at matalino rin s’ya, masipag, at madaling utusan.”
“Ay, tito, girl ba s’ya?” nakangising tanong ng bebe Meme ko.
“Hindi, no, at bakit alam mo na `yung mga ganyan, ha?” nginusuan ko `to. “Omega s’ya, actually, at napakagaling sa trabaho n’ya. `Di ko tuloy mahanapan ng pintas para palayasin.”
“Oh, an omega?” tanong ni Nat-Nat na manyak. ”May picture ka tito?”
“Um, loko.” Kinutusan ko `to.
”Aray!”
”`Wag mo nang balakin at sa susunod, sa military academy na kita ipapasok!”
”Biro lang naman tito!” tumatawa nito’ng sabi.
“At oo nga pala...” inilabas ko ang telepono ko, “Sabi ko padadalan ko s’ya ng picture para mainggit s’ya sa mga cute ko’ng pamangkin! Halika, picture-picture tayo!”
Nagsiksikan nga kaming magtitiyo sa litrato.
”Papa! Sama ka rin!” tawag ni Bebe sa tatay na.
“`Di na.” sagot ng asungot.
“`Wag na,” sabat ko. “O, big smiles! One, two, three, cheeers!”
“Tito, magkamukhang-magkamukha tayo sa pic!” masayang sabi ni Meme na kinapalakpak ng taenga ko.
“Oo, Mercy, kamukha kasi ni tito Eric si papa Jonas.” sabi ng ate Bless n’ya.
”`Oy, `di hamak na mas pogi ang papa n’yo, ha!” singit ni Louie na naglagay ng dalawang malalaking bote ng softdrinks sa mesa. ”Bilisan n’yo nang kumain at baka mahuli tayo sa misa.”
”Anong oras ka ba nagpamisa?” tanong ko rito.
”Alas-tres.”
”Ang aga naman! Sana mga alas-sais o alas-siyete para sabay uwi.”
“Gusto ko’ng magsimba muna bago ang dalaw,” sabi nito, “at alam mo naman na may summer class pa si Nathan bukas.”
“Si kuya kasi, eh, hilig mag-cutting, may summer tuloy s’ya ngayon!” reklamo ni Bebe.
“Inggit ka?” binelat ito ng kanyang kuya.
“So, `di tayo p’wedeng mag-star gazing sa gabi?” tanong ko.
“Buti nga pumayag ang teacher n’ya na mag-absent s’ya ngayon, eh,” sabi ni Louie, “mas importante pa rin s’yempre ang studies.”
“Sabi ng taong madalas isama sa arcade ang kuya ko hanggang gabi.”
Tinitigan ako ni Louie ng masama.
“Inggit ka naman dahil `di kita sinasama,” belat nito sa `kin.
”Ha! Ayoko talaga’ng sumama `pag andoon ka! Gusto ko si kuya lang kasama ko lagi, at walang buntot na asungot na tulad mo!”
“Sabihin mo, ang alam mo lang laro, yung bisiro’ng taas-baba!” pang-asar nito sa `kin.
“Hindi laro `yun!” bara ko rito!
“Alam ko. `Yun lang kaya mo’ng sakyan, eh, tapos mag ta-tantrum ka pa `pag `di mo makuha `yung gusto mo sa UFO catcher!” natatawa nito’ng sabi.
“Pano ang bano mo sa UFO catcher!” naiirita ko’ng sagot, “Buti pa si kuya, nakakakuha ng prize!”
“O, eh, sino’ng bumibili ng token?” tabla nito.
“Ha! Gusto mo balik ko lahat ng token mo?!”
“Sige ba, mamaya daan tayo sa arcade matapos dalawin si Jonas!”
“Pa, tito Eric, tama na.” natatawang sabi ni Bless na pumagitna sa `min. “Para talaga kayong aso’t pusa `pag magkasama kayo.”
“Pareho kasing mayayabang, eh.” bulong ni Nat-Nat.
“Anong sabi mo?” sabay naming sabi ni Louie.
“Jinx!” sigaw ni Meme, “Ngayon, bawal kayo pareho magsalita!”
“Tamang-tama, kain na tayo ng cake, tapos baunin natin `yung iba kay papa Jonas,” sabi ni Bless na pinutol na ang cake. “Favorite `to nina papa,” dagdag n’ya, “vanilla.”